44

GABI na pero hindi pa rin dalawin ng antok si Jason. Naiisip niya ang tatay niya. No'ng umuwi siya sa Mindoro para kausapin ang kanyang mga magulang upang ipaunawa sa mga ito ang kanyang sitwasyon, inaasahan na niyang mas magkakaproblema siya sa kanyang ama. Hindi niya inasahang ito pa pala ang mas makauunawa sa kanya. Mas matigas pala ang puso ng kanyang ina.

Kilala niya ang nanay niya bilang isang maunawaing babae. Pero naiintindihan niya kung bakit hindi nito matanggap ang pinasok niyang sitwasyon. Mahirap naman talaga para sa isang magulang na tanggaping ang anak na pinalaki nila nang maayos ay papasok lang sa isang kumplikadong relasyon. Hindi nga lang basta kumplikado, kakatwa pa at hindi tanggap ng ipokritong lipunan.

Napabuga ng hangin si Jason. Hindi niya alam kung kailan darating ang panahon na matatanggap siya ng kanyang ina. Pero hindi siya magsasawang umasa na darating din ang araw na iyon.

Pero may mas malaki pa siyang problema, si Anton.

Kahit naman matanggap siya ng kanyang ina ay balewala rin naman ang lahat kung hindi na siya mapapatawad ni Anton.

Ano ba ang kailangan niyang gawin para mawala ang galit nito sa kanya? Ayaw niyang mawala sa kanya si Anton. Pero paano kung ito ang may gusto na mawala na siya sa buhay nito?

Hindi. Hindi siya makapapayag sa gano'n. Gagawin niya kahit ano, magkabalikan lang ulit sila ni Anton.

NAGHAHANDA ng agahan si Jairus nang makita nitong bumaba ng hagdan si Anton at diretsong naglakad papuntang pintuan ng bahay. Hinabol nito ang kaibigan.

"O, aalis ka na ba, best friend? Kumain ka muna. Handa na ang almusal," sabi nito sa kaibigan at sinubukan pang habulin ito.

"Hindi na. Sa opisina na lang ako kakain," sagot nito nang hindi lumilingon at diretso lang na naglakad papalabas ng pintuan ng bahay. Hindi na nga nakasagot pa si Jairus dahil nawala na sa paningin nito ang kaibigan nang isara ni Anton ang pinto. Napailing-iling na lang si Jairus at saka ito bumalik sa kusina.

SI JASON ay pumasok na rin sa trabaho at piniling gawing abala ang sarili sa mga natambak na gawain sa opisina. Pero plano niyang sunduin mamaya sa opisina si Anton. Kung kinakailangang suyuin niya itong muli ay gagawin niya bumalik lang ang tiwala at dating pagtingin nito sa kanya.

Masigla niyang tinapos ang lahat ng trabahong hindi niya nagawa kahapon dahil sa ginawa niyang pag-absent. Nang mag-lunch break ay sumabay siyang kumain sa kanyang mga kaopisina. Pero bago iyon ay nag-text siya kay Anton para paalalahanan ito na 'wag kalimutang kumain.

Hindi sumagot si Anton sa ipinadala niyang mensahe.

BANDANG alas-tres ng hapon ay nagkaroon ng bisita sa bahay si Shelley.

Hindi na siya nagulat nang buksan ang pinto at makita kung sino ang dumating.

"O, Yuri mabuti naman at dumating ka na. Kanina pa kita hinihintay. Nasaan si Attorney?" salubong na tanong niya rito.

"Papasukin mo muna ako," salubong ang kilay nitong sabi.

Binigyan niya ng madadaanan ang lalaki. "Pumasok ka..."

Humakbang si Yuri papasok. "Bumalik na sa opisina si Attorney pagkatapos niya akong piyansahan. Salamat sa tulong mo. Akala ko, mabubulok na ako sa kulungang 'yon."

Dinampot ni Shelley ang sigarilyo at lighter na nasa center table at sinindihan ang sigarilyo. Hinithit nito ang yosi bago muling nagsalita. "Iyan ang napapala ng katangahan mo. Pasalamat ka at grave threat lang ang ikinaso sa'yo. Kaya puwedeng piyansahan."

Uminit ang ulo ni Yuri. "Kasalanan mo naman kung ba't ko ginawa 'yon. Kung 'di mo ako inutusang guluhin sina Anton at Carlo, hindi sana ako napasok sa ganitong sitwasyon."

"Ang sabihin mo, bobo ka kasi. Hindi ka marunong dumiskarte. Umagang-umaga manunutok ka ng patalim sa gitna ng kalye. Daanan 'yon ng mga taong papasok sa trabaho. Hindi ka nag-iisip. Eh, kung pinabayaan na lang kitang mabulok sa kulungan?"

"Hindi mo gagawin iyon kasi idadamay kita," nanlilisik ang matang sabi ni Yuri.

Lumipad ang kamay ni Shelley. Halos mabingi si Yuri sa lakas ng sampal na dumapo sa kanyang pisngi. Nayanig ang kanyang mukha.

"Gago ka! Bago mo magawa 'yon, papatayin na muna kita. Umalis ka na rito! At 'wag ka nang magpapakita sa akin kahit kelan!"

Isang matalim na tingin ang ipinukol ni Yuri kay Shelley bago ito nagmamadaling lumabas ng bahay.

MALAKI ang ngiting nakarehistro sa mukha ni Jason nang lapitan niya ang receptionist sa opisina nina Anton.

"Miss, I'm looking for Anton."

"Ah, si Sir Anton? Kalalabas lang niya, eh. Mga fifteen minutes pa lang siguro."

"Umuwi na?" tanong pa niya.

"Hindi ko lang sure, sir. May sumundo kasi sa kanya rito kanina."

"Ahh..." Iyon lang ang nasabi ni Jason. "Sige, thank you," paalam pa niya sa kausap bago niya nilisan ang opisina ni Anton.

Sa elevator ay iniisip ni Jason kung sino ang sumundo kay Anton. Isang pangalan lang ang pumapasok sa utak niya, si Carlo. Sana naman ay mali siya. Selos na selos talaga siya sa Carlo na 'yon. Kailangan niyang makatiyak. Paglabas ng elevator ay kaagad niyang tinawagan si Anton. Narinig niyang tumutunog ang teleponong tinawagan pero walang Anton na sumagot sa tawag niya.

Tumawag siyang muli. Ganoon pa rin. Nagri-ring ang telepono ni Anton, pero hindi nito sinasagot ang tawag niya.

Pinadalhan niya ito ng text message.

Please answer my call.

Wala rin siyang natanggap na sagot sa mensahe.

Naalala niya si Jairus. Baka alam nito kung nasaan si Anton. Tinawagan niya ang best friend ni Anton.

Isang ring pa lang ng telepono ay narinig na niya kaagad ang boses ni Jairus.

"Hello... Jason?"

"Alam mo ba kung nasaan si Anton?"

"Ah, katatapos nga lang naming mag-usap. Tumawag siya para sabihing gagabihin daw siya ng uwi."

"Bakit? Saan siya pupunta? Sinong kasama niya?"

"Hindi naman niya sinabi kung saan siya pupunta. Hindi na rin ako nagtanong, baka singhalan pa ako no'n. Kasama niya si Carlo... Ay! Teka, ba't ko ba nasabi sa'yo?"

"Si Carlo nga ang kasama niya... Si Carlo ang sumundo sa kanya sa opisina kanina kaya pagdating ko roon ay wala na siya."

"Pumunta ka sa opisina ni Anton?"

Wala nang narinig na sagot si Jairus dahil nawala na sa linya ang kausap niya.

NATAGPUAN na lang ni Jason ang sarili na nasa Cubao. Ewan kung bakit niya naisipang pumunta roon. Siguro ay dahil sa matinding pangungulila niya kay Anton. Naglakad siya nang hindi alam kung saan pupunta. Basta naglakad lang siya.

Mamaya pa ay huminto siya sa isang pamilyar na lugar. Tapos ay mapait siyang ngumiti. Hindi niya makakalimutan ang lugar na ito dahil dito sila nagkakilala ni Anton. Malinaw pa sa alaala niya ang araw na nagkakilala sila.

"Ako nga pala si Jason." Inilahad nito ang palad. "Ikaw, anong name mo?"

"Anton..." Tinanggap ni Anton ang palad ng bagong kakilala at saglit na nakipagkamay rito.

Muling napangiti ng mapait si Jason. Miss na miss na niya si Anton.

Naglakad pa siya sa bahaging iyon ng Cubao hanggang sa madaanan niya ang isang bar.

"Moonlight Bar."

Saglit siyang nag-isip kung papasok ba siya sa bar o hindi. Pero mas mabuti nga sigurong lunurin niya sa alak ang problemang hindi na niya alam kung malulutas pa niya.

Pumasok siya sa Moonlight Bar at humanap ng mapupuwestuhan.

Isang tauhan ng bar ang kaagad na lumapit sa kanya.

"Beer, sir?"

Tumango siya. "Isang bucket. At saka pulutan na rin."

"Anong pulutan, sir?"

"Anong meron?"

"Sisig, sir. Meron ding calamares, tacos at saka chicharong bulaklak."

"Calamares na lang."

"Okay, sir."

Tinanguan na lang niya ang papaalis na staff ng bar dahil napako ang tingin niya sa lalaking kumakanta sa stage. Bakit ang tingin niya'y nakatitig sa kanya ang lalaking iyon? Sa kanya ba talaga nakatingin? Bahagya pa siyang lumingon sa kanyang likuran para matiyak kung may iba pa bang tinitingnan sa gawi niya ang lalaking nasa stage. Pero wala namang ibang tao roon. Sigurado siyang sa kanya nga nakatingin ang lalaki.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top