43

"AALIS na po ako, 'Tay, 'Nay." Bitbit ang kanyang asul na backpack ay nagpaalam si Jason sa kanyang mga magulang. "Pakisabi na lang po sa ate na umuwi ako pero saglit lang."

"Mag-iingat ka sa biyahe," paalala ng kanyang ama.

"Opo," maikli niyang sagot kasabay ang pagtango. Nilingon niya ang ina pero palihim lang siyang inirapan nito. Halata namang hindi pa rin nito matanggap ang sitwasyon kahit na ba mukhang okay na sa kanyang ama.

"Wala ka bang sasabihin sa anak mo?" tanong ni Lino sa asawa.

"Eh, 'di ba nag-usap na kayo? Ano pa ba ang sasabihin ko?" mataray nitong sagot. "Wala na akong magagawa. Nagkaayos na kayo."

Tumingin sa kanya ang ama at tumango. "Sige na, lumakad ka na at baka 'di mo maabutan ang barko. Ako na ang bahala rito sa nanay mo."

"Opo, salamat." Mabigat ang mga paang naglakad siya patungo sa sakayan ng tricycle na maghahatid sa kanya sa highway para makasakay ng bus. Nasulyapan pa niya ang ilang mga kapitbahay na nakatingin sa kanya. Pakiramdam niya'y siya na naman ang magiging sentro ng usapan ng mga ito mamaya pero wala na siyang pakialam. Ang mahalaga sa kanya ay nauunawaan siya ng kanyang ama at umaasa siyang matatanggap din siya ng kanyang ina sa mga darating na araw.

PAPASOK na rin sa taksi si Yuri pero bago nito nagawa ay sinipa ito ni Anton. Bahagyang tumilapon ang lalaki. Sinamantala iyon ni Anton para makalabas sa taksi. Pero maagap siyang nahawakan ni Yuri sa kamay at nahatak.

Ipinagtulakan siya ni Yuri papasok sa loob ng taksi.

"Sakay! Sumakay ka!" sigaw ng lalaki kay Anton.

"Boss, ayaw kong madamay sa gulo n'yo. Sa iba na lang kayo sumakay," sabi ng drayber ng taksi sabay mabilis nitong pinatakbo ang sasakyan.

"Hoy! Puta..." sigaw ni Yuri sa drayber sabay napakamot na lang sa ulo. Pinagbalingan niya si Anton. "Halika rito!" Hinawakan niya ito sa braso at hinila, saka tinutukan ng patalim sa leeg.

Hindi ganap na makalapit si Carlo sa dalawa. "Bitiwan mo siya!" utos niya kay Yuri.

"Gago! Umalis ka rito kung ayaw mong madamay.

Hindi malaman ni Carlo kung paano tutulungan si Anton.

Napangiwi si Anton nang bahagyang dumiin sa leeg niya ang nakatutok na patalim. Alam niya, sa konting pagkakamali ay aagos ang dugo mula sa kanyang leeg.

Tinantiya niya kung kakayanin niyang agawin mula kay Yuri ang patalim. Pero tila ba nabasa ng lalaki ang kanyang iniisip.

"Huwag mong tatangkaing agawin ito, baka magulat ako eh, maisaksak ko ito sa kahit na anong parte ng katawan mo," banta pa nito sa kanya.

"Akala mo ba makakatakas ka pa? Dumadami na ang mga tao sa paligid. Mamaya lang ay may darating ng mga pulis. Mapapatay mo siguro ako, pero wala ka ring ligtas. Sa kulungan ang bagsak mo, Yuri."

Noon lang napansin ng lalaki na nakakatawag na pala sila ng atensyon ng iba pang mga tao sa lugar na iyon.

Kinabahan si Yuri. Hindi kasama sa plano niya ang makulong. Kung mayroong dapat makulong ay si Shelley, hindi siya!

Bigla ang naging pasya ni Yuri. Itinulak niya pasubsob sa kalsada si Anton at saka tumalikod para tumakas pero hindi niya akalaing isang police mobile ang huminto ilang metro ang layo sa kanya at mula rito ay bumaba ang tatlong pulis at agad na tumakbo papalapit sa kanya. Bawat isa ay nakatutok sa kanya ang baril.

Agad na tinulungan ni Carlo na makabangon si Anton.

"Tigil! Taas ang mga kamay!" sigaw ng isang pulis na hindi inaaalis ang pagkakatutok ng baril nito kay Yuri.

Napahinto si Yuri kasabay ang pagtaas ng dalawang kamay. Hawak pa rin nito sa kaliwang kamay ang patalim.

"Ihagis mo sa semento ang hawak mo!" mariing utos ng pulis. Ang dalawang kasama nito ay nakaantabay lang at handa sa anumang maling pagkilos na puwedeng gawin ni Yuri.

Walang nagawa si Yuri kundi ang sumunod sa sinabi ng pulis. Pagkahagis ng patalim sa semento sa kanyang harapan ay muli niyang itinaas ang kanyang dalawang kamay tanda ng pagsuko.

Kaagad na lumapit sa kanya ang dalawang pulis at ang isa ay nilagyan siya ng posas habang ang isa naman ay mabilis siyang kinapkapan sa buong katawan. Nang masigurong wala na siyang dalang anumang mapanganib na sandata ay ineskortan siya ng mga ito papasakay sa police mobile.

"Sir, maaari bang sumama rin kayo sa amin para makapagsampa ng pormal na reklamo laban sa lalaking ito?" tanong ng isang pulis kay Anton.

Nagkatinginan sina Anton at Carlo. Nakita ng una ang pagtango ng huli.

"Sige, sasama ako..."

"Sasama na rin ako, Anton," sabi ni Carlo.

"Sige, boss. Magtataksi na lang kami. Susunod kami sa inyo." Si Anton.

"Areglado," sagot ng pulis pagkatapos ay sumakay na rin ito sa police car na magdadala kay Yuri sa presinto.

PAGDATING  sa presinto ay nagwala si Yuri.

"Wala akong kasalanan! Pakawalan n'yo ako! Hindi ko siya kikidnapin!" sigaw nito habang pilit na kumakawala sa pagkakahawak ng pulis sa kanyang braso.

"Huwag ka nang pumalag, bata. Baka mas lalong dumami ang asunto mo," paalala sa kanya ng pulis.

Pagdating sa desk ng investigating officer ay pinaupo siya sa silyang naroon.

"Anong kaso niyan?" tanong ng investigating officer.

"Illegal possession of deadly weapon. Pwedeng madagdagan ng frustrated kidnapping kapag nagsampa ng kaso 'yong lalaking dudukutin sana niya," sagot ng pulis na kasama ni Yuri.

"Hindi ko siya kikidnapin. I just invited him to come with me. May pupuntahan lang kami," mariing tanggi ni Yuri. "Magkakilala kami ni Anton."

"Mas makabubuting kumuha ka na ng abogado mo," payo ng pulis. "Mukhang magtatagal ka rito." Bumaling ang pulis sa investigating officer. "Ikaw na ang bahala riyan." At iniwan na niya ang dalawa.

"Anong pangalan mo?" tanong ng investigating officer.

"Yuri Chavez."

"Edad?"

"Twenty-six."

"Tirahan?"

Noon dumating sa presinto sina Anton at Carlo. Dumiretso sila sa isang silid upang pormal na maghain ng reklamo laban kay Yuri.

ALAS-SIETE na ng gabi nang makarating ng Maynila si Jason. Tumuloy siya sa dati niyang boarding house bago pa siya tumira sa bahay ni Anton. Mabuti na lamang at may bakante pang isang kuwarto kaya madali niyang napakiusapan ang may-ari na doon na muli siya titira kahit na wala siyang ibinigay na deposit at advance payment.

Pagpasok sa loob ng silid ay hinubad lang ni Jason ang suot na sapatos at medyas at ibinagsak na niya ang katawan sa kama. Hindi na niya nakuhang magpalit ng damit dahil sa sobrang pagod. Hindi na rin niya nagawang kumain muna ng hapunan. Ang tanging gusto lang niyang gawin sa mga oras na iyon ay pumikit at bigyan ng pahinga ang pagal niyang katawan.

NAGTAKA pa si Jairus nang dumating sa bahay si Anton.

"Bakit ginabi ka?" tanong nito sa matalik na kaibigan.

"Tinapos ko pa kasi 'yong trabaho sa opisina. Hindi ko kasi nagawa kaagad dahil nagpunta pa ako ng presinto," kaswal na sagot ni Anton.

"Ha? Anong ginawa mo sa presinto?" gulat na tanong ng matabang bakla.

"Nakaproblema kasi ako kaninang umaga. Iyong kaibigan ni Shelley, muntik na akong kidnapin."

Nanlaki ang mga mata ni Jairus. "Paano? Ano'ng ginawa mo?"

"Buti na lang dumating si Carlo... at ang mga pulis."

Umangat ang kilay ni Jairus. "Carlo na naman? Hindi ka nadadala, best friend?"

Tumulong lang 'yong tao. Huwag mo nang bigyan ng ibang kahulugan."

"Si Jason, nagkausap na ba kayo?"

Umiling si Anton. "Huwag na nating ipilit ang isang bagay na hindi na talaga puwede," sagot niya. "Kung kami talaga, gagawa ng paraan ang tadhana na magkasundo kaming muli. Pero para ako mismo ang gumawa ng paraan para mangyari iyon, malabo."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top