20

"ANO NA naman ang kailangan mo?" walang ganang tanong ni Anton kay Carlo. Hindi pa man ay nagsisimula nang uminit ang ulo niya rito.

"Gusto lang sana kitang makita... at yayaing mag-lunch." Nakangiti si Carlo kahit nagpakita ng kawalang interes ang kausap. "Sana mapagbigyan mo ako."

"Para saan pa ba? Sinabi ko naman sa'yo na masaya na ako sa buhay ko. Mahal ko si Jason at ayokong magkasira kami."

"Kahit maibalik lang sana 'yung friendship natin. Please..." Nakita ni Anton ang sinseridad sa mukha ni Carlo. "Tanggap ko nang masaya ka na sa lovelife mo. At ayokong ako ang maging dahilan para muling gumulo. Nasaktan na kita dati. Ayokong masaktan ka ulit nang dahil sa akin. Kaya kuntento na ako na hindi na maging tayo, basta maging kaibigan sana kita ulit."

Napabuntong-hininga si Anton bago muling nagsalita. "Sige, tatanggapin ko ang pakikipagkaibigan mo. Pero ilagay mo sa utak mo na hanggang doon lang iyon. Huwag kang mag-e-expect ng higit pa roon. Huwag kang aasta na parang pag-aari mo ako. At higit sa lahat, kausapin mo ang dyowa mo at ipaliwanag mo sa kanya na wala tayong relasyon para hindi niya ako ginugulo."

"Oo, 'wag kang mag-alala! Ako ang bahalang magsabi kay Shelley." Hindi maipaliwanag ang tuwang nakarehistro sa mukha ni Carlo.

"Mabuti kung ganoon. Wala tayong magiging problema."

Hindi inaasahan ni Anton ang sumunod na ginawa ni Carlo. Dahil sa sobrang tuwa ay niyakap siya nito. Hindi siya kaagad nakakilos. Masayang-masaya si Carlo. Malaking bagay na sa kanya na okay na sila ni Anton. Sobrang pasasalamat niya na pumayag itong makipagbati sa kanya at maging magkaibigan silang muli. Hindi man sila nagkabalikan, pipilitin niyang makuntento na lamang sa pagkakaibigan nilang dalawa. Mas lalo pa niyang hinigpitan ang yakap kay Anton.

Iyon ang eksenang kanina pa hinihintay ni Yuri. Mabilis nitong kinunan ng litrato ang dalawang pinababantayan sa kanya ni Shelley. Huling-huli sa camera ang pagyakap ni Carlo kay Anton at siniguro ni Yuri na nakakuha siya ng maraming shots at anggulo.

Tuwang-tuwa si Yuri sa magandang bunga ng matiyaga niyang paghihintay. Sa oras na maibigay niya kay Shelley ang mga larawan ay siguradong makukuha na rin niya ang pinakaasam niyang premyo mula rito. Saglit pa siyang naghihintay mula sa kanyang kinaroroonan. Baka sakaling may susunod pang mas magandang eksena. Pero nakita niyang pagkatapos yakapin ni Carlo si Anton ay saglit lang nag-usap ang dalawa at pagkatapos ay pumasok nang muli si Anton sa loob ng gusali samantalang si Carlo naman ay umalis na rin.

Hindi na nag-abala pa si Yuri na sundan si Carlo. Nagmamadali siyang nagpunta sa isang mall para ipa-print ang mga litrato. Matutuwa talaga si Shelley sa mga ebidensyang nakuha niya.

Pagkatapos maipa-print ang mga litrato ay agad nitong tinawagan si Shelley. "Magandang balita. Nakakuha na ako ng ebidensyang magpapatunay na may relasyon pa rin si Carlo at 'yung ex niyang matanda."

"Mabuti naman kung ganoon," sabi ni Shelley sa seryosong tinig. "Pumunta ka ngayon dito at dalhin mo 'yan sa akin."

"Oppps! Ibibigay ko lang ito sa'yo kapag nakuha ko na ang premyong pinag-usapan natin." Lumabas ang pagkatuso ni Yuri. Matagal na niyang pinapantasya si Shelley kaya hindi siya papayag na mautakan nito.

Medyo tumaas ang boses ni Shelley. "Anong akala mo, lolokohin kita? Ibibigay ko sa'yo ang premyong gusto mo. Tutuparin ko ang ipinangako ko sa'yo. Basta ibigay mo sa akin ang mga litratong hawak mo!"

"Magkita tayo kung ganoon. Ngayon ko gustong makuha ang premyo. Kung gusto mong makuha ang mga litrato, hihintayin kita sa Cubao. Madaming motel doon." Abot hanggang tenga ang ngisi niya. Sa wakas, matitikman na rin niya si Shelley.

"Hindi ako makakapunta. Bukas na lang." Narinig niyang sabi ni Shelley.

"Ayokong bukas. Ngayon ang gusto ko. Kung hindi ka pupunta, ide-delete ko na lang ang mga litratong ito at hindi na rin ako papayag na utusan mong sundan sila. Kaya magdesisyon ka, makikipagkita ka sa akin ngayon o hayaan mo na lang na lokohin ka ni Carlo nang wala kang kaalam-alam?"

Napamura si Shelley. "Sige, hintayin mo ako diyan! Tatawagan kita kapag nasa Cubao na ako. Hayup kang kupal ka! Akala mo tatakasan ka sa premyong hinihingi mo."

"Mabuti na ang sigurado, Shelley. Minadali mo rin naman ako na makuha ang ipinapakuha mo. Kaya puwede rin naman sigurong madaliin ko rin ang pagkuha sa premyo ko," argumento niya. "Patas, 'di ba?"

Hindi na sumagot si Shelley. Pinatayan na nito ng telepono ang kausap.

Akala ni Yuri ay maiinip siya sa paghihintay. Pero wala pang trenta minutos ay tinawagan na siya ni Shelley.

"Nandito na ako sa Cubao, nasaan ka?"

"Wow, ang bilis ah! Nandito ako sa mall, sa foodcourt. Puntahan mo ako rito."

"Okay, sige..." Mabilis na naglakad si Shelley papasok ng mall. Nagtungo siya sa foodcourt at hinanap si Yuri na agad naman niyang nakitang nakaupo malapit sa kiosk ng mga inuming pampalamig. Nilapitan niya ang binata.

"Mabuti naman at dumating ka," bungad sa kanya ni Yuri nang makita siyang papalapit. Ang laki ng pagkakangiti nito sa kanya.

"Nasaan ang mga litrato?" agad na tanong ni Shelley.

"Maupo ka muna. Masyado ka namang excited." Ikinaway-kaway niya ang kanyang kanang kamay na may hawak na cellphone.

Umupo si Shelley. Iniabot niya rito ang cellphone at ipinakita ang mga litrato. Agad rumehistro sa mukha ng bakla ang matinding galit nang makita ang mga larawan.

"Ibibigay ko sa'yo ang printed copies ng mga 'yan pagkatapos kong makuha ang premyo ko," kaswal na sabi ni Yuri. "May motel na malapit diyan sa labas ng mall."

Tumayo si Shelley. "Sumunod ka sa akin. Ibibigay ko sa'yo ang gusto mo."

Umabot na hanggang tenga ang pagkakangiti ni Yuri. Walang imik siyang sumunod kay Shelley papalabas ng mall.

Wala pa rin silang imikan nang pumasok sa motel. Kumuha ng kuwarto si Shelley at nagbayad. Nang makapasok sila sa pribadong silid ay hindi na napigilan ni Yuri ang sarili. Agad niyang pinupog ng halik ang bakla. Iba talaga ang dating sa kanya ni Shelley. Babaeng-babae naman kasi talaga ang porma at itsura nito.

"Teka," reklamo ni Shelley. "Mag-shower ka muna."

"Sabay na tayo," pabulong na sagot niya. Inilapit pa niya ang bibig sa tenga ni Shelley kasabay ang marahang pagkagat dito.

Hinubad ni Yuri ang kanyang suot, at pagkatapos ay isinunod naman niya ang kay Shelley. Magkasabay silang pumasok sa banyo para mag-shower. Doon na rin inumpisahang kunin ni Yuri ang premyong kapalit ng mga larawang magkayakap sina Anton at Carlo.

Malamig ang tubig na nagmumula sa shower at umaagos sa kanilang mga katawan, pero tinalo ito ng nag-iinit nilang damdamin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top