39

LUMABAS din ng kuwarto si Jason at sinundan si Anton na nasa salas na at kasama si Jairus.

"Anton, mag-usap tayo. Once and for all ayusin natin ito."

"At sa'yo pa talaga nanggaling 'yan? Sino ba ang nag-umpisa ng gulong 'to? Ako ba?" Napabuga siya ng hangin. "Parang ako pa ang may kasalanan kung bakit tayo nagkaganito, ah!"

"Kaya nga mag-usap tayo," giit niya. "Para maayos na ang gulo. Puwede naman nating pag-usapan ito."

Nagmatigas si Anton. "Wala na tayong dapat pang pag-usapan. Naapektuhan na pati pamilya mo. Ayokong ako pa ang maging dahilan ng pagtakwil sa'yo ng mga magulang mo."

"Bakit sila ang iniisip mo? Hindi naman sila ang pakikisamahan mo, ako. Saka ko na sila poproblemahin. Matatanggap din nila tayo at ang relasyon natin. Sa ngayon, tayo muna ang dapat magkaayos," diin ni Jason. "Inaamin ko na nagkaroon ako ng pagkukulang sa'yo at nabalewala kita dahil sa atensyong ibinigay ko kay Xaira. Humihingi ako sa'yo ng paumanhin para roon. Sana patawarin mo na ako. Tumulong lang ako bilang kaibigan. Walang nangyaring anuman na lagpas pa roon. Maniwala ka naman sana."

"Best friend, mukhang nagsasabi naman ng totoo si Jason," singit ni Jairus.

"Huwag kang makialam dito, Jairus," sita niya sa kaibigan. Natahimik na lang si Jairus at nakinig sa diskusyon.

"Bigyan mo ako ng isa pang chance para mapatunayan kong mahal kita..." samo ni Jason.

Napailing-iling si Anton. "Nakakadala, eh. Lagi na lang akong niloloko. Lagi na lang akong iniiwan."

"Hindi kita niloko, Anton. Maniwala ka..."

"Puwede bang umalis ka na lang? Ayoko na, eh. Gusto ko ng tahimik na buhay. At my age, gusto ko ng seryosong relasyon. Ayoko na ng lokohan. Ayoko na ng tikiman lang."

"Isang pagkakataon pa, please," pakiusap ni Jason na pumiyok na ang boses. "Hindi kita niloko kahit kailan. Intindihin mo naman sana ako..."

"Umalis ka na rito, please lang. Umalis ka na!" matigas na sabi ni Anton.

"Umalis ako? Sigurado ka, pinaaalis mo ako?" Umagos na ang luha sa kanyang pisngi. "Matanong nga kita, Anton. Minahal mo ba talaga ako? Kahit konti ba minahal mo talaga ako? O ginawa mo lang akong pamasak-butas para makalimot ka sa ginawang panloloko ng Carlo mo?" sumbat niya rito.

Nagpanting ang tainga ni Anton. "Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Ginawa ba kitang pamasak-butas? Isipin mo nga, ilang beses ba kitang tinanggihan at ilang beses ka rin bang nangulit para sagutin kita? Kung pamasak-butas lang pala ang kailangan ko, dapat sinunggaban kita agad-agad. Ibabalik ko sa'yo ang tanong mo. Seryoso ka ba no'ng sinabi mong gusto mo ako o naghahanap ka lang ng karamay dahil iniwan ka ng girlfriend mo? Ako yata ang ginawa mong pamasak-butas, Jason. At no'ng bumalik si Xaira, nagkandarapa ka na sa pagbuntot sa kanya. At kinalimutan mo nang may taong naghihintay sa'yo rito. Wala ka nang inintindi kundi si Xaira. Bakit? Dahil ba umaasa kang magkakabalikan kayo? Siguro kung hindi siya nagkasakit at namatay, baka hanggang ngayon ay wala akong kaalam-alam na niloloko n'yo na ako," mapait ang tinig na sumbat ni Anton.

"Hindi nga kita niloko, ano ba? Makinig ka kasi sa sinasabi ko. Tinulungan ko lang si Xaira, dinamayan. Maaaring sumobra ako sa pagdamay sa kanya to the point na napabayaan kita at nabalewala, pero hindi kita niloko dahil hindi naman kami nagkabalikan. Bakit kasi ayaw mo akong pakinggan? Nagpapaliwanag ako. Gusto kong marinig mo ang side ko. Makinig ka naman... sana." Patuloy sa pag-agos ang luha niya.

"Bestfriend..." singit muli ni Jairus. Tiningnan siya ng matalim ni Anton.

"Sabi ko 'wag kang makialam dito."

"Bakit ba kasi ayaw mo siyang bigyan ng isa pang chance?"

"Gusto mo siyang bigyan ng isa pang chance?" Mabilis na tumango si Jairus. "Eh, 'di bigyan mo, tapos kayong dalawa ang magsama," mariing sabi ni Anton.

"Kung puwede nga lang ba, eh. Kaso, ayaw naman sa akin ni Jason. Ikaw ang gusto niya," giit ni Jairus sa kaibigan. "Ipamimigay mo si Jason, akala mo siguro tatanggihan ko."

"Eh, 'di sa'yo na!" Tinalikuran niya ang dalawa at mabilis na pumanhik ng hagdan papunta sa kanyang silid.

"Salamat kasi naiintindihan mo ako," sabi ni Jason kay Jairus.

"Nanghihinayang kasi ako sa inyong dalawa. Ang ganda ng simula n'yo. Hindi ko rin alam kung anong nangyari at biglang gumulo. Pero dahil sinabi mong hindi mo niloko ang kaibigan ko, gusto kitang paniwalaan. Gusto kong magkaayos kayo ni Anton."

"Kaso mukhang malabo na talaga. Ayaw na sa akin ni Anton. Hindi ko alam kung paano niya ako mapapatawad," madilim ang mukhang sabi ni Jason.

"Lilipas din ang galit no'n. Hintayin mo lang..."

Nakita nilang pababa ng hagdan si Anton. Nakabihis ito.

"Saan ka pupunta, bestfriend?" tanong dito ni Jairus.

"Magpapalamig lang ako sa labas. Sana pagbalik ko rito, wala nang outsider," patutsada niya kay Jason.

"Bestfriend naman. Huwag mo namang paalisin si Jason dito. Pinag-uusapan ang problema, hindi pinag-aawayan at lalong hindi tinatakbuhan," pahayag pa ni Jairus.

"Huwag mo akong pangaralan. Alam ko ang ginagawa ko." At tuluyan na itong lumabas ng pinto.

"Paano ngayon 'yan?" naguguluhang tanong ni Jairus kay Jason.

"Okay lang. Aalis na lang ako," malungkot na sagot ng lalaki.

"Pero saan ka pupunta? May mapupuntahan ka ba?"

"Titingnan ko kung may bakante sa dati kong tinitirhan. Kilala naman ako no'ng may-ari. Kung wala, bahala na. Makakahanap naman siguro ako ng malilipatan, kahit saan." Nginitian niya si Jairus pero hindi maitago ang lungkot sa kanyang mukha kahit siya'y nakangiti. "Sige, akyat muna ako. Mag-eempake."

Hindi na nakasagot si Jairus. Sinundan na lang niya ng tingin ang lalaki habang naglalakad ito papunta sa ikakawang palapag ng bahay.

NASA taxi si Anton at kausap niya sa telepono si Carlo.

"Nasaan ka? Busy ka ba?" tanong niya rito.

"Nasa bahay lang. Nagpapahinga. Bakit?"

"Puwede ba akong pumunta riyan? Magpapalipas lang ako ng oras."

"Okay lang, nasaan ka ba?"

"Nasa taxi na ako. I-text mo sa akin ang address mo."

"Sige, hihintayin kita."

"Thanks. Bye..."

Ilang saglit lang at dumating ang text message ni Carlo. Nagulat siya nang mabasa ang address nito. Kung hindi siya nagkakamali, ito rin ang address ni Yuri.

"Boss, sa J. P. Rizal, Makati tayo," sabi niya sa drayber. "Sa Concepcion Apartments," dugtong pa niya.

Hindi na siya nagulat nang huminto ang taxi sa isang pamilyar na lugar. Ito rin nga ang apartment na tinitirhan ni Yuri.

Binayaran niya ang drayber at saka siya bumaba sa taxi.

Tinawagan niya si Carlo.

"Nandito na ako. Saan ang unit mo? Anong floor?"

"Second floor. Akyat ka na rito, aabangan kita sa labas ng unit ko."

Pareho pa sila ng floor ni Yuri, nasabi niya sa sarili.

Pumasok siya sa gate ng building at diretsong umakyat sa second floor. Pagdating niya roon ay nakita niya agad si Carlo na malawak ang ngiti.

"Matagal ka na ba rito?" tanong niya kay Carlo.

"Hindi pa naman. Lumipat lang ako rito no'ng nilayasan ko si Shelley," matapat nitong sagot.

Iginala ni Anton ang tingin sa gawi kung nasaan ang unit ni Yuri.

"Halika, pasok na tayo," yaya sa kanya ni Carlo.

Pero bago pa sila nakapasok ay bumukas ang pinto ng unit ni Yuri at lumabas ang lalaki. Eksaktong nagtama ang kanilang mga tingin.

"Anton!" sigaw ni Yuri.

Nagtatakang napatingin si Carlo kay Anton. "Magkakilala kayo?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top