Be free, Stella
Maingay ang paligid gawa ng sari-saring paputok, takip ng kaldero at maging ang palakasan ng boses sa videoke kahit hindi naman tumatama sa tono.
Napabuntong hininga na lamang ako at pinagpatuloy ang pag-eedit sa thesis namin. Habang lahat ay nagdidiwang para sa salubong ng bagong taon, eto ako nagsusunog ng kilay dahil sa makalawa na ang deadline. Naghahabol para makagraduate sa kursong hindi ko naman ginusto.
Napatingin ako sa cellphone ko nang tumunog ito, tanda na may nagpadala ng mensahe. Halos lahat naman ay bumabati ng Happy New year. Hindi na ako nag-abalang magreply dahil sigurado naman akong naka send-to-many lang iyon.
Muli kong itinuon ang mata sa laptop upang isave ang nagawa. Hindi naman dapat na ako lang ang gagawa nito dahil may kagrupo naman ako. Ngunit nang makiusap sila dahil may pupuntahan silang party kasama ang kanikanilang pamilya, at ako lang naman daw mag-isa ay wala na akong nagawa. Kahit gusto ko pang sabihin na gusto ko rin namang salubungin ang bagong taon kahit ako lang ay hindi ko nasabi.
Muling tumunog ang aking cellphone, kasabay ng paglabas ng mukha at panagalan ng aking manliligaw na si Joshua. Nagsend ito ng video message.
"Happy new year my future! May Graham cake kami dito, paborito mo iyon 'di ba? Haha wait doon nga ako sa maliwanag para masilayan mo ang pogi kong mukha." Lumipat nga ito at saka nagpogi post pa. Naiiling nalamang ako habang natatawa sa ginawa niya. Narinig ko pa ang pagsaway sa kaniya ng Ate Janice, kapatid niya.
"Inggit lang ate ko kase hindi siya grineet ng jowa niyang hilaw." Bulong niya na para bang magkatabi kami. "Ayon nga, dapat nandito ka. Pero huwag kang mag-alala ipagtatabi kita ng Graham cake baunin natin bukas. Ulit, happy new year. I wish you to have courage to speak for yourself. Hindi masamang tumanggi at sundin ang kalooban mo. Say everything you want and you don't want. Hindi selfish ang tawag doon, freedom iyon. Gusto kong malaya ka, katulad nang pagiging malaya kong sabihin ng paulit-ulit na mahal kita. Be free, Stella." Nagflying kiss pa ito bago natapos ang video.
Pinatay ko ang internet connection ko at saka nagtungo sa veranda ng aking apartment. Pinagmasdan ko ang iba't-ibang kulay ng fireworks na nagbibigay kulay sa madilim na kalangitan, na tila ba nagsasabing hindi hadlang ang kadiliman para magkakulay ang paligid.
Naalala ko si Joshua, para siyang fireworks habang ako naman ang madilim na langit. Sa loob ng isang taong panliligaw niya sa akin, isang taon niya ring binibigyan ng kulay ang madilim kong mundo. Na sa tuwing kasama ko siya, nasasabi ko ang mga gusto kong sabihin. Pinaramdam niya sa akin kung ano ang pakiramdam ng malaya kamg ilabas ang saloobin mo.
Nakakalungkot lang na, kahit ganoon ay hindi ko pa rin masasabing malaya ako at alam kong nararamdaman niya rin iyon. Bagamat marami akong nasasabi sa kaniya, mas marami ang hindi ko masabi na siyang patuloy na nagkukulong sa akin.
"Tayo lang naman ang makakapagpalaya sa sarili natin sa hawlang tayo rin ang gumawa." Naalala kong sabi ng isa sa nakilala ko sa social media.
Tama siya-sila ni Joshua. Kailangan kong maging malaya, at magiging malaya lang ako kung pakakawalan ko ang aking sarili sa hawlang ako rin ang gumawa. Napapikit ako kasabay ng pagdampi ng malamig na hangin ng Enero sa aking na tila nagsasabing tama ang desisyong gagawin ko.
"Be free, Stella." Pag-uulit ng utak ko sa huling sinabi ni Joshua. Tumango ako na para bang nakikita niya ako.
Hindi ako gumagawa ng new years resolution, o kahit na anumang plano tuwing bagong taon. Pero iba ngayon. Ngayong 2022, papalayain ko na ang sarili ko. Ngayong taon, hahayaan ko ang sarili kong sabihin ang gusto at hindi ko gusto.
Ngayong taon, I am letting myself, Stella free. Ang bagong ako, ay ang malayang ako.
Dahan-dahan lang, sa tulong ng mga taong hindi ako kailan man binigo. Sisirain ko ang hawlang pinatibay ng takot at alinlangan, hanggang sa tulayan kong makamit ang tunay na kalayaan at kapayapan sa aking puso at isipan.
Sa mga tulad kong naging preso ng sariling alinlangan, hayaan mo ang sarili mong maging malaya. Hindi madali ngunit alam kong kakayanin natin, para sa ikabubuti natin ito. Para sa bagong tayo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top