15

PAKIRAMDAM NI Shelley ay tumabingi ang mukha niya sa lakas ng suntok ni Carlo. Nawalan pa siya ng balanse at muntik nang matumba sa sahig.

"Hayup ka! How dare you do that to me? Hangga't nakatira ka sa pamamahay ko, wala kang karapatang saktan ako. Ang kapal ng mukha mo!" galit na galit nitong sigaw sa nobyo.

"Hindi lang 'yan ang aabutin mo sa akin kapag hindi mo tinigilan ang katatalak mo. Binging-bingi na ako sa boses mo. Araw-araw na lang, walang lumalabas diyan sa bunganga mo kundi puro mga hinala mo na wala namang katotohan!"

Hindi 'yon mga hinala lang. Totoo 'yon! Totoong niloloko mo ako. Kayong dalawa ng matandang ex mo!"

"Puta! Sana nga totoo. Para makaalis na ako dito sa pesteng bahay na 'to!" Napailing na lang si Carlo at pumasok na ito sa kuwarto sabay balibag ng pinto.

"Hoy! Buksan mo ang pinto! Hindi pa ako tapos sa'yo!" Kinalampag niya ang pinto pero hindi ito binuksan ni Carlo. At kahit na ginamitan pa niya ng susi, hindi pa rin nabuksan ang pinto dahil ni-lock din ni Carlo ang bisagra sa loob.

Nagpupuyos ang loob na nagsindi ng sigarilyo si Shelley at pagkatapos ay may tinawagan sa telepono.

"Hello, Yuri..."

"Shelley, napatawag ka," sagot ng lalaki sa kabilang linya.

"Gusto kong bigyan mo ako ng ebidensya ng kataksilan ni Carlo. Ebidensyang puwede kong isampal sa pagmumukha ng lalaking 'yon."

Ngumisi si Yuri bago ito nagsalita, "Iyon lang ba? Huwag kang mag-alala, ibibigay ko sa'yo ang ebidensyang gusto mo. Pero pagkatapos, kukunin ko na rin sa'yo ang premyo ko."

"Deal!"
***
MAG-ISA SA kuwarto si Anton at busy sa pagbro-browse ng internet sa kanyang cellphone. Nagpaalam sa kanya si Jason. Lumabas ito para magpadala ng pera sa mga magulang nito sa probinsiya.

Nag-log in si Anton sa facebook account niya. Nakita niya ang maraming notification pero 'di na siya nag-abalang tingnan iyon isa-isa. Nakita niya ang isang picture ni Jason sa wall niya. Naka-tag ang binata kaya natural na lumabas iyon sa wall niya kahit na iba pa at hindi naman niya facebook friend ang nag-post.

Tiningnan niya ang picture na isang Xaira Lopez ang nag-post. Biglang nagliwanag ang mukha niya. Naalala na niya. Itong Xaira Lopez ang nakita niya dati na ni-like ni Jason ang mga post.

Sa litratong naka-post ay magkasama sina Jason at Xaira. Nakalagay sa caption ang mga salitang: Once Upon a Time.

Marami nang nag-like at nag-react sa post na iyon. Nagbasa siya ng mga comment. Isang komento ang tumawag sa kanyang pansin.

Nangangamoy balikan, ah.

Na sinagot naman ng isa pa.

Huwag na kasing mataas ang pride, para happy ending na.

Hindi na sana papansinin ni Anton iyon, pero nakita niyang isa pala si Jason sa mga nag-react ng Love sa post na iyon.

Mukhang ito nga ang ex-girlfriend ni Jason kung pagbabasehan ang mga komento sa litrato.

Sinimulan niyang i-stalk ang profile ng babae. Maganda ito, napakaamo ng mukha. Mahaba ang buhok at maputi.

Nagpunta siya sa mga old photos nito at naghanap ng ebidensyang magkukumpirmang ito nga ang dating nobya ni Jason.

At hindi siya nabigo. Isang album ang naroon at puno ng mga larawan nina Xaira at Jason noong mga panahong hindi pa naghihiwalay ang dalawa. Naroon ang mga litrato nilang magkasama. May mga larawan pa ngang magkayakap ang dalawa. May isa pang akmang hahalikan ni Jason si Xaira. At may isang litratong magkalapat ang mga labi nila.

Napansin ni Anton na may comment si Jason sa huling larawan. Sabi nito: The sweetest kiss from the sweetest girl.

Sabagay, lumang post na iyon. Lumang comment na rin. Wala naman siyang dapat ipangamba. O ipagselos kaya.

Kahit na nga hindi pa tinatanggal ni Xaira ang mga larawan nila ni Jason sa facebook, naiintindihan niya ito. Hindi naman lahat ng nagbre-break ay ganoon ang ginagawa. Marami ring hinahayaan lang nila na nasa social media pa rin ang mga larawan ng kanilang past relationships. Wala namang masama. Lalo na kung naghiwalay naman sila nang magkaibigan pa rin.

Gaya nina Xaira at Jason?

Magkaibigan pa rin silang dalawa?

Pero hindi ba sabi ni Jason ay ipinagpalit siya ng babaing ito sa ibang lalaki? Eh, bakit nag-post pa ang Xaira na ito ng litrato nila ni Jason na parang nagpaparamdam na ewan. At ang mga facebook friends naman, kung makapag-comment parang gusto nilang magkabalikan na ang dalawa.

Don't tell me na break na kaagad ang babaeng ito sa lalaking ipinalit biya kay Jason? Eh, para palang nagpapalit lang ng damit kung magpalit ng boyfriend ng babaing ito. Anong mapapala ni Jason sa isang babaing napakasalawahan ng puso?

Pero ang tanong na mas nagpagulo sa isip ni Anton ay ang LOVE reaction ni Jason sa larawan.

May dapat na ba siyang pangambahan? Kauumpisa lang nila ni Jason. Nanganganib na ba agad ang kanilang sinimulan?

Ito na nga ba ang dahilan kaya ayaw niyang makipagrelasyon ulit. Baka sakit ng puso at damdamin na naman ang maranasan niya sa pakikipagrelasyon kay Jason.

Bago pa siya makaramdam ng hindi maganda ay binitiwan niya ang cellphone at lumabas na lang ng silid. Pumunta siya sa kusina at naabutan niya roon si Jairus na nagluluto ng meryenda.

"O, bestfriend diyan ka lang. Maluluto na ito. Tikman mo mamaya," sabi ni Jairus sa kaibigan.

"Ano 'yan?"

"Minatamis na kamoteng kahoy. Nilagyan ko ng white sago," buong pagmamalaking sagot nito. "Saan ba nagpunta si Jason? Ba't antagal naman."

"Magpapadala ng pera sa Mindoro. Baka pauwi na 'yon."

"Sana dumating na siya. Mas nakaka-inspire kumain kapag kasabay natin siya." Halatang kinikilig na naman si Jairus.

"Ikaw talaga. Si Jason na naman ang pinagpantasyahan mo. Baka nao-offend mo na 'yong tao."

"Hindi naman siguro. Alam naman niyang ganoon lang talaga akong magbiro. Pero puwede niyang totohanin kung gusto niya."

"Jairus!" Pinandilatan ni Anton ang kaibigan.

"Uyy, selos siya." Gustong makita ni Jairus kung paano magre-react si Anton.

"Bakit naman kita pagseselosan? Una, kampante ako na hindi mo aahasin. Ikalawa, hindi ka type ni Jason. At ikatlo, alam mong papatayin kita talaga kapag tinalo mo ako."

Ang lakas ng halakhak ni Jairus. "Papatayin talaga? Grabe kang magselos, ah. Dahil lang sa lalaki, papatayin mo ang best friend mo?"

"Oo..."

"Ganoon mo kamahal si Jason?"

Umiling si Anton. "Higit pa roon..."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top