41
HINDI inaasahan ni Carlo ang pagdating ng kanyang bisita.
"Shelley? Anong ginagawa mo rito?" gulat niyang tanong nang mapagbuksan ng pinto ang dati niyang kinakasama.
"Nagpunta lang ako rito para sabihan ka na puwede ka nang bumalik sa bahay. Kalimutan na natin ang nangyari. Magsama na tayo ulit," dire-diretsong sabi ng bakla.
Sunod-sunod ang iling ni Carlo. "No! Akala mo ba nagtatampo lang ako na kapag inuto eh babalik na 'yong dating tayo?" Mapait ang ngiti niya. "Pasensya na, Shelley. Hindi na ako babalik sa bahay mo."
Tumikwas ang kilay ng bakla. "Umaasa ka pa rin ba na magkakabalikan kayo no'ng matandang ex mo?" Tinitigan nito si Carlo.
"Hindi. Nagkausap na kami. Magkaibigan na kami. At kuntento na ako roon."
Umismid si Shelley. Halatang hindi ito naniniwala sa sinabi ng kausap. "So, nagkikita pa rin kayo?"
"Umalis ka na." Hindi niya sinagot ang tanong nito. "Wala na tayong dapat pag-usapan pa."
Ngumiti nang mapait si Shelley, pagkatapos ay nag-iwan ng isang banta. "Hindi pa tayo tapos, Carlo. You'll get what you deserve. Pati na ang matandang hinahabol-habol mo!" Pinanlisikan niya ng mata ang binata.
"Huwag mo nang sinasabi. Gawin mo na lang dahil hindi ako natatakot sa'yo."
MALAYO rin ang ibibiyahe ni Jason para marating ang bahay nila sa Mindoro. Mabuti na lang at may natira pang pera niya sa ATM. Kakasya pa iyon para makauwi siya ng probinsiya at kausapin nang masinsinan ang kanyang mga magulang.
Pagkababa niya ng ferry sa Calapan ay sumakay siya ng bus na biyaheng Roxas. Bababa siya sa bayan ng Pinamalayan kung saan siya isinilang at lumaki.
Matagal din ang naging biyahe niya sa bus bago niya narating ang kanilang lugar sa probinsiya ng Mindoro.
Sarado ang pinto ng kanilang bahay nang siya'y dumating kaya tumawag siya.
"Tao po! 'Nay! 'Tay! Tao po!"
Dumilim ang mukha ng nanay niya nang makita siya.
"Anong masamang hangin ang nagtaboy sa'yo rito?" Halata ang sama ng loob sa boses ng nanay ni Jason. "Kung hindi pa rin kayo naghihiwalay ng matandang baklang kinakasama mo, huwag kang makaakyat-akyat sa bahay namin. Hindi ka welcome rito."
"Sino ba 'yang dumating?" Mula sa loob ng bahay ay lumabas ang kanyang amang si Mang Lino.
"'Tay..."
"Ba't 'di mo papasukin ang anak mo?"
"Para ano? Para isipin ng mga kapitbahay na kinukunsinti natin ang pakikipagrelasyon niya sa matandang baklang iyon? Hindi puwede!" Matigas ang pagtanggi ng babae.
"Kaysa naman dito kayo magtungayawan. Mas lalo kayong tatawag ng atensyon ng kapitbahay. Papasukin mo na 'yang anak mo. Tingnan mo, mukhang pagod na pagod."
Sumimangot ang ina ni Jason, pero pagkalipas ng ilang minuto ay nagbigay ito ng daan. "Sige, pumasok ka. Siguruhin mo lang na hindi ka magtatagal dito. Hindi ka puwedeng matulog dito."
Walang imik siyang pumasok sa loob ng bahay. Ganoon pa rin ang bahay nila. Luma. Walang ipinagbago. Ang pangako niya sa mga magulang na ipagagawa ang kanilang bahay ay hindi pa rin niya natutupad. Sabagay, kailan lang naman siya nagsimulang magtrabaho.
"Maupo ka," sabi ng ina niya.
"Ba't 'di mo papasukin sa kuwarto niya para makapagpahinga siya," untag naman ng tatay niya.
"Hindi. Aalis din siya. Hindi puwedeng naririto siya. Ayokong lalo pa tayong pagtsismisan ng mga kapitbahay."
"Huwag po kayong mag-alala," sabi niya na nananatiling nakatayo. "Hindi po ako magtatagal dito. Pumunta lang ako para humingi ng tawad sa inyo kung nagdala man ng problema sa pamilya natin ang ginawa kong pakikipagrelasyon kay Anton."
"Hindi lang problema," sagot ng nanay niya. "Kahihiyan din! Kapag naglalakad kami sa kalye, para kaming walang ulo sa sobrang kahihiyan dahil pinagbubulungan kami ng mga tao. At 'yon ay dahil sa'yo!"
"Hindi n'yo naman kailangang problemahin ang ibang tao, 'Nay. Hayaan n'yo silang magtsismisan. Magsasawa rin sila. Pinag-uusapan lang nila ako kasi bago pa. At bihira lang may kumalat na balita rito sa atin na may nangyayaring ganito. Pero sigurado bang ako lang talaga? Andaming mga bakla rito, 'Nay. Hindi ako naniniwalang wala silang boyfriend. Ibig sabihin, hindi lang ako ang lalaking tagarito na nakipagrelasyon sa bakla. Hindi lang nabalita 'yong iba," paliwanag pa niya.
"Huwag mong bigyang katwiran ang kaimoralan mo. Hindi ka namin pinalaking ganyan." Pinandilatan siya ng ina niya. "Nakakadiri ang ginagawa mo. Nakakadiri ka!"
"Magulang ko kayo, "Nay... pamilya. Kayo 'yong huling taong iniisip kong mandidiri sa akin. Wala akong tinapakang tao. Nagmahal lang ako. Mahirap po ba sa inyong tanggapin na ang anak n'yo ay gumawa ng bagay na lihis sa nakasanayang gawin ng iba? Paano ako aasang tatanggapin ako ng ibang tao kung pamilya ko mismo ay hindi ako matanggap?"
"Tama na 'yan," saway ng tatay niya. "Bangayan kayo nang bangayan. Pag-usapan n'yo nang maayos. Hindi iyong ganyan, inuuna n'yo ang galit."
"Sino ba ang hindi magagalit sa ginawa nitong anak mo? Ikaw ba, natutuwa? Napaaway ka na nga para ipagtanggol ang gagong 'to." Ayaw talagang paawat ng nanay niya.
"Wala akong tinatapakang tao, 'Nay. Huwag n'yo na lang pansinin ang mga kapitbahay. Magsasawa rin sila sa katsitsismis."
"Jason, pumasok ka sa kuwarto mo. Tayong dalawa ang mag-uusap," utos ng ama niya.
"Pagsabihan mo 'yan. Tumatanda nang paurong," pahabol pang sabi ng nanay ni Jason.
MULING tinawagan ni Shelley si Yuri.
"Bakit na naman?" yamot na tanong ng lalaki.
"Tutal, hindi mo naman magawa ang ipinag-uutos ko sa'yo iba na lang ang ipagagawa ko," walang paligoy-ligoy na sabi ni Shelley.
"Ano na naman?"
"Naalala mo 'yong sinabi ko sa'yo dati? Kung hindi mo sila mapaghiwalay, burahin mo sila sa mundo," diretsong sabi ng bakla.
"Seryoso ka?"
"Kailan ba ako nakipagbiruan sa'yo?"
"Wala sa usapan natin na papatay ako ng tao, Shelley! Gago lang ako. At malibog. Pero hindi ako kriminal," mariin niyang sabi.
"Bayad ka na, gago! Pero wala ka pang nagagawa sa ipinag-uutos ko. Kaya 'yan na lang ang gawin mo. Idispatsa mo si Anton at Carlo! I'm giving you one week to do that. Hindi ko na problema kung paano mo gagawin. I just want them dead!"
"At kung hindi ako sumunod sa utos mo?"
"Then, wala akong magagawa kundi... patayin ka!"
"Huwag mo akong takutin. Hindi ako natatakot sa'yong bakla ka."
"Hindi naman kita tinatakot, ah. Sinasabi ko lang ang puwede kong gawin sa'yo kapag hindi mo sinunod ang ipinag-uutos ko. Gusto mo akong gaguhin, puwes ipakikita ko sa'yo kung sino ang mas gago sa atin." Iyon lang at binabaan na niya ng telepono ang kausap.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top