二十五 Lending Ears
"Hindi na nga mapigilan ang pagkahumaling ng mga netizens sa online series na ito na exclusive ngayon sa WatchIt. Panoorin ang chika ni Eve Canlas--"
Bago pa man akong tuluyang masiraan ng bait dito, pinatay ko na ang tv at hindi na hinintay pa ang sasabihin ng reporter. Akala ko, makakawala ng stress ang panonood ko sa tv, pero mas lalo lamang iyong nadagdagan dahil sa pagsakto ng balita.
I am aware about the fame our online series is getting, but I don't care now. I mean, I must not care. Umiiwas ako sa mga balita patungkol doon dahil una, sa mga larawan at bidyong naroon, magkasama pa rin kami ni Yamato, kaya pangalawa, patuloy lang na babalik sa akin ang mga alaala naming dalawa.
Maliban sa pagkabanas, dumagdag pa ang panghihina ng aking katawan. Pakiramdam ko nga ay humina na ang resistensya ko. Sa gabi, imbis na matulog, umiiyak lamang ako. Halos hindi na rin ako umaalis sa kama, at nakakulong lang dito sa kwarto.
Maliban sa ayaw kong maistorbo, sinadya ni dad na bantayan ang labas ng aking silid para hindi ako makalabas ng bahay. Masama pa rin ang loob ko kay dad, kaya kahit pa tawagin niya ako para saluhan siya, hindi ko iyon ginagawa.
Mag-iisang linggo na ang nakalipas matapos maganap ang nangyari ang mga hindi na dapat pang balikang pangyayari sa condo. Pagkauwi ko ng bahay hanggang kanina, patuloy lamang ako sa pagtawag kay Yamato, at umaasang sasagutin niya pa rin ang mga tawag ko. Na sana ay sabihin niya sa aking hindi niya ako iniwan. Na sama, sabihin niya sa akin na babalikan niya ako, at ipaglalaban.
Pero hindi eh. Pinili niyang hindi sagutin ang mga text message, calls, at dms ko sa kanya. Sinubukan ko ring kausapin si Yumi, ngunit ayon sa kanya hindi rin nila alam kung nasaan ang kuya niya. Tulad ng lagay ko, wala silang kaalam alam sa mga nangyayari kay Yamato, dahil hindi niya rin sila sinasagot. Kinukutuban man ng masama palagi, wala naman akong magagawa.
Habang nakatulala sa harap ng telebisyon sa aking kwarto, biglang bumukas ang pinto, at inliuwa niyon si dad.
"9 pm is our flight to Tokyo," tumingin ako sa kanya nang walang buhay. Alam ko na ang kanyang tinutukoy. "Dress properly, because as soon as we land there, we'll be meeting your new fianceé and his parents."
Bago niya ako tuluyang iwan mag-isa, siya ay tumikhim at napalunok. Bakit? Ayaw ba niyang nakikitang ganito ang kanyang anak? Kung ganoon nga, edi sana hindi niya ako pinahihirapan ng ganito. Pakiramdam ko, wala ako sa bahay. Pakiramdam ko, wala na akong kakampi. Pakiramdam ko, pati ang sarili kong ama ay ikinukulong na ako sa kadiliman at hahayaan niya na lamang akong mabulok roon tulad ng ginawa nila sa kanya noon.
"Ayaw ko na ng ganitong buhay!" Hindi ko namalayang napasigaw ako nang hindi sinasadya.
Kusang kumawala ang hinaing ko, kasabay ng pagpatak ng aking nga luha. Parang kailan lang, hindi naman ganito ang buhay ko. Pero para saan pa ang iniiyak ko, kung wala namang patutunguhan ang mga gusto kong ipaglaban sa buhay?
Hindi ko na kayang lumaban. Suko na ako.
"Hajimemashite," sa isang iglap, saka lamang nag-sink sa utak ko na nasa Japan na pala kami.
Kung hindi lang inusal ng babae sa harapan namin ngayon ang mga salitang narinig ko rin nang una kong makilala sina Mio at Yamato, siguro'y lumilipad pa rin ang pag-iisip ko.
Nagpakilala ang babae bilang ina ng lalaking ipakakasal raw sa akin. Nahihiya ako at nalulungkot dahil mainit ang pagtanggap ng pamilya nila sa amin. Lahat sila ay nais akong makilala... ngunit hindi ako ganoon sa kanila. Mayroon pa ring nag-iisang lalaking nasa loob ng puso ko, at hindi ko pa kayang alisin siya doon sa ngayon.
Matapos ang ilang minutong paghihintay, lumabas ang isang matipunong lalaki. Katamtaman ang kanyang taas, at mukhang kaedaran ko. Wala akong planong buksan ang mga impormasyong kanina pa ipinapakita sa akin, kung kaya't bumabase na lamang ako sa nakikita ko ngayong harapan.
Ang pinakapansin ko sa kanya ay ang pagka-pormal ng kanyang pagtanggap sa amin. Hindi rin siya ngumingiti, ngunit maayos naman ang pakikitungo niya kay dad at sa akin. Pinag-uusapan namin, este ng mga magulang namin ang mangyayaring kasalan, na magaganap sa hindi gaanong madaling panahon.
Pansin kong naiinip na siya, at panay tango lang sa pinag-uusapan nila. Tahimik lang din ako at halos walang pumapasok sa aking utak. Maya't maya pa, namalayan ko na lang na iniwan na pala nila kaming dalawa sa sala upang makapag-usap.
Hindi ko alam ang gagawin ko, at walang planong manguna sa pagbukas ng mapag-uusapan. Nang tumikhim siya, saka ko lang siya binalingan ng pansin.
Mukhang hindi rin niya alam ang sasabihin, at halatang napipilitan lang sa ginagawa namin.
"I'm Kotaro," inilahad niya ang kanyang kamay upang makipagkilala. Nabanggit na kanina ng kanyang ina ang pangalan niya, at ganoon din si dad sa akin, pero walang pormal na kamayang naganap.
"You already know my name. Just call me Wyn," tinanggap ko naman ang kamay niya.
"Yeah... your name actually... suits you. It's uhm, beautiful?" halatang hindi sanay sa pakikipag-usap sa babae ang isang tulad niya. Hindi ko na lamang iyon pinansin pero nagsalita pa siya. "You actually remind me of someone," simple niyang dagdag.
Mukha naman palang may mga babae ding kinikinita ang lalaking 'to.
"Who? A girlfriend?" tanong ko sa kanya, at 'di ko inaakalang mapapatikhim siya. "So there is?"
"Officially none," sagot niya saka siya ngumiti ng mapait.
"A fling, then?" tanong ko ulit at napa-kibit balikat na lang siya habang nagpapakawala ng buntong-hininga.
Bago pa siya maka-isip ulit ng sasabihin, tumayo na ako upang makalayo roon. Hindi ko kayang pilit na makipag-usap at makipagkaibigan sa isang lalaking balak nilang ipakasal sa akin. Nagpaalam ako sa kanya at tumungo sa tahimik na bahagi ng bahay.
Hindi ko na kinakaya ang nakakasakal na hangin, kaya ako naghanap ng makakarinig sa akin. Sinubukan kong tawagan si Marie, ngunit mukhang nakapatay ang kanyang telepono. Hindi ko na rin siya gaanong nakakausap ngayon dahil hinahayaan ko siyang maka-bonding ang mga kapamilya. Sinunod ko si Pinky, ngunit baka tulog na ito.
Sinubukan kong tawagan si Yumi, pero naisip kong baka nagkaklase sila ngayon. Sa huli, sinubukan kong tawagan si Wine. Sa lahat ng mga tinawagan ko, siya lang ang sumagot.
"Wine, thank God, sinagot mo 'yung tawag ko. Hindi na ako makahinga dito. Gusto ko ng bumalik dyan sa Amsterdam para makapag-unwind ulit. Hindi nila ako maintindihan. Sa tingin ko wala na akong magagawa. Useless lang 'yong advice sa akin ni Oma Tess. At si Yamato, hindi ko pa rin alam kung anong ginagawa niya, at kung nasaan na siya. I think he's really avoiding me," tuloy tuloy kong sabi at parang nabunot ang tinik sa dibdib ko.
"I'm so glad na ikaw ang naka-usap ko. Please, help me. Give me comforting words because I think I need them right now."
Halos maluha na ako habang nakikipag-usap, ngunit sa loob ng ilang segundo pagkatapos ko iyong nasabi, wala akong narinig na sagot mula sa kabilang linya.
Tiningnan ko kung may koneksyon pa rin ako sa kabilang linya, at nakompirma kong mayroon naman. "Hello? Wine, you still there?" tanong ko, at sa halip na boses niya ang marinig, nakarinig ako ng 'uhh' mula sa hindi pamilyar na boses.
"Hello? Who is this? Do you know Wine? Why--?"
"Yes, yes, calm down, please. Mama niya ito."
Otomatikong napahinto ako sa pagsasalita, at kumalma ang aking diwa. Agad akong naniwlang mama niya nga ang kausap ko dahil mayroon itong tono na naririnig ko sa ibang mga nanay. Mahinahon ngunit may otoritoryo ang kanyang boses at pagkakasabi.
"Sorry kung hindi ako agad nakapagsalita kanina. A-Akala ko kasi 'yung boyfriend niya 'yong tumawag," inisip ko kung anong pwede kong isagot sa sinabi niya, ngunit tila nablangko ako. Parang hindi pa rin ako maka-move on dahil hindi pala si Wine ang nakarinig sa mga pinagsasasabi ko kanina. "A-Ayos ka lang ba?"
Nang itanong niya iyon sa akin, gumaan kaunti ang aking pakiramdam. Maliban kay Marie, na madalas kong nakakausap, wala ng ibang tao ang nagtatanong sa akin niyan. Iba talaga kapag isang ina ang nagtanong.
"A-Ayos naman po ako. Maraming salamat po sa pagsagot sa tawag. Sorry po kung naabala ko kayo. Akala ko po kas--"
"Ano ka ba, ija? Ayos lang 'yon. Mukhang kaibigan ka ng anak ko... at mukhang kailangan mo ng makikinig sa'yo?" sabi niya ulit, at halos magbadya na naman ang mga lumuha na tumulo sa mga mata ko.
Naiintindihan niya ako.
"Salamat po sa pakikinig," hindi man niya makita, ang ngiti ko ngayon ay abot hanggang tainga.
Napakaswerte ni Wine dahil mayroon siyang inang tulad ni...
"Ano po palang pangalan ninyo, tita?" tanong ko sa kanya dahil mukhang gumaan agad ang loob ko sa kanya.
"Yasmin. Tawagin mo na lang akong tita, Yasmin. Pero kung sobrang malapit kayo ng anak ko, kahit mommy na lang itawag mo sa akin."
"Eh, paano po ba 'yon? Hindi ko po sigurado kung gaano kami kalapit ng anak ninyo?" pagbibiro ko pabalik. Mukhang magkakasundo talaga kami, dahil kaya naming bolahin ang isa't isa.
"Hmm, sige na nga. Tawagin mo na lang akong mommy. Pero ano nga bang pangalan mo, ija? Wala kasing naka-save na pangalan dito sa numero mo. Ugali niyang hindi lagyan ng pangalan ang mga contacts niya para hindi ko malaman kung sino 'yong jowa niya," natawa naman ako sa pagiging madaldal ng mama niya.
"Wynnona po. Tawagin niyo na lang po akong Wyn. Letter 'Y' at double 'N' po 'yong spelling ng pangalan ko," matapos iyong sabihin, natawa ako sa sarili ko. Umaasa akong natawa rin siya sa pagiging madaldal ko ngunit bigla na lang napalitan ng katahimikan ang usapan namin.
Maghe-hello na sana ako sa kanya, nang magsalita siya. "W-Wynnona--?"
"Ma!" kaso biglang natigil ang nais niyang itanong o sabihin sa akin, nang bigla kong marinig si Wine sa kabilang linya.
Nakarinig ako na nag-usap sila sandali, at sa isang iglap, si Wine na ang kausap ko.
"Hello, Wyn? Sorry naiwan ko kasi 'tong phone ko sa kwarto ni mama. May kailangan ka ba? Anong sasabihin mo sa'kin?" tuloy tuloy niyang sabi na parang nakaabala ang mama niya sa akin.
"Okay na ako, Wine. Salamat nga sa inyo ni mommy."
"Mommy? Sinabi ni mama na tawagin mo siyang mommy? Aba, mas sosyal ka pa sa akin, ha?" tumawa kaming dalawa sa sinabi niya.
"Nagrereklamo ka ba?"
"Hindi naman 'no. Payag din ako." Ako din payag. Gusto ko pa ngang marinig 'yong sasabihin sana ni mommy sa akin kanina.
"Ikaw kamusta ka na?" tanong ko naman sa kanya. Noong huli naming pagkikita, hindi maganda ang pakiramdam niya.
"A-Ayos naman ako," halatado kong nagsisinungaling siya, pero ayaw ko naman na pilitin siyang magsabi ng labag sa loob niya. "Ikaw ba?"
"Ayos ako kung ayos ka," kumindat pa ako kahit na walang nakakakita.
"So, pareho tayong hindi maayos ang lagay?" tanong niya sa akin at pareo kaming natawa nang mapait. So, may problema nga talaga siya.
"Nandito ako ngayon sa Tokyo," sinabi ko sa kanya ng walang dahilan.
"Talaga ba?" Sa halip na marinig ko ang tanong niyang iyon na may halong pananabik sa kanyang tono, sinabi niya iyon na para bang wala lang iyon sa kanya.
"Grabe, 'di ka man lang na-sorpresa?" hindi ko mapigilang masabi.
"Japan lang 'yan," pabiro niyang sabi. "Gusto mo puntahan pa kita dyan?"
--
A/N: At dahil malapit nang matapos ang kwentong ito, paikli na rin nang paikli ang mga update. Yehey! Charot. Sana po ay patuloy pa rin kayong mag-abang sa kwento nila Wyn, Yam,
at... Wine? Hmmm.
I would also like to grab this opportunity to ask support for my incoming projects ^_^ After this story, I'll focus on my next standalone novel.
Ang pamagat po ng aking susunod na kwento ay 'SECOND.' Ang prologue po ay published na. Kung mayroon po kayong oras, sana po ay suportahan niyo rin po ang kwento kong iyon tulad ng pagsuporta ninyo sa BHSN.
--
Hope you Enjoy reading po! Votes and comments are highly appreciated ♥ God bless y'all!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top