19
NAGULAT PA si Carlo nang sa paggising niya ay gising na rin si Shelley at nakapaghanda na ito ng almusal. Dati naman ay hindi man lang ito nag-aabalang bumangon para ipaghanda siya ng makakain bago pumasok.
"Gising ka na pala! Halika, kumain ka muna bago ka maligo," masayang bati sa kanya ni Shelley. Hinalikan pa siya nito sa pisngi.
"Anong meron?" nagtataka niyang tanong. Hindi talaga siya sanay na ganito ka-sweet si Shelley. Mas maiintindihan pa yata niya ang nangyayari kung sa ganito kaagang oras ay nagbubunganga na naman ito at nagwawala sa kung ano mang dahilan.
"Wala naman. Masaya lang ako. From now on, i'll try my best na ipaghanda ka ng breakfast bago ka pumasok sa trabaho. Maupo ka na." Nagtataka man ay sumunod na lang si Carlo. Nagkibit-balikat na lang siya sa tila biglaang pagbabago ni Shelley. Baka resulta lang ito ng romansang ibinigay niya rito kagabi.
KAGIGISING LANG ni Jairus nang biglang mag-ring ang cellphone niya. Landline ang numerong nakita niyang nakarehistro sa screen ng telepono. Agad niya itong sinagot.
"Hello?"
"Bestfriend..."
"O, napatawag ka? Bakit landline ang gamit mo? Nasaan ang cellphone mo?"
"Iyon nga ang dahilan kaya ako tumawag. Hindi ko makita ang phone ko. Pakitingnan mo naman diyan, baka naiwan ko lang."
"Sige, teka lang pupuntahan ko sa kuwarto n'yo." Hawak ang cellphone na nagtungo si Jairus sa silid ni Anton. Hinanap niya roon ang telepono, pero hindi niya nakita.
"Ano, nandiyan ba?"
"Wala rito. Sandali, bababa ako. Baka naiwan mo sa kusina."
Agad siyang nagtungo sa kusina. Nakita ang cellphone ni Anton sa ibabaw ng mesa.
"Bestfriend, andito nga. Naiwan mo sa mesa."
"Haay, salamat. Akala ko nahulog sa bulsa ko." Tila nakahinga nang maluwag si Anton.
"Ano, dadalhin ko ba diyan?"
"Hindi ba nakakahiya sa'yo?"
"Tse! Sige, dadalhin ko na lang diyan. Alam ko naman ang opisina mo."
"Salamat, bestfriend..."
"Sige maliligo lang ako tapos pupunta na ako diyan."
Pagkatapos nilang mag-usap ay agad na bumalik siya sa kuwarto para kumuha ng tuwalya. 'Di katulad ng kuwarto ni Anton, walang sarilig banyo ang silid niya kaya doon siya naliligo sa banyong katabi ng kusina nila.
Pero bago pa siya nakapasok sa banyo ay biglang tumunog ang cellphone ni Anton.
Numero lang ang nag-register sa telepono. Sinagot niya ang tawag. "Sino 'to?"
"Ang dali mo namang makalimot, Anton. Dapat siguro i-save mo ang number ko sa phone mo," sabi ng boses sa kabilang linya na agad namang nakilala ni Jairus. Si Shelley ito, hindi siya maaaring magkamali.
"Gaga! Hindi ako si Anton. Ako ang bestfriend niya na magiging pinakamasama mong bangungot kapag hindi mo tinigilan ang panggugulo sa kaibigan ko," talak niya sa kausap. "Bakit ba tawag ka nang tawag, ha? Hindi ka naman ginugulo ni Anton. Nananahimik 'yung tao."
"Gusto ko lang namang sabihin sa kanya na okay na kami ni Carlo. Kaya sabihin mo diyan sa kaibigan mo na huwag na niyang lalandiin si Carlo dahil hindi na siya gusto ng boyfriend ko," puno ng kumpiyansang sabi ni Shelley na ikinataas naman ng kilay ni Jairus.
"Hoy, baklang insecure! Kung feeling mo maganda ka, puwes you're not feeling well! Si Carlo ang pagbawalan mong lubayan ang kaibigan ko dahil wala na siyang pag-asa. May boyfriend na si Anton na mas guwapo, mas bata, at mas responsable kesa diyan sa Carlo mo." Siniguro niyang may diin ang bawat salitang binigkas niya.
"So, mabuti naman kung ganoon. Dahil kapag hindi tinigilan ni Anton ang boyfriend ko, hindi niya magugustuhan ang gagawin ko." May himig ng pagbabanta ang tono ni Shelley.
"Haay, takot na takot naman kami. Nanginginig na ako sa nerbiyos, oh!" Biglang humalakhak na parang nang-uuyam si Jairus. "Gaga! Gawin mo kung anong gusto mong gawin. Pero huwag kang magpapakita sa akin dahil paniguradong manghihiram ka ng mukha sa shih tzu. Babuh!!!" Tinapos na niya ang pakikipag-usap sa baklang jowa ni Carlo. Naiinis siyang pumasok sa banyo para maligo.
Nang matapos siyang maligo ay agad siyang nagbihis para dalhin sa opisina ni Anton ang cellphone nito. Mabuti na lang at hindi na rush hour. Mabilis siyang nakarating sa Makati kung saan nagtatrabaho ang kanyang kaibigan.
"Jairus!" Nagulat pa siya nang may tumawag sa kanya nang papasok na siya sa building kung saan nag-oopisina si Anton. Nang lingunin niya ang tumawag ay nagulat pa siya sa nakita.
"Anong ginagawa mo rito, Carlo? Hanggang dito ba naman ay ginugulo mo ang kaibigan ko?" Walang preno ang bibig na sita niya sa binata.
"Bakit ba ang sungit mo sa akin?" tanong ni Carlo sa mababang boses. Kalmado lang siya. Ayaw naman niyang gumawa ng eksena rito.
"Dahil ginugulo mo si Anton," mabilis na sagot ni Jairus. "Alam mo bang ilang beses na siyang tinawagan ng jowa mo para pagbantaan? Kanina lang, tumawag na naman siya. Okay na raw kayong dalawa kaya huwag ka na raw landiin ni Anton. Matanong nga kita, kelan ka nilandi ni Anton? Uwiiwas nga sa'yo ang kaibigan ko, eh. Kaya sana naman pagsabihan mo ang syota mo na tigilan na niya ang pagtawag-tawag kay Anton. Alam mo, hindi na siya nakakatuwa."
"Tinatawagan ni Shelley si Anton?"
"Ah, hindi mo alam? Wow, ha! Jowa mo 'yun. Hindi mo alam ang pinaggagagawa ng jowa mo?"
Umiling si Carlo.
"Puwes ngayon alam mo na." Pinandilatan niya ang lalaki.
Wala silang kamalay-malay na habang nagtatalo sila ay nasa paligid lang din si Yuri at abala sa pagkuha ng larawan nilang dalawa.
Nakangisi si Yuri habang kumukuha ng litrato nina Carlo at Jairus. Kung susuwertehin, makukuha niya ngayong araw ang mga ebidensiyang hinihingi ni Shelley kapalit ng inaasam niyang premyo mula rito. Pero napansin niyang tila nagtatalo ang dalawa. Sayang at hindi niya naririnig kung ano ang pinagtatalunan ng mga ito. Mas okay sana kung may kasamang kuwento ang mga litratong nakuha niya.
"Hayaan mo, kakausapin ko si Shelley para hindi na niya guluhin si Anton," pangako ni Carlo.
"Mabuti kung ganoon." Tinalikuran na ni Jairus ang kausap.
"Jairus..."
"O, ano na naman?" Muli niyang hinarap ang lalaki.
"Puwede bang pakisabi kay Anton na nandito ako sa ibaba?"
"At kung ayaw ko?"
"Ako na lang ang aakyat sa itaas para puntahan siya," kaswal na sagot nito.
Nagmartsa si Jairus papasok sa loob ng building. Naiwan sa labas si Carlo.
Nakarating si Jairus sa reception ng opisina ni Anton. Sinabi niya sa receptionist ang pakay.
"I'm looking for Mr. Anton Madlangbayan."
"May I know your name, sir?" magalang na tanong ng receptionist.
"Jairus Fortes."
"Thank you, sir. Maupo po muna kayo. Tatawagan ko lang si Sir Anton.
Umupo siya sa isa sa mga bakanteng silya sa reception area. Hindi naman siya nainip dahil ilang sandali lang ay nasa harap na niya si Anton.
"Bestfriend..."
"O, eto na ang cellphone mo." Iniabot niya rito ang telepono. "Nasa ibaba si Carlo. Gusto ka yatang makausap."
"Hayaan mo siya roon. Aalis din 'yun 'pag nainip."
"Hindi. Aakyat daw siya rito kapag hindi ka bumaba. Baka mag-eskandalo pa rito 'yun."
Huminga nang malalim si Anton pagkatapos ay nagbuga ng hangin. "Ano ba kasi ang gusto ng lalaking iyon?"
"Ano pa eh 'di ikaw," panunudyo ni Jairus sa kaibigan. "O, siya aalis na ako. Bahala ka kung ayaw mo siyang puntahan sa ibaba."
Saglit na nag-isip si Anton. "Sige, bababa ako. Sabay na tayo."
"Eh, 'di halika na."
Magkasabay na nga silang bumaba. Paglabas pa lang ng elevator ay natanaw na ni Anton si Carlo sa labas ng building.
Ang lapad ng ngiti ni Carlo nang makitang kasama ni Jairus si Anton.
"Bestfriend, salamat ha? Umuwi ka na, ako na ang bahala rito," sabi niya kay Jairus.
"Sure ka?" paniniguro nito.
Tumango si Anton. "Oo..."
"Okay... Bye, see you later sa bahay." Bumaling siya kay Carlo. "Huwag mong guguluhin ang bestfriend ko. Lagot ka sa akin!'
"Uwi na, bestfriend," pagtataboy ni Anton sa kaibigan.
"Eto, aalis na nga..." At iniwan na ni Jairus ang dalawa.
Si Yuri na nag-aabang lang sa mga susunod na pangyayari ay inihanda na ang dalang camera. Sisiguruhin niyang makakakuha siya ng mga litratong magpapatunay na may relasyon pa rin si Carlo at ang Anton na 'to.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top