14

LUMABAS NG kuwarto si Anton para puntahan sa gate si Carlo. Nakasabay niya sa paglabas ng kuwarto si Jairus.

"Si Carlo 'yun. Ako na lang ang pupunta," sabi niya kay Jairus.

"Best friend, 'pag kailangan mo ng back up tawagin mo lang ako. Kayang-kaya kong patulugin 'yan."

"Hindi na. Ididispatsa ko lang 'to." Pinuntahan na niya si Carlo sa gate.

"Anton, mag-usap naman tayo. Please..."

"Ba't ba ang kulit mo? Ilang beses ko ba kailangang sabihin sa'yo na wala na tayong pag-uusapan? Carlo, mag-move on ka na. Kasi ako, matagal nang naka-move on sa'yo." Ipinagdiinan niya ang huling pangungusap.

"Marami pa tayong dapat pag-usapan."

"Wala! At kung ano pa man ang gusto mong sabihin, hindi na ako interesadong malaman pa 'yon. So, please get out of my life. Tigilan mo na ako. Leave me alone."

"Sige na, please. Noong iniwan kita, iyon ang pinaka-estupidong desisyon na ginawa ko. Akala ko hindi na kita mahal. Akala ko si Shelley na ang gusto ko. I was wrong... Completely wrong. That's why I'm asking you to give me another chance." Nakita ni Anton na pumatak ang luha ni Carlo.

Nataranta si Anton. Totoo ba ito? Umiiyak si Carlo? Kahit noong sila pang dalawa, never umiyak sa kanya ang hayup na 'to. Bakit umiiyak ito ngayon?

"Ba't hindi mo siya papasukin para makapag-usap kayo nang maayos?" Napapitlag siya nang biglang magsalita sa likuran niya si Jason. Hindi niya namalayang nakalapit na pala ito sa kanila.

"Hindi, tapos na kaming mag-usap. Pauwi na siya," kaswal na sagot niya pagkatapos ay bumaling kay Carlo. "Hindi ba, Carlo?"

Hindi ito sumagot. Iba ang salitang lumabas sa bibig nito. "I love you. Mahal na mahal kita, Anton."

"No!" Hindi alam ni Anton kung paano magre-react. Bwisit na Carlo ito. Nag-i love you pa talaga sa kanya sa harap ni Jason.

Sinulyapan niya ang nobyo. Wala naman siyang nakitang kakaiba sa mukha nito. Hindi naman ito mukhang galit. Pero hindi rin naman mukhang masaya.

"I think you need to talk," deklara ni Jason.

"Hindi... It's over. I'm over him. There's nothing to talk about."

"Maiwan ko muna kayo." Tumalikod si Jason at naglakad pabalik sa loob ng bahay. Nadaanan nito si Jairus na nasa pintuan at nag-aabang sa susunod na eksena nina Anton at Carlo.

"Jason..." nag-aalalang tawag niya sa binata.

"I'm okay. Doon na lang muna ako sa kuwarto."

Lumapit si Jairus kay Anton. "Carlo, please lang umuwi ka na. Magdadala ka lang ng gulo rito, eh. Ang saya namin kanina bago ka dumating. Walang problema. Ngayon, mukhang meron na. Kaya umalis ka na, puwede?" Hinila nito si Anton pabalik sa bahay. "Halika na, best friend. Puntahan mo si Jason sa kuwarto." Bago tuluyang umalis ay muling tinapunan ni Jairus ng matalim na tingin ang ex ni Anton.

Wala nang nagawa si Carlo kundi umalis. Aalis siya ngayon, pero hindi ibig sabihin na sumusuko na siya.

Pagpasok nina Jairus at Anton sa bahay ay pababa naman ng hagdan si Jason. Dala nito ang cell phone ni Anton na nagri-ring.

"May tumatawag sa'yo. Baka importante," ramdam ni Anton ang tamlay sa boses ng boyfriend. Kinuha niya ang phone at sinagot ang tumatawag.

"Hello?"

"Si Anton ba 'to?" Mataray ang timbre ng boses na narinig niya.

"Ako nga. Sino ito?"

"Hindi na importante kung sino ako. Nandiyan ba si Carlo?"

"Well, kung ganyang hindi mo sinasagot ang tanong ko inaasahan mo bang sasagutin ko ang mga itatanong mo?" kaswal lang ang pagkakasabi ni Anton. Mukhang may hinala na siya kung sino ang kausap niya.

"Huwag kang pilosopo!"

"Puwes, 'wag kang bastos. Ikaw ang tumawag sa akin kaya ikaw ang dapat na unang magpakita ng respeto."

"Respeto your face, gago! Ilabas mo ang boyfriend ko kung ayaw mong magkagulo tayo. Ang tanda-tanda mo na. Humanap ka ng boyfriend na kasingtanda mo!"

"Sabi ko na nga ba si Shelley ka," nangingiting sabi ni Anton. Hindi siya naapektuhan ng mga patutsada ni Shelley tungkol sa kanyang edad.

"So, kilala mo na pala ako. Kinukuwento ba ako sa'yo ng boyfriend ko na bino-boyfriend mo?" sarkastikong tanong nito. "Anong pinag-uusapan n'yo about me? Pinaplano na ba niyang layasan ako?"

"I don't know what you're talking about. Kung may aagaw man sa'yo sa boyfriend mo, siguradong hindi ako."

"Aba, hoy!!! Akala n'yo ba maloloko---" Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil naputol na ang linya. "Gagong 'yon. Akala yata niya..." Muli siyang nag-dial.

Napailing si Anton nang muling mag-ring ang kanyang cell phone.

"Siya ulit, best friend?" tanong ni Jairus.

"Huwag mo nang sagutin. Pabayaan mo na," utos ni Anton.

"Hindi, bestfriend. Dapat diyan pinapatulan para hindi siya magkaroon ng ilusyon na puwede niyang gawin 'yan kahit kanino. Akina ang phone mo." At bago pa nakaapagsalita si Anton ay nasa kamay na niya ang telepono.

"Hello!"

"Gusto kong makausap si matandang Anton."

"Matanda talaga, teh? Nakita mo na ba siya? Mukha ba siyang matanda sa paningin mo?" sunod-sunod na tanong niya. "Aba, eh 'di ikaw na ang bata at maganda!"

"Sino ka bang pakialamera ka?"

"Ako lang naman ang best friend ng taong tinatawag mong matanda. Kaya magdahan-dahan ka sa pananalita mong impakta ka."

"Siguro matanda ka na rin. Ano pa ba ang aasahan? Birds of the same feather are the same birds."

Napahalakhak si Jairus. "Seryoso ka, 'teh? Aral-aral din 'pag may time, ha? Google mo, girl kung tama ba 'yong quote na sinabi mo."

"Bobo! Ang pinupunto ko, pareho kayo ng best friend mo na matatanda na nga at lahat, mahilig pa rin sa mga batang lalaki. Bakit, dahil ba mas masarap kapag fresh?

"Eh, ikaw pala ang mas bobo. Ang lalaki, matanda man o bata, pare-parehong may titi lang 'yan. Kapag tumigas na, hindi mo na mahahalata kung alin ang sa 22 years old at alin ang sa kuwarenta. Kahit subukan mo pa!" Walang preno talaga ang bibig ni Jairus. "Kaya 'wag mong masabi-sabihan na matanda ang bestfriend ko dahil age is just a number and his age doesn't show in his looks. Baka nga 'pag pinagtabi kayo magmukha kang tita niya." Kalmado pa siya sa lagay na 'yan. Gusto lang talaga niyang inisin ang kausap. "At hindi kami naghahanap ng bata. Kami ang hinahanap nila dahil mas masarap kaming mag-alaga." Humalakhak siyang muli para mas inisin ang kausap.

"Oy, kung sino ka mang impakto ka hindi ikaw ang gusto kong makausap. Ibigay mo ang telepono sa kaibigan mong matanda!" nanggagalaiting tili ni Shelley.

"Hoy, palengkerang bakla hindi mo ako utusan! Bago mo makanti ang bestfriend ko, dadaganan na muna kita. Siguruhin mo lang na hindi ka mapipisak sa bigat ko," poised na poised na sabi ni Jairus. "O, ano wala ka nang sasabihin? Kung wala na, aba eh, ibaba mo na ang telepono dahil busy ang mga tao rito. At sa susunod, itali mo na sa pekpek mo si Carlo para hindi mo siya hinahanap kung kani-kanino. Baklang 'to! Aawayin mo pa ang bestfriend ko, as if aagawin sa'yo ang Carlo mo. Hoy! May dyowa na ang bestfriend ko. Mas bata, mas gwapo at mas masarap kesa sa Carlo mo. Kaya 'wag kang ilusyunada! Isaksak mo si Carlo sa ngala-ngala mo! Babush!!!" Iniabot niya kay Anton ang telepono. "O, hindi na siguro tatawag ulit 'yon."

Kaaabot lang ni Anton ng celfone nang muli itong mag-ring.

Si Shelley na naman.

"Hay naku, eto na naman siya," iiling-iling na sabi ni Anton.

"Aba, at walang kadala-dala ang lola mo. Akina, bestfriend. Ako na ang bahala diyan."

"Huwag na. Hayaan na lang natin siya. Magsasawa rin ito sa katatawag." Ni-reject niya ang tawag ni Shelley. Pero paulit-ulit pang tumawag ang baklang kinakasama ni Carlo. Desidido itong guluhin si Anton. Paulit-ulit lang din si Anton sa pag-reject sa bawat pagtawag nito. Nang magtagal ay nilagay na lang niya sa silent mode ang telepono at hinayaang mag-ring nang mag-ring ito.

MADILIM ANG mukha ni Carlo nang umuwi. Tulad ng dati, nakaabang na naman ang talakerang si Shelley.

"Saan ka nanggaling? Kanina pa ako tawag ng tawag sa'yo, bakit hindi mo sinasagot ang telepono?" Halos lumabas ang ugat sa leeg ni Shelley sa tindi ng panggigigil.

Hindi sumagot si Carlo. Diretso lang ito sa paglalakad papunta sa kuwarto.

"Sumagot ka kapag kinakausap kita!" Walang sabi-sabing hinila ni Shelley sa balikat si Carlo kaya napahinto ito sa paglalakad.

"Ano bang probema mo? Lagi ka na lang ganyan! Nakakabwisit ka na!"

"Nanggaling ka kina Anton, hindi ba? Doon ka galing, 'di ba?" Nanlilisik ang mga mata ni Shelley na parang ano mang oras ay magiging bayolente ito.

"Ewan ko sa'yo! Paulit-ulit na lang tayo." Tinalikuran niya si Shelley.

"Tinawagan ko siya. Itinago ka niya sa akin. Pero alam kong nandoon ka." Ayaw magpaawat ng bakla. "Gago ka, Carlo! Huwag lang kitang mahuhuli dahil hindi mo magugustuhan ang gagawin ko!"

"Eh, 'di gawin mo! Akala mo matatakot mo ako? Pasalamat ka nga at hanggang ngayon nandito pa ako at pinagtitiyagaan kita. Sa ugali mong 'yan, walang kahit sinong lalaki ang makakatagal sa'yo."

"Hayup kaaa!" Sinugod niya si Carlo para muling pagbuhatan ng kamay pero mas mabilis ang lalaki at sinalubong nito ng isang malakas na suntok ang mukha ni Shelley!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top