32
ANTON felt Yuri's left hand caressing his butt. Gusto niyang tumanggi pero mahigpit ang pagkakayakap ng kanang braso nito sa kanya.
Dahan-dahang inilapit ni Yuri ang mukha niya kay Anton hanggang dumampi ang mga labi nito sa kanyang pisngi na dapat sana ay sa labi kung hindi niya naiiwas ang sarili.
Ang halik sa pisngi ay gumapang pababa papunta sa leeg niya. Napapikit siya sa nadaramang kiliti. May tila mumunting boltahe ng kuryente na dumadaloy sa kanyang katawan na nagdidikta sa utak niya na ipagdiinan pa ang sarili niya kay Yuri.
Ngunit nanaig ang tamang pag-iisip ni Anton. Nagawa niyang itulak ang ngayon ay hayok na hayok nang si Yuri.
"No! Hindi tama 'to," pagtanggi ni Anton. Mabilis niyang inayos ang sarili.
Hindi agad nakakilos si Yuri dahil sa pagkabigla. Akala niya'y nahuli na sa pain niya si Anton.
"Thanks for the time, Yuri. I think I need to go," paalam niya sa lalaki at naglakad papalabas ng pinto.
"Anton, wait!" habol ni Yuri.
Huminto si Anton at nilingon ang lalaki. "Kita na lang tayo ulit next time. I really need to go now." Pinihit niya ang doorknob at lumabas ng pinto. Naiwan sa apartment si Yuri na nabitin sa nagsisimula nang init ng kanyang katawan.
NILAPITAN ni Tita Arnie at Tito Ben si Jason.
"May kailangan po ba kayo sa akin?" tanong niya sa mag-asawa.
"Mayroon tayong dapat na pag-usapan," malumanay na sagot ni Tita Arnie na tumingin pa sa asawa na parang hinihingi ang permiso nito. Tumango naman si Tito Ben sa kabiyak.
"Ano po ba 'yon, Tita?
"Nagkausap kami ni Xaira kanina. Nagtapat na siya sa amin..."
Umawang ang bibig ni Jason. Parang alam na niya ang tinutumbok ng salita ng ina ni Xaira.
"Bilang ama ni Xaira, gusto kong magpasalamat sa'yo sa walang sawa mong pag-aalaga at pagtulong sa anak ko," sabi ni Tito Ben. "Kahit hindi mo dapat gawin, ginawa mo pa rin at tatanawin kong utang na loob sa'yo iyon."
"Tito Ben..."
"Jason, alam na namin na hindi ka na pala boyfriend ni Xaira. Na matagal na kayong nagkahiwalay. At mali ako na ibigay sa'yo ang responsibilidad ng pag-aalaga sa kanya. Alam naming naaapektuhan na ang trabaho mo, pati ang iyong personal na buhay dahil sa paglalaan mo ng oras sa anak namin," nangingilid ang luhang sabi ng matandang babae. "Hindi mo na iyon kailangang gawin. Pasensya na kung nagdala kami ng malaking istorbo sa buhay mo."
"Tita, hindi naman po kayo nakaistorbo. Ginawa ko iyon dahil gusto kong gawin. Ginawa ko iyon dahil kahit wala na kami ni Xaira, tinuturing ko pa rin siyang kaibigan. At kahit na sinong kaibigan ay gagawin ang ginawa ko." Naramdaman niyang may luhang umagos sa kanyang kanang pisngi at kaagad niya iyong pinahid gamit ang kanyang palad.
"Maraming salamat, Jason sa pagmamahal mo sa aming anak." Si Tita Arnie. "Napakaswerte ni Xaira sa pagkakaroon ng kaibigang tulad mo."
Hindi na sumagot si Jason. Nagbigay na lang siya ng isang matipid na ngiti.
GISING pa si Jairus nang dumating sa bahay si Anton. Nasa salas ito at nanonood ng palabas sa telebisyon.
"Bestfriend, kumusta ang lakad?" bati niya rito.
"Ayos lang. Napasarap ang inuman," tila wala sa sariling sagot ni Anton.
"Inuman? Dumayo ka ng inuman? Akala ko makikipagkita ka sa kliyente?"
"Oo, tapos napainom kami ng konti," palusot ni Anton. Duda naman si Jairus sa sinasabi ng kaibigan pero pinabayaan na lang niya. Anyway, minsan lang naman makipag-inuman ito. Naglalabas lang siguro ng stress ang kaibigan niya.
"May pagkain pa riyan. Baka gusto mong kumain," alok ni Jairus.
"Hindi na. Busog pa ako. Aakyat na ako sa itaas at matutulog."
"Ikaw ang bahala..." Sinundan na lang niya ng tingin ang kaibigan habang nasa hagdan at papaakyat sa ikalawang palapag ng bahay.
Nawalan na ng ganang manood ng palabas si Jairus. Muli siyang nakadama ng awa para sa kaibigan. Kung may magagawa lang sana siya para maayos na ang problema nito, matagal na niyang ginawa. Sobrang napakabait ni Anton para paulit-ulit lang na masaktan dahil sa walang tigil nitong pagmamahal sa mga maling lalaki.
Nang buksan ni Anton ang pinto ng silid ay nakita niyang wala pa rin si Jason. Hindi na siya umaasang madadatnan niya ito. Alam niyang hindi naman siya ang prayoridad nito. Naghubad siya ng damit na suot at walang pakialam na humiga sa kama na tanging brief lang ang saplot.
PAUWI pa lang ng bahay si Carlo. Galing siya sa team building activity nila sa opisina. Pagod na siya kaya halos nakapikit na ang mga mata niya habang naglalakad paakyat sa unit na tinitirhan niya. Sinususian niya ang kandado ng pintuan nang mula sa likuran niya ay magsalita si Yuri.
"Akala ko pa naman ay nasa loob ka lang at natutulog."
Nilingon niya ang lalaki pero hindi na siya sumagot sa sinabi nito.
"Sayang! Kung napaaga ka lang sana ng uwi baka naabutan mo iyong bisita ko. Eh, 'di nakapagkuwentuhan sana kayo," nakangising sabi ni Yuri na halatang gusto lang inisin si Carlo.
Papasok na sana si Carlo pero hindi pa rin tumigil sa kasasalita si Yuri.
"Huwag ka namang bastos. Kinakausap kita, tinatalikuran mo ako," medyo umangas ang boses nito. Tipong manununtok na ito kapag hindi pa rin niya pinansin.
"Wala naman tayong dapat pag-usapan. At saka hindi ako nakikipag-usap sa lasing," seryosong saad niya rito.
Nagsalubong ang mga kilay ni Yuri. "Kahit kailan mayabang ka talaga, eh. Ikaw na ang nilalapitan, ikaw pa ang nagmamalaki."
"Matulog ka na, bro. Walang pupuntahan itong pagtatalo natin. Hindi ako interesado sa anumang sasabihin mo." Pinihit niya ang pinto para bumukas ito ngunit nahablot ni Yuri ang kanyang braso at nang mapaharap siya rito ay sinalubong siya nito ng isang suntok sa mukha.
Sumargo ang dugo sa pumutok na labi ni Carlo. Muling sumugod si Yuri para sundan siya ng isa pang suntok pero nailagan niya iyon at si Yuri ang sumubsob sa pader ng apartment.
Walang balak si Carlo na patulan ang lalaking ito na tila nakainom yata kaya pumasok na siya sa loob ng unit at sinigurong nai-lock niya ang pinto.
"Lumabas ka rito, gago!" narinig pa niyang sigaw ni Yuri. Hinintay niyang sumigaw ito ulit para tatawagan na niya ang caretaker na sa fourth floor lang nakatira, pero hindi na ito umulit.
Sinilip ni Carlo sa bintana kung nasa labas pa si Yuri pero hindi na niya ito nakita.
Nakabalik na sa unit niya si Yuri. Natabig pa nito ang bote ng iniinom nilang alak kanina. Tumunog ang telepono niya pero hindi siya nag-abalang sagutin ito. Isa lang ang gusto niyang makausap o makasama ngayong gabi.
Si Anton!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top