30

"HINDI 'yan totoo!" maigting na tanggi ni Jason kasabay ang mabilis na pagbangon sa kama. "Matagal na kaming tapos ni Xaira. Gusto ko lang siyang damayan bilang kaibigan. Intindihin mo naman ako, Anton."

Bumangon din si Anton at hinarap ang lalaki. "Damayan?" nang-uuyam niyang tanong. "Damayan lang ba talaga? Ganoon ka ba talaga kapag dumadamay sa kaibigan? Binabalewala mo na ang ibang tao para sa kanya."

"Kasi nga---"

"Kasi nga mahal mo pa. Umaasa ka pa na isang araw magiging kayo ulit."

"Paulit-ulit! Hindi nga kasi ganoon!" sigaw ni Jason.

"Eh, ano ang ganoon? Sabihin mo! Punyeta! Puwede kang dumamay nang hindi mo napapabayaan ang mga dati mo nang ginagawa. Nang hindi mo nakakalimutan ang obligasyon mo sa ibang tao," nanggagalaiting sagot ni Anton. "Tingnan mo, umaabsent ka na pati sa trabaho para lang magbantay sa ospital. Nandoon ang tatay at nanay niya, 'di ba? Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang laging nandoon ka rin. Mas bibilis ba ang paggaling niya kapag nandoon ka? Sagutin mo ako, ikaw ba ang doktor niya?" Sumabog na siya nang tuluyan.

"Intindihin mo naman sana ako," samo ni Jason.

"Gusto kong intindihin ka. Kaya sabihin mo kung gusto mong makipagbalikan kay Xaira, at doon ka na lang sa kanya. Hindi kita pipigilan, kung iyon ang iniisip mo. Hindi ko ipipilit ang sarili ko sa taong ayaw sa akin," matigas niyang sabi habang pinipigil niyang maluha sa galit.

"Anton naman... Hindi nga kasi... Aaahhhh!" Hinawakan ni Jason ang kanyang ulo gamit ang dalawa niyang kamay at ubod lakas na sinabunutan ang sarili habang nagsisisigaw. "Aaahhhh!"

"Huwag mo 'kong artehan. Hindi bagay sa'yo!" Lumabas siya ng silid at pabagsak na isinara ang pinto. Diretso siyang bumaba ng hagdan papunta sa salas.

"Best friend..." tawag sa kanya ni Jairus.

"Ba't gising ka pa?" tanong niya rito.

"Nagtaka ka pa. Makakatulog ba ako eh, sigawan kayo nang sigawan?"

"Pasensya na ka..."

"Don't tell me na dito ka matutulog sa salas. Doon ka na lang sa higaan ko. Puwede naman akong maglatag sa sahig."

"Huwag na," tanggi niya. "Dito na lang ako. Pahiramin mo na lang ako ng isang unan."

"Uubusin ka ng lamok dito."

"Eh, 'di pahiramin mo na rin ako ng isang kumot."

"Ayaw pa kasing matulog doon sa kuwarto ko, eh," reklamo ni Jairus.

"Bilisan mo na. Pahiram ng kumot at unan. Inaantok na ako."

"Haay naku, kaya nga ba ayaw ko nang mag-boyfriend. Dagdag sakit ng ulo lang," sabi nito habang papunta sa kuwarto para ikuha ng unan at kumot si Anton.

Nang gabing iyon, natulog si Anton sa sofa at si Jason sa kuwarto.

Nagising siya sa mga yugyog sa kanyang balikat. Nagmulat siya ng mga mata at nakita niyang madilim pa ang paligid.

"Anton... Doon ka na matulog sa kuwarto," narinig niyang sabi ng yumuyugyog sa kanya. Si Jason iyon, sigurado siya.

"Gigisingin mo ako para lang sabihing matulog?"

"Hindi... Lumipat ka na sa kuwarto. Hindi mo naman kailangang magtiis dito sa sofa. Malaki iyong kama sa kuwarto. Sa'yo 'yon. Dapat doon ka natutulog," pagpupumilit nito.

"Hayaan mo na ako rito. Ikaw na lang ang matulog doon," walang siglang sagot ni Anton.

"Please..."

"Please din! Huwag tayong magplastikan. We're not okay so I'm not comfortable sleeping on the same bed with you." Nagtalukbong siya ng kumot para hindi na siya istorbohin ni Jason.

Umaga na nang magising siya. Bumangon siya at tumuloy sa kusina nang maamoy ang nilulutong sinangag. Nagulat pa siya nang makita si Jason na abala sa pagluluto. Sabado nga pala ngayon at walang pasok sa trabaho. Bagong paligo ito at litaw ang pagka-macho sa suot nitong boxer shorts at apron. Magsasangag lang nag-apron pa!

"Gising ka na pala. Tamang-tama, Luto na ito. Kakain na tayo." Totoo ang ngiting isinalubong ni Jason kay Anton na para bang wala silang pinagtalunan kagabi.

Nakita niya ang lutong longganisa at itlog sa mesa pero hindi niya pinansin ang lalaki. Nagtungo siya sa lababo at nagmumog. Tapos ay uminom ng isang basong tubig.

"Nasa kuwarto niya si Jairus. Siya dapat ang magluluto pero sabi ko, ako na lang muna. Simple lang naman ang inihanda kong pagkain. Sinangang lang at saka skinless longganisa at scrambled egg." Para siyang nakikipag-usap sa hangin dahil walang reaksyon si Anton sa mga sinasabi niya. Nagsasalita pa siya ay naglakad na ito paakyat sa hagdan.

Parang walang nangyari, muli niyang itinuon ang sarili sa sinangag na nasa kawali. Pinatay niya ang stove at inilipat sa serving plate ang sinangag.

Kinatok niya sa kuwarto si Jairus. "Jairus, kakain na tayo..." Hinihintay niyang sumagot ito o kaya naman ay magbukas ng pinto, pero wala. "Lumabas ka na riyan, ha? Tatawagin ko lang si Anton."

Pinuntahan niya sa kuwarto si Anton. Naabutan niyang nasa banyo pa ito at naliligo.

"Matagal ka pa ba diyan? Kakain na tayo pagkatapos mong maligo, ha?" Wala rin siyang narinig na sagot mula rito. Humiga na lang muna siya sa kama para hintayin ang paglabas ni Anton sa banyo.

Hindi naman nagtagal at natapos nang maligo si Anton. Nakatapis lang ito ng tuwalya sa bewang nang lumabas sa banyo. Agad na bumangon sa kama si Jason at umupo sa gilid nito.

Nagsuot ng blue chino shorts at beige t-shirt si Anton. Nang matapos itong magbihis ay saka nagsalita si Jason.

"Kain na tayo?"

"Hindi ako nagugutom. Kumain na kayo ni Jairus," walang gana niyang sagot habang nakaharap sa tokador at sinusuklay ang buhok.

"Hindi na lang din ako kakain, kung hindi ka kakain."

"Bakit hindi ka kakain, dala ko ba ang kaldero at plato?" Matalim ang tinging ipunukol niya rito.

"Kaya nga ako nagluto dahil gusto kong bumawi sa mga pagkukulang ko sa'yo. Gusto kong ipakita sa'yo na ako pa rin ito. Na wala naman talagang nagbago," sagot ni Jason sa tonong kaaawaan ng kahit sino. Pero matigas ang loob ni Anton.

"Ano ako, batang inagawan ng kendi? Na uutuin lang at okay na ulit?"

Huminga si Jason nang malalim. "Ano ba ang gusto mong gawin ko?"

"Alam mo ang dapat gawin. Hindi mo na kailangang itanong sa akin." Lumabas sa silid si Anton at iniwang mag-isa si Jason.

Susundan sana ito ni Jason pero biglang tumunog ang kanyang cellphone. Tumatawag ang mama ni Xaira.

"Hello, tita... Napatawag po kayo." Saglit siyang huminto para pakinggan ang sinasabi ng kausap. Naalarma siya dahil umiiyak ito at tila balisa.

"Ha? Ano pong nangyari?" Bumilis ang kabog ng kanyang dibdib. "Sige po, pupunta na po ako diyan. Opo, ngayon na po. Papunta na po ako."

Mabilis siyang nagpalit ng damit. Pagdaan niya sa salas ay naroon si Anton at nanonood ng palabas sa telebisyon habang nagkakape.

"Anton, pupunta lang ako sa ospital. Tumawag ang mama ni Xaira. May hindi magandang nangyari. Pasensya na..."

Nang hindi sumagot si Anton ay lumabas na ng bahay si Jason.

Muli ay nakaramdam ng pambabalewala si Anton. Sobra na ito. Hindi na talaga tama. Kung kayang gawin ni Jason sa kanya ang ganito, mas kaya niyang gawin din. At higit pa!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top