38
NAPATAYO ang nanay ni Jason.
"Ikaw ba'y nasisiraan na talaga ng ulo ha, Jason? Ano bang hahabulin mo sa kanya, eh bakla na nga, matanda pa. Parang tatay mo na 'yan, ah!" nanggigigil na sabi nito.
"Eh, ano po ba talaga ang ikinagagalit n'yo, 'Nay? Na pumatol ako sa bakla o dahil pumatol ako sa matanda?"
"Dahil pumatol ka sa baklang matanda!" walang prenong sabi nito.
"So, okay lang na bakla basta hindi matanda?" pagkukumpirma ni Jason.
"Hindi rin! Lalaki kitang ipinanganak, Jason. Dapat mamuhay ka bilang lalaki. Hindi 'yong ganyan. Paano kayo---" Hindi malaman ni Tesing kung paano sasabihin ang gusto niyang sabihin.
"Paanong ano? Ituloy n'yo, 'Nay. Sasagutin ko para maliwanagan ka," pamimilit ni Jason sa ina.
"Paano kayo gumagawa ng bata? Paano kayo gagawa ng bata? Paano kayo bubuo ng pamilya?" Sa wakas ay nasabi niya ang nasa kanyang isip.
"Puwede kaming mag-ampon, kung iyon lang ang pinoproblema n'yo. Maraming puwedeng gawin, 'Nay. Makabago na ang siyensiya at teknolohiya. Lahat pupuwede nang gawin. Ang importante, magkasama kami at nagmamahalan." Buo sa loob niyang mabago ang paniniwala ng ina.
"Hindi. Sina Eba at Adan lang ang nilikha ng Diyos. Walang nilikhang bakla ang Diyos," umiiling na pahayag nito.
"Nakita n'yo ba mismo 'yan, 'Nay? Napatunayan na ba 'yan?" argumento pa niya. "Paano kung hindi naman pala sina Eba at Adan ang unang nilikha, kundi sina Esteban at Adan?"
"Hesusmaryosep santisima ng awa!" nanlalaki ang mga matang sigaw ni Tesing. "Anong kalapastanganan sa Diyos ang sinasabi mo? Hindi kita tinuruan ng ganyan, Jason!"
"Pang-unawa mo lang po ang hinihingi ko, 'Nay. Wala po akong planong lapastanganin ang Diyos. Nagmahal lang ako. At utos Niya ang magmahal. Kung may limitasyon man ang pagmamahal na sinabi ng Diyos, ako na lang ang bahalang kumausap sa kanya sa gabi-gabi kong pagdarasal. Hihingi na lang ako ng tawad kung talagang mali ito. Pero sana, hayaan n'yo akong gawin ito dahil dito ako magiging masaya," pagsusumamo niya sa ina.
"Gago ka! Imoral! Nilukuban na ng kaimoralan ang utak mo. Isa lang ang sasabihin ko sa'yo, layuan mo ang Gaston na 'yan!"
"Anton, 'Nay!"
"Kahit ano pa ang pangalan niya! Layuan mo na siya bago pa tuluyang sumpain ng langit ang mga buhay n'yo!"
"Hindi ko kayo masusunod, 'Nay pasensya na po. Ngayon lang po ako susuway sa kagustuhan n'yo," matapang niyang sabi.
"Puwes, magsama-sama kayo sa impiyerno! Babalik na ako sa Mindoro bago pa ako madamay sa kamalasan n'yo. Akin na ang pera, wala na kaming makain ng tatay mo." Inilahad nito ang palad.
"Ipadadala ko na lang po sa susunod na linggo, 'Nay. Wala pa akong pera ngayon." Paano siya magkakapera eh, naibigay na niya sa nanay ni Xaira.
"O, kitam! Nag-uumpisa na ang kamalasan mo. Saan napupunta ang pera mo? Huwag mong sabihing ikaw pa ang nagbibigay ng pera sa matandang baklang iyon?" Walang pakundangan sa pagsasalita si Tesing.
"Hindi ho, 'Nay. Huwag naman kayong ganyan kay Anton. Kahit kailan hindi siya humingi ng pera sa akin. Ako pa nga ang nakikitira ng libre rito. Pati pagkain ko, libre na rin. Huwag naman po kayong sobra kung makapagsalita. Ako ang nanliliit sa mga sinasabi n'yo tungkol kay Anton, eh."
"Nanliliit ka sa sinasabi ko? Eh, sa ginagawa mong kaimoralan hindi ka nahihiya? Anong klaseng kapal ng mukha mayroon ka?" sumbat nito sa anak.
"At anong klaseng tabas ng dila mayroon ka rin?" Mula sa likod ng pinto ng kanyang silid ay lumapit si Jairus na kanina pa nakikinig lang sa diskusyon ng mag-ina.
"Jairus, 'wag kang makisali sa usapan nila." Nasa hagdanan na si Anton at pababa na rin sa salas.
"Hindi, best friend. Umo-over na sa pagkasanta ang nanay ni Jason. Hindi puwede sa akin ang ganyan." Ayaw paawat ang matabang bakla.
"Pasensya na kayo sa nanay ko, Jairus... Anton. Ako na ang humihingi ng dispensa."
"Walang mali sa mga sinabi ko. Ganyan kayong makaarte kasi, nasapol kayo!" Hindi rin nagpatalo si Tesing.
"'Nay, tama na po, please."
Nakalapit si Anton sa mag-ina. "Eto po ang pera, makakatulong 'yan kahit paano sa inyo ng asawa mo." Hinawakan ni Anton ang kanang kamay ni Tesing at isiniksik dito ang ilang pirasong isanlibong piso. Nabigla man ay mabilis na naibulsa ng babae ang pera. At pagkatapos ay taas noong tumingin kay Jason.
"Huwag kang makauwi-uwi sa atin hanggang hindi mo inaayos ang buhay mo. Suwail kang anak!" Binigyan nito si Jason ng isang matalim na tingin tapos ay nagmartsa na ito papalabas ng bahay.
Susundan sana ni Jason ang ina para tiyaking makasasakay ito nang maayos pero huminto ito sa paglalakad at lumingon sa kanya.
"Huwag na huwag kang susunod. Nakarating nga ako rito. Sinong may sabing hindi ko kayang umuwi?" Iyon lang at ipinagpatuloy nito ang paglalakad. Tinanaw na lang ni Jason ang ina hanggang sa tuluyan na itong mawala sa kanyang paningin.
Si Anton ay bumalik na sa kuwarto, gayundin si Jairus. Naiwan sa salas si Jason. Binuhat niya at dinala sa kusina ang bayong na puno ng mga gulay. At saka niya naalalang walang ibang dala ang nanay niya. Kahit damit na pamalit ay wala. Kung ganoon, talagang aalis din ito ngayong araw kahit na hindi sila nagkasagutan. Dumayo lang talaga ito para kunin ang perang hindi niya naipadala.
Pagpasok niya sa silid ay parang walang nangyaring pagtatalo kanina lang. Kampanteng nakahiga sa kama si Anton at may kung anong binubutingting sa cellphone. At gaya ng dati, hindi pa rin siya nito pinapansin.
Umupo siya sa gilid ng kama at siya na ang kusang bumasag sa katahimikan.
"Pasensya ka na sa nanay ko. Matalas lang talaga ang dila no'n, pero mabait 'yon. Sorry, para sa mga hindi magandang salitang nasabi niya sa'yo." Wala siyang nakitang reaksyon mula kay Anton. Tuloy lang ito sa ginagawa nito.
"Babayaran ko na lang next week iyong perang ibinigay mo kay nanay," dugtong pa ni Jason. "Naitulong ko na kasi sa mama ni Xaira 'yong pera ko..." Wala pa ring reaksyon mula kay Anton.
"Sorry rin pala kung naging mainit ang ulo ko kahapon at nasuntok ko si Carlo. Uminit lang ang ulo ko..."
Nag-angat ng mukha si Anton at tumingin sa kanya. "Ang sabihin mo, barumbado ka kasi."
Sunod-sunod ang naging pag-iling niya. "Hindi... Natakot lang ako na baka magkabalikan kayo. Natakot lang ako kasi ayokong maghiwalay tayo."
Napaismid si Anton. Gusto na yata niyang bigyan ng acting award ang Jason na 'to.
"Alam mo, tama naman ang nanay mo. Ano nga ba ang hahabulin mo sa akin? Isang baklang matanda. Sa edad pa lang, ang laki na ng agwat. Sinabi ko rin 'yan sa'yo dati. Masyado lang matigas ang ulo mo. Ipinilit mo ang gusto mo."
"Hindi naman natin naging problema ang edad mo, ah."
"Oo, dati hindi. Ngayon pa lang. Dahil ngayon pa lang lumalabas ang mga taong kontra sa relasyon natin. At hindi sila basta kung sinong tao lang. Pamilya mo sila." Binigyan niya ng diin ang salitang pamilya.
"Oo, pamilya nga. Pero may sarili kaming mga buhay. At ang buhay na gusto ko ay ang buhay na kasama ka, Anton." Nabasag ang boses ni Jason dahil sa pinipigilang pagluha. "Sana naman, maniwala ka..."
Tumayo si Anton at lumapit sa kinauupuan ni Jason. "Bakit hindi mo na lang bigyan ng peace of mind ang pamilya mo. Sundin mo ang payo ng nanay mo. Mas okay iyon para lahat tayo, wala ng gulo." Tinalikuran niya si Jason at saka siya lumabas ng silid.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top