4
"SALAMAT..."
"Saan?" naitanong ni Anton.
"Sa pagpayag mong makipagkita sa akin ngayon. Sa pagsama mo sa aking manood ng sine." Hindi inaalis ni Jason ang tingin sa mukha ni Anton.
"Ah, wala 'yun. Salamat din sa paglibre mo sa akin sa Bonchon." Bagama't naasiwa si Anton sa pagtitig ni Jason ay binalewala na lang niya ito. "O, paano? Uuwi na ako."
"Puwede ba kitang ihatid sa inyo?" Nakikiusap ang tinig ni Jason.
"Huwag na. Next time na lang. Gagabihin ka na naman, eh. Magte-text na lang ako sa'yo mamaya."
"Sinabi mo 'yan, ha? Maghihintay ako..." Parang biglang nabuhay ang dugo ni Jason. Tila excited ito na parang kinikilig din.
Tumango si Anton. "Yup! I'll text you."
"Okay, okay. Sige, ihahatid na lang kita sa sakayan."
Hindi na nakatanggi si Anton nang hawakan ni Jason ang kamay niya at naglakad na ito patungong sakayan. "Mag-fx ka na lang para mas mabilis kang makasakay."
Sinubukan ni Anton na makawala sa pagkakahawak ni Jason pero mahigpit ang kapit ng binata.
"Ayaw mo ba na hinahawakan kita?"
"Ha? Hindi naman. Ikaw lang ang inaalala ko. Baka pagtinginan tayo ng mga tao."
"Eh, ano naman? Wala naman akong pakialam kung magtinginan man sila. Wala rin akong pakialam kahit ano pa ang sabihin nila."
Hindi nakasagot si Anton.
"Hindi ako nahihiya. Hindi kita ikinahihiya..." Buong tamis na ngumiti si Jason. Lumitaw ang buo at mapuputi nitong mga ngipin. Sa tingin ni Anton ay mas lalo pang gumuwapo si Jason.
"Masarap magmahal, pero mas masarap 'yung mahal ka rin ng taong minamahal mo," parang wala sa sariling biglang nasabi ni Jason.
"Ha? Ano 'yun?" tanong ni Anton.
"Wala. Sabi ko, sumakay ka na para makauwi ka na."
"Ah, o sige, mauna na ako sa'yo. Mag-iingat ka lagi. At salamat ulit sa libre."
"Basta ikaw! Sana maulit pa 'to."
Nginitian ni Anton si Jason. "Bye, bye!"
"Text ka, ha?" sabi ni Jason na sumenyas pa na tila nagtetext.
Sumakay na sa fx si Anton. Hindi agad umalis si Jason. Hinintay pa nitong makaalis ang fx bago ito nagpasyang sumakay ng jeep pauwi.
Mabilis na nakauwi si Anton. Kapapasok pa lang niya sa bahay ay sinalubong na siya ni Jairus.
"Kumusta ang date?" sabi nito habang malapad ang pagkakangiti.
Tuloy-tuloy lang na naglakad si Anton patungong kuwarto.
"Hoy, sumagot ka naman! Kainis 'to, ayaw man lang magkuwento." Sumunod si Jairus kay Anton.
"Wala naman akong ikukuwento," matabang na sabi ni Anton.
"Anong wala? Eh, 'di ba nakipag-date ka sa papa mo?"
"Wala akong ikukuwento sa'yo! Matulog ka na."
"Ayoko nga. Hinintay nga kita para makibalita sa'yo, tapos patutulugin mo lang ako. Ang selfish mo, ha?"
"Baliw ka talaga. Eh, wala naman talaga akong ikukuwento."
"Bakit wala?"
"Kumain lang naman kami, at nanood ng sine." Pinandilatan ni Anton ang kaibigan. "Ayan, ha. Nagkuwento na ako. Masaya ka na?"
"Hindi. Kulang pa, eh."
"Anong kulang? Ano pa ba ang gusto mong malaman?"
"Anong pangalan niya? Saan mo nakilala? Ilang taon na siya? Gwapo ba? Dakota?" sunod-sunod na tanong ni Jairus. Talagang excited itong makilala ang lalaking inaakala nitong bagong boylet ni Anton
"Teka, teka! Ano ba 'yang mga tanong mo? Ang dami naman," reklamo ni Anton.
"Sige na, nagkuwento ka na rin lang lubusin mo na," pamimilit ni Jairus. Gagawin nito talaga ang lahat makakuha lang ng impormasyon sa kaibigan.
Nagpalit ng damit pambahay si Anton. Sando at shorts.
"Ano na?"
"Ano?"
"Magkuwento ka na kasi. Ito naman, o! Ang damot!"
"Jason ang pangalan niya." Humiga sa kama si Anton.
"Aaayyyy! Ang cute ng pangalan. Mukhang batang-bata!" Kinikilig na nang todo si Jairus. "Ano pa? Ilang taon na siya?"
"Matutulog na ako." Kinuha ni Anton ang kumot at akmang magtatalukbong ito pero agad na hinila ni Jairus ang kumot.
"Hindi ka puwedeng matulog! Mamaya na. Magkuwento ka muna kasi," pamimilit nito sa kaibigan. "Ilang taon na siya?"
"Twenty-one!"
Hindi makapaniwala si Jairus, nanlaki ang mga mata nito. "Seryoso? Gano'n kabata?"
Tumango si Anton.
"Eh, puwede mo nang maging anak 'yun, ah. Saan mo nakilala?"
"Diyan lang sa sakayan ng jeep. Nakipagkilala, nag-volunteer na ihatid ako dito sa bahay at ayun tumawag kaninang umaga para makipagkita."
Napanganga si Jairus. "Ikaw na! Ikaw na talaga ang diyosa! Bakit ba hindi ako makatiyempo ng ganyan?"
"Matulog na tayo, inaantok na ako."
"Teka muna, guwapo ba?"
"Oo. Guwapo, matangkad, maganda ang katawan at mabait naman."
"Naiinggit ako sa'yo, best friend. Sa tanda mong 'yan nakakabingwit ka pa ng ganyan ka-fresh."
"Kung makatanda naman 'to."
"Totoo naman. Kuwarenta ka na, 'di ba? Tapos siya, beinte-uno? Jusko! Napaka-unfair ng mundo. Ano bang meron ka na wala ako?"
"Gusto mo talagang malaman?"
"Oo."
"Hindi ka masasaktan 'pag nalaman mo?"
"Hindi," taas-noong sabi ng hitad na best friend ni Anton.
"Maganda ang katawan ko. At hindi ako mukhang kuwarenta."
"At ako?"
"Ayokong magsalita. Tumingin ka na lang sa salamin. Mas mabuti nang hindi sa akin manggaling." Bumangon si Anton sa kama at naglakad papalabas ng silid.
"Oy, saan ka pupunta?" nagrereklamong tanong ni Jairus.
"Maghihilamos at magsisipilyo para makatulog na ako. Ikaw, matulog ka na rin. Pumunta ka na sa kuwarto mo."
Lumapit si Jairus sa tokador na nasa may paanan ng kama ni Anton. Sinipat nito ang sarili at tila modelong tumagilid at umikot-ikot sa harapan ng salamin.
"O, anong problema sa akin? Maganda naman ako," bulong nito sa sarili. "Unfair talaga. Dapat may makilala rin akong boylet na bata, sariwa at guwapo."
Nang bumalik sa kuwarto si Anton ay naroon pa rin si Jairus.
"Ba't 'di ka pa pumupunta sa kuwarto mo?"
"May kapatid ba siya?"
"Sino?"
"Iyong boylet mo."
"Malay ko."
"Ba't malay mo?"
"Eh, hindi ko naman siya tinanong."
"Bakit hindi mo tinanong?" Hindi talaga mapigilan ang kakulitan ni Jairus.
Nagkibit-balikat lang si Anton.
"Tanungin mo. Tapos 'pag meron ipakilala mo sa akin."
"Kahit babaeng kapatid niya, ipapakilala ko sa'yo?"
"Gaga! Anong gagawin ko sa kapatid niyang babae? Manicure, pedicure, kulot, rebond?"
"Hay naku, matulog na nga tayo. Puro ka kalokohan."
"Sige na, best friend. Matagal na akong walang lovelife. It's about time na maging masaya naman ako." Ang itsura ni Jairus ay tila babaeng nalipasan ng panahon na naghihintay na ibigay ng genie ang kahilingan niya.
Nag-ring ang cellphone ni Anton. Tumatawag si Jason.
"Napatawag ka? Nakauwi ka na ba?" tanong ni Anton.
Sumagot si Jason. "Oo, nasa bahay na ako. Hinihintay ko kasi ang text mo. Sabi mo magte-text ka pagdating mo ng bahay. Hindi ka naman nag-text, akala ko kung ano na ang nangyari sa'yo."
Parang hinaplos ang puso ni Anton. Kelan ba mayroong nag-alala sa kanya ng ganoon? Matagal na yata, 'di na niya maalala. "Pasensya na, ha? Actually, magte-text na ako no'ng tumawag ka," palusot pa niya. "Naunahan mo lang ako. Humiga kasi ako sandali, nagpahinga lang."
"Ahh... I'm glad na nakauwi ka na. At least alam ko nang safe ka."
"Si Jason 'yan, 'di ba? Tanungin mo na kung may kapatid siya," bulong ni Jairus.
Pinandilatan ni Anton ang kaibigan.
"Anton, andyan ka pa ba?"
"Ah, oo andito pa ako. Sinong kasama mo diyan sa bahay?"
"Mag-isa lang ako rito. Nagre-rent ako ng room."
"Nasaan ang parents mo? Mga kapatid mo?"
Nagliwanag ang mukha ni Jairus nang marinig ang tanong ni Anton.
"Nasa province ang parents ko. Sa Mindoro. Dalawa lang kaming magkapatid. Iyong Ate Mayella ko, may asawa na. Teacher siya sa province namin."
"Ah, bunso ka pala."
Seryosong nakikinig si Jairus sa mga sinasabi ni Anton. "Aaayy, may kapatid nga siya!" impit na tili nito.
Natatawa naman si Anton sa mga kaartehan ng kaibigan niya.
"Jason..."
"Yes?"
"Salamat sa tawag, ha? Matulog na tayo. Next time na lang ulit."
"Sure. Thanks din sa'yo for accommodating me, my call."
"Wala 'yun. Goodnight, Jason."
"Goodnight..."
Ipinatong ni Anton ang cellphone sa mesitang katabi ng kama.
"Kelan mo ako ipakikilala sa kapatid niya?"
"May asawa na ang kapatid niya. May asawa na ang Ate Mayella niya."
Parang binagsakan ng bomba si Jairus. "Ate? Nagdilang-anghel ka, bakla! Ikaw kasi."
Humalakhak si Anton.
"Makatulog na nga!" Nagmartsa na papalabas ng kuwarto si Jairus.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top