11
TANGHALI NA nagising kinabukasan sina Anton at Jason. Hindi pa kaagad sila bumangon. Saglit pa nilang ninamnam ang pagkakalapat ng mga likod nila sa malambot na kama.
"Bumangon na tayo at mag-almusal," yaya ni Anton sa katabi.
Tumingin lang sa kanya si Jason tapos ay bigla siyang niyakap nito. Maging ang hita nito ay idinantay sa katawan ni Anton. "Mamaya na lang. Higa na lang muna tayo rito."
"Tanghali na, eh. Wala ka bang lakad o ano mang gagawin ngayon?"
"Gusto ko lang yumakap sa'yo," sabi ni Jason in a bedroom voice tone. "Linggo naman. Okay lang mag-stay sa bahay buong araw."
"Kung ayaw mo pang bumangon, ako na lang." Kumawala siya sa pagkakayakap ni Jason at saka bumangon. Pero bago pa siya nakatayo ay nahila na siya nito.
"Halika muna rito." Muli siyang napahiga at agad siyang kinubabawan ni Jason. Pagkatapos ay humiga ito sa katawan niya; ang ulo ay nakahimlay sa kanyang dibdib. "Mamaya ka na bumangon. Hihiga lang ako sandali rito."
Wala nang nagawa si Anton kundi hayaan si Jason sa gusto nito. Inamoy-amoy na lang niya ang buhok nito kasabay ang marahang paghaplos dito. "Grabe, bagong gising siya pero napakabango pa rin ng kanyang buhok. Parang hindi pinagpapawisan ang lalaking ito."
Maya-maya ay nakarinig sila ng katok mula sa pinto.
"Best friend, anong petsa na? Wala pa ha kayong balak bumangon diyan? Luto na ang pananghalian, diyos ko naman! Lumabas na kayo ng lungga n'yo at kumain na tayo," talak sa kanila ni Jairus. "Puro kayo na lang ang nagkakainan diyan!"
Bastos talaga ang bunganga ng baklang ito. "Oo, lalabas na!" sigaw ni Anton sa kaibigan.
"Alin ang lalabas na?" kunwari'y inosenteng tanong nito.
"Gaga! Puro kabastusan ang lumalabas sa bunganga mo."
"Asus! Kunwari ka pa. Nag-eenjoy ka naman diyan." At humalakhak ito nang malakas, dinig na dinig ni Anton kahit nasa loob siya ng silid.
"Jason... Jason..."
"Hmm...," ungol nito.
"Bumangon ka na. Tapos nang magluto si Jairus, kakain na tayo."
"Hmm..."
"Sige na... Tumayo ka na riyan." Bahagya niya itong itinulak para mahulog mula sa pagkakadagan sa kanya. Pagkatapos ay agad siyang bumangon, sinuklay ang buhok sa pamamagitan ng kanyang palad at hinampas sa puwet si Jason. "Bangon na! Sumunod ka na rito sa labas." Lumabas na siya ng silid.
Naabutan niya si Jairus na naghahanda na ng mesa.
"O, mabuti naman at bumangon ka na. Naku, kung hindi ka pa talaga lumabas kakain na akong mag-isa. Kanina pa nagririgodon ang tiyan ko. Gutom na gutom na ako," reklamo nito.
"Anong niluto mo?"
"Eto, may nilagang baka at pritong bangus," pagmamalaki pa nito sa mga inihandang pagkain. "Tapos, hinog na papaya ang panghimagas. Para mabawas-bawasan naman ang init ng mga katawan n'yo." Nanunudyo ang ngiti nito.
"Bakit? Ano bang ginagawa namin? Wala naman, ah," pagtanggi ni Anton.
"Naku, best friend huwag ako. Hindi ako ipinanganak kahapon. Magdamag kayo sa silid na kayong dalawa lang. Imposibleng wala kayong ginawa."
"Meron nga kaming ginawa, natulog."
"Natulog your face! Ikaw? Matutulog lang kasama ang boyfriend mong delicious?" hindi makapaniwalang tanong ni Jairus.
"Best friend, ha? Lumalagpas ka na sa linya. Pati ba naman private matters, kailangan ko pang ipaliwanag sa'yo?" Pinormalan niya ang kaibigan.
"Ito naman, masyado. Masama bang mainggit ako sa'yo. Bakit ba kasi napakaswerte mo sa boyfriend? Lahat guwapo. Lahat delicious. Ako kaya, kelan makakahanap ng ganyan?"
"Pakitaan mo kasi ng pera, para sila mismo ang lumapit sa'yo," pagbibiro ni Anton sa kaibigan.
"Ang sama mo naman, best friend. Bakla lang ako, hindi ATM."
Napahagalpak ng tawa si Anton. Kahit kelan talaga, karakter ang kaibigan niyang ito.
Noon lumabas ng silid si Jason. Naka-boxers lang ito at halos lumuwa ang mga mata ni Jairus pagkakita sa binata.
"Mahabaging langit!" bulalas nito.
"O, 'yang mata mo kung saan-saan na naman nakatingin," saway ni Anton sa kaibigan.
"Best friend, huwag kang selfish. Share your blessings naman."
Tuloy-tuloy na lumapit si Jason kay Anton at humalik sa labi nito. "Good morning..."
"Tanghali na po. Hindi na morning," apela ni Jairus. "Ako ba, walang greetings?"
"Wala!" agad na sagot ni Anton.
"Kung ganoon, dumulog na kayo rito sa mesa at kumain na lang tayo," sabi nito. "Ibubunton ko na lang sa pagkain ang pagkainggit ko."
Masaya silang nananghalian. Sa pagitan ng mga pagnguya at pagsubo ay mga mumunting halakhakan dahil sa mga ibinabatong jokes ni Jairus.
***
KATATAPOS LANG maligo ni Carlo at ngayon ay nagbibihis na ito.
"Saan ka na naman pupunta?" mataray na tanong ni Shelley.
Hindi sumagot si Carlo. Naiinis na siya kapag ganitong lahat na lang ng lakad niya ay kinakailangang ipagpaalam pa sa baklang kinakasama niya.
"Bingi ka ba? Sabi ko, saan ka na naman pupunta?"
"Sa impiyerno. Sasama ka?" Matalim ang tinging ibinato niya sa bakla.
Lilipad sana ang palad ni Shelley sa mukha ni Carlo pero maagap niya itong nahawakan. "Hindi mo ako puwedeng saktan. Huwag mo akong bigyan ng dahilan para layasan ka," madiing sabi niya sabay bitaw sa kamay nito at mabilis na humakbang papalabas ng silid.
Naiwan si Shelley pero hindi ito ang tipo na basta na lang magpapatalo. Kinuha nito ang celfone at may tinawagan.
"Hello, Yuri?"
"Shelley! Napatawag ka?"
"Pumunta ka rito sa bahay ko, may pag-uusapan tayong importanteng bagay." seryosong pahayag ni Shelley.
"Sure! Alam mo namang basta ikaw ang humiling sa akin, hindi ko talaga matanggihan," mabilis na sagot nito. "Kelan ako pupunta riyan?"
"Ngayon na."
"Wow! Okay, pupunta na ako. Give me thirty minutes and I'll be there!" paniniguro pa nito.
NAGAWANG DUMATING ni Yuri sa bahay ni Shelley sa itinakda niyang oras. Nang buksan ng bakla ang pinto ay isang pilyong ngiti ang isinalubong niya rito.
"I'm on time. I think I deserve a reward." Umakma itong hahalikan si Shelley pero umiwas ang huli.
"Not now. Too early," deklara ni Shelley. "You'll get to receive your prize once you're done with the task that I want you to do."
"Task?" nagtatanong ang mga mata ni Yuri.
"You heard it right," ani Shelley. Kumuha ito ng isang sigarilyo na nasa center table at sinindihan.
"Ano naman ang ipagagawa mo sa akin?"
"Kilala mo 'yung boyfriend ko, 'di ba?" Hinithit nito ang sigarilyo tapos ay ibinuga ang usok.
"Ah, 'yung bagong boyfriend mo? Iyong dating syota noong matandang bakla," maangas na sabi ni Yuri. "Oo, kilala ko iyon. Bakit?"
"Tiktikan mo siya. Alamin mo kung saan nagpupupunta at kung ano ang mga pinaggagawa niya. Kapag may nakuha kang magandang impormasyon, ibibigay ko ang gusto mong premyo." Muling humithit ng sigarilyo ang bakla at bahagyang lumapit sa mukha ni Yuri at saka ibinuga ang usok.
Pilyong napangiti ang lalaki. "One whole night with you ang gusto ko."
"Deal!" Isang ngiti ang pinakawalan ni Shelley. "I'm giving you one week to do the task."
"Aprub!" Nakangising tugon ng lalaki.
Nagkamay ang dalawa upang isara ang kanilang kasunduan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top