37

MAG-ISANG nagtungo si Jason sa punerarya kung saan nakaburol si Xaira. Naabutan niya roon ang mga magulang nito at ilang nakikiramay na katrabaho.

"Mabuti naman at nagpunta ka na ngayong gabi. Plano kasi naming iuwi na ang mga labi ni Xaira bukas ng umaga. Nakausap ko na ang manager ng punerarya. Nabayaran na ang mga dapat bayaran at naayos na rin ang mga papeles," salubong na kuwento sa kanya ni Tita Arnie. Nakita niya si Tito Ben na tahimik na nakatunghay sa kabaong ng anak.

"Ah, Tita hindi po ako puwedeng magtagal dito ngayong gabi."

"Okay lang iyon. Sapat na sa amin ang lahat ng nagawa mong kabutihan para sa aming anak," malungkot nitong sabi kasunod ang isang matipid na ngiti.

"Sisilip lang po muna ako sa kabaong ni Xaira," paalam niya sa ina nito.

"Sige," tumatangong sagot ng ale.

Paglapit niya sa kabaong ay binati siya ni Tito Ben ng isang marahang pagtango. Sapat na iyon, nagkakaintindihan na sila.

Pinagmasdan niya si Xaira sa loob ng ataul. Napakaganda pa rin nito. Parang nasa isang mahimbing na pagtulog lang ito at gigising anumang oras mamaya.

Sari-sari ang mga isiping naglalaro sa kanyang utak. Paano kung hindi sila nagkahiwalay ni Xaira? Paano kung hindi niya nakilala si Anton? Magkakabalikan kaya sila ni Xaira? Pero paano nga kung mahal pa rin pala niya si Xaira kaya ganoon na lang ang pagdamay niya rito? Paano si Anton?

Kinapa niya ang laman ng kanyang puso. Sigurado siya, si Anton lang ang itinitibok nito. Wala nang iba pa.

PAG-UWI niya ng bahay ay tulog na sina Anton at Jairus. Dala ng matinding pagod, naghubad na lang siya ng damit na suot at marahang humiga sa tabi ni Anton.

Kinabukasan ay isang normal na araw. Ang hindi lang normal ay ang hindi nila pag-uusap. Magkasama silang natutulog sa iisang silid pero parang hindi nag-e-exist ang isa't isa dahil sa patuloy nilang hindi pagpapansinan. Hanggang sa dumating ang araw ng Sabado at magkaroon sila ng hindi inaasahang bisita.

Parang nasunugan ang bagong dating kung makapag-doorbell. Sunod-sunod.

"Teka lang, nandyan na! Grabe naman 'to. Parang hindi makapaghintay na pagbuksan ng pinto," sabi ni Jairus habang papunta sa gate.

Nang buksan niya ang pinto ay tumambad sa kanya ang isang may edad na babaeng tantiya niya'y nasa kuwarenta y singko anyos na. Mukhang probinsiyana ito kung pagbabasehan ang suot na bulaklaking blouse at palda. May dala rin itong bayong na gawa sa nilalang buli na punong-puno ng mga gulay yata.

Mabilis niya itong nilapitan. "Ano pong kailangan n'yo?" tanong niya sa babae.

"Papasukin mo ako. Pagod na pagod ako sa biyahe," turan nito.

"Teka po, sino po ba kayo? Hindi ko po kayo kilala, eh."

"Ako si Tesing. Dito ba nakatira ang anak kong si Jason? Eto ang address na nakalagay sa resibo 'pag nagpapadala siya ng pera sa amin, eh. Tingnan mo..." Iniabot sa kanya ng babae ang resibo at nabasa nga niya ang address. Kaagad niyang binuksan ang gate.

"Pumasok na po kayo..."

Hindi na siya nagdalawang salita dahil kaagad na pumasok ang babae. Diretso itong naglakad at pumasok sa pintuan patungo sa loob ng bahay kasunod si Jairus. Naabutan nito sa salas si Anton na nanonood ng balita sa telebisyon.

"Nasaan ang anak kong si Jason?"

Medyo napaawang ang labi ni Anton. "Ahh, good morning po. Ako po si Anton." Inilahad niya ang kamay sa nanay ni Jason pero hindi iyon pinansin ng babae. Bumaling na lang siya kay Jairus. "Best friend, pakitawag naman si Jason sa itaas."

Mabilis na nagtungo si Jairus sa itaas para tawagin si Jason. Ilang sandali lang at magkakaharap na sila sa salas.

"Bakit kayo napaluwas, 'Nay? tanong niya sa ina.

"Paanong hindi ako luluwas, ilang araw nang hindi dumadating ang padala mo. Aba, eh wala na kaming panggastos. Puro utang na lang kami sa tindahan. Lalo na ngayon, hindi makapagtrabaho sa bukid ang tatay mo dahil tinanggal ng may-ari. Napaaway kasi." Hindi mapigilan sa pagkukuwento ang babae.

"Ha? Bakit po napaaway?" hindi makapaniwalang tanong ni Jason. Kilala niya ang tatay niya bilang isa sa napakatahimik na tao sa lugar nila sa Mindoro.

"Dahil sa'yo," deretsahang sabi ng kanyang ina. "May kumakalat kasing tsismis sa lugar natin. May karelasyon ka raw na bakla rito sa Maynila. May nakakita yata sa inyo na nagde-date. Alam mo naman ang mga tsismosa sa atin. Sunog na agad ang ibinabalita kahit usok lang ang nakita. Kaya lumuwas na rin ako, para mapatunayan ko mismo na mali ang mga kumakalat na tsismis tungkol sa'yo."

Hindi nakapagsalita si Jason. Pero sa isip niya ay wala siyang planong maglihim sa ina.

"'Nay, siya po si Jairus, eto naman po si Anton... magkaibigan po sila," pagpapakilala niya sa dalawang kasama. "Si Anton po... ang nobyo ko. Totoo po ang tsismis na sinasabi n'yo."

Hindi makapaniwala sa narinig si Tesing. Wala sa hinagap niyang gagawin ng anak ang ganito.

"Bakla ka ba, anak?" naguguluhang tanong nito kay Jason. "Bakit ka nakikipagrelasyon sa kapwa mo lalaki? Patawarin kayo ng Diyos!" Nag-sign of the cross pa ang matandang babae.

Hindi makasagot si Jason. Palipat-lipat lang ang tingin niya sa ina at kay Anton.

Bumaling ang ina ni Jason kay Anton. "Ikaw, bakla ka ba?"

Marahang tumango si Anton. "Opo..."

"Hesusmaryosep! Magugunaw na talaga ang mundo. Pati mga bakla ngayon, mukhang lalaki na! Sa amin sa probinsiya, kilos babae ang mga bakla at ang hihilig tumili."

"Grabe naman kayong maka-sterotype sa mga bakla," sundot ni Jairus.

"Ganyan! Ganyan ang mga bakla sa amin. Katulad mo! Andami sa parlor," pagkukumpara pa ni Aling Tesing.

"Tse! 'Pag bakla, parlorista agad? Hindi na puwede sa ibang klase ng trabaho? Hay naku, Nanay! Moderno na ang panahon. Kalimutan mo na ang mga matanda mong paniniwala." Ayaw talagang magpatalo ni Jairus.

"Huwag mo nga akong matawag-tawag na nanay. Mas mukha ka pang matanda kaysa sa akin," nakaismid na sabi nito.

"Grabe siya sa akin, o. Thirty-four lang ako. Ilang taon ka na ba?"

Hindi nito pinansin ang tanong ni Jairus. Si Jason ang tanging concern niya sa pag-uusap na iyon. "Anak, umalis ka na rito. Tigilan mo na ang pakikipagrelasyon mo kay Gaston."

Nanlalaki ang mga matang napatingin si Jason sa kanyang ina.

"Anton po..." pagtutuwid niya sa sinabi ng nito.

"Mas mabuting mag-usap na muna kayo ng nanay mo. Doon na lang muna kami ni Jairus sa kuwarto," sabi ni Anton. "Best friend, doon ka muna sa kuwarto mo."

Kumekembot na naglakad si Jairus papasok sa kanyang silid. Si Anton naman ay pumunta na rin sa silid niya sa ikalawang palapag ng bahay.

Umupo sa sofa si Tesing. Pakiramdam niya ay nangalog ang kanyang tuhod sa sinabi ng anak.

"Galit po ba kayo sa akin, 'Nay?" Umupo siya sa tabi nito.

"Hindi ko kasi alam, anak kung nagkamali ba kami ng tatay mo sa pagpapalaki sa'yo. Hindi ko alam kung bakit napasok ka sa ganyang klase ng relasyon." Umiwas itong tumingin sa kanya.

"Twenty-one na po ako, 'Nay. Alam ko na po kung ano ang tama at mali."

"Bakit pinili mo ang mali? Nagiging masyado na ba kaming pabigat ng tatay mo sa'yo kaya nakipagrelasyon ka sa bakla, para may mapagkunan ka ng perang ipadadala sa amin?"

"Nanay, hindi ko po pineperahan si Anton," mabilis niyang tanggi.

"Huwag mong sabihing mahal mo siya." Sa wakas ay tinapunan nito ng isang matalim na tingin ang anak.

Marahan siyang tumango. "Opo. Mahal na mahal ko siya," pag-amin niya. "Ngayon nga po, may kaunting problema kami. Pero hindi ako nawawalan ng pag-asa na magkakaayos din kami."

"Mali, anak mali. Pareho kayong lalaki. Labag 'yan sa utos ng Diyos," naiiyak nitong sabi.

"Ang sabi ng Diyos, mahalin mo ang iyong kapwa. Utos ng Diyos na magmahalan, 'Nay."

"Huwag kang pilosopo! 'Yan! 'Yan ang natututunan mo sa Gusting na 'yan."

"Anton nga kasi, 'Nay, ang kulit!"

"Kahit ano pa 'yan. Ke Gusting, ke Gaston, ke Anton ang sinasabi ko, mali ang relasyon n'yo. Mamalasin ang buhay mo! Huwag mong hintaying balikan kayo ng langit," pagbabanta pa nito.

"'Nay, ang Diyos na kilala ko, hindi mapagtanim ng galit. Hindi mapaghiganti. Isang Diyos na marunong magpatawad at umintindi sa nagkakasala Niyang mga anak. Ikaw ang unang-unang taong inaasahan kong makauunawa sa akin, 'Nay. Hindi ko inakalang maririnig sa inyo ang ganyan."

"Sagutin mo nga ako, Jason. Bakla ka ba?" mariin nitong tanong.

"Hindi ko alam, 'Nay. Pero kung ang depinisyon mo ng bakla ay isang lalaking nakikipagrelasyon sa lalaki rin, siguro nga bakla ako. At wala akong pakialam."

Lumagapak sa pisngi niya ang palad ng ina. Pakiramdam niya ay nagmanhid ang kanyang buong mukha.

"Napakawalang kuwenta mong anak! Hindi kita pinalaki para sagut-sagutin mo ako ng ganyan. Ikaw lang ang iniisip ko. Ang reputasyon mo! Kumakalat na sa lugar natin na may karelasyon kang bakla rito. Hiyang-hiya na rin pati ang kapatid mo sa tuwing pinagtsitsismisan ka ng mga kapitbahay."

"Wala akong pakialam sa kanila. Hindi nila hawak ang buhay ko. At hindi ako mabubuhay base sa kung ano ang gusto nila para sa akin. Nasa tamang edad na po ako, 'Nay. Kahit ayaw n'yo, hinding-hindi ko iiwanan si Anton."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top