Prologue
“SUNDAN MO nga ’yon, manong,” nag-aapurang mando ni Kayavine sa driver ng taxicab sabay turo doon sa itim na sasakyan.
Naghihingalo na ang araw sa kalangitan nang tuluyang makaalpas ang artistang lalaki mula sa kaniyang mga taga-hanga, pumasok sa sasakyan, at saka humarurot. Sinusundan ito ni Kayavine ’pagkat mayroon siyang kailangang ipagtapat sa aktor.
Habang hinahabol ang itim na sasakyan, patuloy namang naghuhuramentado ang kaniyang puso. Naghalo ang pangamba at galak; nagagalak siyang ipagbigay-alam sa aktor ang mabuting balita, pero binundol din siya ng kaunting takot na baka hindi niya ito matanggap.
Still, kailangan niya pa ring malaman ang totoo, ang sigaw ng utak niya.
Panaka-naka siyang napalingon sa bintana at nasaksihang napalamutian ng kulay-ube, asul, at kulay-rosas ang capital ng Maharlika—Quintessa City—na nanggagaling sa iba’t ibang tindahan at establisyimento.
Pagkahinto na pagkahinto ng sasakyan ng aktor sa tapat ng condo, dali-dali rin siyang bumaba sa taxicab para habulin ito. Tinakbo niya ang distansya sa pagitan nilang dalawa. ’Tapos, walang pasabing hinigit niya ang palapulsuhan ng aktor, dahilan upang dahan-dahang pumihit ang ulo nito paharap sa kaniya.
Nanlaki ang mga mata ng aktor nang mag-abot ang tingin nila ni Kayavine. Nakasuot ito ng itim na sombrero at facemask.
“What are you doing here?” ang kuwestiyong isinaboy nito sa kaniya, ang mga mata’y malilikot.
Bumuntonghininga si Kayavine bago sumagot ng, “M-may kailangan kang malaman . . .”
“Ano?”
“Isa akong bearer.” (Bearer: Lalaking may kakayahang magdalang-tao). Nakagat niya ang pang-ibabang labi ’tapos nagpatuloy, “B-buntis ako . . . at ikaw ang ama.”
“ANG GANDA naman ng story mo, Kayavine!” bulalas ng kaniyang kaibigan mula sa kabilang linya.
Ikinuwento niya kasi sa kaibigan ang istoryang ginawa niya: isang bearer na nabuntis ng isa sa mga bantog na aktor.
“Thanks,” agarang sagot ni Kayavine.
“Kapangalan mo pa talaga ang bida! May pa-‘all the characters in this story have no existence outside the imagination of the author and have no relation whatsoever to anyone bearing the same names’ ka pang nalalaman sa mga novel mo. Alam kong b-in-ase mo ’yon sa sarili mo.”
“’Yon pala ang ipi-pitch ko”—nabanat nang bahagya ang kaniyang mga labi—“sa Crown Entertainment ngayon. ’Di talaga ako titigil hangga’t ’di nila ako natatanggap.”
Nag-CR muna siya matapos patayin ang tawag. Akmang lalabas na siya nang dumaan sa paligid ng magkabila niyang tainga ang tili ng kababaihan mula sa labas.
Di-kaginsa-ginsa, pumasok sa loob ng banyo ang lalaking nakasuot ng itim, mula ulo hanggang paa. ’Tapos, padaskol nitong sinarado ang pinto.
Ibinuka ni Kayavine ang bibig niya, ang mga salitang Bakit mo ni-lock ang pinto? ay nasa dulo na ng kaniyang dila, pero kaagad na tinakpan ng lalaki ang kaniyang bibig.
Inilapit nito ang kanilang mukha hanggang sa isang pulgada na lang ang pagitan. Sa di-malamang dahilan, bumilis ang tibok ng kaniyang puso. Maya-maya pa, namilog ang mga mata niya nang tuluyang mamukhaan ang lalaking nakasuot ng itim na sombrero.
Iyon ay walang iba kun’di ang aktor na binansagang “Bedazzling Kaimon.”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top