3

MEGAMALL

Alas-kuwatro pa lang ng hapon ay nasa mall na si Anton. Hindi ba't alas-singko ang usapan nila ni Jason?

Hindi naman halatang excited ka, ha? tila nang-aasar ang isip ni Anton.

Hindi naman talaga. Masama bang nag-assume siyang matrapik ngayon kaya umalis siya nang maaga sa bahay? Ayaw lang naman niyang ma-late sa usapan. Mas mabuti na ang dumating siya nang maaga kesa naman may ibang taong naghihintay sa kanya. Marunong siyang rumespeto sa oras ng iba.

Defensive, muling tila nang-iinis ang isip niya. Ano ba't tila laging kontra sa mga ginagawa niya ngayon ang utak niya?

Naglakad-lakad muna si Anton. Pumasok siya sa department store at tumingin ng mga bagong polo shirts. Nang magsawa ay pumunta siya sa fourth floor ng mall sa Cyberzone at nagtanong-tanong ng presyo ng mga bagong labas na cellfone.

Sampung minuto bago mag-alas-singko nang makatanggap siya ng text message mula kay Jason.

Nandito na ako sa megamall. Sa Bonchon. Hintayin kita rito.

Biglang nakaramdam ng kaba si Anton. Kabang walang kasabay na takot, kundi kabang may halong kilig.

Eto na naman ang dalaga. Kinikilig sa kaba, biglang sumulpot na naman ang nang-aasar niyang isip. Teenager lang ang peg, 'teh?

Sinagot ni Anton ang mensahe.

Wait, papunta na ako diyan.

May pagmamadali ang paglalakad ni Anton patungong Bonchon. Excited? Ewan, pero biglang parang gusto na rin niyang makita si Jason.

Nasa labas pa lang ng Bonchon si Anton ay natanaw na niya si Jason na nakaupo sa loob. Sa mesa ay may isang juice na nangangalahati na sa baso ang laman.

Nilapitan ni Anton ang binata. "Kanina ka pa?" tanong niya rito.

"Hindi naman. Kararating ko lang nung nag-text ako sa'yo. Umorder lang ako ng juice kasi nauhaw ako. Maupo ka. Anong gusto mong kainin? Oorder na ako," sabay tayo ni Jason para umorder ng makakain nila.

"Ah, ikaw na ang bahala. Kahit ano na lang."

"Okay, sige." Lumakad na si Jason patungong counter.

Pagbalik nito ay may dala itong number. Hihintayin pa nila ang pagkaing inorder ng binata.

Muling umupo si Jason. "So, kumusta ka na?"

"Okay naman. Wala namang bago. Ganoon pa rin," seryosong sabi ni Anton.

"Good. Ako, ayos lang din."

"Nag-aaral ka pa ba?" tanong ni Anton.

"Bakit, mukha ba akong estudyante?" napapangiting tanong ni Jason.

"Eh, kasi 'di ba twenty-one ka lang?"

"Graduate na ako. Business Administration major in Management. Nagwo-work ako sa Narvaez Group of Companies sa Makati."

"Ahh..."

"Ikaw, ano ang pinagkakaabalahan mo?"

"Sa real estate. Sa Makati rin ang office."

"Wow, talaga! Small world. Eh, 'di pwede na kitang makita nang madalas?" biglang nagliwanag ang mukha ni Jason.

"Bakit?"

"Anong bakit? Kailangan ko pa bang ulitin sa'yo 'yung sinabi ko kanina na interesado ako sa'yo?"

"Eh, bakit nga?"

"Excuse me, sir. Eto na po 'yung order n'yo." Dumating ang isang crew dala ang pagkaing inorder ni Jason. Inilapag nito sa mesa ang dalawang chicken sandwich, fries at dalawang baso ng iced tea. "Anything more, sir?"

Nginitian ni Jason ang crew. "Wala na."

"Thank you, sir! Enjoy your meal." At umalis na ang crew.

"So, bakit nga?"

"Wow, akala ko tapos na 'yan. Hindi pa pala. Kain muna tayo, saka na natin pag-usapan 'yan."

Naging busy ang dalawa sa pagkain. Paminsan-minsan ay may itinatanong si Jason. Si Anton naman ay sumasagot lang pero hindi ito nag-initiate ng iba pang mapag-uusapan.

NANG MATAPOS kumain ay nagsalita si Jason. "Nood tayong sine? Maraming magandang palabas ngayon. Ano ang gusto mo?"

"Ano ba ang gusto mong panoorin?"

"Palabas na 'yung A Quiet Place. Napanood mo na ba?"

"Hindi pa. Sige, 'yun na lang."

"Tara na!"

Magkasabay na naglakad ang dalawa patungong sinehan. Inunahan na ni Anton si Jason sa pagbili ng tiket. Si Jason na nga ang nagbayad ng kinain nila, ito pa rin ba ang magbabayad ng tiket para sa sine?

"Ako na," pilit na pinaaalis ni Jason sa pila si Anton. "Ako ang nagyaya, kaya sagot ko 'yan."

"Ako na lang. Sinagot mo na nga ang pagkain kanina."

"Eh, ako nga ang nagyaya."

"Wala naman tayong pinag-usapan na kung sino'ng nagyaya eh, siya ang magbabayad."

"Haay! Ang kulit! Basta next time ganun na ang usapan."

Nagkibit-balikat lang si Anton. "Huwag ka nang maingay diyan. Pinagtitinginan tayo ng mga tao. Iniisip siguro nila, nag-aaway 'yung mag-ama."

"Hayaan mo sila. Inggit lang ang mga 'yan."

"Dalawa," sabi ni Anton sa cashier nang siya na ang customer sa harap nito. Binayaran ni Anton ang tiket at pumasok na sila ni Jason sa loob ng sinehan.

Maraming tao sa loob ng sinehan bagama't hindi ito puno. Sabagay, second week na kasi itong palabas.

Pumuwesto sina Anton at Jason sa gitna sa bandang itaas. Saktong eye-level ang screen. Kumportableng manood.

Pagkaupong-pagkaupo ay hinawakan ni Jason ang kamay ni Anton. Tatanggi sana si Anton pero naisip niyang baka mapahiya si Jason kapag ginawa niya 'yun. Hawak lang naman sa kamay, ipagdadamot pa ba niya?

Eh, gustong-gusto mo naman kasi. Kanina ka pa nga kinikilig sa kaguwapuhan ni Jason. Ang utak ni Anton ay nang-aasar na naman.

"Anton..." bulong ni Jason.

"Ha? Bakit?"

"Ang lambot ng palad mo. Ang sarap hawakan."

"Bakit mo ba kasi hinahawakan 'yan? Bitawan mo na kaya."

"Ayoko nga. Basta, hawak ko lang ito habang nanonood tayo."

Seryosong nakikinig si Anton sa sinasabi ng katabi.

"Gusto ko," patuloy ni Jason. "...maramdaman mo na safe ka habang kasama mo ako. Gusto kong maramdaman mo na 'pag ako ang kasama mo, hinding-hindi kita pababayaan."

Napalunok si Anton. Totoo ba ang sinasabi ng Jason na 'to? Hindi ba napakabilis naman yata. Kagabi lang sila nagkakilala.

Eh, ano naman kung kagabi lang? tili ng utak niya.

Hindi inaasahan ni Anton ang kasunod na ginawa ni Jason. Iniangat nito ang kamay ni Anton at marahang hinalikan.

Hindi alam ni Anton kung paano magre-react. Bakit ba pagdating kay Jason ay tila nawawala siya sa katinuan? Bakit tila siya isang walang muwang na nilalang na nakalimutan na ang lahat?

"Sana bigyan mo ako ng chance na maging tayo. Sana, payagan mo ako na magkaroon ng pakialam sa buhay mo. Sana hayaan mo akong ilagay kita dito..." Idiniin ni Jason ang kamay ni Anton sa tapat ng kanyang dibdib. "...sa puso ko."

"Jason..." tila naguguluhang sabi ni Anton.

Huwag ka nang magpakipot, loka! Baka wala nang dumating pa na ganyan kaguwapo sa buhay mo! Biglang sumisingit ang nang-iinis niyang isip na hindi niya alam kung kakampi ba niya o hindi.

Nakatitig na si Jason kay Anton. Wala itong pakialam sa iba pang manonood na nasa likuran nila. Madilim naman sa loob ng sinehan kaya pakialam ba nila.

"Kailangan bang ngayon na rin ako sumagot? Pwede bang pag-isipan ko muna? Gustong sampalin ni Anton ang sarili niya. Ano't may mga ganun pa siyang dialogue? So, pinanindigan na niya ang pagfi-feeling dalagita?

Ang haba ng hair mo, lola! Choosy ka pa eh, beinte-uno lang 'yan. Sariwang-sariwa! Samantalang ikaw, malapit nang mag-amoy lupa! Tila dinig na dinig ni Anton ang nang-uuyam na halakhak ng kanyang utak.

"Take your time. Basta habang nag-iisip ka pa, hayaan mo lang ako na laging magre-request na makasama ka. Para mas maipadama ko sa'yo na seryoso talaga ako."

Naku, isang-isa na lang ta-tumbling na talaga si Anton sa sobrang kaswitan ng Jason na 'to!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top