16
"O... M... God! Tinamaan ka na talaga kay Jason. Ikaw na ikaw pa rin talaga ang Anton na kilala ko. Kapag nagmahal, todo-todo walang preno," komento ni Jairus. "Basta, magtira ka para sa sarili mo, ha? Huwag mong ibuhos lahat sa kanya kahit siya pa ang pinakamasarap na boylet sa buong worldwide."
"Magtira? Anong tingin mo sa pagmamahal, ulam?" pilosopong sagot ni Anton.
"Best friend naman, eh! Umandar na naman ang pagkapilosopo mo. You know what I'm saying, right? Hindi lang naman applicable sa heterosexual relationship 'yong sinabi ko. Sa lahat ng klase ng relasyon, puwede 'yon. Tingnan mo ako..."
"Oh, bakit? Anong meron sa'yo?"
"Eto, I enjoy being single. Sa sobrang gusto kong magtira para sa sarili ko, ayan hindi na ako namigay. Itinira ko na lahat para sa sarili ko. Less problem... Less stress..."
"At less happiness din."
Parang sinampal si Jairus sa sinabi ni Anton. Pero agad itong bumawi. "Hindi naman puro lungkot ang pagiging single. May friends naman ako. Nandiyan ka naman. Oo, wala lang akong katabing matulog sa mga panahong malamig. Pero 'di bale, bibili na lang ako ng makapal na kumot," katwiran ni Jairus. "At mag-aalaga ako ng aso para may kasama akong mamasyal sa park kapag gusto kong sumagap ng sariwang hangin." Nangilid ang luha sa mga mata niya.
"Eh, bakit ka umiiyak? Ayan, o 'wag kang pipikit tutulo na ang luha mo."
"Ikaw kasi, bestfriend. Bakit ba natin pinag-uusapan ang mga ganito? Naiiyak tuloy ako." At tumulo na nga ang luha ni Jairus.
Napahalakhak si Anton. "Sira ka talaga. Eh, ikaw kaya ang nag-umpisa. Kung anu-anong itinatanong mo, ayan tuloy napunta sa'yo ang kuwento at ikaw ang naapektuhan."
"Ganyan ka. Palibhasa masaya ang lovelife mo at ako nganga!"
Mas lalong lumakas ang tawa ni Anton. "Hindi bale, bibili ka naman ng makapal na kumot, 'di ba? Samahan mo na rin ng isang human-sized na unan. Para meron kang mayayakap buong magdamag." Tumayo si Anton at umakyat ng hagdan pabalik sa kuwarto.
"Buang ka, best friend! Ang sama mo!"
Malutong na halakhak lang ang isinagot ni Anton sa kaibigan.
***
ABALA SA trabaho si Jason nang tumunog ang kanyang cellphone.
Tumatawag si Xaira.
Agad niyang sinagot ang tawag. "Hello..."
"Jason?"
"Yes, it's me... Napatawag ka?" Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman. Matutuwa ba siya? Kikiligin? Ilang buwan na rin ang nakakaraan mula noong nag-break silang dalawa.
"Ahm, wala naman. Nangungumusta lang..."
"I'm doing good. Salamat. Ikaw, kumusta?"
"I don't know kung masasabi ko bang okay ako o hindi."
Nagtaka si Jason. "Bakit naman?"
"Wala na kami ni Hector. Hindi ko alam kung matutuwa ako o magiging masaya."
Ah, Hector nga pala ang pangalan ng lalaking ipinalit ni Xaira sa kanya. "Anong nangyari? Parang ang bilis naman yata."
"He broke up with me. Sabi niya, he's not happy anymore. Baka daw mas magkli-click kami kung magiging friends na lang kami."
"Ganoon lang? Anong klaseng lalaki 'yon?"
Ilang sandali ring nawala sa linya si Xaira. Hindi ito sumagot.
"Nandiyan ka pa ba, Xaira?"
"Yeah, I'm still here," sagot nito. "Puwede ba tayong magkita mamaya, after office?"
Siya naman ang hindi nakasagot.
"I'll understand kung hindi puwede, Jace." Napapitlag si Jason. Jace ang tawag sa kanya ni Xaira noong sila pa.
"No!" natataranta niyang sagot. "I mean, yes! We can meet later this afternoon."
"Salamat, Jace. Sa Greenbelt na lang. I'll text you mamaya 'pag papunta na ako." May narinig siyang excitement sa boses ni Xaira.
Dapat din ba siyang ma-excite? After few months, makikita niyang muli ang babaing minahal niya. O, mahal pa rin niya? "Okay, sige. I'll wait for your message." Napalunok siya pagkatapos. Hindi naman siguro masama kung makikipagkita siya kay Xaira. Magkikita lang naman. Mag-uusap. Wala naman siyang gagawing iba pa.
Eh, ba't mukha siyang defensive?
Hindi naman siguro magagalit si Anton kung malaman nitong magkikita sila ng ex-girlfriend niya. Kaya nga ex, 'di ba? Tapos na. Wala na.
Pero kailangan pa ba niyang ipaalam kay Anton? Paano kung iba ang maging reaksyon nito? Baka magalit. Baka magselos.
Mas mabuti nga sigurong hindi na niya ipaalam. Sabi nga, what you don't know won't hurt you. Pero nag-text pa rin siya kay Anton para ipaalam na baka gabihin siya ng uwi dahil may kikitain siyang kaibigan.
NAGMAMADALING LUMABAS ng opisina si Jason pagkatanggap ng text message ni Xaira na nagsasabing papunta na ito sa lugar kung saan sila magkikita.
Mas maagang nakarating si Xaira sa meeting place nila. Nagpasya siyang hintayin si Jason sa isang pizza restaurant. Hindi naman siya nainip dahil ilang sandali lang ay nakita niyang pumasok sa loob ng restaurant ang kanyang ex-boyfriend.
"Hi!" bati ni Jason kay Xaira. "Pinaghintay ba kita nang matagal?"
"Hindi naman. Kararating ko lang din," tila nahihiyang sagot ng dalaga. Pansin ni Jason, mukhang naiilang ito sa kanya kahit na ramdam niya kanina ang excitement nito nang pumayag siyang makipagkita rito.
"What do you want to eat? Oorder muna ako."
"Ikaw na ang bahala," sagot ng babae.
"Okay, wait for me here." Nagtungo siya sa counter at bumili ng makakain. Pagkatapos ay agad ding bumalik kay Xaira dala ang isang tray na may dalawang iced tea at isang numero para sa inorder niyang pizza.
"Ano palang pag-uusapan natin?" tanong niya para mawala ang pagkailang nito sa kanya.
"I'm so stupid... I'm really stupid to have dumped you para kay Hector." Bigla na lang umiyak si Xaira.
Napatda si Jason. Hindi niya inaasahan na iiyak ang babae sa harapan niya. "Don't cry... Hindi tayo makakapag-usap nang maayos kung mag-iiiyak ka diyan."
"I'm sorry, Jace. I'm very sorry na iniwan kita." Hindi mapigil sa pag-iyak ang babae. "Sana hindi ko iyon ginawa. Ang tanga ko."
"Tapos na iyon. Kinalimutan ko na. At hindi naman ako galit sa'yo. Things like that happen. May mga bagay na kahit ayaw nating mangyari, nangyayari talaga. Sabihin nating napunta ka sa sitwasyon na kailangan mong mamili. Kailangan mong magdesisyon. At sinunod mo lang kung ano sa tingin mo ang magpapaligaya sa'yo. Kaya walang dapat sisihin. Walang dapat ma-guilty sa mga nangyari. Maybe it was bound to happen." Sinikap niyang mawala ang guilt na nararamdaman ni Xaira. "O, uminom ka muna ng iced tea para lumuwag ang dibdib mo." Inabot niya rito ang isang basong iced tea ngunit sa halip na abutin ang baso, kamay niya ang hinawakan ni Xaira.
NASA MALL ding iyon si Jairus nang oras na 'yon. Katatapos lang nitong mag-grocery at naisipang kumain muna bago umuwi. Naghahanap ito ng makakainan nang mapansin nito ang isang pamilyar na imahe.
Si Jason!
Si Jason nga iyon na kahawak-kamay ang isang napakagandang babae!
"O... M... God! Juice ko pong pineapple! Anong ibig sabihin nito?" Hindi ito makapaniwala sa nakikita.
Isang desisyon ang nabuo sa isipan ni Jairus. "Kailangang malaman ito ni best friend!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top