27

PASIMPLENG lumapit si Yuri kay Anton. Alam niyang bad mood ito kung pagbabasehan ang gusot na mukha nito.

"Hi! May problema ba? Baka may maitutulong ako."

Tiningnan siya ni Anton pero hindi ito nagsalita.

"Nakita kasi kita na parang malungkot kaya lumapit ako. Baka gusto mo ng makakausap. Wala naman akong gagawin," sabi niya nang nakangiti. Kailangang makuha niya ang tiwala ng matandang baklang ito. "By the way, I'm Yuri." Inilahad niya ang kanyang kamay, umaasa na sana ay abutin ito ni Anton.

Saglit pa siyang pinagmasdan ni Anton. Tapos ay lumipat ang tingin nito sa kamay niyang nakalahad.

Mamaya pa ay inabot ni Anton ang kanyang kamay. "Anton..." sabi nito.

"Uuwi ka na ba? I mean, kung wala ka pang gagawin can I invite you over a cup of coffee?"

Tiningnan ni Anton ang suot na wrist watch. Alas-singko y medya pa lang naman. Wala naman sigurong masama kung iinom siya ng kape kasama ang lalaking ito.

Nginitian niya si Yuri. "Sure! Saan?"

Huli! Ang laki ng pagkakangiti ni Yuri. Alam niya, kuha na niya si Anton. "Diyan na lang sa malapit na mall. May alam akong coffee shop doon. Tara na?"

"Tena..." Nagdiriwang ang loob ni Anton. Kung inaakala ng Jason na iyon na ito lang ang may kakayahang magloko, puwes makikita nito ang kaya niyang gawin.

Sa isang kilalang coffee shop dumiretso sina Anton at Yuri. Umorder si Yuri ng maiinom nilang dalawa.

"Bakit mukha kang aburido kanina?" Hindi na nag-aksaya ng panahon si Yuri. Talking to Anton is synonymous to getting information na puwede niyang sabihin kay Shelley na siguradong ikatutuwa nito.

Marahang umiling si Anton. "Nothing serious. Nagkaroon lang ng konting misunderstanding with my partner."

"Ahh..." Nagmukhang malungkot si Yuri. "May maitutulong ba ako? I am willing to listen and be a shoulder to cry on." Gusto niyang bumunghalit ng tawa. Ang tagal na niyang hindi bumabanat ng ingles. Ginagamit lang niya ito kapag may sosyal siyang kliyente sa trabaho niya bilang masahista. Mabuti pala at nagbaon siya ng maraming ingles ngayon.

"Hindi naman masyadong malaki ang problema. Konting hindi lang pagkakaintindihan."

"Basta, alam mong handa akong makinig kapag gusto mo ng kausap." He flashed that seemingly sincere smile but at the back of his head lies the victorious scent of the task that Shelley asked him to do. Humigop siya ng kape para saglit na itago ang kakaibang kislap ng kanyang mga mata.

Humigop din ng kape si Anton bago nagsalita. "Thanks, but why are you so nice to me? I mean, we barely knew each other." Bakas sa mukha niya ang pagtataka.

"Nakita kitang malungkot. Parang hinaplos ang puso ko at may nagtulak sa akin na lapitan ka... at damayan." Ang korni mo, Yuri. "Ewan ko, but it seems attracted ako sa'yo." Tinitigan niya ang kausap. "Tama ba ako sa iniisip ko na ang sinasabi mong partner ay isang lalaki?"

Napaawang ang labi ni Anton. Ganoon na ba talaga ka-transparent ang kabaklaan niya?

"Huwag kang mao-offend. Nagtatanong lang ako." Best actor sa bait-baitan school of acting si Yuri. Tila ito isang maamong tupa na hindi gagawa ng kasamaan.

"Yes, lalaki ang partner ko." Walang dahilan para mag-deny pa siya. Ano ba naman kung malaman ng lalaking ito na bakla siya?

Napangiti si Yuri at napansin iyon ni Anton.

"Bakit?" tanong niya.

"Masaya lang ako," sagot nito na nagpakunot sa kanyang noo. "Ibig sabihin, may tsansa ako sa'yo."

"Ha?"

"Ibig sabihin, hindi ako maasiwa na i-pursue ka." Hinawakan nito ang kanang kamay niya. "Gusto kita..."

"May partner na ako. Hindi ako mahilig na pagsabay-sabayin ang pakikipagrelasyon." Binawi niya rito ang kanyang kamay at pasimpleng uminom ng kape.

"Hindi naman ako nagmamadali," sabi nito na hindi inaalis ang tingin sa kanya. "Maghihintay ako ng tamang panahon."

Huminga siya nang malalim. "Ayokong paasahin ka. Pero mas mabuti sigurong huwag ka nang mag-umpisa sa kung ano mang plano mong umpisahan. Mahal ko 'yong partner ko. At wala naman kaming problema para isipin kong hiwalayan siya. Ayoko ng kumplikadong relasyon. Mas okay kung magiging magkaibigan na lang tayo," diniretso ba niya ito.

Nalaglag ang balikat ni Yuri. Siyempre kasama iyon sa akting niya. Kailangang mapaniwala niya si Anton na seryoso siya at gusto niya talaga ito. "Wala akong magagawa kung iyon ang gusto mo. Payag ako na maging magkaibigan tayo."

"Saan ka nagwo-work?" tanong niya rito para maiba naman ang takbo ng usapan nila.

"Therapist ako sa isang spa. Pero minsan, freelance masseur. Mas malaki ang kita 'pag freelancer, eh." Pinagmasdan niyang mabuti si Anton para makita ang magiging reaksyon nito. Pero wala naman siyang napansing kakaiba nang malaman nitong masahista siya. "Ikaw, anong trabaho mo?"

"Sa real estate. Nagbebenta ng mga house and lot at condo."

"Ahh," reaksyon ni Yuri kasabay ang marahang pagtango. "Dumadami nga ang mga pumapasok sa real estate. Matagal ka na ba riyan?"

"Almost three years pa lang," kaswal niyang sabi. Nababagot na siya. Gusto na niyang umuwi.

"Ako, limang taon na sa ganitong trabaho. Mula no'ng lumuwas ako ng Manila, ito na ang naging trabaho ko."

"Good! Ibig sabihin, nag-e-enjoy ka sa trabaho mo." Tiningnan ni Anton ang oras sa kanyang wrist watch. "Oh, I need to go, Yuri. May gagawin pa ako sa bahay. Maraming salamat sa coffee." Tumayo na siya at inilahad ang kamay kay Yuri. "Nice meeting you."

Mabilis na inabot ni Yuri ang kamay ni Anton. "Nice meeting you, too." Siniguro niyang mararamdaman ni Anton ang marahan niyang pagpisil sa palad nito. "Shall we go?"

Magkasabay silang lumabas sa coffee shop. Inihatid siya ni Yuri hanggang sa sakayan. Pero humirit pa ito bago siya makasakay ng taksi.

"Can I get your number?"

Kumuha siya ng calling card sa wallet at iniabot niya rito.

"Thanks, Anton!"

"Salamat din." Pinara niya ang dumaang taksi. "Sasakay na ako."

"Ingat!" Kumaway pa siya kay Anton nang magsimula nang umandar ang taksi.

Nang nakaalis na ang taksi ay halos magdiwang ang kalooban niya. Big leap sa pinagagawa sa kanya ni Shelley ang nangyari ngayong gabi. Hindi naman kailangang maging jowa niya si Anton. Ang mahalaga lang ay mailayo niya ito kay Carlo.

Isang plano ang nabuo sa utak ni Yuri. Seseryosohin na niya ang utos ni Shelley. Mukha namang okay ang Anton na 'yon. Kung susuwertehin siya, hindi lang si Shelley ang pagkakakitaan niya.

Pati si Anton!

Tinawagan niya si Shelley.

"Anong balita?" bungad sa kanya ng bakla.

"Nagkausap na kami ni Anton. Naumpisahan ko na ang pinagagawa mo. Gusto ko lang linawin ang usapan natin... na hindi ko kailangang maging jowa si Anton, 'di ba? Kailangan ko lang siguruhin na hindi makakaporma si Carlo sa kanya," pagkukumpirma niya.

"No! Kailangang maging jowa mo siya."

"Imposible 'yon, Shelley. Sabi ko nga sa'yo, may boyfriend ang Anton na 'yon at nilinaw niya sa akin kanina na hindi siya ang tipo na nagsasabay-sabay ng relasyon. Hindi siya katulad mo na malandi."

"Eh, 'di sirain mo ang relasyon nila! Hayup ka! Ang usapan natin, gagawin mo siyang jowa. Babayaran kita kapag naging jowa mo siya," nanggigigil na sabi ni Shelley.

"Hindi mo ako babayaran kapag hindi ko siya naging jowa?"

"Natural! Ano ka sinusuwerte?"

"Kung ganoon, tigilan na natin ito. Wala naman pala akong mapapala, eh."

"Hindi puwede! Pumayag ka na sa kasunduan. Hindi ka na puwedeng umatras." Kung kaharap lang niya ang lalaking ito, baka nasampal na niya. Nakakagigil!

"Sinong may sabing hindi ako puwedeng umatras, ikaw?" Muli siyang humalakhak. "Hindi mo ako puwedeng talian, Shelley. Ikaw ang humihingi ng pabor sa akin. May karapatan akong tumanggi ano mang oras. Ngayon, kung gusto mo talagang gawin ko ang pinagagawa mo, ibigay mo na sa akin ang kalahati ng kabayaran ko."

"Ang kapal mo!"

"Makapal talaga ako, alam mo 'yan. At mautak din. Hindi puwedeng ikaw lang ang makikinabang sa mga ipinagagawa mo sa akin. Dapat meron din akong mapapala. Pasalamat ka nga dahil dati okay na sa akin ang bayad mong sex. Pero ngayon, ayoko na ng sex na kabayaran sa mga utos mo. Pera na ang gusto ko."

"Huwag kang magmalinis, alam ko kung hanggang saan ang kalibugan mo!"

Napahalakhak nang malakas si Yuri. "Pareho lang tayong malibog, Shelley! Nakausap ko na si Anton, wala akong balak na sirain ang relasyon nila ng boyfriend niya dahil hindi ko naman type 'yon. Pero kayang-kaya kong bantayan sila ni Carlo para masiguro ko na hindi sila magkakabalikan. Gagawin ko iyon kapag natanggap ko na ang twenty-five thousand pesos mula sa'yo. At isa pa pala, lalagyan natin ng duration ito. Six months lang. After six months at nagawa ko ang dapat kong gawin, ibibigay mo na ang natitirang kabayaran. Hindi puwedeng walang katapusan ang serbisyo ko sa'yo. Ano ka rin, sinuswerte? Kung gusto mo ng extension, mapag-uusapan naman natin 'yon... basta may bagong kabayaran ulit."

Gigil na gigil si Shelley sa kausap. "Inuutakan mo ba ako?"

"Hindi. Pinoproteksyunan ko lang ang sarili ko, Shelley. Magpapagamit ako sa'yo, pero dapat bayad lahat ng serbisyo ko."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top