21

NASA BAHAY na si Carlo nang makauwi si Shelley. Inabutan niya itong nasa kuwarto at nanonood ng palabas sa telebisyon.

"Kanina ka pa ba?" tanong ni Shelley pagkatapos maibaba sa ibabaw ng tokador ang dala niyang bag.

"Hindi pa gaanong nagtatagal," kaswal na sagot ni Carlo. Hindi nito inaalis ang tingin sa pinanonood. "Saan ka galing?"

"Saan pa eh 'di sa parlor. Tiningnan ko kung okay pa ba ang negosyo ko. Tapos, dumaan ako sa mall."

"Asan ang pinamili mo?"

"Kailangan may pinamili? Hindi puwedeng gumala lang?" pilosopong sagot niya.

"Kilala kita. Hindi ikaw 'yong tipo na mag-aaksaya ng oras para umikot lang sa mall," argumento ni Carlo. "Sigurado may importante kang pinuntahan doon." Nag-angat siya ng tingin at pinasadahan ang buong katawan ni Shelley. "Sinong pinuntahan mo sa mall?"

"You're being paranoid. Gumala nga lang ako. Masama na bang maglibang ngayon?"

"Anong klaseng paglilibang naman 'yan?"

"Carlo, huwag mo akong umpisahan. Pagod ako." Tumaas na ang boses ni Shelley tanda na naiirita na ito.

Tumayo si Carlo at nagpalit ng t-shirt at cargo shorts.

"O, saan ka pupunta?"

"Kakain sa labas! Leche, wala man lang makain sa bahay na 'to!"

"Ang daming puwedeng kainin sa ref! Ipinagluto pa nga kita kaninang umaga, 'di ba? Kung gutom ka, magluto ka, o initin mo 'yung lutong pagkaing nasa ref. Makakakain ka kung gusto mo. Kaso, ang hirap sa'yo gusto mo isusubo na lang. Ayaw mo man lang kumilos."

Hindi na niya pinsansin si Shelley. Tuloy-tuloy siyang lumabas ng kuwarto.

Tumalim ang mga mata ni Shelley. Isang araw, pasasabugin niya sa mukha ni Carlo ang lahat ng mga ebidensya ng panloloko nito sa kanya!

***

"THANK YOU sa paghatid mo ulit sa akin," matamis ang ngiti ni Xaira habang kausap si Jason. "Baka hanap-hanapin ko 'to."

Napangiti rin si Jason. "Hindi naman siguro. Paminsan-minsan lang naman."

"Paminsan-minsan ba 'yong dalawang magkasunod na araw? Kahapon hinatid mo rin ako."

"Maliit na bagay lang naman ito. At least alam kong nakakauwi ka nang ligtas."

"Ayaw mo ba talagang pumasok? Mag-isa lang ako rito sa apartment. Uminom ka muna ng juice bago ka umuwi," alok niya sa binata.

Ngumiti si Jason habang umiiling. "Hindi na, next time na lang."

"Ikaw ang bahala. Mag-iingat ka pag-uwi."

"I will. Bye!" Tumalikod na siya at nag-umpisang maglakad.

Nakakailang hakbang pa lang siya nang makarinig ng isang kalabog sa kanyang likuran. Parang may bumagsak!

Nilingon ni Jason si Xaira at laking gulat niya nang makitang nakahandusay sa semento ang babae.

"Xaira! Anong nangyari sa'yo?" Napatakbo siya pabalik para tulungan ito.

Ngunit nang makalapit siya ay saka niya nakitang wala itong malay.

Kaagad niyang binuhat si Xaira at itinakbo papalabas ng gate. Tiyempo naman ang pagdaan ng isang taxi kaya agad niya itong pinara.

Isinakay niya sa taxi ang walang malay na dalaga. "Manong, sa pinakamalapit na ospital tayo. Pakibilisan po..." Bakas sa tinig niya ang matinding kaba.

Nang makarating sa ospital ay agad na inasikaso ng doktor sa emergency room ang walang malay na dalaga. Hindi nawawala ang kaba sa dibdib ni Jason habang nakikita niyang sinusuri ng doktor si Xaira.

Noon tumunog ang telepono niya. Tumatawag si Anton.

Natampal niya ang sariling noo. Kanina pa marahil siya hinihintay ni Anton. Kung bakit ba naman nakalimutan niyang tawagan ito o kaya ay i-text man lang.

Lumabas muna siya ng emergency room bago sinagot ang tawag.

"Hello? Sorry, hindi ako nakatawag," paghingi niya agad ng paumanhin.

"Nasaan ka ba?" tanong ni Anton.

"Nandito ako sa ospital. Isinugod ko kasi 'yong kaibigan ko. Biglang nawalan ng malay."

"Sinong kaibigan?"

Natigilan si Jason. Hindi siya makasagot. Sasabihin ba niya kay Anton na ang ex-girlfriend niyang si Xaira ang dinala niya sa ospital?

Lumunok siya bago nagsalita. "Ikukuwento ko na lang sa'yo pag-uwi ko riyan. Kokontakin ko lang ang parents niya para malaman nila ang nangyari sa kanilang anak."

"Makakauwi ka ba ngayong gabi?"

"Hindi ko sigurado. Titingnan ko. Kapag nagkamalay siya at wala namang problema, uuwi ako kaagad. Pasensya na, ha?"

"Bantayan mo siyang mabuti. Kung may maitutulong ako, sabihin mo lang kaagad."

"Salamat..."

Katatapos lang nilang mag-usap ni Anton nang magkamalay si Xaira. Pagbalik niya sa loob ng ER ay gising na ito at kinakausap ng doktor.

"Ah, narito ka na pala," sabi ng doktor nang makita siya.

"Jace..."

"Kumusta na ang pakiramdam mo?" tanong niya sa dalaga.

"Okay na ako. Pagod lang siguro kaya ako nahimatay. Sobrang stress ko sa work nitong nakaraang mga araw."

"Doc?" Nagtatanong ang mga mata ni Jason sa manggagamot.

"Hintayin lang natin 'yung result ng lab tests niya. Para malaman natin kung kailangan pa ng further tests. Kapag okay na, makakauwi na rin ang pasyente mamaya," nakangiting sabi ng doktor.
***
"BESTFRIEND..." Kinatok ni Jairus ang pinto ng silid ni Anton.

Ilang saglit lang at bumukas ang pinto.

"Bakit?" nagtatakang tanong ni Anton.

"Nasaan si Jason? Gabi na, ah."

"Nasa ospital. Dinala niya raw 'yong kaibigan niya," kaswal niyang sagot.

"Sinong kaibigan? Ano raw nangyari?" Kinutuban si Jairus. Iniisip niyang magkasama ngayon sina Jason at 'yung babaeng kasama nito sa pizza parlor.

"Mamaya na lang daw siya magkukuwento pag-uwi niya."

"Bestfriend..."

"O?" Nagtatakang tinitigan niya si Jairus. "May kailangan ka ba?"

Umiling ito. "W-wala..."

"May sasabihin ka?"

"Hindi. Wala. Wala na," mabilis na sagot nito. "Sige, babalik na ako sa kuwarto."

Napatango na lang si Anton at sinundan ng tingin ang kaibigan habang papunta ito sa sariling silid.

ALA-UNA na ng madaling araw nang makauwi si Jason. Mabuti na lang at okay naman ang resulta ng lab tests ni Xaira kaya pinauwi na ito ng doktor. Pero may isa pang lab test na after two days pa malalaman ang resulta. Ganoon pa man ay pumayag na ang doktor na makauwi sila. Hinatid niya sa apartment nito ang dalaga. Nang maihatid at masigurong maayos na ang kalagayan nito ay saka siya nagpasyang umuwi na rin.

Mahimbing na ang tulog ni Anton nang pumasok siya sa kuwarto. Hindi na niya binuksan ang ilaw. Nagpalit siya ng damit na tanging ang flashlight lang ng kanyang cellphone ang pumuno sa isang bahagi ng silid. Pagkatapos ay pumasok siya sa banyo para maghilamos at magsepilyo. Inaantok na siya at pagod. Hindi na niya kakayaning maligo pa kahit ito ang nakasanayan niyang gawin gabi-gabi bago matulog.

Nang matapos sa mga ginawa niya sa banyo ay tahimik siyang tumabi kay Anton sa kama para matulog. May pasok pa siya bukas kaya kailangan na niyang magpahinga.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top