🎭 THIRD BEAT

PAGKALAGOK KO SA INIINOM na Empi sa plastik na baso, nagsalita ako, “Guys, alam n’yo ba?” Napatingin naman ’yong tatlo kong katropa sa akin na na-curious sa gusto kong sabihin.

Madilim na ang paligid at kasagsagan ng bugso ng malamig na hangin,  nakatambay kaming apat sa maliit na garahe ng bahay nina Oliver habang tanaw ang kalsada, tapos may nakaayos na upuan at mesa. Kahit naka-uniform, nag-set pa rin kami ng inuman. E, pagkatapos at pagkatapos mismo ng klase namin, deretso na agad kina Oliver. Matapos kaya kaming i-stress-in ng mga teacher sa mga pinagawa sa school, dapat lang naman kaming mag-chill at mag-relax.

Napasobra nga lang ’yong bili naming alak at pulutan; kung makagastos ang mga ito, parang anak ni Henry Sy. May sisig, kalahating manok galing Andok’s, at dalawang bote ng Emperador. Ganiyan kami ng mga barkada ko. May pang-ambag lagi sa inuman, pero sa school projects at groupings, wala.

Nagpatuloy ako sa pagsasalita, kahit hindi pa gaanong tumatalab ang epekto ng alak sa akin, "Pansin n'yo, simula no'ng dumating 'yang si Donny, naging center of attention siya ng buong section natin.” Hindi ko na napigilang magreklamo at dumakdak. Seryoso, kaya ko pa bang tiisin ang lalaking iyon?

"Ang cool nga niya, e. Masarap kasama. Malakas din karisma,” komento nitong si Oliver na kaharap ko pagkasubo ng sisig na nakalagay sa styrofoam container.

Sumingit sa usapan si Mok-mok,  “Tapos genius pa! Himalang napangiti niya si Sir Calara. E, daig pa no'n may menopause, ’di ba?” Akala ko, kakampihan din ako nito.

Grabe, trayduran pala gagawin nila sa akin pagkatapos ng lahat.

“Sus, parang ngayon lang kayo nakakita ng talented sa buong buhay n’yo.” Umiling ako sabay shot ng alak. Mas inuna pa ng mga unggoy ang lalaking transferee kaysa sa ilang taon na nilang kaibigan. Nakasasakit talaga ng damdamin. Mga taksil!

Kinausap naman ako bigla nitong si Japs na kahit hindi pa lasing, sesenglot-senglot na ang boses, “Ang lakas yata ng amoy mo, Chester. Naaamoy ko insect sa ’yo.”

Kunot-noo kong inamoy ang magkabilang kilikili ko. "Ano'ng amoy insect?" Tanong ko sabay tingin nang masama kay Japs.

“E ’di, insect. Insecurity.” Tapos ay natawa siya nang malakas at saka rin sumabay sina Oliver at Mok-mok sa pagtawa sabay apir sa isa’t isa. Habang ako, nanahimik na lang habang tinitingnan ang tatlong unggoy. Kaunti na lang talaga, bibingo na sila.

Umakbay pa itong si Oliver na katabi ko lang, “Buti nga siya, guwapo na, matalino, magaling pang kumanta at tumugtog ng mga instruments. E, ikaw? Marunong lang mag-basketball. Guwapo? 'Di na lang ako mag-talk, p're.” Pagkatapos ay inalog-alog pa ako sa balikat. Aba, gusto talaga nilang makaisa.

Hindi na talaga ako nakapagtimpi at saka na naglabas ng hinaing. "Sige, diyan naman kayo magaling! Pagtulungan n'yo na ako." Ewan ko ba sa mga ito at mas kampi pa sila sa Donny na iyon?

Sumagot si Japs, "Ba't 'di mo kasi bigyan ng chance kaibiganin? Feeling ko nga, magiging magkasundo kayo no'n." Luh siya.

Napangisi ako at natawa, pero ’yong may halong pang-aasar. "Gagu. Kahit mamatay pa 'ko, 'di ako makikipag-close do'n. Kiss niya muna puwit ko,” pagsusungit ko sabay krus ng braso. Asa naman ’yon. Ano siya sinusuwerte?

Kung sa buhangin, kahit siya ang buhangin na galing sa Boracay, tapos ako 'yong buhanging ginagamit lang sa construction, parehas pa rin kaming buhangin. Kaya huwag siyang masiyadong nagmamataas.

“Alam mo, p’re, iinom mo na lang ’yan. Stressed ka lang, e.” Iniba na lang ni Mok-mok ang usapan at nagbuhos pa ng Empi sa baso ko.

---

Nakaiinis ’yong feeling na kailangan kong pumunta sa school ng bandang umaga para gawin ang para sa group reporting namin. Puwedeng tulog pa sana ako ng mga ganitong oras, o kaya naglalaro ng basketball o kaya Mobile Legends at Genshin Impact sa cellphone tapos, nandito ako sa may covered court para gumawa noong project namin.

Pero mas nakaiinis din na ang leader ay walang iba kung hindi si Donny. Ewan ko ba sa teacher namin at ako pa ang isinama sa group niya para mag-report mamaya.

Kaya heto, nakaupo lang sa may stage habang ninanamnam ang pagiging badtrip sa buhay. Tapos ito namang si Donny, panay ang explain sa iba pa naming kagrupo habang gumagamit ng laptop para i-edit ang slide sa PowerPoint.

Ito talagang si Donny, ang hilig magpaka-star of the show. Kailangan pa talagang naka-PowerPoint. E, Manila paper, cartolina, at pentel pen lang gamit namin dito sa public.

“Guys, may naisip ako!” Biglang napabulalas si Donny habang napatigil sa pagla-laptop.

“Ano ’yon?” tanong ng isa kong kaklase.

“What if pagkatapos nating mag-report, magpa-quiz tayo sa mga classmates natin?” Napapintig na naman ang tainga ko sa narinig mula sa kaniya.

“Ay, bet ko ’yan, beh!”

“’Di ba? Para malaman natin kung nakinig talaga sila.”

Badtrip na nga, mas lalo pa akong na-badtrip. Lutang na nga, masama pa ang gising, kaya nagsama-sama na ang lahat. Hindi ko na talaga napigilan ang sarili ko at saka na ako nagsabi-sabi.

Napairap ako sabay sabing, "Nagpapabida-bida na naman siya." Oo, nilakasan ko talaga para marinig niya. Hindi na talaga uubra ang parinigan sa kaniya.

Tumalab nga ang mga sinabi ko nang tingnan ako ni Donny nang masama. Pagkatapos, tumayo siya at saka ako nilapitan. Kita ang inis sa pagmumukha niya na halatang triggered sa sinabi ko.

Pagkalapit sa akin ay saka siya nagsalita, "Seriously? 'Di ko alam kung bakit may problema ka sa 'kin at lagi kang galit. Pero bida-bida talaga? Gano'n ba talaga tingin mo? Sa’n ba nanggagaling ’yang mga sinasabi mo?”

Nginitian ko lang siya—’yon bang nakaloloko. Tapos nagpaliwanag ako sa kaniya, “Okay, aamin na ako. E, ikaw naman kasi. Lagi kang nagpapa-impress. Lagi mong pinapakitang magaling ka. E 'di, ikaw nang magaling!"

Sumagot pa ang mokong sabay lapit pa sa akin, “So, sino ba ang bida-bida sa ’tin niyan? Bakit, pag-aari mo ba ’yong school natin kaya ganiyan ka umasta?”

“Chester, ano ba? Tumigil ka na!” Ako pa ang pinaaawat ng isa kong kaklase. Siyempre, kuwento ni Donny iyan. Siyempre, ako ang masama sa kanila.

Hindi na nakapagtimpi pa si Donny at saka nagbitiw ng mga huling salita sa akin, “Wait, ’di ako sure kung saan nanggagaling ’yang insecurities mo. And excuse me, hindi ko na kasalanan kung natatapakan 'yang ego mong marupok. So stop asserting your dominance just because you cannot grow your very small dick.”

Parehas napatigil ’yong mga kagrupo namin sa mga bintiwang iyon ni Donny. Habang ako, tiningan lang siya lalo nang masama at saka napasinghal.

Small dick pala, a? ’Di ako maalam sa English, pero alam ko ibig sabihin noon. Ang kapal! Ang kapal niyang sabihin iyon.

Napakuyom ako ng kamao at saka tumayo sa stage. Pagkatapos, ang ginawa ko, kinuha ko na lang ang aking bag, nag-walk-out palabas ng covered court, at iniwan sila roon.

Bahala na sila sa buhay nila. Tutal, hindi naman nila ako kailangan. Siyempre, mas kampi naman sila sa Donny na iyon.

---

Pumasok ako sa school na para bang walang nangyari sa covered court noong isang araw. Wala na rin namang naungkat tungkol sa amin ni Donny at nairaos din naman kahit papaano ang reporting namin, kahit ang ambag ko na lang ay ngumiti at tumayo sa harapan.

Habang naglalakad sa may first floor paakyat papunta sa classroom namin, napasilip ako sa mga kumpulan ng iilang estudyante sa may bulletin board.

Dahil sa kuryosidad, lumapit ako at tiningnan kung ano ang pinagkakaguluhan nila. Napatabi ’yong dalawang babaeng kaeskuwela ko pagkalapit ko. Tapos, bumungad sa akin ang bagong paskil na dalawang poster na magkakatuglong. Parehong may design pa naman ito ng fairies, tapos may makukulay ring mushrooms sa background na naka-print sa bond paper. Tapos, binasa ko ang kung ano’ng nakasulat dito.

Teatro Apaliteño is excited to announce auditions for our first-ever boys' love-themed stage play, Sina Oberon at Titaneo.

Ipinagpagpatuloy ko ang pagbabasa hanggang sa part ng requirements para sa roles, mula sa mga bida hanggang sa supporting characters. At hindi ko alam, pero bakit nagiging curious ako? Bakit parang ineengganyo akong mag-audition?

For interested auditionees, kindly send your sample audition video together with introduction about yourself and reasons why you joined the auditions to our Facebook page.

Good luck and more powers!

Kakagatin ko na kaya? Medyo nag-aalangan ako dahil sa tema ng play, pero okay lang naman sa akin.

Habang nakatingin pa sa poster, napaisip ako at para bang naglalaban ang mga desisyon ko sa aking utak...wait, mayroon pala ako noon?

Nagdadalawang-isip pa ako, pero gusto ko talaga.

Siguro, kung makapasok ako rito at makuha ang lead role, baka matapatan ko na ang Donny na iyon. Okay lang din naman kung hindi ako makapasok, wala namang masama kung susubukan ko. Pero maganda sana kung makasama ako, sayang din ang opportunity.

Isang malawak na ngisi ang pinakawalan ko. Mag-o-audition ako para sa Sina Oberon at Titaneo. Ano’ng akala ni Donny, siya lang ang mas angat? Siya lang mas sikat?

It’s my time to shine, baby.

-30-

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top