CHAPTER TWENTY-FOUR
Hindi siya niloloko ng paningin niya.
Sigurado si Amber na si Hunter ang nakita niyang dumating sa loob ng studio. Tahimik lang itong nagbaba ng gamit, inayos ang dalang camera at ngayon ay nakatitig sa kanya.
Ano ang ginagawa nito sa city? Sigurado siya, hindi ito bababa ng bundok. Sigurado siya na hindi nito maiiwan ang tribong minamahal nito.
Pero ibang-iba ang itsura ni Hunter kumpara sa bathalang iniwan niya sa bundok. Naka-casual clothes ito na polo at pantalon. Wala na ang mahabang buhok na laging nakatali lang noon. Ngayon, ang linis-linis ng pagkakagupit ng buhok. Wala na ang makakapal na balbas at bigote na pang-ermitanyo. Ngayon, halatang ayos na ayos mula barber shop ang pagkaka-ahit ng balbas at bigote.
Rugged style, dirty and yet mukha pa ring mabango.
Punyeta, Amber. Tandaan mo ang dahilan kung bakit mo iniwan ang lalaking iyan. Wala siyang kuwenta. Nakakadiri siya. Animal siya. Hindi ka sasaya sa kanya.
Paulit-ulit niya iyong sinasabi sa kanyang isip. Pumikit siya at huminga ng malalim. Baka nga niloloko lang siya ng paningin niya. Baka nga sa isip lang niya na si Hunter ang nakikita niya. Kailangan niyang mag-focus. Iniisip niyang isang trabaho ito na kailangan niyang ayusin at hindi siya magpapaapekto dahil lang sa dumating ang isang taong tinatakasan niya.
Muli siyang dumilat at ngayon ay hindi na nakatingin sa kanya ang lalaki. Busy na ito sa pagkakatikot sa hawak na camera tapos ay ipino-focus sa kanya.
Ganoon lang talaga. Tingin niya dito ay parang hindi naman apektado na nakita siya. Parang kaswal lang. Parang wala silang pinagsamahan. Parang hindi sila nagkakilala.
Animal talaga ang demonyo.
Itinaas niya ang noo at iniharap ang mukha sa mga painters at photographers na naroon. Bakit ba siya mahihiya? Bakit ba siya magpapaapekto sa lalaking ito? Wala na siyang pakielam kung ano ang dahilan nito kaya bumaba mula sa bundok. Siguro, nagsawa na sa mababahong mga babaeng Dasana at bumaba sa kapatagan para dito naman maghasik ng lagim. Lalong napupuno ng galit ang dibdib niya nang maalala ang huling pagkikita nila. Ano na kaya ang nangyari sa batang naka-sex nito? Napangiwi siya dahil sa pandidiri. She couldn't imagine that this man could do a horrible thing like that.
Nagkamali talaga siya ng lalaking minahal.
Tahimik na tahimik ang lahat. Ang mga painters ay absorbed na absorbed sa kanilang ginagawang pagpipinta. Ang mga photographers ay busy sa bawat pagki-click ng camera. Hindi talaga niya tinatapunan ng tingin ang lalaking iyon kahit na nga lumalapit pa ito sa harap para makunan siya ng litrato.
"Ambs, your face. Make it something normal. Nakasimangot ka," bulong sa kanya ni Xavi.
"What? This is my normal face," nanlalaki pa ang mata niya dito.
Umiling lang si Xavi at sinenyasan siyang ngumiti ng konti.
Umirap lang siya dito at muling tumingin sa karamihan ng mga artist. Gusto na lang talaga niyang matapos ito. Hindi niya maintindihan kung bakit parang bigla siyang naaasiwa dahil nasa harap na niya si Hunter at talagang naka-focus ang camera sa kanya.
"Is it okay if she change her pose?" boses ni Hunter ang narinig niyang nagtatanong kay Xavi.
Napalunok siya at hindi niya pinahalata na kahit simpleng pagsasalita lang ni Hunter ay naapektuhan siya.
"Sorry, man. The painters need her to do that pose. That's the downside of a group session." Nagkibit-balikat si Xavi.
"It's fine." Sagot ng lalaki at muling humarap sa kanya at sunod-sunod na kinunan siya.
Umirap lang si Amber at iniiwas ang tingin dito.
Hindi na namalayan ni Amber na natapos na ang first hour ng session nila at lumapit agad si Xavi sa kanya para ibigay ang kanyang robe. Mabilis niya iyong isinuot at patalilis na bumalik sa makeshift room na naroon sa studio.
"Okay ka lang?" Tanong ng kaibigan.
Sunod-sunod na tango ang sagot niya dito. Dumampot siya ng bote ng tubig at uminom doon. Para yata siyang hihimatayin dahil sa lakas ng kabog ng dibdib niya. Pasimple pa siyang sumilip sa mga artist at photographers na nasa labas at busy pa rin ang mga ito sa pagpipinta at pagchi-check ng mga photos sa camera nila.
"Okay ka lang ba talaga?" Tanong uli ni Xavi sa kanya.
Tumingin siya sa kaibigan. "O-oo naman. May problema ba?"
"You look tensed. Parang nakakita ng multo ang itsura mo sa harap."
Umiling siya. "I am fine. Iniisip ko lang ang pagtatalo namin ni daddy kanina."
Napangiwi si Xavi. "Kasi naman, bakit ka biglang-bigla na nag-resign? Sabi mo nga mag-uumpisa ka na bagong buhay. Tapos kakaumpisa mo pa lang, bumigay ka na agad."
"Hindi talaga ako puwede doon." Napahinga siya ng malalim at muling uminom sa hawak na bote ng tubig.
"Ambs," tumabi sa kanya si Xavi. "Nakita mo 'yung late na photographer na dumating."
Nagtatakang tumingin siya sa kaibigan.
"Bakit?" Lalong kumakabog ang dibdib niya. Nakilala ba ito ni Xavi na iyon ang lalaking kinahumalingan niya ang litrato sa libro? Na iyon ang lalaking dahilan kung bakit siya namundok?
"His face looks really familiar. Kamukha niya 'yung Bathalang kinababaliwan mo sa libro."
Umirap siya ito. "Correction. Kinabaliwan. Past tense. And hindi niya kamukha. Ang layo-layo kaya. 'Yung bathala na minahal ko sa sketch ni Venci ay ibang-iba sa lalaking iyan."
"Bakit? Kilala mo ba 'yung photographer?" Sumilip din si Xavi at tiningnan ang mga photographer sa labas partikular ang lugar ni Hunter na ngayon ay may kausap sa telepono.
Sunod-sunod ang iling niya at tumayo na. Ayaw na niyang pag-usapan pa iyon. Nandito siya para magtrabaho hindi para alalahanin ang mga nangyari sa kanila ni Hunter.
"Tara na. Okay na ako sa five minutes na pahinga." Akma na siyang lalabas nang tumunog ang isang malakas na fire alarm. Nagtatanong ang matang tumingin siya kay Xavi. "Anong nangyayari?"
"Fire alarm iyon, ah. Stay here." Lumabas ang kaibigan niya at nakita niyang nagtatayuan din ang mga artist sa labas. Kanya-kanyang bitbit ng mga canvass at mga gamit. Ganoon din ang mga photographers.
Mga ilang minuto pa ay bumabalik sa kanya si Xavi at nagkakamot ng ulo.
"We need to cancel this session. Something happened. May usok daw na nakita sa likod ng building and we need to evacuate. We could pay you half?" Nakangiwing sabi nito.
"Okay lang kahit libre. Gusto ko na lang din umuwi." Sinenyasan niyang tumalikod ang kaibigan para makapagbihis siya at sumunod naman ito.
"Hindi naman puwedeng libre. Isang oras ka ding nag-burles sa harap ng mga iyon kaya kailangan nilang magbayad. Online ko na lang sa iyo bukas. Need to talk to them first."
Kumumpas lang siya dito at tuloy-tuloy na lumabas. Ilan na lang ang mga artist at photographers na naroon. Wala na rin si Hunter.
Hindi niya alam kung relief o disappointment ba ang naramdaman niya ng hindi na makita doon ang lalaki. Talaga nga sigurong ang pagkakakilala nilang dalawa ay para lang doon sa bundok. Ang lahat ng nangyari sa kanila ay mananatiling alaala sa bundok. Pagdating dito sa siyudad, ibang tao na sila. Hindi na magkakilala.
Pumikit-pikit siya ng mata para mapigil ang pamumuo ng mga luha.
Gaga ka. Bakit ka iiyak? Hindi iniiyakan ang ganyang mga animal na lalaki.
Oo nga. Bakit nga ba siya iiyak? Ang katulad ng Horacio Acosta na iyon ang hindi dapat iniiyakan. Walang puso ang lalaking iyon. Bakit nga? Nagawa nga nitong talikuran ang sariling pamilya, kaya ano ang aasahan niya.
Nagpaalam na siya kay Xavi at nauna nang bumaba sa building. Palabas na lang siya nang may tumapik sa balikat niya.
"Bowie?"
Nakangiti ang lalaki sa kanya at parang galak na galak siyang nakita.
"Gago ka! Kapal ng mukha mong magpakita pa sa akin? Ikaw ang dahilan kung bakit ako naligaw sa bundok!" Gusto niyang sapakin ang lalaking nasa harap niya.
"Sorry! Sorry!" Nakataas ang mga kamay nito na inihaharang sa mukha.
"Anong sorry? Napakagago mo!" Galit na galit na sabi niya dito.
"Amber, sorry na. I was just high that time. Kumarga kasi ako ng jutes habang paakyat tayo sa bundok so I didn't know what I was doing. Sorry na. Please." Kulang na lang ay maglumuhod ito sa harap niya.
Napabuga ng hangin si Amber at napailing. Kita naman niya sa mukha ng lalaki ang sobrang pagsisisi.
"Hindi mo lang alam hanggang ngayon hindi pa rin ako nakakatulog sa sobrang kunsensiya sa nagawa ko. Ngayon lang ako naging medyo okay kasi nalaman kong natagpuan ka nila. Pero maniwala ka o hindi, I did my best to find you." Parang maiiyak na ito.
Inirapan lang niya ito at humalukipkip sa harap nito.
"Please. Pakinggan mo naman ako. Kahit five minutes. Doon tayo sa coffee shop." Tinuro nito ang kalapit nilang coffee shop.
Sinamaan niya ito ng tingin.
"Kapag ikaw may ginawa ka pang kagaguhan sa akin, sisiguraduhin kong gigilitan kita ng leeg." Banta niya dito.
"Promise, I won't do anything stupid." Pinagdikit pa nito ang mga palad na parang nagdadasal. "I just want to ask for forgiveness." Parang maiiyak pa ang itsura nito.
Tinaasan niya ito ng kilay at inirapan. "Fine. Five minutes."
"Thank you!" Napabuga pa ng hangin si Bowie sa sobrang relief.
---------------
"That's her? And it's that your cousin Bowie?"
Nakasakay si Hunter sa kotse ni Jacob at nakatingin sa gawi ni Amber na may kausap na lalaki at pumasok sa coffee shop.
"Yeah." Hindi niya inaalis ang tingin sa babae na nakaupo na ngayon at kausap ang isang lalaki. Nakilala niyang distant cousin niya itong nakatira dito sa Manila. Hindi naman sila masyadong close pero ang alam niya, anak ito ng pinsan ng mommy niya.
"Why don't you go out, get in that fucking coffee shop and talk to her." Napasandal na si Jacob sa kinauupuang driver seat.
"It's too complicated."
Napakamot ng ulo si Jacob.
"Ano pa ba ang kumplikado? Lintek ka, Acosta. Ginawa mo na nga akong arsonista para lang mapahinto ang photography session na ginastusan ko pa tapos ngayon mauupo ka lang dito na walang gagawin habang ang babaeng hinahanap mo ay nakikipagligawan sa iba."
"Babayaran naman kita ano bang nirereklamo mo? I'll double everything that you spent," tonong iritable na siya. Alam naman niyang magagawa ng maayos ni Jacob ang pinagawa niya. Sinabi niya ditong mag-create ng fake na sunog sa building para mahinto lang ang nude painting and photography session kung saan siya kasali. Hindi niya kayang makitang maraming lalaki ang nagpipiyesta sa hubad na katawan ni Amber.
Imagine his horror when he entered the room and saw the nude model to be Amber. Kung puwedeng lang niyang hubarin ang polo niya at isuot sa babae. Kung puwede lang niyang pagbubulyawan ang lahat ng mga lalaking nandoon na huwag tumingin dito. But when he saw how the way she was looking at him without so much emotion. She was looking at him like he was just an acquaintance, he knew right there that the Amber she was looking for was not the same Amber that he met in the mountains.
Alam niyang ang nasa isip kasi ng babae ay ang ginawa niya kay Kaling. Iniisip ni Amber na ginalaw niya ang Dasana teen girl na iyon.
Humilata ng upo si Jacob at napailing-iling.
"Paano mo ako babayaran wala ka namang pera?"
Tumingin siya ng masama dito. "Palagay mo sa akin? Dukha? Charge mo kay Bullet lahat."
Natawa si Jacob.
"Seriously, just talk to her. Siya nga ang reason bakit ka bumaba ng bundok 'di ba? Not your mom, not Bullet. It was her. So, go and talk to her."
Napailing siya. "It's too soon." Napabuga siya ng hangin at muling tumingin sa gawi ni Amber na ngayon ay parang kumportable na sa kausap.
"Let's go home." Umayos na siya ng upo at ikinabit ang seatbelt.
"That's it?" Hindi makapaniwalang tanong ni Jacob.
"Yeah. Let's go home." Hindi na niya tinapunan ng tingin ang lugar ni Amber.
"Fuck you, Hunter. Lagi kang ganyan. Ganyan din ang ginawa mo noon kay Jean. Nahuli mo na may ka-affair sa iba pero hindi mo man lang kinompronta. Basta mo na lang iniwan. Basta ka na lang umalis ng walang paliwanag. No wonder your life is like that. A mess. Kasi wala kang closure sa lahat ng bagay. Lahat tinatakasan mo. Magaling ka lang sa umpisa pero pagdating sa huli, tatakas ka lang." Naiiling na tonong nanerermon si Jacob at ini-start nito ang sasakyan.
Hindi siya sumagot kasi tama lahat ang sinabi ng kaibigan niya. Tiningnan niya ito at kitang-kita niya ang disappointment sa mukha nito habang nagmamaneho paalis doon.
"Pakihatid ako sa Makati. Sa ACO Logistics." Nanatiling nakatutok ang tingin niya sa kalsadang dinadaanan nila.
Kahit nagmamaneho ay alam niyang tumingin sa kanya si Jacob at unti-unting napapangiti.
"About time!" Bulalas nito. "Thank God! Barney! matutuloy na ang bakasyon natin, baby." Sumigaw pa ng parang nanalo sa lotto si Jacob.
"Oo na. Alam kong hadlang ako sa lovelife mo kaya uuwi na ako. Gusto kong si Bullet muna ang makausap ko."
Tumingin sa relo si Jacob. "Nine PM. Malamang nandoon pa iyon sa office. Bilisan natin nang maabutan mo."
Wala pang fifteen minutes ay pumarada na sa tapat ng ACO building ang kotse ni Jacob. Grabe ang kabog ng dibdib niya habang tinatanggal ang seatbelt. Ilang beses pa siyang bumuga ng hangin bago tuluyang bumaba.
"Sa una lang iyon magagalit but you know Bullet. Sige na. Pasok na." Sinisenyasan pa siya nitong pumasok sa loob ng building.
"Thank you. I owe you everything." Tumalikod na siya dito at muling napalingon nang bumisina si Jacob.
"Ambrosia Isabel Teodoro." Nakangiting sabi ni Jacob.
Kumunot ang noo niya. Ano ba ang sinasabi nito?
"That's her real name. She is using Ambs Ted in social media. You're welcome." Bago pa siya makasagot ay pinaharurot na ni Jacob ang sasakyan paalis doon.
Napangiti siya at napakagat labi. That's her real name? Ang ganda. It's suits her personality.
Pero saka na niya gagawaan ng paraan si Amber. Sa ngayon, iintindihin na muna niya ang pagharap niya kay Bullet.
Sigurado siyang kailangan niyang maghanda sa mahabang pagpapaliwanag sa kapatid niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top