13

"SAAN KA galing?" salubong na tanong ni Shelley kay Carlo nang dumating ito sa bahay.

"Sa trabaho, saan pa?" naiiritang sagot niya. Mag-uumpisa na naman ang baklang 'to.

"Alam mong sa lahat ng ayoko ay iyong taong sinungaling," mataas ang boses na sabi ni Shelley. "Kaya mas makabubuti kung magsasabi ka na lang ng totoo."

"Sa trabaho nga. Ano pa bang sagot ang gusto mong marinig?" naiiritang sabi ni Carlo. "Ang hirap sa'yo, wala ka nang ginawa kundi pagdudahan lahat ng kilos ko. Paulit-ulit na lang. Nakakasawa na!"

"Nagsasawa ka na? Ha?! Nagsasawa ka? Eh, ano ngayon ang gusto mong mangyari?" histerikal na tanong ng bakla sabay hila sa kuwelyo ng polo niya.

Kalmado pero madiin ang sagot ni Carlo. "Ikaw, ano bang gusto mo?" Itinulak niya si Shelley sabay talikod at naglakad patungo sa kuwarto.

Agad din namang sumunod si Shelley. "Akala mo ba tapos na tayo? Hindi kita titigilan hanggang hindi ka umaamin kung saan ka pumunta kanina!"

Hindi ito pinansin ni Carlo. Itinuloy lang nito ang pagbibihis. Akmang isusuot ni Carlo ang shorts niya nang maagap itong hinila ni Shelley sabay hawak sa brief niya at tila police dog na ineksamin ang kanyang panloob. "Eto, ano itong mantsang 'to sa brief mo?"

Hindi makapaniwala si Carlo sa ginagawa ng bakla. Para na itong napapraning sa tindi ng pagseselos. "Ano ba? Tigilan mo nga ang ginagawa mo! Para kang tanga."

"Ano ang mantsang 'yan!" Hindi nagpapigil si Shelley.

"Hindi ko nga alam. Baka natuyong patak ng ihi. Imposible namang hindi ako umihi maghapon."

Inagaw niya ang shorts kay Shelley at agad na isinuot. "Lubayan mo ako, ha? Napipikon na ako sa'yo!"

"Bakit, ikaw lang ba ang may karapatang mapikon? Anong gusto mo, pabayaan ko lang na niloloko n'yo ako ng matandang ex mo?"

Napailing na lang si Carlo.

"Huwag mo akong ginagago!" Isang matinding hampas sa balikat ang ibinigay ni Shelley sa nobyo.

"Araay!" Napangiwi siya sa naramdamang sakit. Malaking bulas si Shelley kaya siguradong mabigat ang kamay nito sakaling dumapo sa alin mang bahagi ng kanyang katawan. "Isa pa. Isa na lang, papatulan na kita. Hindi ako nagbibiro!"

"Sagutin mo ang tanong ko, saan kayo nagpunta ni Anton kanina?! Iyong totoo!"

Saglit na natigilan si Carlo pero hindi siya nagpahalata. Si Shelley ang tipo na gagawin ang lahat malaman lang ang gusto niyang malaman. Nagbayad siguro ang gaga para pabantayan ako.

"Galing akong opisina. Maghapon akong nagtrabaho. Kung hindi ka naniniwala, malaki ang problema mo." Tinalikuran niya ang bakla at nagmamadaling lumabas ng kuwarto.

"Saan ka pupunta?" tili ni Shelley pero hindi sumagot si Carlo. "Hoy, saan ka pupunta!"

SABADO NG TANGHALI

Katatapos lang maligo ni Jason. Lumabas siya sa banyo nang nakatapis lang ng puting tuwalya. Si Anton naman ang pumasok sa banyo.

Nagbihis si Jason. Puting manipis na sando at manipis na pambahay na shorts lang ang sinuot nito. Kitang-kita ang ganda ng katawan ng lalaki sa suot nito lalo na at paminsan-minsang sumisilip ang nipples nito sa suot na sando.

Hindi naman nagtagal at lumabas na ng banyo si Anton.

"Ba't 'di ka pa bumababa? Kakain na tayo." Nagsuot ng t-shirt si Anton, kasunod ang pambahay ding shorts.

"Hinihintay kasi kita. Sabay na lang tayong bumaba."

"Tara na!" Sinuklay na lang niya ang buhok gamit ang kanyang kamay.

"Fresh na fresh, ah. Parang ayaw ko na tuloy kumain. Matulog na lang tayo."

"Buang ka. Tanghaling tapat, matutulog? Hinihintay na tayo ni Jairus sa ibaba."

Magkasabay silang bumaba para pumunta sa kusina.

"OMG! Ang fresh n'yo namang dalawa! Lalo ka na, Jason. Mukhang ang bango-bango mo. At ang sarap-sarap!" kinikilig na reaksyon ni Jairus pagkakita sa kanila.

"Jairus!" saway ni Anton sa kaibigan.

Si Jason naman ay pangiti-ngiti lang. Nasasanay na siya sa bulgar na bibig ni Jairus. Hindi siya nao-offend. Madalas pa nga ay natatawa siya sa mga sinasabi nito.

"Hay naku, best friend! Huwag ka namang killjoy. Pagbigyan mo na ako. Sumasabog talaga ang mga egg cell ko sa tuwing nasisilayan ko si Jason mo. Kung hindi lang kita best friend, hindi ko na pipigilan ang sarili ko at magpaka-anaconda na ako." Kinindatan pa ni Jairus si Jason.

"Andami mong alam. Kumain na nga tayo."

"Grabe ka na sa akin. Mula nang maging kayo si Jason, hindi mo na naa-appreciate ang jokes ko. Mabuti pa nga si Jason laging tumatawa kapag nagjo-joke ako," kunwari ay nagtatampong sabi ni Jairus. Umupo ito at nilagyan ng maraming kanin ang plato niya.

Umupo na rin sina Anton at Jason para mananghalian.

"Andami ng kanin mo, ah. Kaya mo bang ubusin 'yan?" tanong ni Anton sa kaibigan.

"Oo, uubusin ko 'to. Masama ang loob ko ngayon kaya kakain ako nang marami." Inabot nito ang ulam at nag-umpisang kumain.

Ngingiti-ngiti lang si Jason. Si Anton naman ay pinabayaan na lang ang "trip" ng kaibigan niya.

Pagkatapos kumain ay si Jason na ang naghugas ng mga plato. Ayaw pa sana ni Anton pero mapilit ang binata.

Pagkatapos magsepilyo ay bumalik na sila sa kuwarto. Si Jairus naman ay nagkulong sa kanyang silid dahil may tatapusin raw report na parte ng online job nito.

Binuksan ni Jason ang telebisyon at naghanap ng magandang palabas. Isang pelikulang ingles ang kumuha sa atensyon nito. Si Anton naman ay binuksan ang laptop.

"Ano ba 'yan? Sabado nagtatrabaho," reklamo ni Jason. "Halika na rito. Manood na lang tayo ng tv."

"Saglit lang ito. May aayusin lang akong detalye dito sa client ko kahapon."

"Bilisan mo, ha?" pangungulit nito kay Anton.

"Oo, mabilis lang ito." Binuksan niya ang isang excel file at binasa ang mga nakalagay na detalye roon nang maalala niya ang facebook account ng babaeng inaakala niyang ex-girlfriend ni Jason. Ano na nga ba ang pangalan no'n? Hindi niya maalala. Tinapos na lang niya ang ginagaw at agad na tumabi kay Jason.

"Kumusta ang trabaho?" tanong niya rito.

"Ayun, maayos naman. Madali lang naman ang ginagawa ko do'n, kayang-kaya," masayang kuwento ni Jason.

"Ituloy mo lang ang sipag mo sa trabaho, malayo ang mararating mo."

"Oo, naman." Hindi niya inaalis ang atensyon sa telebisyon. "Para sa future natin."

Napangiti si Anton at tinitigan na lang ang nobyo.

"Bakit?" Napansin ni Jason na nakatitig sa kanya si Anton. "May kanin ba sa mukha ko?"

Napangiti siya. "Wala. Na-touch lang ako sa sinabi mo... Na para sa future natin iyong ginagawa mo."

Inakbayan siya ni Jason at kinabig papalapit sa dibdib nito. "Ini-imagine ko na ang future ko na ikaw ang kasama. Gusto ko, sa pagtanda ko nasa tabi pa rin kita."

"Paano mangyayari iyon eh, halos doble ng edad mo ang edad ko. Patanda ka pa lang, uugod-ugod na ako o baka nga tsugi na." Dinaan niya sa biro ang seryosong usapan.

"Baliw! Wala namang kasiguruhan ang buhay. Hindi ibig sabihin na matanda ka eh, ikaw ang unang mamamatay. Minsan, mas nauuna 'yong mga bata pa," argumento pa ni Jason.

"Sabagay, may punto ka doon," pagsang-ayon ni Anton.

"Basta, mag-ingat lang tayo lagi tapos healthy living para magkasama tayong tumanda." Hinalikan siya ni Jason sa buhok.

Tumunog ang doorbell.

"Sino kaya 'yon?" Bumangon si Anton at sumilip sa bintana. Nakita niya si Carlo.

Ang makulit na si Carlo!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top