35

HANGGANG nang nakahiga na siya ay naalala pa rin ni Anton ang naging pag-uusap nila ni Carlo.

"I'm sorry, Anton. Hindi ko gustong saktan ka. Huli ko nang na-realize na mahal na mahal kita," madamdaming pahayag nito. "Ang tanga ko lang dahil iniwan kita at ngayon ay nagsisisi ako dahil huli na at wala na akong puwang diyan sa puso mo." Tapos na silang kumain at magkatabing nakaupo na sila sa isang bench sa park na malapit na city hall kung saan nagtatrabaho si Carlo.

"Sana nga ganoon lang kasimple, 'di ba? Iyong tipong, iniwan mo ako dahil nagkaroon ka ng iba, tapos nagkaroon din ako ng iba at masaya na ako ngayon. Sana nga gano'n, kaso hindi."

"May problema kayo ni Jason? Niloloko ka niya?" Ang bilis niyang naisip iyon. Ganoon yata talaga. It takes one to know one.

"May pinagdadaanan kaming problema ngayon. Nagkita silang muli ng ex-girlfriend niya at halos hindi na siya umuuwi dahil doon na lang siya nakatambay sa ospital kung saan naka-confine 'yong babae," mahinahon niyang salaysay.

Naunawaan ni Carlo na may sakit ang ex-girlfriend ni Jason. "Baka naman gusto lang niyang tumulong... dumamay."

"Kahit pati trabaho ay napapabayaan na niya? May mga araw na hindi na rin siya nakakapasok sa opisina. HIndi na siya productive. Wala nang laman ang utak niya kundi ang Xaira na 'yon."

"Ano ang plano mo ngayon?" naitanong ni Carlo.

"Pinalayas ko na siya sa bahay, ayaw niyang umalis..."

"Mahal ka niya," konklusyon ni Carlo.

"Tingin mo gano'n nga?"

Marahan siyang tumango.

"Eh, paano kung ayaw lang pala niyang mawala ang benefits ng pagtira sa bahay ko? Libre board and lodging siya roon, ah. Malaki rin ang natitipid niya monthly. Pandagdag sa ipinadadala niyang pera sa mga magulang niya sa probinsiya," argumento pa ni Anton.

"Ikaw ang mas nakakakilala sa kanya kung ganoong klase ba siya ng tao."

Napatingin si Anton kay Carlo. Parang ibang Carlo ang kausap niya. Hindi niya inaasahang ganito ang magiging reaksyon nito. Ang akala niya ay sasamantalahin ni Carlo ang sitwasyon para tuluyan na niyang hiwalayan si Jason at nang maipilit nito na magkabalikan na sila katulad ng lagi nitong ginagawa noon kapag nagkakausap sila.

"Ikaw ang magdesisyon kung ano ang gusto mong mangyari. At asahan mong anuman ang iyong maging pasya, nandito lang ako para sumuporta," dugtong pa ni Carlo at saka matipid na ngumiti sa kanya.

"Hindi mo ipipilit na magbalikan na lang tayo?" naitanong niya.

"Gusto ko! Gustong-gusto ko," mabilis nitong sagot. "Pero ang pinakagusto ko ay maging masaya ka. Naisip ko, hindi na bale kung kanino ka magiging masaya, ang mahalaga'y masaya ka," pumiyok ang boses ni Carlo. "I had my chance to make you happy. Sinayang ko ang tsansang iyon. Kaya sabi ko sa sarili ko, this time hindi lang puro sarili ko ang iisipin ko. Dapat isipin rin kita, ang kapakanan mo... ang kaligayahan mo." Pinahid niya ng kanang kamay ang luhang nagbabantang tumulo.

"Carlo..."

"I'm sorry, Anton. Kung hindi kita iniwan, hindi mo sana nakilala si Jason. Hindi ka sana malungkot ngayon..."

"Hindi mo kasalanan na malungkot ako. Ibang chapter ng buhay ko ang kuwento natin. Iba naman ang kay Jason." Inabot niya ang kamay ng lalaki at hinawakan. "Maraming salamat. Kung mayroon akong natutunan sa relasyon natin, iyon ay ang matutong maging matatag. Ngayon, alam ko na kung ano ang gagawin ko sa relasyon namin ni Jason."

"Friends?" tanong ni Carlo.

"Friends..." At mas hinigpitan pa niya ang hawak sa kamay ng dating nobyo.

LUMAPIT si Tita Arnie kay Jason.

"Umuwi ka na, Jason. Kami na lang ng asawa ko ang bahalang mag-asikaso sa bangkay ni Xaira. Masyado ka na naming naaabala. Nahihiya na si Xaira sa'yo," sabi ng matandang babae.

"Sasamahan ko na po kayo rito hanggang makuha ng punerarya ang katawan ni Xaira," sagot ni Jason.

"Huwag na, kaya na namin ito ng Tito Ben mo. Nakatawag na ako sa punerarya. Mamaya lang, andiyan na 'yon. Kapag nadala na si Xaira sa punerarya, aalis na rin kami rito. Doon na lang kami magpapalipas ng gabi sa apartment ni Xaira. Pumunta ka na lang bukas sa punerarya kung gusto mo, ite-text ko na lang sa'yo ang address," mahinahong sabi ni Tita Arnie.

"Sigurado po kayo?"

Tumango ang kausap niya. "Oo, kaya na namin ito. At maraming salamat sa'yo, iho."

Niyakap ni Jason ang ina ni Xaira. Pagkatapos ay dinukot ang wallet at kumuha ng pera at inaabot sa ina ni Xaira.

Umiling ang matandang babae. "Huwag na. Itabi mo na ito."

"Tulong ko po kay Xaira, sa huling pagkakataon," matapat niyang sabi.

"Maraming salamat, Jason. Napakabuti mong kaibigan," nangingilid ang luhang sabi nito.

"Wala pong anuman, Tita Arnie. Kung may maitutulong pa po ako, 'wag ka pong mahihiyang magsabi," bilin niya rito.

GISING pa si Anton nang dumating sa bahay si Jason dala ang bag na ginagamit nito sa trabaho. Walang gustong magsalita sa kanilang dalawa, puro pakiramdaman lang.

Naghubad ng damit si Jason, kumuha ng brief sa drawer at pumasok sa banyo para mag-shower. Ilang sandali lang ay lumabas itong itim na brief lang ang suot. Tinuyo nito ng tuwalya ang buhok at ilang saglit ding itinapat sa electric fan bago ito humiga sa kama... sa tabi ni Anton na wala pa ring imik.

Tumagilid siya ng higa para makita ang mukha ni Anton. Pero wala siyang nakuhang anumang reaksyon dito. Nakatingin lang ito sa kisame na para bang naghihintay ng malalaglag na butiki. Mamaya pa ay tumagilid din ito ng higa, patalikod sa kanya. Ramdam ni Jason, malaki talaga ang tampo sa kanya ni Anton. O baka naman galit kaya?

Nagpasya siyang basagin ang nakabibinging katahimikan sa loob ng kanilang silid.

"Galit ka pa ba sa akin?" tanong niya kahit alam niyang oo ang sagot. Sino ba naman ang hindi magagalit sa kanyang ginawa? Aminado naman siyang napabayaan niya si Anton nitong mga nakaraang araw. Pati nga trabaho niya ay nasakripisyo na rin.

Hindi sumagot si Anton. Pero narinig niyang bumuntonghininga ito.

"Hindi kita masisisi kung galit ka. Ang laki ng naging pagkukulang ko sa'yo, alam ko 'yon. Pero gusto ko pa rin sanang hingin ang pang-unawa mo..."

Wala pa ring reaksyon si Anton.

"Anton, wala na si Xaira... patay na siya."

Lihim na nanlaki ang mga mata ni Anton. Naiinis man siya kay Xaira, kahit minsan ay hindi sumagi sa isip niya na ipagdasal ang kamatayan nito.

"Ibuburol lang siya ng dalawang araw dito sa Quezon City, tapos iuuwi na rin siya ng mga magulang niya sa probinsiya para doon ilibing." Huminga siya nang malalim tapos ay bumuga ng hangin. "Tapos na ang obligasyon ko sa kanya bilang kaibigan. Magagawa ko na ulit ang mga responsibilidad ko sa'yo. Kaya sana, mapatawad mo na ako. Hindi naman kita niloko. At wala akong planong lokohin ka..."

Hindi pa rin sumagot si Anton. Naguguluhan siya. Sobrang naguguluhan siya. Kanina ay tinanggap na niyang wala nang patutunguhan ang relasyon nila ni Jason. Pinaplano na sana niyang tapusin ang relasyon nila. Tumitiyempo lang siya.

Pero bakit biglang may ganitong eksena?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top