22

"HINDI NA kita nahintay kagabi. Sobrang antok ko kaya nakatulog na ako," sabi ni Anton habang nag-aalmusal sila kinabukasan. "Saan ka ba nanggaling?"

"Sorry, pauwi na kasi ako dapat. Kaso biglang nawalan ng malay 'yong kaibigan ko kaya dinala ko na lang sa ospital." Sumubo siya ng kapirasong hotdog pagkatapos magsalita.

"Sinong kaibigan?"

"Dati kong school mate." Hindi tumitingin si Jason kay Anton habang nagsasalita. Kunwari ay abala ito sa kinakain.

"Sino nga?" Huminto sa pagkain si Anton at seryosong tumingin sa kausap.

Nag-angat ng mukha si Jason pero umiwas ito ng tingin sa kanya.

"May itinatago ka ba?" Matalas ang pakiramdam ni Anton. Sa tanda niya bang ito, napagdaanan na niya ang lahat ng klase ng kalokohan ng mga lalaki. Ika nga, been there done that.

"Ano naman ang itatago ko?" kaswal nitong sagot. Tumayo na ito at dinala ang plato sa lababo at hinugasan. "Mauuna na akong maligo, ha?"

Hindi siya sumagot. Sinundan lang niya ng tingin si Jason habang umaakyat ito ng hagdan pabalik sa kuwarto.

"Good morning, best friend," bati sa kanya ni Jairus habang nagkakamot ng ulo. "Ba't tahimik ka? Hindi ba masarap ang hotdog?" Dumiretso ito sa lababo at nagmumog. Tapos ay bumalik sa mesa at umupo sa tapat niya.

"Ano bang meron at para kang nalugi ng isang kilong tinapa?" Tumusok ito ng isang hotdog at kumagat. "Masarap naman ang hotdog, ah."

Umiling si Anton. "Wala naman. Inaantok lang ako. Maaga kasi akong bumangon para maghanda ng almusal," pagsisinungaling niya.

"Ah, ganoon ba? Maligo ka na kaya para mawala ang antok at manumbalik ang sigla mo. Iwan mo na 'yang plato mo. Ako na ang bahala riyan."

"Salamat, ha? Sige, aakyat na ako," matamlay pa rin niyang sagot.

Nagtatakang sinundan ng tingin ni Jairus ang kaibigan. Ano kayang nangyayari do'n?" Muli siyang kumagat sa hotdog. Isang malaking-malaking kagat.

Saktong pagpasok ni Anton sa kuwarto ay siya namang paglabas ni Jason sa banyo. "Tapos na ako. Ikaw naman," sabi nito.

Walang imik na kinuha niya ang tuwalya at kaagad na pumasok sa banyo. Si Jason naman ay nagmamadaling nagbihis at nang matapos ay kinatok ang pinto ng banyo. "Mauuna na ako, ha? Marami kasi akong naiwang trabaho kahapon na kailangang matapos before lunch time."

Hindi sumagot si Anton.

Paglabas niya ng banyo ay wala na si Jason.

Nagbihis na siya at lumabas na rin ng bahay para pumasok sa trabaho. Gaya ng dati ay naiwan sa bahay si Jairus.

Bandang tanghali nang maisipan ni Anton na tawagan si Jason. Nakakailang tawag na siya ngunit hindi niya makontak ang cell phone nito kaya naisipan niyang tawagan ito sa opisina.

"Naku, hindi siya pumasok, eh. May emergency yata sa kanila," sabi ng kausap niya sa kabilang linya.

"Ha? Ganoon ba?" nagtatakang tanong niya. "Sinabi ba kung anong emergency?"

"Hindi, eh. Basta nag-advise lang na hindi siya makakapasok today."

"Sige, maraming salamat." Ibinaba niya ang telepono na nag-iisip pa rin kung bakit hindi pumasok sa opisina si Jason. Saan ito pumunta? Anong emergency ang sinasabi nito?

Si Jason ay nasa ospital nang mga oras na iyon. Kaninang umaga pa siya rito. Papasok na siya sa trabaho nang makatanggap siya ng tawag mula kay Xaira. Sinabi ng dalaga na masama ang pakiramdam nito at nakararamdam ng pagkahilo. Agad na nagpasya si Jason na puntahan si Xaira sa apartment nito.

Nang dumating siya sa apartment ni Xaira ay agad niyang napansin na bahagyang nakaawang ang pinto. Pumasok siya at bumulaga sa kanya si Xaira na walang malay na nakahiga sa sahig.

Mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Agad na binuhat ni Jason si Xaira at pumara ng taksi para isugod ito sa pinakamalapit na ospital kung saan din niya ito dinala kagabi.

Agad na sinuri ng mga doktor sa emergency room si Xaira. Namalayan na lang niya na lumapit sa kanya ang isang nurse.

"Sir, kayo po ba ang kasama no'ng babaeng pasyente?"

"Oo. Kumusta siya?"

"Ah, sir kailangan n'yo pong pumunta sa admission office para ikuha ng room ang pasyente."

"Mako-confine siya?" Biglang bumangon ang kaba sa kanyang dibdib. Naririnig na nga niya ang pintig ng kanyang puso.

"Opo... Sige po, pakiasikaso na agad ang kuwarto niya para mailipat na roon ang pasyente." Iyon lang at iniwan na siya ng nurse.

Agad niyang inasikaso ang mga dapat gawin para maikuha ng kuwarto sa ospital si Xaira. Pagkatapos ay tinawagan niya ang mama nito. Mabuti na lang at nasa cellphone pa rin niya ang phone number ng mga magulang ng ex-girlfriend niya.

Narinig niyang nagri-ring ang cellphone ng ina ni Xaira. Ilang sandali lang ay may sumagot sa tawag niya.

"Jason? Bakit napatawag ka?"

"Tita Arnie, nandito po kasi ako ngayon sa ospital. Dinala ko po si Xaira. Nadatnan ko po kasi siya sa apartment niya na walang malay." Pinili niyang diretsuhin na ang kausap sa tonong hindi naman nagpa-panic.

"Ha? Anong nangyari sa anak ko?" Agad nataranta ang ginang. "Saang ospital 'yan? Luluwas na kami kaagad ng asawa ko."

"Huwag po kayong mag-panic, tita. Okay naman po si Xaira. Ililipat na siya ng kuwarto." Sinikap niyang pakalmahin ang kausap. "Nandito po kami sa Our Lady of Mercy Hospital."

"Ikaw na muna ang bahala kay Xaira. Huwag mong iiwan ang anak ko. Hintayin mo kami diyan, pakiusap."

"Opo, huwag po kayong mag-alala. Hindi ko po siya iiwan."

SI ANTON ay hindi pa rin mapakali sa opisina. Sinibukan niya ulit kontakin kanina si Jason pero busy ang cellphone nito. Nakailang tawag na rin siya pero laging busy or cannot be reached ang telepono nito.

Muli niyang sinubukang tawagan ang karelasyon.

Napabuga siya ng hangin nang sa wakas ay mag-ring ang telepono.

"Hello..." Matamlay ang boses na narinig ni Anton sa kabilang linya.

"Asan ka? Tumawag ako sa opisina n'yo pero hindi ka raw pumasok. Eh, ang aga-aga mong umalis ng bahay kanina."

"Sorry, hindi ko na nasabi sa'yo. Nataranta na kasi ako," pahayag ni Jason. "Ah, k-kasi..."

"Nasaan ka nga?"

"D-dinala ko ulit sa ospital 'yong kaibigan ko. Iyong sinabi ko sa'yo kagabi na dinala ko rin sa ospital. Nawalan na naman kasi siya ng malay. Sabi ng doktor, kailangan na niyang i-confine."

"Kaninang umaga ko pa tinatanong kung sinong kaibigan 'yan. Bakit parang ayaw mong sabihin ang pangalan?" paninita niya kay Jason.

"H-hindi naman. Ayoko lang kasi na... Baka kasi iba ang isipin mo."

"Bakit? Dapat ba akong mag-isip ng iba?" May diin ang bawat salita ni Anton. "Sino ang kaibigang 'yan na sobrang importante yata sa'yo?"

"S-si Xaira, 'yong ex-girlfriend ko." Halos bulong lang ang pagkakasabi niya pero tila granada itong sumabog sa pandinig ni Anton.

"Nagkabalikan kayo?"

"No! Hindi," agad niyang tanggi. "Kailangan lang niya ang tulong ko. Walang ibang ibig sabihin ito."

"Siguraduhin mo lang. Dahil alalahanin mong hindi ako ang nagpumilit para maging tayo."

"Alam ko naman 'yon. Sorry... Wala naman akong ginagawang masama. Iniisip ko lang na baka magalit ka kapag nalaman mong nag-uusap na kami. Pero God knows walang balikang nangyari. Maniwala ka sa akin." Hindi alam ni Jason kung paano magpapaliwanag. Basta ang nasa isip niya ngayon ay kailangan siya ni Xaira. Pero hindi rin niya gustong saktan si Anton.

Hindi kailan man.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top