2

TANGHALI na nang magising si Anton kinabukasan. Naabutan niyang nagluluto ng pananghalian ang best friend niyang beki na si Jairus na matagal na rin niyang kasama sa bahay. Naaalala pa ni Anton, may tatlong taon na ang nakakaraan nang umiiyak na dumating sa bahay niya si Jairus.

"Ano'ng nangyari? Napaano ka?" bakas sa boses ni Anton ang pag-aalala para sa kaibigan.

"Iyong gagong kinakasama ko, binugbog ako at pinalayas!" Hindi maawat sa pagngawa si Jairus.

"At lumayas ka naman? Eh, hindi ba't ikaw ang nagbabayad ng tinitirhan n'yo ng tarantado mong boyfriend? Bakit ikaw ang pinalayas? Dapat, siya ang pinalayas mo. Itinapon mo sana sa labas ang mga gamit niya." Nanggagalaiti sa galit si Anton. "At dapat, hindi ka pumapayag na binugbog ka. Grabe ka! Hindi mo ba mahal ang sarili mo at hinahayaan mo ang kahit sino na basta ka na lang saktan?"

"Dumating kasi siya kanina, kasama niya ang bagong jowa niya. Doon na raw sila titira, kaya pinalayas na lang ako. No'ng ayaw kong umalis, eto bugbog award."

"Ikaw naman kasi! Ang hilig-hilig mo sa lalaki. Kaya ayan ang napapala mo. Kailan ka ba matututo, 'pag napatay ka na ng kinakasama mo?"

Puro hikbi ang naging tugon ni Jairus. Naawa naman si Anton sa kaibigan.

"Puwede bang dumito muna ako? Wala kasi akong matutuluyan. Eto nga lang ang nadala kong gamit." Itinuro ni Jairus kay Anton ang dala niyang dalawang bag.

"Sige, dumito ka na muna. Mas maganda nga na nandito ka para may kasama rin ako rito sa bahay. At para makutusan kita 'pag umiral na naman ang pagkatanga mo sa mga lalaki."

"Maraming salamat, Anton. Maraming salamat, best friend."

Binati ni Jairus si Anton.

"O, good morning! Anong oras ka na ba nakauwi at tinanghali ka ng gising? Hindi ko na namalayan ang pagdating mo."

"Alas-dos yata. Napainom lang ng konti."

"Sus, aabutin ka ba ng alas-dos ng madaling araw kung konti?"

"Napasarap lang sa panonood ng nagvi-videoke."

"Ba't kasi umiinom ka na naman? Hindi ka pa rin ba maka-move on sa break-up n'yo ni Carlo?"

"Wala, nagpalipas oras lang."

"Sige, deny pa more! Hoy! maloloko mo ang sarili mo pero hindi mo ako maloloko. Kilalang-kilala na kita. Alam ko kung kelan ka nagsasabi ng totoo at kung kelan ka nang-e-echos lang."

"Eh, 'di ikaw na ang magaling. Alam mo na pala, ba't nagtatanong ka pa?"

"Maluluto na itong sinigang, kakain na tayo."

"Mapaparami na naman ang kain ko. Paborito ko na naman ang niluto mo."

"Ayaw mo no'n? Para dalawa na tayong mataba rito?" kumpiyansang sabi ni Jairus.

"Asa ka na naman na tataba ako na tulad ng sa'yo. Ako, nag-e-exercise araw-araw. Ikaw puro kain lang ang alam kaya para ka ng lumba-lumba sa katabaan."

"Kung maka-lumba-lumba naman ito! Sakto lang naman ang taba ko."

"Haay, sige sabi mo, eh. Hindi na ako makikipag-argumento."

"At saka kahit mataba ako, maganda pa rin ako."

"Oo na. Bilisan mo na 'yan at nagugutom na ako."

Nag-ring ang cell phone ni Anton. Numero lang ang nag-register sa cell phone.

"Hello? Sino 'to?"

"Anton, si Jason 'to. 'Yong kagabi... sa sakayan ng jeep. Hanggang diyan sa bahay mo."

"Ah, oo. Napatawag ka?"

"Wala naman. Nangungumusta lang..." saglit na huminto sa pagsasalita si Jason. "Na-miss na kasi kita."

Ewan pero pakiramdam ni Anton ay namula siya sa sinabi ng kausap. Si Jairus naman ay prenteng nakikinig sa sinasabi ng kaibigan bagamat hindi niya alam kung ano ang sinasabi ng kausap nito. Sa wari ay nakuha ang atensyon ni Jairus at interesado siyang malaman ang iba pang detalye.

Nahalata ni Anton na tila sumasagap ng tsismis ang best friend niya kaya naglakad siya papalabas ng kusina habang nagsasalita. "Agad? Wow, ha! Obvious na nambobola ka."

"No! Hindi ganoon 'yon. I'm just being honest to myself. Miss na talaga kita. Gusto kitang makausap. Gusto kitang makasama... nang matagal."

"Seryoso ka?" nagtatakang tanong ni Anton.

"Mukha ba akong nagbibiro? Tatawagan ba kita kung hindi ako seryoso?"

"Well, hindi lang siguro ako sanay na may lalaking nagbibigay sa akin ng ekstrang atensyon. Madalas kasi, ako ang nagbibigay ng atensyon sa lalaki."

"Puwede namang mabaligtad ang sitwasyon, 'di ba? Katulad ng nangyayari ngayon."

"Pero bakit?"

"Kasi, interesado ako sa'yo."

"Bakit sa 'kin? Bakit ako?"

"Teka ha? Tatanungin ko muna ang puso ko..."

Napalunok si Anton. Ano ba naman ang trip ng Jason na 'to? Bakit siya pa ang nakatuwaang pagtripan?

"Hello, Anton? Nandiyan ka pa ba?"

"Nandito pa ako..."

"Puwede ba tayong magkita?"

Napabuntonghininga si Anton.

"Ang lalim naman ng buntonghininga na 'yun! Parang may pinaghuhugutan."

"Narinig mo pa talaga 'yon, ha?"

"Oo naman," sagot ni Jason. "O, paano? Kita tayo?"

Hindi nakasagot si Anton.

"Ano? Sumagot ka naman," pangungulit ni Jason.

"S-Saan tayo magkikita?" Pakiramdam ni Anton ay isa siyang teenager na niyayayang makipag-date ng manliligaw niya. Pero nagdadalawang-isip siya dahil strict ang parents niya.

Tangina! Kuwarenta ka na, Anton! Huwag kang feeling dalagita. Gustong magdabog ng isip ni Anton.

"Sa Megamall. 5pm. Okay ba sa'yo 'yun?"

"Sige, darating ako."

Pupunta rin pala, pakipot pa!

"Wow! Thank you. Akala ko tatanggihan mo ako, eh. Salamat, ha?"

"Harmless meeting lang naman, 'di ba? Kaya walang problema. So, bakit naman ako tatanggi?"

Ang sabihin mo, malandi ka rin talaga. Kunwari pang ayaw pero gustong-gusto naman. Ayaw talagang paawat ng isip ni Anton.

"Oo naman. Gusto lang kitang makitang muli at makausap. Bitin kasi 'yung kagabi."
Ewan, pero naramdaman ni Anton ang kakaibang excitement sa boses ni Jason.

Seryoso ba talaga itong batang ito?

"Sige... Kita na lang tayo mamaya, Jason."

"Okay. Uy, walang indyanan, ha? Hihintayin kita."

"Huwag kang mag-alala, darating ako."

"Salamat. Sige, see you later na lang. Bye!"

"Bye..."

Tapos nang mag-usap sina Anton at Jason ay nanatili pa rin sa kinatatayuan niya ang una. Tila iniisip pa rin kung bakit tila nagpapalipad-hangin sa kanya ang napakabata pang Jason na 'yon.

Por Diyos! Beinte-uno lang siya!

At ikaw, kuwarenta! tili ng isip niya. Papasa ka ng ama niya.

Naputol ang pag-iisip ni Anton nang mapansin niya si Jairus na nasa harapan na pala niya at tila nakakaloko ang pagkakangiti.

"Anong nginingiti-ngiti mo diyan?" sita ni Anton sa kanyang matalik na kaibigan.

"Nagniningning ang mga mata mo, best friend. Parang in love ka?"

Pakiramdam ni Anton ay pinamulahan siya ng mukha. "Gaga! Kung anu-ano ang napapansin mo. Luto na ba ang ulam? Maghain ka na, nagugutom na ako."

"Asus! Huwag mong baguhin ang usapan. Sino 'yang tumawag sa'yo na nagpapatibok ng puso mo?"

"Baliw!"

Humalakhak si Jairus. "Ang akala ko pa naman 'di ka pa rin nakaka-move on sa ex mong si Carlo. 'Yon pala, kumekerengkeng ka na naman."

"Huwag mo akong itulad sa'yo na napakabilis kung magpalit ng lalake."

"Kailan? Aber, kailan ako naging mabilis sa pagpapalit ng lalaki? Eh, huling boyfriend ko nga three years ago pa."

"Kasi nga hindi mo na bino-boyfriend. Tinitikman mo na lang. Kasi, wala nang gustong makipagrelasyon sa'yo dahil ang taba-taba mo."

"Ang sama mo, best friend. Hindi ko alam kung best friend nga ba talaga kita." Kunwari'y nagtatampo si Jairus. "Pati ang bago mong boylet, nililihim mo pa sa akin. Nakakasama ka ng loob." Humikbi pa ito na tila nagpapaawa.

"Hay naku, kung ayaw mong kumain ako na lang ang kakain." Humakbang si Anton papuntang kusina.

"Teka, teka maghahain na ako!" habol ni Jairus. "Basta, kuwentuhan mo ako mamaya, ha? Huwag kang selfish."

"Tse! Wala akong ikukuwento sa'yo!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top