36

"ANTON..."

"Matulog ka na. Hindi ako interesado sa mga sinasabi mo." At nagtalukbong siya ng kumot para iparamdam kay Jason na wala na siyang intensyong makinig.

Muling namayani ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Gising pa rin si Jason. Si Anton naman ay tulog na, o nagtutulog-tulugan marahil. Mamaya pa ay dahan-dahang iniangat ni Jason ang kanyang kamay para yakapin si Anton na nakahigang patalikod sa kanya.

Malaya niya itong nayakap. Wala siyang naramdamang pagtanggi o ano pa man. Sa posisyong iyon ay payapa na siyang nakatulog.

NANG magising si Jason kinabukasan ay nakaalis na ng bahay si Anton. Alas-sais y medya na pala! Dali-dali siyang bumangon at pumasok ng banyo para maligo. Pagkatapos ay nagbihis siya at ginayak ang sarili papuntang opisina.

Pagbaba niya ay nakita niya sa kusina si Jairus at nag-aalmusal. Gusto sana niya itong batiin pero inunahan na siya nito ng irap.

Tahimik niyang tinungo ang pinto at lumabas ng bahay.

SUNOD-SUNOD na katok sa pinto ang gumising kay Yuri. Wala sa huwisyong bumangon ito upang alamin kung sino ang kumakatok. Hindi na ito nag-abalang magsuot ng shorts o magtapis man lang ng tuwalya. Walang pakialam itong naglakad sa loob ng apartment na tanging brief lang ang suot.

Bahagya na itong nagulat nang buksan ang pinto at makita kung sino ang dumating.

"Anong ginagawa mo rito?" naghihikab na tanong niya kay Shelley.

Hindi sumagot ang bakla. Basta na lang ito dumiretso papasok sa loob ng tinitirhan ni Yuri. Hindi man lang nga nito napansin na tanging underwear lang ang suot ng binata. Nang nasa loob na ay saka nito nilingon ang lalaki at nagsalita, "Baka nagkakalokohan na tayo, Yuri. Naniniguro lang ako. Naglabas na ako ng pera para sa ipinagagawa ko sa'yo. Sabihin mo lang kung wala kang balak gawin iyon, para mabawi ko sa'yo ang kabayaran."

Humugot ng malalim na hininga si Yuri. Bigla ay nawala ang antok niya. "Anoka ba? Magkausap lang tayo kahapon. Ang kulit mo naman, eh. Sinabi ko na sa'yong gagawin ko, 'di ba? Ba't hindi ka makapaghintay?"

"Wala akong panahong maghintay!" bulyaw nito sa kanya. "Habang tumatagal, mas lumalaki ang tsansang magkabalikan sina Carlo at Anton. Ayokong tumunganga at maghintay na ang karneng nilawayan ko na ay kakainin pa ulit ng iba."

"Para kang sira, eh. Ikaw lang naman ang nag-iisip na magkakabalikan sila. Hindi nga kinakausap ni Anton ang Carlo na 'yon. Paano magkakabalikan, sige nga? Paranoid ka lang, tanga!"

Lumipad ang palad ni Shelley sa pisngi ni Yuri. Agad itong namula. "Gagang 'to!" Gaganti sana siya pero agad na may binunot si Shelley sa sukbit nitong shoulder bag at kinuha ang isang baril, sabay tutok sa kanya.

"Sige! Saktan mo ako, para bala na ng baril na ito ang bumaon diyan sa katawan mo." Mahigpit ang hawak ni Shelley sa baril na nakatutok sa mukha ng lalaki. "I just want to let you know that when I talk business, I really mean business, Yuri. Kung hindi mo magawan ng paraan na mailayo si Anton kay Carlo, gawan mo nang paraan na mawala siya rito sa mundo."

Nanlaki ang mga mata ni Yuri. "Teka, wala sa usapan na papatay ako ng tao."

"Papatay ka o ikaw ang mamamatay, Yuri. You have a choice," kalmadong pahayag ni Shelley pagkatapos ay nagpakawala ng isang nakakainis na ngiti.

Naglakad ito papunta sa pintuan pero bago tuluyang lumabas ay muling nilingon si Yuri. "Goodbye!" humahalakhak na sabi nito at tuluyan nang lumabas ng pinto.

Inis na inis si Yuri sa ginawa ni Shelley. Ang pinto ang napagbalingan niya at pabagsak niya itong isinara at saka muling nagbalik sa kuwarto para ituloy ang naabala niyang pagtulog.

PAGPATAK ng alas-singko ng hapon ay nagmamadaling lumabas ng opisina si Jason at sumakay ng taksi papunta sa trabaho ni Anton. Kanina pa niya ito kinokontak pero hindi naman sinasagot ang tawag niya. Nagdalawang-isip siya tuloy kung ipapaalam ba rito na susunduin niya ito. Yayayain niya sana itong pumunta sa burol ni Xaira. Once and for all, kailangan na nilang tapusin ang issue sa kanila. At naisip niyang makabubuti kung pupunta siya sa burol ni Xaira na kasama si Anton para makausap na rin ito nina Tito Ben at Tita Arnie. Alam niyang makatutulong ang mga mgulang ni Xaira para maniwala si Anton na wala silang relasyon ng namayapa niyang ex-girlfriend. Sa huli ay napagpasyahan niyang huwag nang sabihin at sosorpresahin na lang niya si Anton. Baka kasi kung ipaalam niya ay lumabas ito kaagad ng opisina at pagtaguan siya.

Nakuha sa sampung minuto ang biyahe mula sa opisina niya patungo sa trabaho ni Anton. Puwede ngang lakarin kung hindi lang siya nag-aalalang gahulin sa oras.

Pagbaba ng taksi ay tinakbo na niya ang entrance ng building kung saan nagtatrabaho si Anton. Sa pagmamadali ay nakabungguan niya ang isang lalaki na papasok din sa gusali.

"I'm sorry---" Hindi na niya natapos ang sasabihin nang makilala niya kung sino ang lalaking nabangga niya. "Ikaw si Carlo, 'di ba?"

"At ikaw naman si Jason," seryosong sagot niya rito.

"Anong ginagawa mo rito?" sita niya kay Carlo.

"Bawal ba akong pumunta rito? Sa pagkakaalam ko, hindi naman sa'yo ang building na 'to."

"Huwag kang pilosopo!" singhal niya sa kausap.

"At huwag ka ring mayabang. Hindi lahat ng tao ay natatakot sa'yo."

"Gago ka pala, eh!" Umigkas ang kamao ni Jason at tumama sa panga ni Carlo. Sumadsad sa semento ang huli.

Sinubukang tumayo ni Carlo pero maagap siyang sinipa ni Jason kaya muli siyang tumilapon. Noon naman lumabas ng building si Anton at kitang-kita nito ang nangyayari. Nakatawag-pansin na rin sila ng ibang mga taong papalabas at papasok sa gusali.

Uupakan pa sanang muli ni Jason si Carlo pero maagap nang umawat si Anton. Maging ang isang guwardiya ng gusali ay umawat na rin.

"Tigilan mo 'yan, Jason!" Hinila niya ang kaliwang braso nito para hindi na ito makalapit kay Carlo. "Anong problema mo, ha?" Itinulak pa niya ito.

Hindi nakasagot si Jason pero bakas sa mukha nito ang hindi maipaliwanag na sama ng loob. Nagpupuyos ang kalooban niya sa katotohanang nalaman. Bakit mukhang okay na sina Anton at Carlo? Dati naman ay ayaw na ayaw makausap ni Anton ang lalaking iyan.

Mas gusto na niyang sumabog nang makita niyang inalalayan ni Anton si Carlo para makatayo ito.

"Sir, umalis na lang po kayo. Huwag kang gumawa ng gulo rito," sabi ng guwardiya kay Jason na akma pang hahawakan ito.

"Huwag mo akong hawakan! Aalis ako!" At walang lingon-lingon na nilisan niya ang lugar. Ayaw na niyang lumingon pa dahil ayaw niyang makita ni Anton ang kanyang pagluha.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top