33

PATULOY sa pagtunog ang telepono ni Yuri pero pinanindigan nito na hindi sagutin ang tawag. Hindi na rin ito nag-abalang tingnan kung sino ang tumatawag.

Pumikit siya para ma-relax pero parang multong lumilitaw sa kanyang isip si Anton.

Tangina!

Bakit ba hindi mawala sa utak niya si Anton? Bakit ba biglang gustong-gusto niya itong makasama? Iba na 'to. At hindi puwede 'to!

Tumayo siya at hinubad ang lahat ng kanyang suot. Hubo't hubad siyang nagtungo sa banyo.

Binuksan niya ang shower at hinayaang pawiin ng malamig na tubig ang nag-iinit niyang pakiramdam. Nagbabad siya sa banyo hanggang makaramdam na siya ng ginaw.

Lumabas siya ng banyo at nagtungo sa kuwarto. Hinila niya ang tuwalyang nakasabit sa likod ng pinto ng silid at tinuyo ang basa niyang katawan. Pagkatapos ay walang pakialam na humiga sa kama.

UMAGA na nang magising si Yuri sa sunod-sunod na tunog ng kanyang cellphone. Bumangon siya at lumabas ng kuwarto. Sa salas yata nagmumula ang tunog.

Tama. Pagdating sa salas ay nakita niya sa center table ang kanyang telepono. Dinampot niya iyon at sinagot.

"Hello?"

"Leche ka, Yuri! Kagabi pa ako tumatawag sa'yo, bakit hindi mo sinasagot?" Parang nakikita niya ang gigil na gigil na itsura ni Shelley. Galit na galit ito.

"Maaga akong natulog kagabi. Ano bang problema mo?" naiinis niyang sagot. Ganitong kagigising lang niya, huwag siyang uumpisahan ng baklang ito at baka hindi siya makapagpigil siguradong mag-aaway silang dalawa.

"Ikaw ang problema! Ang usapan natin, lagi kang magbibigay ng update tungkol sa pinagagawa ko sa'yo. Hindi ko alam kung ginagawa mo ba ang pinagagawa ko sa'yo. Wala ka man lang text o tawag kaya," reklamo ng bakla.

"Ginagawa ko naman, ah. Huwag kang excited. Bibigyan kita ng feedback kapag may positibong resulta na. Akala mo yata ganoon kadaling hulihin ang Anton na 'yon. Hindi ba sinabi ko na sa'yo na seryoso siya sa jowa niya?" naiinis niyang sagot. "Sige na, tumawag ka na lang ulit. Inaantok pa ako. Natutulog pa ang tao, tatawag-tawag ka."

"Aba't, hoy! Bayad ka na sa pinagagawa ko sa'yo kaya may karapatan akong istorbohin ka kahit kailan ko gusto. Punyetang 'to!"

"Bahala ka sa buhay mo!" Pinatayan niya ng telepono si Shelley para hindi na ito muling makatawag at pagkatapos ay bumalik ito sa kuwarto at muling humilata sa kama.

NANG magising si Anton ay lumabas siya ng kuwarto at nagtungo sa kusina. Pasado alas-otso na. Late na siya sa trabaho kaya hindi na naman siya papasok.

"Best friend, ba't nandito ka? Hindi ka pumasok?" gulat na tanong ni Jairus na nasa kusina rin at nag-aalmusal. "Halika na, sabay na tayong kumain. Sinangag ko ang kaning-lamig at nagprito ako ng tinapa. Tapos eto, may fried eggs din at fresh tomatoes for my fresher, younger looking skin," seryosong sabi nito pero alam mong nagpapatawa lang.

"Tinamad akong pumasok, eh. Gusto kong magpahinga muna today," sagot ni Anton na hindi pinansin ang pagpapatawa ng kaibigan. Dumiretso siya sa lababo at nagmumog. Pagkatapos ay bumalik agad sa mesa.

"Kape, gusto mo? Ipagtitimpla kita," alok ni Jairus.

"Huwag na. Kakain na lang ako ng kanin."

Inabutan ni Jairus ng plato ang kaibigan. "Eto, o kumain ka nang marami. Huwag kang mahihiya."

Naglagay siya ng sinangag at tinapa sa kanyang plato. Kumuha rin siya ng ilang hiwa ng kamatis at nagsimulang kumain. "Masarap itong tinapa, ah. Saan mo binili?"

"Saan pa, eh 'di sa Trabajo Market. May suki ako roon. Siguradong masarap ang mga tinapa niya. Kasingsarap ko." Napansin niyang hindi ngumiti si Anton. Kanina pa siya puma-punchline pero dedma ang best friend niya. Tinitigan niya ito.

Napatingin sa kanya si Anton. "O, bakit?" tanong nito nang mapansing nakatitig sa kanya ang kaibigan.

"Okay ka lang ba?" puno ng pag-aalalang tanong ni Jairus.

Napataas ng kilay si Anton. "Well, oo naman. Okay lang ako." Nagpatuloy siya sa pagkain.

"Hindi ka nanggaling sa kliyente kahapon, 'di ba?"

Hindi nakasagot si Anton pero tiningnan nitong muli si Jairus.

"Saan ka galing?"

"Nagkita kami ng isang kaibigan ko."

"Sinong kaibigan? Kilala ko?" Bilang best friend ni Anton, kilala niya lahat ng iba pang mga kaibigan nito.

"H-hindi. Bagong kaibigan lang."

"Bagong kaibigan o bagong manliligaw?"

"Kaibigan," mariin niyang sagot.

"Best friend, hindi naman sa nangingialam ako sa inyong dalawa ni Jason. Pero sana alam mo pa rin kung ano ang tama. Nagkakagulo na ang relasyon n'yo. Iniisip mo na malapit nang bumitaw si Jason. Hindi ba dapat na mas ngayon ka dapat humigpit nang kapit sa kanya? Ikaw dapat 'yong puwersang pipigil para hindi siya tuluyang makabitaw. Hindi iyong ikaw pa ang unang bibitaw."

"Para ano? Para kapag bumitaw na siya, ako naman ang maiwang nakabitin?" masakit ang loob na sabi niya. "I've done my part. Siguro naman deserve ko rin na maging masaya. Lagi na lang akong ganito, eh. Naiiwan. Iniiwan. Ano ba ang mali sa akin? Kulang ba akong magmahal? Sobra ba? Ano?" nangingilid ang luha niyang tanong.

"Walang mali sa pagmamahal. Walang mali sa taong nagbigay ng pagmamahal. Kulang man 'yan o sobra, hindi ka puwedeng sisihin ninuman. Ibinigay mo lang 'yong alam mong kaya mong ibigay. Walang mali roon, best friend." Nagpahid ng luha si Jairus. Nauna pa siyang umiyak kaysa kay Anton. "Eto, o kumain ka ng itlog." Inabot niya sa kaibigan ang platong may lamang pritong itlog.

Inabot niya ang plato ngunit ibinalik din lang ito sa mesa. "Kumain ka na. Huwag mo akong alalahanin. Okay lang ako.

KATATAPOS lang nilang kumain nang dumating si Jason. Halatang puyat ito. Nadaanan nito sa salas si Jairus.

"Hindi ka rin pumasok sa trabaho?" salubong na tanong niya rito.

"Nandiyan si Anton?"

Umikot ang mga mata ni Jairus. "Ano pa! Hindi ko alam na nag-declare pala ng holiday ngayon ang Malacanang. Aba, hindi nagsisipasukan sa trabaho ang mga tao."

"Papasok ako mamaya. Half-day. Iidlip lang ako sandali," sagot nito sa kaibigan ni Anton. "Sige, punta na ako sa kuwarto."

Hindi inaasahan ni Anton na uuwi nang araw na iyon si Jason kaya nagulat siya nang bumukas ang pinto ng kuwarto at pumasok ito.

"Bakit hindi ka pumasok?" tanong ni Jason sa kanya.

"Baka pareho ng dahilan kung bakit hindi ka rin pumasok," pilosopo niyang sagot.

"Magha-half day ako sa trabaho. Matutulog lang ako sandali."

Bumangon siya at inayos ang bedsheet sa kama. "Hiyang-hiya naman ako sa boarder ko. Umuuwi lang kapag matutulog." Pinagpag niya ang mga unan. "O, kamahalan, matulog ka na po. Para pagkagaling mo sa trabaho, may energy ka pa para magbantay sa ospital sa jowa mo."

"Anton, ayokong makipagtalo. Hindi mo naman iniintindi ang paliwanag ko, eh."

"Kailangan kong intindihin? Ako pa ang mag-a-adjust?" sarkastiko niyang tanong. "Ikaw, kailan ka mag-a-adjust para sa akin?"

HIndi na sumagot si Jason. Hahaba lang ang usapan nila nang wala namang patutunguhang maganda. Hinubad niya ang suot na damit at itinira lang ang brief at walang imik na humiga sa kama.

Si Anton naman ay pumasok sa banyo at naligo. May pupuntahan siyang taong alam niyang handang makinig sa kanya anuman ang mga problema niya.

Si Carlo.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top