17

NAPATINGIN SI Jason sa gawi ni Jairus. Mabuti na lang at mabilis ang reflexes ng bakla kaya agad siyang nakapagtago.  Napangiwi siya. Hindi niya alam kung tama bang magtago siya o baka naman mas mabuting puntahan niya si Jason para alam nito na nandoon din siya sa mall. Pero paano kung tama ang hinala niya na may ginagawang milagro ang Jason na ito? Hindi ba mas magandang magmasid na lang siya from afar para kumilos ito nang natural?

Nakita niyang nagpahid ng mga mata ang babaeng kausap ni Jairus. Umandar ang malisyoso niyang utak. Umiiyak ang girl? Bakit?

Kinuha niya ang cellphone sa bulsa at agad na kinunan ng litrato ang dalawa. Para siyang private investigator na nagmamanman sa bahaging iyon ng mall.

Click!

Click!

Click!

Nakatatlong litrato kaagad siya. Kuhang-kuha niya sa aktong nagpapahid pa rin ng luha ang babae at nakuhaan din niya ng litrato ag paghawak ni Jason sa mga kamay nito.

Nawala na sa isip niya ang gutom. Hindi na niya naisipang pumasok sa loob at kumain. Ang nasa isip lang niya nang mga oras na iyon ay panoorin ang iba pang mga eksenang gagawin nina Jason at ng babaeng kausap nito.

Sino ba kasi ang babaeng ito? Baka naman marumi lang ang isip niya? Puwede namang kamag-anak ito ni Jason. O baka kapatid. Hindi ba sabi ni Anton sa kanya dati na may kapatid na babae si Jason?

Maya-maya pa ay tumayo na si Jason at ang babae. Mukhang lalabas na ang mga ito. Napatakbo sa isang gilid si Jairus para magtago. Kitang-kita pa rin niya nang lumabas ang dalawa at magkasabay na naglakad papalayo.

Sinundan niya pa rin ang dalawa. Siniguro niyang may sapat sa distansiya siya sa mga ito para madali lang magtago sakali mang biglang lumingon sa likod si Jason.

Diretsong lumabas na sa mall sina Jason at Xaira. Nakabuntot pa rin si Jairus sa dalawa. Nakita niya hanggang sa magkasabay na sumakay ng taxi ang mga ito at siniguro niyang nakuhaan niya rin iyon ng litrato.

Minabuti ni Jairus na umuwi na. Pero habang nasa biyahe pauwi ay malalim siyang nag-iisip kung sasabihin ba niya ito kay Anton o hindi. Sa isip ng isang taong walang malisya, puwedeng walang ibang ibig sabihin ang mga nakita niya. Pero sa ibang tao, maraming puwedeng maging kahulugan ang mga na-capture niya sa litrato.

Wala pa si Anton nang dumating siya sa bahay. Agad siyang naghanda ng iluluto para sa hapunan. Eksaktong tapos na siyang magluto nang dumating si Anton.

"Wala pa ba si Jason?" tanong ni Anton sa kanya.

"Hindi pa dumarating. Baka nag-overtime," kaswal niyang sagot.

"Hindi, may imi-meet daw siyang kaibigan. Baka gabihin 'yun kapag napasarap ang kuwentuhan."

"Ahh..." Iyon lang nasabi niya. Alam naman pala ng kaibigan niya na makikipagkita sa kung sino si Jason. Hindi lang nito alam kung sino ang ka-eyeball.

"Pero sino nga kaya 'yung babaeng kasama ni Jason?" bulong niya sa sarili.

"May sinasabi ka?" Nagulat pa siya nang magtanong si Anton. Napalakas yata ang bulong niya. Narinig ba nito ang sinabi niya?

"Ha? Wala... Ang sabi ko lang, mauna na tayong kumain kung gagabihin siya. Nakapagluto na ako ng hapunan natin."

"Sige, puwede naman tayong maunang kumain. Baka nga kumain na 'yon doon kung saan man sila nagkita ng kaibigan niya."

"Ba't hindi na lang niya pinapunta rito para hindi na sila gumastos pa. At least at home sila rito. May free food pa."

"Buang, malay mo hindi alam ng kaibigan ni Jason na nakikipag-live in siya sa akin?"

"Bakit? Tatlo naman tayo rito. Wala naman sigurong mag-iisip na nagtri-threesome tayo," kaswal na kaswal ang pagkakasabi ni Jairus.

"Jairus!" saway niya sa kaibigan. Bigla-bigla na lang talagang umaatake ang balahura itong bibig.

"Ito naman, hindi ka na nasanay sa bunganga ko. Ang ibig ko lang namang sabihin, hindi porke magkasama kayo sa bahay ay iisipin na agad ng kaibigan ni Jason na magka-live in kayo. Unang-una, hindi ka kaya mukhang jokla. Kung hindi nga lang kita kilala, baka na-in love na ako sa'yo."

"Juskupo! Magtigil ka nga. Baka matamaan ka ng kidlat sa mga pinagsasasabi mo."

"Hoy, bestfriend 'wag kang choosy. Kahit hindi ako kasing-macho mo, magkasingsarap tayo. Para akong adobo, mamantika pero masarap."

"Ewww!"

"Maka-ewww ka, ha? Grabe ka talaga sa akin. Tawagan mo na lang si Jason mong mahal at itanong mo kung nasaan na siya? Itanong mo na rin kung hihintayin pa ba natin siya o hindi. Bilis na, bestfriend. Bago pa mahuli ang lahat!"

"Anong bago pa mahuli ang lahat?"

"Bago ko pa maubos ang lahat nag ulam at pagdating niya eh hindi pa pala siya kumakain. Patay! Anong ipapakain natin sa kanya?" palusot niyang sagot. "Kaya bilis, tawagan mo na ang lolo mo."

"Akyat muna ako, magpapalit ng damit. Sa kuwarto ko na ang siya tatawagan."

NASA TAKSI si Jason nang mga oras na iyon. Hinatid lang niya sa bahay si Xaira, pagkatapos ay sumakay na rin siya kaagad ng taksi para umuwi. Hindi pa naman masyadong late, pero siguradong nasa bahay na si Anton.

Nasa ganoon siyang pag-iisip nang tumunog ang kanyang cellphone. Nakita niya ang pangalan ni Anton sa screen ng kanyang telepono.

Agad niyang sinagot ang tawag. "Hello... Pauwi na ako, nasa taksi na."

"Ganoon ba? Hihintayin ka na namin, para sabay-sabay na tayong kumain."

"Huwag na, kumain na kayo.  Mamaya na lang ako."

"Sige, ikaw ang bahala. Ingat ka."

"Thanks... love you."

Pagkatapos kausapin si Jason ay bumaba na siya sa salas. Naroon si Jairus at nanonood ng palabas sa telebisyon.

"Kain na tayo," sabi niya sa kaibigan.

"Natawagan mo ba si Jason?"

"Oo, nasa taksi na siya. Pero sabi niya, mauna na raw tayong kumain. Mamaya na lang daw siya."

"Okay, nagugutom na nga ako." Tumayo na ito at agad na nagtungo sa kusina para maghain.

"Kumusta ang trabaho mo?" naitanong ni Jairus sa kaibigan.

"Maayos naman. nag-eenjoy naman ako," sagot ni Anton. "Kumusta naman 'yung Korean student mo na tinuturuan mong mag-Ingles?"

"Ayun, magaling siya. Madaling matuto. Sabi nga niya, kapag bumisita raw siya dito sa Pilipinas, makikipagkita raw siya sa akin. Gusto raw niyang kasama ako sa pamamasyal niya."

"Wow, bestfriend! Ibang level na ang ganda mo! Pang-KPOP na." Natawa nang malakas si Anton.

"Huwag isnabin, bestfriend. Guwapo talaga ang estudyante kong iyon. At lalong huwag mong iisnabin ang ganda ko... Gandang 'di mo inakala!" Lalong lumakas ang tawa ni Anton sa sinabi ni Jairus.

"Kidding aside, maganda ka naman talaga..."

"Huwag mo akong binobola, bestfriend. Hindi ako maniniwala sa'yo," sagot nito. "Gusto ko na ngang ipa-raffle itong pagmumukha ko. Kaso, iniisip ko, baka hindi i-claim ng mananalo."

"Sobra ka naman. Hindi ka naman pangit, bestfriend. Sabihin nating na-deform lang ang mukha mo kasi nga ang taba mo. Mag-diet ka, siguradong babalik ang alindog mo. Maglalaway sila sa'yo."

Sumeryoso si Jairus. "Totoo ba 'yang sinasabi mo? Maraming magkakagusto sa akin kapag pumayat ako?"

"Oo naman. Lalo na kapag natikman nila kung gaano ka kasarap magluto."

"Hmm... pag-iisipan ko 'yan. Alam mo naman ako, bestfriend. Kaya kong gawin ang lahat, 'wag lang ang pagda-diet!" Minsan pang napuno ng halakhak ni Anton ang buong kusina ng bahay nila.

NASA KUWARTO na at nagche-check ng facebook sa cellphone si Anton nang dumating si Jason.

"Magpalit ka na kaagad ng damit at kumain ka na," paalala ni Anton.

"Hindi na ako kakain. Inaantok na ako. Maliligo na lang ako, tapos tulog na tayo." Inilapag niya sa mesa ang kanyang bag tapos ay hinubad ang kanyang suot. Naka-brief na lang siya nang humiga sa tabi ni Anton. "Hihiga lang muna ako, mga fifteen minutes at saka ako maliligo."

"Kumusta ang pagkikita n'yo ng kaibigan mo?" Hindi inasahan ni Jason na itatanong 'yon ni Anton.

Pero madali naman siyang sumagot. "Okay naman. Nagkita lang kami sa mall, usap-usap... Kumustahan... tapos uwian na."

"Suggestion si Jairus, sa susunod daw dito na lang kayo sa bahay mag-bonding." Muntik nang mapaubo si Jason.

"Naku, sobrang busy 'yon. Tagal na nga naming hindi nagkita dahil lagi siyang walang time para makipagkita sa mga kaibigan niya. Nagulat nga ako na bigla siyang nagparamdam ngayon." Bigla siyang bumangon at nagtapis ng tuwalya sa bewang.

"O, saan ka pupunta?"

"Kukuha lang ako ng tubig sa ibaba. Nauuhaw ako." Lumabas na siya ng silid. Pagdating sa kusina ay naroon si Jairus na kalalabas lang ng banyo.

"Kakain ka na ba?" tanong nito sa kanya."

"Hindi, nauuhaw lang ako. Kukuha lang ng tubig." Kumuha siya ng isang baso at binuksan ang ref.

"Kapag gusto mong kumain, magsandok ka na lang diyan."

"Yup, salamat."

Akmang aakyat na sa hagdan si Jairus nang may maalala ito. "Teka pala... may itatanong nga pala ako sa'yo."

"Ano 'yun?"

"Gaano mo kamahal ang bestfriend ko?"

Napaawang ang mga labi ni Jason. Bakit nagtanong sa kanya ng ganoon si Jairus?


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top