🎭 SECOND BEAT

DONNY ARTWORK BY:
iammasteryel

---

MGA BANDANG HAPON AY tirik na tirik pa ang araw. Para tuloy kaming kukunin na ng liwanag dahil nakatutok pa ang sinag sa classroom naming nasa second floor pa. Mainit na nga, naghalo-halo pa ang amoy ng alikabok, pawis, at nakapinturang barnis sa mga upuan na nagko-contest kung sino ang mas may malakas ang amoy. Isama rin ang ingay ng nagkukuwentuhan kong mga kaklase ngayong break time at tunog ng yapak ng mga estudyanteng maya't maya ang daan sa labas.

Kahit nag-aapoy na sa init at sumabay pang bumigay ang isa sa dalawang ceiling fan ng classroom, bigla namang lumakas ang bugso ng hangin-bumabagyo yata na nasa signal number five.

Habang nagse-cellphone para mag-Mobile Legends sa puwesto ko, napasilip ako sa bandang harapan at nakita ang kumpulan ng mga kaklase kong kakuwentuhan ang transferee na si Donny.

Ewan ko ba kung bakit naging ganito sila kaaligaga sa bagong salta. Daig pa ng BTS ang pagdating ni Donny dito sa Apalit High School. 'Yon bang sa isang iglap lang, napunta na sa lalaking iyon ang atensiyon ng lahat.

"Kumusta naman sa Saudi, 'di ba mainit do'n?" dinig kong tanong ng isa kong kaklaseng babae. Para palang may pa-press con dito ng mga artista na napanonood ko sa TV, a?

"Okay lang. Mainit din, but hindi naman super humid 'di tulad dito sa Pilipinas."

Napapintig ang tainga ko. I-English-English pa kanina noong nagpapakilala, marunong naman palang mag-Tagalog. Pinahirapan pa kami.

Sabi pa ng mga kaklase ko, guwapo raw ang isang ito, kaya agad napansin sa klase. E, ano ngayon? Mas guwapo naman ako. Ewan ko ba sa kanila, bahala sila.

"Hey, Donny, my friend." Bigla pang lumapit si Oliver at nakita kong paakbay-akbay pa habang ginagaya si Tommy ng Pepito Manaloto. "Angas ng sapatos mo, a? Original ba 'yan?" komento ni Oliver sabay tingin sa Jordan shoes nito.

"Oo, regalo sa 'kin ni Papa no'ng 17th birthday ko."

"Naks, sana all, yayamanin! Binyagan na 'yan."

Napairap na lang ako sa kinauupuan at saka inalog ang aking ulo.

Ako lang ba o hindi ko feel ang transferee namin? Parang nayayabangan ako na hindi ko alam bakit. Talagang ipinalalandakan niyang mayaman sila. Bakit, diyos ba siya? Nagpapakabida ba siya? A, basta, nababalidbaran ako sa kahanginan niya. Pero imbes na mainis lalo, nag-cellphone na lang ako ulit. Ewan ko na lang.

"Chester, psst!" Pero wala pa mang ilang sandali, tinawag na naman ako nitong si Oliver.

"O?" tanong ko pagkatingala sa kanila.

"Mag-hello ka naman kay Donny," sabi pa niya, kaya napakunot ang noo ko. Gusto ko ngang upakan itong kaibigan kong ito sa kalokohan niya.

Ngumiti naman itong si Donny at saka ako kinausap, "Uy, kumusta? Nice meeting you."

Siyempre, nagpaka-plastik din ako at ginantihan ko siya ng ngiti-'yong mas peke pa sa sapatos na afford ko lang bilhin sa tiangge. Tapos, nanahimik na lang ulit ako.

Hindi pa nga roon natatapos ang pagpapabida ni Donny sa klase. Talagang first day na first day niya rito, favorite na siya agad ng mga teacher dahil laging active sa recitation kahit hindi naman nila napag-aralan ang ibang topics habang nasa Saudi. Pambihira, ngayon lang daw sila nagkaroon ng super talinong estudyante sa tanang buhay nila.

Mga alas-singko y media na ng hapon natapos ang klase namin. Nakatambay pa kaming tatlo nina Oliver at Japs sa may shed na malapit sa gate dahil hinihintay pa namin si Mok-mok. E, umihi pa kasi siya. Tapos nasa likuran pa namin 'yong mga semento at kahoy na nakatambak dahil pinagagawa ang school garden.

Pero habang naghihintay, nakita na naman naming napadaan si Donny.

Tumango si Oliver para tawagin ang atensiyon noong lalaki, "Uwi ka na?"

"Oo, e," sagot ni Donny habang nakahawak ang dalawang kamay sa strap ng backpack niya. Pero ako, hindi ko na lang siya pinansin.

Lumapit si Chris na kaklase namin at saka kinausap si Donny, "Uy, sabay ka na sa 'min? San Juan din ako, e."

"Hala, sorry, my friend. Sasabay ako sa kotse ni Papa ngayon, e." Napailing na lang ako kay Donny.

"Naks, iba talaga ang rich kid." Nakita ko pang sinikuhan siya ni Chris sa beywang.

"Gusto mo, sabay ka na lang sa 'min?"

"'Hala...'di ba nakakahiya?"

"No, it's okay, my friend. Sabay ka na."

Naibuka ko na ng bibig sa nakita sabay natigilan na para bang naistatuwa ako sa kinatatayuan ko.

Luh, close na sila agad? Wala pa mang 24 hours, a? Grabe, hindi ko talaga alam kung ano ang mayroon kay Donny.

"Hoy, ano'ng nangyari sa 'yo?" Habang nakabuka pa rin ang bibig ay hindi ko na napansing kinakalabit na ako ni Mok-mok. Kaagad akong bumalik sa ulirat at saka inayos ang sarili. "Para kang natuklaw ng ahas diyan."

"O, ano pang hinihintay n'yo? Tara na!" Imbes na sagutin si Mok-mok, inayos ko na ang sarili ko at nagyaya na ako sa kanila para maglakad palabas ng school.

---

"Maglalang, Chester." Nang matawag ang pangalan ko, para tuloy akong nasentensiyahan. Sa mga ganitong pagkakataon ko lang naranasan matakot ang pagbanggit sa pangalan ko.

Bigla kasing nagpa-graded recitation itong si Sir Calara para sa Physical Science subject. E, siyempre, walang review-review sa akin kaya nga-nga.

Mangatog-ngatog tuloy ang aking tuhod pagkatayo sa inuupuan sabay kamot ng ulo. Hindi ko pa nga matingnan nang deretso si Sir Calara dahil sa titig pa lang niya ay para nang hinihigop ang kaluluwa ko.

"It is the second layer of the atmosphere of Earth, located above the troposphere and below the mesosphere." Patay...napalunok na lang ako ng laway.

Wait, ano raw? Ano kasi iyon? Alam ko 'to, e...alam kong ibabagsak ko ang subject na ito.

"Sir...puwede po paulit ng question?" Pangiti-ngiti lang, pero kinakabahan na talaga ako.

"I repeat, it is the second layer of the atmosphere of Earth, located above the troposphere and below the mesosphere."

Dahil bobong-bobo na, ang sagot ko ay, "Uhm...Britney Spears?"

"Ano'ng Britney Spears? Hindi ako nakikipagbiruan dito. Remain standing." Ramadan ko ang pagkalampag ni sir sa table gamit ang mga index card, tapos ay sumabay pa ang tawanan ng mga kaklase ko. Hindi na lang ako umimik habang nakatayo.

Sino bang hindi mahihiya dahil nakatayo sa hindi pagsagot sa recitation? Minumura na siguro ako ng mga ninuno kong nanonood sa akin sa itaas...o sa ibaba kung mayroon man.

"Sino'ng gustong tumulong kay Chester?" Nagtawag na si sir ng iba, pero maski nga mga kaklase ko, hindi makaimik dahil terror ito.

Dahil walang gustong magtaas ng kamay, nagsalita ulit si Sir Calara "May gusto bang sumagot?"

Pero napalingon ako sa kinatatayuan nang makitang may nagtaas ng kamay. Siyempre...walang iba kung hindi si Donny.

"Yes, our new student, would you like to answer the question?" Isang matipid na ngiti ang ipinakita ng teacher namin. Bakit ganoon, noong sa akin, parang matapang na leon si sir. Tapos noong kay Donny na, naging pusa bigla? Favoritism, ampota.

"It's actually the stratosphere, sir," sagot ni Donny na walang kabakas-bakas ng kaba.

Lumawak pa lalo ang ngiti ni sir sa sagot ni Donny. "Very good. Maupo ka na." Tapos ay nagsipalakpakan pa ang mga kaklase ko. Habang ako na nakatayo, halos magngitngit na ang mga ngipin habang marahang napatingin kay Donny na pinupuri ng mga nakapaligid sa kaniya.

Wala, e. Magaling naman talaga si Donny-magaling din na manguha ng spotlight.

Pagkauwi ay deretso agad ako sa maliit kong kuwarto. Nagbihis na rin ako bago humilata sa kama at in-open ang cellphone ko para makapag-Facebook bago matulog. Tamang scroll lang sa mga kalat at kung ano-anong anik ng friends ko.

Pero hindi ko alam ang sumagi sa isipan ko nang automatic na napunta ako sa search bar at i-type ang pangalang Donny Quiroz. Pagkapindot ko sa magnifying glass icon sa keyboard ay kaagad nang lumabas ang profile nito na may DP niyang may mahigit 1K likes. Paano, tamang porma pa siya na suot ang naka-Hawaiian polo at sunglasses habang nakaupo sa may beach chair. Siyempre, nandoon din ang suot niyang black choker.

Pagka-scroll down ay bumungad agad sa akin ang video niya na nagpa-piano at kumakanta ng Sign of the Times by Harry Styles. Tapos may isa pa siyang video na nagpe-play naman ng violin. Ang galing pala niyang magpatugtog ng instruments, kainis! Wow, kailan pa ako naging stalker?

Napadaan din ako sa timeline niya na picture noong bata pa lang siya na nakasuot ng damit ng pang-taekwondo na may kasamang black belt. May isa pang tagged photo niya na nasa stage at may nakasabit sa kaniyang malaking medal; may caption pa itong "Congratulations, Donovan Mitchell Quiroz for winning first place in IPSA Quiz Bee." Isama pa 'yong ibang posts niya na may mga medal o kaya may hawak-hawak siyang certificates. Seryoso, tao pa ba itong si Donny? Hindi siya basta-basta at hindi ko nga rin alam kung ano ang kinakain niya at bakit ganito siya kagaling sa lahat ng bagay.

Napabuga ako ng malalim na buntonghininga habang nakatitig sa screen, at saka ito inilagay sa dibdib ko.

Masasabi kong ang unfair talaga ang buhay. Ako, ipinanganak na ngang salat sa hikahos sa buhay, salat pa sa talino at talent. Tapos makikita ko itong si Donny-achiever na, talented-rich kid pa! Siya lahat sumalo ng blessings ni Lord, tapos wala nang natira sa akin. Nakaiinggit lang.

Sa bawat post niya na nakikita ko, para bang ipinamukha nito sa akin kung saan ang kinalalagyan ko. Pakiramdam ko, bigla akong nanliit lalo sa sarili. Kaya pala todo puri ang ibang tao dahil sobrang galing niya sa lahat ng bagay. At least, effortless niyang nagagawa iyon. Tapos ako, heto, puro bola lang naman ang ambag ko.

Napapikit na lang ako sabay higa sa kama at saka huminga nang malalim.

---

Tamang tunganga lang ako sa may classroom habang hinihintay ang teacher namin. Nakasalumbaba lang ako sa may upuan ko dahil sobrang bored na talaga ako.

Siyempre, simula rin nang dumating si Donny, laging na lang siyang gumagawa ng eksena.
"Donny, may itatanong lang ako." Nakita ko na naman sa may harapan ko ang isang classmate na lumapit at nagtanong sa kaniya. Sakto pa namang malapit ang puwesto ko sa kanila. "Medyo nalilito pa din kasi ako sa interpersonal at saka interpersonal. Nalilito ako sa ire-report ko mamaya."

"A, okay, ganito kasi 'yan." Magiliw namang sumagot itong si Donny na natigil sa ginagawang pagbabasa ng dalang libro. Tapos ay nagsimula na siyang magpaliwanag, "Kapag kasi interpersonal, communication 'to between sa 'yo at sa isa or ibang tao. Example, kinausap kita, interpersonal communication 'yon."

Nag-isip pa siya ulit bago may sabihin, "Intrapersonal naman, communication within yourself. Kung papa'no ka nag-iisip, or nagmumuni-muni, gano'n."

Habang nagpatuloy siya sa pagpapaliwanag, hindi ko na talaga napigilan ang sarili ko. Bigla na lang akong napahikab sabay na napabulalas nang malakas.

"Ay, Jollibee!" sabi ko, at intensiyon ko naman talaga iyon. Bahala na kung matamaan si Donny o hindi. Manigas siya riyan.

Pagkasabi ng mga salitang iyon, kaagad namang napalingon sina Donny at saka napatingin sa akin.

Habang ako, bigla na lang ding nagbigay ng isang awkward na ngiti sa kanila. "A, ibig kong sabihin, gutom ako. Gusto kong Jollibee," biglang palusot ko sabay tawa nang mahina. Pagkatapos naman noon ay bumalik na sila sa pagkukuwento.

Napaiwas na lang ako ng tingin sabay make face. "Mukhang kalahating araw ko na naman titiisin ang presensiya ng isang ito," bulong ko na lang sa sarili ko.

As usual, papalubog na ang araw na kami na-dismiss sa klase. Sa totoo lang, mas gusto ko na ang ganitong set-up kaysa morning shift kami noong Grade 10 pa lang kami. At least, hindi na ganoon kainit sa labas at mas malakas sa mga ganitong oras ang hanging amihan. E, January pa lang kasi.

Tahimik lang akong naglalakad sa may corridor. Hindi na sumabay sa akin 'yong mga katropa ko dahil mabilis pa sila sa alas-kuwatro, lalo na kung uwian ang usapan. Habang ako, nagpakabayani na naman dahil tumulong pa sa paglilinis ng classroom. Part kasi ako ng cleaners ng araw na ito.

Kakaunti pa lang ang hakbang ko papunta sa hagdanan nang makasalubong ko na naman si Donny. Umirap na lang ako at saka nagpatuloy sa paglalakad.

"Hey!" Aba, binati pa ako ng loko sabay kaway sa akin. Pero sorry, hindi ko talaga siya vibes, at wala akong balak makipagkasundo sa kaniya. Kaya tiningnan ko na lang siya ulit at saka na napaiwas ang tingin sa kaniya.

Pero habang patuloy ko pa siyang iniiwasan habang nagmamadali sa pagbaba sa may hagdanan ay biglang...

"Ay, putek!" Ewan ko kung may balat ba ako sa puwit at sa akin napunta ang lahat ng kamalasan sa mundo. Bigla na lang akong natisod at nagpagulong-gulong sa hagdanan.

"Aray ko." Napangiwi na lang ako pagkabagsak sa sementadong lupa. Buti nga at hindi ganoon kataas ang hagdan. Pero, grabe, gumawa na naman ako ng eksena. Binigyan ko na ulit ng kahihiyan ang sarili ko, lalo na at pinagtitinginan na naman ako ng mga tao.

Nagawi rin ang tingin ko at nakita si Donny na nasaksihan din ang nangyari. Hindi ko mabasa kung ano ang ekspresiyon niya. Pero malamang, sinasabihan na niya ako sa utak niya ng "Deserve. Bagay 'yan sa 'yo."

Tiningnan ko na lang siya nang masama bago ako tumayo at ipinagpag ang sarili ko. Buti na lang nga at wala akong natamong pilay o malalang sugat, mga galos lang sa may braso. Pagkatapos ay nagpatuloy na ako sa paglalakad na parang wala lang nangyari.

Hindi ko alam, pero pagkatapos ng pangyayaring iyon, wala na...mas nainis na lang talaga ako kay Donny.

-30-

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top