Prologue
Tahimik na pinagmasdan ni Allison ang kasintahan niyang si Matt, habang nakaupo ito at may hawak na gitara. Perpekto ito sa paningin niya. Mula sa ayos ng buhok, matangos na ilong, mapupulang labi, at higit sa lahat ang mata nitong malamlam kung tumingin. Talaga namang bumibilis ang tibok ng puso niya tuwing tititig ito sa kanya.
Maswerte siya dahil boyfriend niya ang isang Matteo Suarez. Kahit na minsan ay moody siya at matigas ang ulo, palagi pa rin itong nasa kanyang tabi.
Magkaharap silang nakaupo habang dinarama ang presensya ng isa't isa. Sa palibot nila ay nagkalat ang maliliit na kandila na gawa sa LED. Si Matt ang nag-effort para sa mga kandilang iyon, para daw mas maging romantic ang gabing ito.
Sa 'di kalayuan ay may bonfire na siyang nagbibigay ng init sa kanila. Ito rin ang nagsisilbi nilang liwanag bukod sa bilog na buwan na tumatanglaw sa buong paligid.
Third anniversary nila ngayon kaya naman parehong espesyal sa kanila ang araw na ito.
Unti-unting gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Matt, at kinindatan pa siya. "Para sa 'yo 'to, babe."
Matamis na ngiti ang isinagot niya sa kasintahan.
"Siguraduhin mo lang na magugustuhan ko 'yang kakantahin mo!" Inirapan niya ito kasabay ng kanyang paghagikhik.
"Naman!" Masuyo itong tumitig sa kanya bago inumpisahan ang pag-entro sa hawak na gitara. Napangiti siya nang mag-umpisa itong kumanta.
Iba pala talaga kapag kinakantahan ka ng taong mahal mo. Parang dinuduyan siya sa alapaap.
Malawak ang pagkakangiti niya habang pinakikinggan ang pag-awit ni Matt sa kanta ni Juan Carlos na Buwan. Tunay na kakaiba ang angking galing nito sa pagtugtog ng gitara, maging sa pagkanta.
Nangungusap ang mga mata nito, nakatitig sa kanya habang binibitiwan ang bawat salita sa kanta. Tila sumasayaw ang puso niya, kulang na lang ay umangat siya sa kanyang kinauupuan.
Nasa kalagitnaan na ng kanta nang humangin nang malakas, dahilan para huminto si Matt sa pagkanta. Tumayo siya—kaagad na lumapit sa binata.
Parang may mabilis na dumaan sa gilid nila at nag-iwan iyon ng malamig na hangin.
"A-ano 'yon?" tanong niya matapos hawiin ang ilang hibla ng buhok na tumakip sa kanyang mukha.
"Ewan ko? Hindi ko rin alam, babe."
Inilibot niya ang paningin sa buong paligid ngunit wala namang kakaiba.
Tumingala sila sa langit dahil kumulimlim ang paligid, parang may kung anong tumakip sa liwanag ng buwan.
"B-babe, natatakot ako! Tara na, pumasok na lang tayo sa tent." Niyakap niya ang sarili dahil nag-umpisa nang magsitayuan ang mga balahibo niya sa katawan.
"Relax ka lang, babe. Baka talagang uulan lang," sagot ni Matt.
"Kinikilabutan ako, e. Parang may nagmamasid sa atin." Muli niyang pinagala ang paningin.
Limitado lang ang naaabot ng liwanag mula sa siga na ginawa ni Matt, kaya wala siyang makitang kakaiba. Maliban sa apoy na tila sumasayaw dahil sa malakas na ihip ng hangin na hindi niya alam kung saan galing.
Nang hindi makatiis ay mabilis niyang hinila si Matt papasok sa loob ng tent, nagpatianod naman ito bitbit ang gitara.
"Babe, wala lang 'yon, 'wag kang matakot, okay?" Ngumiti ito saka ipinulupot ang dalawang braso sa kanyang baywang. "May alam akong mabisang gamot sa takot," bulong nito.
Siniko niya ang kasintahan. Umiiral na naman ang kapilyuhan nito. Kahit paano'y nabawasan ang pangangatog ng tuhod niya.
"Ano ka ba, may kiliti ako riyan! Tumigil ka nga!"
Kumawala ang impit na tawa mula sa kanya.
Tinawanan lang siya ni Matt. Nagpatuloy ito sa marahang pagkagat-kagat sa kanyang tainga. Malakas pa naman ang kiliti niya roon.
"Sabihin mo munang hindi ka na natatakot, babe." Lalo nitong hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya. Kapag ganito ang ginagawa ni Matt ay parang safe na safe siya.
Paano pa siyang matatakot kung ganito ang ayos nila. Amoy na amoy niya ang mabangong hininga nito na dumadampi sa kanyang pisngi. Halos magdikit na nga ang mga mukha nila.
"Hindi na. Kasama kita, e. Nawala na ang takot ko."
"Good. Ayaw kong natatakot ang mahal ko."
Masuyo niyang tinitigan ang mukha ng kasintahan kasabay nang pag-angat ng kanyang kamay patungo sa pisngi nito. Pinaglandas niya ang hintuturo sa malambot nitong labi. Walang patid ang titig sa isa't isa hanggang sa maglapat ang mga labi nila. Kusang pumikit ang kanyang mga mata at masuyong tinugon ang bawat galaw ng labi ni Matt. Parehong sumasabay sa saliw ng musika na nagmumula sa mga puso nila na tanging silang dalawa lang ang nakakaalam.
Isang malakas na tunog ang nagpahinto sa kanilang ginagawa. Parang may bumagsak na kung ano sa labas ng kanilang tent, naghatid iyon nang panandaliang pag-uga ng lupa.
Napakapit siya sa braso ni Matt.
Tila tumahimik ang buong paligid. Maging ang huni ng mga kuliglig ay nawala at napalitan ng ibayong katahimikan.
"A-ano na naman iyon?"
"I don't know." Kinapa ni Matt ang gitara at hinawakan nang mahigpit. Iyon lang ang magsisilbi nitong panlaban kung sakali mang may nais manggulo sa kanila.
Biglang may tumusok sa tent mula sa labas, nagdulot iyon ng maliit na butas. Kitang-kita nila iyon dahil sa liwanag na nagmumula sa emergency light na nagsisilbi nilang ilaw sa loob ng tent.
Napakapit siya nang mahigpit sa kasintahan, at halos lumundag ang puso niya; parang may mga kabayong mabilis na nagkakarera sa kanyang dibdib.
"Putang-ina! Kung sino ka man... hindi magandang biro 'yang ginagawa mo! Hindi ka nakakatuwa!" ani Matt. Mahigpit nitong hinawakan ang kamay niya.
Walang sumagot mula sa labas.
Sa halip ay muli na namang may tumusok na matulis na bagay sa tent nila—dahan-dahan itong gumagawa ng hiwa. Kung sinuman ang nasa labas? Letse! Hindi ito nakakatuwa!
"Umalis na lang tayo rito. Kaya mo bang tumakbo?" bulong ni Matt.
Tumango siya. Sa tingin niya'y iyon ang tamang gawin.
"'Wag ka lang bibitiw sa kamay ko... hindi na tayo ligtas sa lugar na 'to." Binuksan ni Matt ang zipper ng tent. Magkahawak kamay silang tumakbo palabas, tinahak ang madamong daan patungo sa kakahuyan. Wala naman silang ibang mapupuntahan kundi ang lugar na iyon dahil nasa bundok sila.
"Babe, bilisan mo." Kulang na lang ay kaladkarin siya ng nobyo.
"S-saan naman tayo pupunta?" aniya.
"Kailangang makabalik tayo sa paanan ng bundok—sa sasakyan. Iyon lang ang paraan para makaalis tayo rito."
"Ang layo! Seryoso ka?"
Napahinto sila sa pagtakbo nang may isang pigura ng tao ang lumitaw sa unahan. Paanong basta na lamang itong sumulpot doon?
Pumihit sila pabalik, ngunit muli silang natigilan. May dalawa pang pigura ang nakatayo ilang metro ang layo sa kanila. Sino ba ang mga ito? Para itong mga kabute na bigla na lamang sumulpot doon.
"Sa tingin n'yo ba ay makakaalis pa kayo sa lugar na ito?" sabi ng lalaking nasa likuran nila.
"Ano bang kailangan n'yo sa amin?" ani Matt.
"Kayo mismo ang kailangan namin!" sagot ng isang babae.
Nangatog ang tuhod niya dahil sa sinabi nito.
Ano naman ang kailangan ng mga ito sa kanila?
"Mga NPA ba kayo? Sensya na pero wala kaming malaking perang dala!" sabi ni Matt, iyon din sana ang sasabihin niya pero naunahan siya nito.
Tumawa ang mga nasa unahan nila.
"Akin ang lalaking 'yan," ani ng babae. Dahan-dahan itong lumalapit sa kanila. Kasabay nang paghakbang nito ay siya namang hakbang nila paurong.
"Hindi ko ibibigay sa 'yo ang boyfriend ko! Ano ka sinuswerte?" aniya, kahit nanginginig ang tuhod niya.
"Ano ba talaga ang kailangan n'yo sa amin?" tanong ni Matt.
Ngunit walang sumagot sa tatlo.
Muling nagpatuloy sa paghakbang ang babae.
"Tumakbo tayo sa kanan," bulong ni Matt.
"S-sige, tara na." Mahigpit siyang kumapit sa kamay ni Matt, kahit pa namamawis na iyon.
Nagmamadali silang tumakbo papunta sa kanan. Mas lalong dumilim sa lugar na tinungo nila dahil sa mga nagtataasang punong kahoy, natatabingan nito ang liwanag na nagmumula sa buwan.
Hindi nila alintana ang madilim na paligid. Basta't ang mahalaga ay matakasan nila ang mga taong ito.
Mula sa sanga ng mataas na puno ay lumundag ang isang nilalang, bumagsak ito sa unahan ni Matt kaya napahinto sila sa pagtakbo. Wala pang dalawang segundo ay naaninag niyang nasa harap na ni Matt ang pigura ng isang babae. Iiwas sana ang boyfriend niya pero biglang itinaas ng babae ang isang kamay at mabilis na ibinaon sa dibdib ni Matt.
Hindi siya nakagalaw mula sa kanyang kinatatayuan, tila nagkaroon ng ugat ang mga paa niya at bumaon iyon sa lupa. Hindi niya inaasahan ang nasaksihan, kitang-kita niya kung paanong dinukot ng babae ang puso ni Matt.
Itinaas ng babae ang kamay nito habang hawak ang puso ni Matt. Tumulo ang sariwang dugo mula roon.
Parang nagkaroon ng sariling buhay ang kanyang mga paa at mabilis na tinawid ang pagitan nila. Sinubukan niyang saluhin ang katawan ni Matt.
"T-takbo!" sambit ni Matt, bago ito tuluyang bumagsak sa lupa.
Nag-echo sa pandinig niya ang huling salitang binitiwan ni Matt. Hanggang sa huling sandali ng buhay nito ay siya pa rin ang inalala.
"H-hindi! Matt, babe... 'wag mo 'kong iwan!" Mabilis siyang lumuhod sa tabi ng kasintahan—niyakap niya ang katawan nitong wala ng buhay. Sobrang panghihina ang bumalot sa kanya, parang nawalan siya nang lakas. Tumulo ang masaganang luha mula sa kanyang mga mata. Gusto niyang maglupasay dahil sa sinapit ni Matt, wala man lang siyang nagawa para tulungan ito! Wala siyang silbi!
Binalingan niya ang babae. "Halimaw ka! Tangna mo! Patayin mo na rin ako! Patayin mo na rin ako!" Malakas na hagulgol ang pinakawalan niya. Walang patid ang pagtulo ng kanyang luha.
Dito lang pala matatapos ang lahat.
Sana ay hindi na lang siya nagpumilit pumunta sa lugar na iyon, hindi sana ito sasapitin ni Matt. Dahil sa nangyari—nakahanda na rin siyang mamatay. Wala ng halaga ang buhay niya! Hindi niya iiwanan ang nobyo kahit na ano'ng mangyari!
Nasanay na sa dilim ang kanyang mga mata kaya kitang-kita niya kung paano kainin ng babae ang puso ni Matt. Para itong kumakain ng mansanas habang nakasandig sa katawan ng puno. Nakatitig ito sa kanya, at ngumunguya. Masarap ba ang puso ng boyfriend ko? Animal ka!
Nakapa niya ang kaputol na kahoy sa tabi ni Matt, kinuha niya ito at saka tumakbo palapit sa babae.
Abot hanggang langit ang poot niya para dito. Wala na siyang pakialam kahit ano pa ang gawin nito sa kanya! Mamatay na kung mamatay—nakahanda siya!
Hahampasin sana niya ang babae pero hindi niya naituloy dahil sa lalaking sumulpot sa kanyang harapan. Nanlilisik ang mga mata nitong pulang-pula.
Hindi na niya nagawang tumakbo dahil huli na ang lahat.
Itinaas nito ang kamay, at ilang sandali pa'y ibinaon nito ang mahahabang kuko sa leeg niya. Hindi matatawarang kirot ang gumapang sa kanyang kalamnan, parang hinihiwa pati ang kanyang kaluluwa.
Hanggang ang kaunting liwanag na nakikita niya mula sa mga siwang ng punong kahoy ay unti-unting naglalaho. Kadiliman ang mabagal na yumayakap sa kanya. Maging ang huni ng mga kuliglig sa paligid ay hindi na rin niya naririnig.
Tumulo ang huling patak ng luha sa mga mata niya.
"I-I'm sorry, Papa," bulong niya sa hangin sa kahuli-hulihang pagkakataon. Batid niyang sinuway niya ang bilin ng kanyang ama.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top