31
UMIIYAK si Tita Arnie nang dumating si Jason sa ospital. Pinapayapa ito ng asawa. Wala sa kuwarto si Xaira.
"Tita Arnie, ano po'ng nangyari? Nasaan po si Xaira?" Ang kabog sa dibdib niya ay hindi na normal. Sobrang kaba na ang nararamdaman niya.
"Nilipat siya sa ICU. Sumuka siya kanina, may kasamang dugo at nahihirapan din siyang huminga. Hindi ko na alam kung anong nangyayari sa anak ko," hindi matigil sa pag-iyak na sabi ni Tita Arnie.
"Ano po ang sabi ng doktor?"
"Nagkaroon daw siya ng pulmonary hemorrhage. Isa raw iyon sa mga complication ng leukemia," basag ang boses na sabi nito. "Natatakot ako para sa anak ko, Jason. Napakabata pa niya. Ayokong mawala siya sa amin ng papa niya."
"Hindi po siya mawawala, Tita. May awa ang Diyos. Gagaling po si Xaira," pagpapalakas-loob niya sa kausap.
"Sana nga, Jason. Hindi ko kakayanin kapag nawala sa amin ang anak ko," lumuluhang pahayag nito.
NANG puntahan ni Jason sa ICU si Xaira ay tulog pa ito. Awang-awa siya sa kalagayan ng dating kasintahan. Parang biglang nahulog ng katawan nito. Ang laki na ng ipinayat ng dalaga. Ang dating masayahin at maliksing babaeng nakilala niya ay nanghihina na ngayon at unti-unting iginugupo ng karamdaman. Paano niya sasabihin ngayon kay Tita Arnie ang totoong relasyon nila ni Xaira? Ngayon pa ba siya dadagdag sa mga alalahanin nito?
Huminga siya nang malalim at pagkatapos ay ibinuga ito sa ere.
PAPALABAS na ng bahay si Anton nang tawagin siya ni Jairus. "Saan ka pupunta, best friend?"
"May imi-meet lang akong client," sagot niya.
"Sabado? Pati ba naman weekend nagtatrabaho ka pa rin?" Sanay si Jairus na nasa bahay lang si Anton kapag Sabado.
"Importante lang kasi. Wala siyang time kapag weekdays kaya nakiusap na weekend na lang kami mag-meet."
"Ahh, ganoon ba?" Sa wakas ay mukhang nakumbinsi na niya si Jairus. Hindi naman kasi talaga siya makikipagkita sa kliyente. Si Yuri ang kikitain niya. Actually, hindi niya kikitain. Inimbitahan siya nito na pumunta sa tinitirhan nitong apartment. Kanina pagkaalis ni Jason ay kinontak niya si Yuri at tinanong kung gusto ba nitong lumabas. Nag-suggest itong pumunta na lang siya sa apartment nito para makapag-bonding sila. At pumayag siya!
Tinanguan niya si Jairus. "Bye, best friend..."
"Mag-iingat ka. Dito ka ba magdi-dinner?"
"Hindi na. Baka gabihin ako," sagot niya habang diretsong naglalakad papunta sa gate.
Kahit nakasakay na ng taksi si Anton ay tinanaw pa rin ito ni Jairus. Nakaramdam siya ng awa sa kaibigan niya. Alam niyang pinipilit lang nitong gawing busy ang sarili para makalimutan ang mga problema.
LUMABAS ng unit niya si Yuri at tinanaw ang unit ni Carlo. Nanghinayang siya na wala ito sa labas. Sana ay lumabas ito at makita ang pagdating ni Anton. Siguradong uusok ang bumbunan ni Carlo kapag nakita nitong papunta si Anton sa unit niya.
Pumasok siyang muli sa loob. Dito na lang niya hihintayin ang kanyang espesyal na bisita.
Hindi naman siya nainip sa paghihintay dahil ilang minuto lang ang nakalipas ay tumawag na sa kanya si Anton.
"Nandito na ako sa labas ng building," sabi ni Anton sa kanya.
"Bukas 'yong gate. Pumasok ka na lang at dumiretso sa second floor. Pangatlong pinto ang unit ko," sabi niya sa kausap kasabay ang isang misteryosong ngiti.
Binuksan niya ang telebisyon sa salas at kunwa'y abala siya sa panonood. Hindi nagtagal at nakarinig siya ng katok sa pinto.
Tumayo siya at nagtungo sa pintuan. Nang buksan niya ang pinto ay nakita niya si Anton na preskong-presko ang itsura. Ibinigay niya rito ang pinakamatamis niyang ngiti.
"Pasok ka." Nagbigay siya ng daan para makapasok ang bisita. "Hindi ka ba naligaw sa pagpunta rito?"
Pumasok si Anton sa loob ng apartment. "Hindi naman. Nag-taxi ako papunta rito."
"Maupo ka muna. Anong gusto mong inumin? Juice? Alak? Sabihin mo lang..."
"Ikaw na ang bahala," sagot ni Anton.
"Food? Kumain ka na ba? Magpapa-deliver ako." Todo pa-impress si Yuri sa kanyang bisita.
"Mamaya na lang. Inom na lang tayo habang nanonood ng palabas sa tv. Okay lang ba?"
"Oo naman. Bisita kita, eh. Diyan ka lang at maglalabas ako ng maiinom." Iniwan siya ni Yuri at nagtungo ito sa kusina.
Pagbalik nito ay may dala na itong isang bote ng Jack Daniels, crushed ice, shot glass at isang platitong mani. "Pasensya ka na sa pulutan natin. Hindi na ako nakapaghanda."
"Okay na 'yan. Hindi naman ako mapili sa pulutan," sagot niya.
Umupo si Yuri sa tabi niya at pagkatapos ay binuksan ang bote ng alak. Nagsalin ito sa shot glass at iniabot sa kanya. "Eto, umpisahan mo na..."
Ininom ni Anton ang alak. Medyo napangiwi siya.
"Gusto mo ba ng chaser?" tanong ni Yuri. "May coke sa ref."
"Hindi na, okay na 'to."
"Ba't parang gusto mong malasing? May problema ba?" puno ng kuryusidad na tanong nito. "Puwede mo akong sabihan, I'm willing to listen." Muli itong nagsalin ng alak sa shot glass at nilagyan ito ng yelo.
"Wala naman. Konting problema lang. Puwede namang ayusin," sagot niya.
"Lovelife?"
Tiningnan niya si Yuri at saka siya tumango. Naisip niya, wala naman siguro siyang kailangang itago.
"Anong pangalan niya? Niloko ka ba?" Ininom niya ang laman ng shot glass.
"Jason... Ewan ko biglang nagbago, eh. Hindi naman siya dating ganoon."
"Huwag kang manghinayang sa kanya. Maraming lalaki sa mundo. Kayang-kaya mong palitan iyon." Nilagyan niyang muli ng laman ang shot glass at iniabot kay Anton. "Eto, iinom na lang natin ang problema mo. Tagay pa!" humahalakhak na sabi ni Yuri.
SA ospital ay nagkamalay na si Xaira at kasalukuyang kausap ang kanyang mga magulang.
"Nasaan po si Jason, 'ma?" ramdam sa boses niya ang panghihina ng kanyang katawan.
"Lumabas lang sandali. May bibilhin siyang mga gamot mo. Sinabihan ko rin na kumain muna siya," malumanay na sagot ni Tita Arnie. Nakatayo sa likod niya si Tito Ben at nakamasid lang sa kanyang mag-ina.
"Mama... may gusto sana akong sabihin sa'yo... Sa inyo ni papa."
"Ano 'yon, anak. Sabihin mo lang."
"T-tungkol po kay Jason..."
Nagtatanong ang mga mata ng kanyang ina. "Ano ang tungkol kay Jason?"
"Mama... Hindi ko po boyfriend si Jason. Napilitan lang siyang magpanggap na boyfriend ko dahil nahihiya siya sa'yo."
"Nag-break na kayo? Kailan? Bakit 'di ko alam?" naguguluhang tanong ng kanyang ina.
"Medyo matagal na rin po, 'ma. Ako po ang nakipaghiwalay sa kanya. Nagkaroon po ako ng ibang boyfriend pero hindi rin kami nagtagal," pumiyok ang boses niya. Huminga siya nang malalim para pigilan ang nagbabantang pagbagsak ng mga luha. "Kaya huwag na po natin masyadong obligahin si Jason na pumunta rito sa ospital, lalo na ang magbantay sa akin. Alam ko, kahit hindi niya sinasabi na naaapektuhan na ang trabaho niya at ang personal niyang buhay. Masyado na akong nagiging pabigat sa kanya gayong wala naman siyang obligasyon sa akin."
"Sorry, anak. Hindi ko alam. Akala ko kasi siya pa rin ang boyfriend mo hanggang ngayon. Napakabait na bata ni Jason at boto ako sa kanya para sa'yo. Pero dahil sinabi mong wala na kayo, dapat lang talagang hindi natin gawing obligasyon niya ang alagaan ka," malungkot na sabi ni Tita Arnie.
"S-salamat, 'ma..."
GABI na natapos ang inuman session nina Yuri at Anton. Halatang lasing na ang dalawa dahil iba na ang timbre ng mga boses nila at mas maharot na rin ang mga kilos. Si Yuri ay malanding sumasayaw at ginagaya ang nasa palabas sa telebisyon. Tawa lang nang tawa naman si Anton.
"Halika, sumayaw ka rin!" Hinila siya ni Yuri at pilit na pinasayaw. Nang hindi siya mapasayaw ay niyakap siya nito at isinabay sa paggalaw. Mahigpit ang yakap ni Yuri at ang mukha nito ay halos dumikit na sa kanyang mukha. Amoy na amoy na nga niya ang hininga nito. "Sige na, sumayaw na tayo," bulong nito sa tainga niya. Nagulat pa siya nang pagkatapos nitong bumulong ay naramdaman niyang parang dinilaan siya nito sa tainga. Napakislot siya sa pagkagulat na may kasamang kiliti. Nang tingnan niya si Yuri ay titig na titig ito sa kanya habang senswal na pinapaikot ang dila sa labi.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top