CHAPTER FIVE


Hindi makagalaw si Amber dahil matutulis na mga sibat ang nakatutok sa kanya.

Nakakatakot ang mga itsura ng mga tribal men na kaharap niya. Mga sunog ang balat gawa siguro sa pagkakabilad sa araw. Walang damit. Tanging mga pinatuyong dahon ng mga halaman ang tumatakip sa mga private parts ng mga ito. Tadtad ng mga tattoos ang katawan. Pati nga ang mukha ay mga tattoos din. Ang mga mukha ay mababagsik at talagang alam niya, isang maling galaw maaari niyang ikamatay iyon. May mga nakasabit na mga kung ano-ano sa katawan. Nanlaki ang mata niya ng maisip kung ano ang mga naka-kuwintas sa mga ito. Ngipin ba iyon? Buto? Tingin niya ay buto ng tao ang nakikita niya.

Mabilis na nagtaas ng kamay si Amber. Hindi na niya ininda ang lamig na nararamdaman at hapdi ng mga sugat sa katawan niya. Ang focus niya ay kung paano mabubuhay sa mga oras na iyon.

"Kaibigan ako." Mangiyak-iyak niyang sabi. Wala na siyang pakialam kahit na nga wala na siyang shorts na suot. Tanging t-shirt lang ang suot niya at kapag nagtaas siya ng kamay ay lumilitaw ang panty niya.

Nagtinginan ang mga tingin niya ay taong-bundok. Gusto niyang sitahin ang isa sa mga ito na kinuha ang bag niya.

"Naligaw lang ako dito. Hindi ako masamang tao," hindi niya alam kung naiintindihan ba ng mga ito ang sinasabi niya.

Sumenyas ang isa na tumalikod siya. Tuluyan nang napaiyak si Amber. Ito na nga yata talaga ang katapusan niya. Talaga sigurong gagawin siyang inihaw sa piging ng mga tribal man na ito. Kung ito man ang tribo ng bathalang hinahanap niya, binabawi na niya. Hindi na niya mahal ang bathalang iyon kung mamamatay naman talaga siya.

Labis-labis ang pagsisisi na nararamdaman ni Amber. Kung nakinig nga lang talaga siya kay Jet at Xavi, wala siya sa sitwasyong ito ngayon.

"Please, huwag 'nyo naman akong patayin. Hindi ako masamang tao," umiiyak na sabi ni Amber habang nakataas pa rin ang kamay at dahan-dahang tumatalikod sa mga tribe men.

"Kilos."

Iyon ang narinig niyang sabi mula sa kanyan likuran at muntik pa siyang madapa ng maramdaman na may tumulak sa kanya. Alanganin siyang lumingon at nakita pa rin niyang nakatutok pa rin ang mga sibat sa kanya.

Sumunod siya sa inuutos ng mga ito at naglakad. Nanatiling nakataas ang kamay niya. May naunang isang lalaki at sinisenyasan siyang sumunod. Ang sukal ng dinadaanan nilang gubat. Kahit may hawak na sulo ang nauuna sa kanya ay hirap pa rin siyang makita ang dapat lakaran. Ilang beses nga siyang natatalisod at nadadapa. Nakasuot na siya ng boots pero masakit pa rin ang paa niya. Pero ang mga tribe men na ito ay mga nakayapak at parang walang anuman sa kanila ang talim ng mga batong dinadaanan.

Huni ng mga kuliglig at lagaslas ng dahon ang tanging naririnig niya sa katahimikan ng gabi. Panay ang dasal ni Amber na hindi naman sana niya ikamatay ang exploration niya na ito. Pero feeling din nga niya, talagang mamamatay na siya dito. Kung tusukin man siya ng sibat, hindi man niya ikamatay ang saksak, sigurado naman siyang mamamatay siya sa tetano.

"Saan ba tayo pupunta? Ito na ba 'yung Tribu Dasan? Ito na ba 'yung bundok Tibuklu? Dito na ba si Bathalang Dimakulu?" Naisip niyang baka kapag nalaman ng mga taong ito na alam niya ang tungkol sa tribu nila ay hindi na siya saktan.

Nagulat si Amber na bigla siyang sumubsob sa putikan dahil may tumulak sa kanya. Mabilis siyang humarap sa mga lalaking nasa likod niya at nakita niyang lahat ng mga ito ay nakatutok ang sibat sa mukha niya. Nanlilisik ang mga mata, galit na galit ang mga mukha.

"Huwag 'nyo akong patayin, please." Umiiyak niyang sabi. Hindi na nga niya pansin na puno ng putik ang buong katawan niya at mukha. Ang baho ng naamoy niya. Tingin niya ay mga dumi pa ng tao na kasama.

"Bakit kilala mo ang aming Bathala?" Nakatutok sa mukha niya ang kinakalawang na sibat ng lalaking tingin niya ay lider ng mga ito.

"I-I've read it in a book." Nanginginig ang boses niya. Gusto niyang pagalitan ang kanyang sarili. Bakit ba siya nag-i-english? Sigurado naman siyang hindi siya maiintindihan ng mga ito. Pero kasi nai-stress siya. At kapag nai-stress siya, talagang kung ano-ano ang lumalabas sa bibig niya.

Nakita niyang nagtinginan ang mga lalaki at parang nalilito sa sinabi niya. Lalong itinutok ang mga sibat sa kanya.

"Anong lengguwahe ang binibigkas mo? Saang tribo ka galing?"

"Tribo? H-hindi ako taga-tribo. Taga-Maynila ako. We were hiking and I was looking for that Bathala." Mahinang minura ni Amber ang sarili niya. Bakit ba hindi niya mapigil ang sarili na magsalita ng English? Kung mamamatay siya ngayon, alam niyang kasalanan niya kung bakit iyong mangyayari.

"Siguro ay sugo ka ng mga tao para kitilin ang aming Bathala."

Napasigaw na si Amber nang akmang sasaksakin na siya ng sibat ng lalaking nasa harap niya pero may pumigil dito.

"Hagway, masdan mo ito." Sabi ng isa sa mga kasama na pumigil sa lalaki. Sinamaan muna siya nang tingin ng lalaki bago lumayo sa kanya at tiningnan ang ipinapakita ng kasama. Nakita niyang ang first aid kit ang nakuha ng mga ito sa bag niya. Isa-isang tinitingnan ang mga gamot niyang dala. Paracetamol, ilang piraso ng antibiotics, cleaning wound solution at mga medical supplies.

"Ano ang mga ito? Paraan ba ito para mapatay ang aming Bathala?" Lumapit na sa kanya ang lalaking Hagway ang pangalan at ipinapakita sa kanya ang first aid kit.

"Panggamot. You know? Medicine. Gamot. Sa sugat," ipinakita niya ang mga galos niya sa katawan. Kinuha niya ang isang bote ng Betadine at bulak tapos ay ibinuhos sa sugat niya para ipakita sa mga ito kung paano gamitin iyon.

Nakita niyang nanlalaki ang mga mata ng mga ito na halatang ngayon lang nakakita ng mga ganoong bagay. Parang nawala ang bangis ng mga mukha. Naging parang mga inosente at bumibilib sa nakikita.

Naisip niyang lalong pabilibin ang mga ito. Alam niyang inosente ang mga ito sa lahat ng bagay. Kinuha niya ang bote ng Hydrogen Peroxide at ibinuhos niya sa malaking sugat niya sa paa. Nagsigawan ang mga ito nang makitang bumubula ang sugat niya.

"Mamamatay na siya!" Sigaw ng isa.

Pinigil ni Amber ang matawa dahil kitang-kita niya ang takot sa mukha ng mga ito at nagsilayuan pa sa kanya.

"Ginagamit ito para linisin ang sugat. Para mawala ang mga dumi," paliwanag niya at pinahid ng bulak ang sugat na bumubula.

"Hindi siya namatay!" Sigaw na naman ng isa sa mga tribe men. Talagang iniinspeksyon siya kung bigla na lang siyang bubulagta.

"I am still okay." Ipinapakita niya sa mga ito na buhay pa siya.

Gusto na talagang kutusan ni Amber ang sarili. Kahit ayaw niyang magbigkas ng mga foreign language ay talagang hindi niya mapigil ang sarili. Grabe pa rin kasi ang kaba na nararamdaman niya.

"Tumindig ka." Utos sa kanya ng lalaking Hagway ang pangalan. "Egok, ibigkis mo ang kanyang mga kamay. Baka makapanakit siya sa ating Bathala." Binalingan namn nito ang isang kasama.

Sumunod na lang siya. Kahit kinakabahan ay nakakaramdam din siya ng excitement. Si Bathalang Dimakulu na kaya ang tinutukoy nila? Makikita na ba niya ang lalaking minahal niya sa libro?

Isang ilog pa ang tinawid nila at pumasok pa uli sa isang gubat hanggang sa makarating sila sa isang lugar na sa tingin niya ay lugar ng mga taong ito. May mga kubo-kubo ang naroon na pawang yari lang sa nipa hut at dahon ng niyog. May mga bon fire siyang nakita na may mga iniihaw na karne. Napangiwi si Amber. Naisip niyang ano kayang klase ng karne iyon? Baka karne iyon ng tao. Isa-isang naglabasan mula sa maliliit na kubo ang mga tao. Katulad ng mga lalaking kasama niya, mga nakabahag din ang mga ito, may mga tattoos sa katawan. Ang mga babae ay ganoon din. May mga tuyong dahon lang din na nakatabing sa private parts na ginamitan ng mga ugat ng halaman para maitali.

Pakiramdam ni Amber ay nasa ibang lugar siya. Parang mga napapanood niya sa Discovery Chanel na isang tribe ito sa Amazon na talagang hindi na siya makakalabas ng buhay. Lahat ng mga naroon ay nakatingin sa kanya. Ang tatalim ng tingin na para siyang kakainin.

"Ako ba ang gagawin 'nyong hapunan?" Naiiyak na tanong niya.

Hindi sumagot ang mga lalaking nasa likod ko at patulak akong pinapapunta sa isang kubo at pilit na pinapapasok doon.

"Please, huwag 'nyo naman akong katayin dito. Parang awa 'nyo na." Kulang na lang ay maglumuhod siya sa mga lalaking naroon.

"Pumasok ka!"

Wala siyang nagawa ng tuluyan siyang itulak papasok sa kubo. Napasubsob pa siya sa isang kawayan na may nakahigang tao. Agad siyang napalayo nang makita na punong-puno ng sugat ang katawan ng kung sino man na nakahiga. Maraming dugo. Tingin na niya ay hindi na ito humihinga.

"Buhayin mo siya." Utos ni Hagway sa kanya.

"Ha? Hindi ako bumubuhay ng patay," umiiyak na sabi ni Amber.

Muli siyang tumingin sa nakaratay sa kama at hinawakan ang mga vital pulses nito. Wala siyang makuhang pulse rate. Walang heartbeat. Wala ng hininga. Pero medyo malambot pa ang katawan. Ngayon pa lang nagsi-set ang rigor mortis.

"I think this man is dead." Nanginginig ang boses niya. Alam niyang hindi naman maiintindihan ng mga ito ang sinasabi niya pero nasabi pa rin niya.

Sanay siyang makakita ng patay noon pang nagdu-duty siya sa ospital pero iba ang sitwasyon ngayon. Tingin niya ang lalaking nasa higaan ay namatay dahil sa pakikipaglaban. May mga saksak ito sa katawan. Blood loss ang tingin niyang ikinamatay nito.

Tumingin siya sa mga lalaki at talagang hinihintay ng mga ito na mabuhay niya ang nakaratay.

"I am so sorry. H-hindi na siya mabubuhay. Patay na 'to. Wala na siyang hininga. Naubusan siya ng dugo kaya siya namatay. Ang dami niyang saksak," ipinakita pa niya ang mga malalalim na saksak ng lalaki.

Parang naguguluhan pa rin ang mga taong nandoon at kinuha ni Hagway ang Hydrogen Peroxide at ibinigay sa kanya.

"Ilagay mo katulad ng ginawa mo sa iyong sugat. Pakuluin mo ang katawan para mabuhay," sabi pa ni Hagway.

Umiling si Amber.

"Hindi siya mabubuhay diyan. Wala na tayong magagawa. Patay na siya."

Malakas na sumigaw si Hagway tapos ay ibinalibag ang ibang gamit doon. Mabilis itong inawat ni Egok. Tumingin ng masama sa kanya si Hagway at hinawakan siya sa kamay at pakaladkad na pinalabas sa kubo.

"S-saan mo ako dadalhin?" Kinakabahang tanong niya. Naisip niyang baka tuluyan na talaga siyang gawing porkchop dahil hindi niya nabuhay ang patay na naroon.

Dinala siya sa isa pang kubo at sapilitang pinapapasok doon. Lahat ng lakas ni Amber ay ginamit na niya para hindi lang makapasok pero ano naman ang laban niya sa apat na malalaking lalaki? Itinulak siya papasok sa loob at napasadlak pa siya sa lupa.

"P-please, huwag 'nyo naman akong patayin." Umiiyak na sabi niya at tumingin sa isang lalaki na nakaratay din sa kawayang papag.

"Siya. Buhayin mo." Utos ni Hagway.

Tumingin siya sa lalaki at nakita niyang puno din ng sugat at dugo ang katawan nito.

"Patay na rin 'yata 'yan. Paalisin 'nyo na ako, please." Kulang na lang ay magpapadyak na doon si Amber.

Hinawakan siya sa kamay ni Hagway at patulak na pinalapit sa papag.

"Buhayin mo ang Bathala namin!" Malakas na sigaw ni Hagway at hinawakan ang ulo niya para matutok ang tingin niya sa lalaking nakaratay.

Saglit na napahinto si Amber at tumitig sa lalaking walang malay.

Ang ilong. Ang mga labi. Ang mukhang iyon na ilang araw na siyang hindi pinapatulog.

Si Bathalang Dimakulu!

Pakiramdam niya ay hihimatayin yata siya sa natuklasan. Nanginginig ang kamay na gusto niyang haplusin ang mukha nito pero para naman siyang maiiyak dahil tingin niya ay patay na ito.

"A-anong nangyari sa kanya?" Gumagaralgal ang boses niya habang nakatitig sa mukha ng lalaki.

"Buhayin mo siya. Kapag hindi mo nagawa, ibubuklod kita kasama ang bangkay niya." Puno ng determinasyon ang boses ni Hagway.

Buong katawan na yata niya ang nanginginig at hinawakan ang katawan ng lalaki. Parang nabuhayan si Amber ng maramdaman niyang pumipintig ang mga pulso nito.

"He is alive!" Wala siyang pakielam kung sumigaw man siya doon at hindi maintindihan ng mga taong narito ang sinasabi niya.

Ang mahalaga, narito sa harap niya si Bathala at gagawin niya ang lahat na ito ay maisalba.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top