Chapter 9


Mackenzie





Mainit ang panahon dahil tirik na tirik ang araw. Natuyo na ang lupa na kaninang umaga lang ay dinilig nang hindi naman kalakasang ulan. Ngayo'y natuyo na ang lubak-lubak na kalsada, masakit rin sa ulo ang singaw ng lupa. Isama pa ang mga alikabok na malayang inililipad ng hangin sa buong paligid.

Tahimik na nagmamaneho si MacKenzie pauwi sa kanilang baryo. Samantalang ang kanyang abuelo ay mahimbing ang tulog sa katabi niyang upuan.

Sinulyapan niya ito. Napailing siya nang makitang sumasabay ang ulo nito sa bawat paggalaw ng sasakyan sa tuwing tumatapat sa lubak. Parang hinaplos ang puso niya nang masulyapan ito. Simula kagabi ay ngayon lamang ito nakatulog. Batid niyang napagod ang matanda dahil hindi nito alintana ang pag-alog ng sasakyan. Banayad din ang pagbaba-taas ng dibdib nito, talagang mahimbing ang tulog.

Ngayon ang pangalawang araw niya sa kanilang baryo ngunit parang hapung-hapo na rin siya. Sa dami ba naman ng nangyari nang nagdaang araw, parang nauubusan na rin siya ng lakas. Kung nananaginip man siya ay gusto na niyang magising. Kaya lang ay hindi, totoo ang lahat ng mga naranasan niya.

Pakiramdam tuloy niya ay dayuhan siya sa sariling lugar. Sa dami ng mga nangyayari ay mukhang hindi na niya kilala ang kinagisnang baryo. Nasaan na ang baryong literal na mapayapa? Nawawala na, naglalaho na.

Unti-unting nagtubig ang mga mata ni MacKenzie. Ikinurap-kurap niya ito upang pigilin ang nagbabadyang pagtulo ng luha. Ngunit talagang mahirap itong supilin. Mabilis na namalisbis sa pisngi niya ang masaganang luha.

Inihinto niya ang sasakyan sa gilid ng daan, sa tapat ng malagong puno ng Acacia.

Gamit ang dalawang palad ay pinunasan niya ang basang pisngi. Dahan-dahan siyang lumabas sa sasakyan para hindi magising ang natutulog na matanda.

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya. Kahit paano ay gumaan ang kanyang pakiramdam. Malamig kasi ang simoy ng hangin sa gawing iyon dahil sa mayabong ang puno. Hinaharang nito ang sinag ni Haring Araw.

Malungkot niyang tinanaw ang malawak na palayan sa kabilang kalsada. Kulay ginto ito dahil malapit nang anihin.

Umihip ang banayad na hangin dahilan upang mapunta sa kanyang mukha ang ilang hibla ng buhok niya. Hinawi niya ito saka isinabit sa kanyang punong tainga. Napadako ang tingin niya sa suot na pantulog; nakarating siya sa ospital na ganito ang ayos. Hinaplos niya ang natuyong dugo sa kanyang damit. Malungkot siyang napasandal sa gilid ng sasakyan. Muli na namang namuo ang luha sa kanyang mga mata.

"Manang Carmen, kumapit ka lang... kayanin mo. Malapit na po tayo sa ospital," aniya habang hawak ang isang kamay nito.

"H-hindi na yata ako aabot do'n."

"'Wag kang magsalita ng ganyan, Carmen," nag-aalalang sabi ni Mang Anton. Nakaunan sa hita nito ang asawa.

Sila lamang tatlo ang nasa backseat at ang kasama nilang tanod ay nasa unahan katabi ng lolo niya na siyang nagmamaneho ng sasakyan.

Maging siya ay nataranta na rin, hindi na niya alam kung paano ang gagawin. Kakaiba kasi ang lagay ni Manang Carmen. Panay na lang ang haplos niya sa tiyan nito, para kahit paano'y maibsan ang sakit na nadarama ng buntis. Na I.E. na niya ito ngunit masikip ang cervix nito at hindi niya maabot ang ulo ng bata. Iyon ang labis niyang ipinag-aalala, pansin niyang ilang minuto na ring wala siyang maramdamang pagkilos ng sanggol sa sinapupunan nito. Kung pwede lang niyang ilipad ang babae para kaagad na madala sa ospital ay ginawa na niya.

Biglang tumulo ang luha ni Manang Carmen. Tumingala ito sa asawa at parang pinipilit na lang ibukas ang mga mata.

"A-Antonio, k-kung sakaling mawala ako... ikaw na ang bahala sa mga anak natin. 'W-Wag mo silang pababayaan. Mahal na mahal ko kay---"

"'Wag mong sabihin 'yan, Carmen!" matigas na turan ni Mang Anton. Napakurap-kurap ito na halatang sinusubukang magpakatatag sa harap ng asawa. Gamit ang palad ay pinunas nito ang tumulong luha sa pisngi ni Manang Carmen."Mabubuhay ka, kayo ni Bunso. Malapit na tayo sa ospital kaya lakasan mo ang loob mo!"

Napasalampak na lang siya sa sahig ng sasakyan at mahigpit na hinawakan ang kamay ni Manang Carmen. Pakiramdam niya ay parang sinasakal siya dahil sa nakikitang tagpo sa pagitan ng mag-asawa.

Kulang na lang ay paliparin ng lolo niya ang sasakyan. Mas lalong bumilis ang pagpapatakbo nito.

Nang makarating sa ospital ay agad naman silang dinaluhan ng mga nurse. Dinala sa emergency room si Manang Carmen. Gusto sana niyang sumama hanggang sa loob pero hindi na siya pinayagan ng doctor at nurse na nakatalaga roon.

Marahas na napaupo si Mang Anton sa sahig. Bumulwak na ang pinipigil na emosyon. Kita niya ang marahang pagbaba-taas ng mga balikat nito habang nakatungo. Mahigpit na pinagsalikop ang dalawang palad, habang tahimik na umiiyak.

Gusto niyang lapitan ito at pakalmahin ngunit naunahan siya ng kanyang abuelo. Mabilis itong lumapit kay Mang Anton, nakasunod naman ang tanod na hindi niya kilala. Ngayon lamang niya ito napagmasdan, mukhang hindi naman nagkakalayo ang edad nilang dalawa sa hula niya.

"Maging matatag ka, Antonio. May awa ang Diyos, magiging maayos din ang anak at asawa mo."

"S-sana nga po, Senior Gustavo." Mabilis nitong pinunasan ang pisngi gamit ang kamay saka tumingala at nagpakawala ng isang malalim na buntong hininga.

Hindi na niya pinansin ang tatlong lalaki. Nanatili siya sa likod ng pinto ng emergency room. Transparent glass ang halos kalahati ng pinto kaya sumilip siya roon. Gusto niyang makita kung ano na ang nangyayari sa loob. Kalahati lang ang natatakpan ng kulay berdeng kurtina kaya tanaw niya ang tatlong nurse at isang doktor na siyang sumusuri kay Manang Carmen. Halata sa kilos ng mga ito ang pagmamadali.

Labis ang pag-aalalang nadarama niya para sa mag-ina, lalo pa't nawalan na nang malay si Manang Carmen, bago ito ipasok sa loob ng emergency room.

Napapikit siya at taimtim na nagdasal.

Matagal na niyang kilala si Manang Carmen, naging kasambahay pa nila ito noong mga bata pa sila ni Allison.

Lumipas ang mahigit kalahating oras bago lumabas ang doktor. Agad itong nilapitan ni Mang Anton. Sumunod naman silang maglolo.

"K-Kumusta na po ang asawa ko, dok?" tanong ni Mang Anton habang pinagkikiskis ang dalawang palad at nag-aabang sa sasabihin ng lalaking kaharap.

Bumuntong hininga ang doktor bago ito nagsalita.

"Ikinalulungkot ko po, Mr. De Jesus, hindi na namin naisalba ang buhay ng iyong asawa. Sinubukan naman siyang I-revive ngunit talagang hindi n'ya na kinaya. At isa pa, wala ng buhay ang sanggol na nasa sinapupunan niya nang suriin ko ito."

"Hindi! Baka nagkakamali lang kayo, dok. Baka ho pwedeng tingnan n'yo ulit ang mag-ina ko," pakiusap nito. Nakita niyang biglang tumulo ang masaganang luha sa mga mata ni Mang Anton. Patuloy ang pag-iling nito. "Dok, sabihin n'yong buhay ang mag-ina ko."

"Mr. De Jesus, nakikiramay ako sa nangyari sa iyong mag-ina. Ginawa ko ang lahat nang makakaya ko, pero hindi na kinaya ng asawa mo. Wala na ring signs of life ang sanggol sa sinapupunan niya. Ayon sa pagsusuri ko ay halos isang oras ng patay ang bata bago pa man kayo dumating kanina."

Biglang humagulgol si Mang Anton, kulang na lang ay maglupasay ito sa sahig. Agad naman itong dinaluhan ng lolo niya at ng kasama nilang tanod.

"Pwede ko bang makita ang asawa ko, dok?"

"Sige na, pumasok na kayo," ani nito.

Nanghihinang naglakad ang lalaki papasok sa loob ng emergency room. Alalay naman ito ng lolo niya. Sumunod din siya. Naabutan nilang nailagay na ng dalawang nurse sa stretcher ang katawan ni Manang Carmen, naghahanda na para ilabas sa loob ng emergency room.

"C-Carmen! Asawa ko, bakit mo kami iniwan... sabi ko lumaban ka, bakit?" palahaw ni Mang Anton. Niyakap nito ang kawawang asawa na wala ng buhay.

Hindi niya mapigilang hindi tumulo ang luha. Dahil sa nasasaksihan at sa sinapit ng mag-ina, pakiramdam niya ay mayroong bikig sa kanyang lalamunan. Nanghihinayang siya sa dalawang buhay na nawala.

"Talagang hanggang doon lang ang buhay nila, hija. Wala naman tayong magagawa dahil kalooban iyon ng Diyos."

Bigla niyang pinunasan ang nabasang pisngi nang marinig ang boses ng lolo niya. Hindi niya namalayan na nagising na pala ito.

"Kasalanan ito ng taong nanggulo sa kanila kagabi, 'lo!" matigas na wika niya. Kahit hindi niya naabutan ang buong pangyayari ay alam niyang ito ang pasimuno. Nagtagis ang bagang niya nang maalala ang lalaking nagngangalang Damian, ang lalaking napatay niya. "Ito ba ang kabayaran, 'lo? Ang buhay ni Manang Carmen at ng sanggol ang kabayaran dahil napatay ko siya, 'lo?"

"'Wag mong sisihin ang sarili mo. Wala kang kasalanan, ginawa mo lang kung ano ang nararapat. Kung hindi mo napatay si Damian, baka walang natira sa mag-anak ni Antonio. Baka pati ako ay wala na rin ngayon dahil pinagpi-fiestahan na ng mga halimaw na 'yon."

"Kauri ba siya ng mga Bangkilan, 'lo?" Gusto niyang makumperma ang lahat.

"Oo. Si Damian ay anak ni Baruka, na dating pinuno ng tribo ng mga Bangkilan," sagot ng lolo niya.

Nakaramdam siya ng galit sa kanyang puso.

Kung ang mga nilalang na ito ang dahilan nang pagkawala ng kapatid at ng ama niya, pati na rin ang pagpatay sa mga kababaryo nila, isama pa ang pagtatangka sa pamilya ni Mang Anton na siyang dahilan nang pagkamatay ni Manang Carmen at anak nito. Marami na siyang dahilan upang kamuhian ang mga halimaw na ito.

Parang may bumubulong sa kanya na tugisin ang mga Bangkilan. Pakiramdam niya ay bigla siyang nagkaroon ng tapang na harapin ang mga ito.

Hahanapin ko ang kapatid mo, Mackie. Kung sakaling hindi ako makabalik, umuwi ka rito. Kakailanganin ka ng lolo at mama mo, maging ng mga tao rito sa baryo natin.

Bigla niyang naalala ang huling pag-uusap nila ng kanyang ama. Siguro ay ito na ang ibig nitong ipakahulugan. Ngayon lang niya napagtantong nag-iwan ng bilin ang kanyang ama.

Hindi kita bibiguin, 'pa. Tutulungan ko sila mula ngayon. Isinusumpa ko!

"Magbabayad sila!" sambit niya. Naikuyom niya ang mga kamao.

Nakita niyang tumango ang matanda nang lingunin niya ito.

"Oo, hija. Magtutulungan tayo... pero bago 'yan, hali ka na rito at umalis na tayo. Kailangan pa nating ayusin ang paglalagakan ng burol ni Carmen," turan nito.

Agad siyang pumasok sa loob ng sasakyan. Ang lolo na niya ang siyang umupo sa harap ng manibela.

"Ikaw naman ang umidlip. Isa't kalahating oras pa bago tayo makarating sa baryo. May oras ka pa para saglit na magpahinga."

Tipid siyang ngumiti sa kanyang lolo. Tama ito. Kailangan niyang magpahinga kahit saglit lang. Mukhang simula sa araw na ito'y magiging panakaw na lang ang kanyang tulog.

Inilapat niya ang likod sa sandalan ng upuan at saka ipinikit ang mga mata.

Ano ang gagawing hakbang ng maglolo. Makakaya kaya nilang harapin ang mga Bangkilan?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top