Chapter 7

Mackenzie



Ilang minuto ang lumipas matapos umalis ng lolo niya ay nanatili pa rin siyang nakatayo sa likod ng pinto kung saan ito dumaan. Hindi maintindihan ni MacKenzie kung bakit bumugso ang kaba sa kanyang dibdib, parang may mga torong biglang  naghabulan doon.  Huminga siya nang malalim at pilit na kinalma ang sarili.

Umakyat ka na, at 'wag kang susunod sa akin!

Hindi niya makalimutan ang sinabi nito bago tuluyang lumabas sa pintong iyon.

Napailing na lang siya. Mayamaya ay pinagala niya ang paningin sa buong paligid hanggang sa natuon ang kanyang pansin sa dingding. Maraming nakasabit na armas doon, iba't ibang uri ng mga patalim.

Namalayan na lamang niya ang sarili na hawak na ang isang mahabang kampilan. Marahan niya itong iniangat at saka hinugot sa salungan. Kuminang ang talim nito dahil sa pagtama ng liwanag mula sa bombilyang nakasabit sa kisame.

Hindi pwedeng maghintay na lamang ako rito. Patawad kung susuway rin ako sa utos mo, abuelo.

Ibinalik niya sa salungan ang mahabang patalim saka ito hinawakan nang mahigpit.

Malalaki ang kanyang mga hakbang nang tunguhin ang pintuan kung saan dumaan ang lolo niya. Binuksan niya ang pinto, ngunit kadiliman ang sumalubong sa kanyang mga mata. Magkahalong amoy kulob at ihi ng daga ang sumuot sa kanyang ilong kaya naman sunod-sunod na pagbahing ang dulot nito sa kanya. Ilang sandali siyang nanatili sa kinatatayuan; pinakiramdaman ang buong paligid. Muli siyang bumaling sa loob ng silid at mabilis na lumapit sa istante. Nakapatong doon ang isang lumang lampara, agad niya itong sinindihan gamit ang posporong nasa tabi lamang nito.

I-isang tunnel...

Ito ang nakumpirma niya matapos kumalat ang liwanag mula sa hawak niyang lampara. Siguro ay nasa pitong talampakan ang taas nito at isang dipa naman ang lapad sa hula niya. Bakas pa ang mga dinaanan ng piko at pala sa lupa, ito marahil ang ginamit na panghukay sa lagusang iyon.

Nag-umpisa siyang humakbang, marahan lamang ang ginawa niyang paglakad dahil sa mga nakausling bato sa kanyang dinaraanan. Isang pagkakamali niya ay siguradong matitisod siya roon. May mga sapot din ng gagamba na nagkalat sa itaas, kailangan pa niyang hawiin ang iba para hindi ito kumapit sa kanyang mukha.

Habang tinatahak ang lagusan ay pabilis nang pabilis naman ang kabog ng kanyang dibdib. Kulang na lang ay marinig niya ang pagtibok ng puso niya dahil napakatahimik ng buong paligid. Inaalala niya ang kanyang lolo. Saan ba ito pupunta at bigla na lamang itong umalis kahit alanganing oras na? Matanda na ito kaya ganoon na lamang ang pag-aalalang nararamdaman niya sa mga oras na iyon.

Huminto siya sa paghakbang nang mapansing nasa dulo na ng lagusan. Inilibot niya ang paningin at bahagyang itinaas ang hawak na lampara para lalong makita kung ano ang nasa unahan niya.

Isang malaking bato ang nakaharang, halos sakupin na nito ang kalahating butas ng lagusan. Kasya lamang ang katawan ng isang tao para makadaan doon.

"Aray! Kapag minamalas ka nga naman." Tumama ang tuhod niya sa gilid ng bato kaya nakagat niya ang pang-ibabang labi.

Kahit iniinda ang nagasgasang tuhod ay nagpatuloy pa rin siya sa paglabas sa butas.

Nang makalabas ay bumungad naman sa kanya ang malalaking bato, karamihan doon ay matutulis. Kapansin-pansin din na mas lumawak ang sakop ng butas dahil hindi na maabot ng liwanag mula sa gasera ang itaas na bahagi ng kinalalagyan niya. May ilang puting bato na patusok ang hugis mula sa taas ang tinatamaan ng liwanang at tila kumikislap-kislap iyon dahil sa tubig na tumutulo mula roon.

"Pambihira! Nasaan na ba ako?" bulong niya.

"Ate, punta naman tayo roon sa sinasabing kweba... Meron daw n'on dito sa lugar natin, e," sabi ni Allison.

"Saan mo naman narinig 'yan?" Nagpatuloy siya sa paggawa ng assignment habang ito'y nakaupo naman sa harapan niya at may hawak na libro.

"Narinig ko kay Mang Gorio, nakapasok na raw siya roon," tukoy nito sa matandang albularyo na kapit-bahay nila.

"Nagpapaniwala ka ro'n kay Mang Gorio, eh makalilimutin na nga 'yong matanda!"

"Ah, basta! Pupunta ako ro'n... malay mo, nakatago pala ro'n ang Yamashita treasure."

Inirapan niya ang kapatid, umiral na naman ang pagiging mapanaliksik nito sa mga bagay-bagay.

"Ano 'yong narinig ko? Saan ka na naman pupunta, hija?"

Sabay silang lumingon sa pintuan ng library kung saan nakatayo roon ang lolo nilang may hawak na tungkod. Mukhang kagagaling lamang sa bukid dahil suot pa ang paborito nitong malapad na sumbrero.

"Pupunta raw po s'ya sa kweba, 'lo," aniya.

Inirapan naman siya ng kapatid dahil tiyak na hindi na naman ito papayagan ng lolo nila. Masyado kasi itong mahigpit lalo na sa paggala-gala kung saan.

Nginitian lang niya si Allison at nagpatuloy sa ginagawa.

"Dios mio, hija! 'Wag kang pupunta roon dahil maraming nananahang malalaking sawa sa loob ng kweba. Marami nang sumubok pumasok doon ngunit hindi na  nakalabas. Malamang, ginawa na silang pagkain ng mga sawa," litanya ng lolo nila.

"T-talaga po?" Nanlaki ang mga mata ni Allison at bahagyang napaawang ang bibig. Maging siya ay tumigil sa pagsulat at tinitigan ang matandang nasa tabi nila.

"Oo, mga apo, kaya 'wag na 'wag kayong pupunta roon."

Bumalik siya sa realidad nang may kumaluskos mula sa itaas. Agad na sumagi sa isip niya ang sinabi ng kanyang lolo noon. Baka ang mga sawa na iyon. Tumayo ang mga balahibo sa buong katawan niya.

Napailing na lang siya at lalong hinigpitan ang hawak sa kampilan. Mabilis niyang binaybay ang daan kahit na hindi siya sigurado kung papunta ba iyon sa labas. Bahala na si Batman. Basta ang mahalaga ay makalabas siya roon at masundan ang lolo niya. Siguradong hindi pa iyon nakalalayo.

Matapos ang ilang minuto ay narating niya ang bungad ng kuweba. Maraming halamang baging ang halos tumatakip na sa bunganga nito. Hinawi niya iyon sa gitna.

Malamig na hangin ang agad na sumalubong sa kanya nang makalabas sa kuweba. Ang satin na pantulog ay halos dumikit sa katawan niya. May kalakasan ang hangin at umaambon din.

Tanging ang mga huni ng kulisap at lagaslas ng tubig mula sa ilog ang naririnig sa buong paligid. Ang katahimikan ay naghahatid sa kanya ng kakaibang pakiramdam. Hindi niya alam kung dahil ba ito sa malamig na hangin, o dahil sa kutob niya na may masamang mangyayari ngayong gabi.

'Wag naman sana.

Nasa gilid na siya ng ilog, mahigpit ang kapit sa kampilan pati na rin sa lampara. Dito siya kumukuha ng lakas para labanan ang kabang hindi mawala-wala sa kanyang dibdib.

Dahil nasanay na ang kanyang mga mata sa madilim na paligid, kung kaya't natatanaw na niya ang mga nagtataasang niyog sa kabilang ibayo. Hanggang sa may nahagip ang kanyang paningin.

"Abuelo!" Hindi siya puwedeng magkamali, pigura ng matanda ang nasa kabilang ibayo. Sigurado siyang ang lolo niya iyon dahil sa puting roba na suot nito. Ngunit mabilis itong naglaho sa kanyang paningin nang pumasok ito sa niyugan.

Hindi na siya nag-aksaya ng oras, agad siyang lumusong sa ilog. Malamig ang tubig na umabot hanggang sa kanyang tuhod. Mabuti't hindi malalim ang tubig, at hindi rin kalakasan ang agos.

"Pusang gala!" usal niya, nang subuking tumapak sa ibabaw ng bato. Sa kamalas-malasan ay dumulas ang kanyang mga paa. Mabuti't mabilis ang kanyang panimbang, kung hindi ay nabagok na ang ulo niya sa isa sa mga batong nagkalat doon.

Hindi nagtagal ay maayos siyang nakatawid. Ang problema niya ngayon kung paanong susundan ang matanda—hindi niya alam kung saan ito nagpunta.

Ngunit napangiti siya't nabuhayan ng loob. Nabaling ang tingin niya sa mga talahib na hanggang baywang ang taas. Nakahawi ang mga ito. Kahit paano ay may naiwang bakas ang kanyang lolo.

Hindi niya alintana ang matatalim na dahon ng talahib na kumakapit sa kanyang binti. Sa bawat paghakbang niya ay nag-iiwan iyon ng kirot sa kanyang balat, gumagawa ito ng maliliit na hiwa. Laking pasasalamat niya nang malampasan ang bahaging iyon.

Ngayon ay nasa ilalim na siya ng nagtatayugang niyog. Rinig niya sa itaas ang mga nagkikiskisang dahon.

Ba't kaya nagpunta si Lolo rito? Mukha namang walang nakatira sa gawing ito, e.

Ngayon niya naisip na mapanganib ang kanyang ginawa. Hatinggabi na at nasa gitna siya ng madilim na niyugang iyon. Paano na lang kung serial killer pala iyong natanaw niya kanina? Nag-umpisang mangatog ang kanyang tuhod nang  maalala ang kalunos-lunos na bangkay sa may arko.

Dahil sa mga naglalaro sa kanyang isipan ay agad niyang dinampot ang lampara. Buo na ang desisyon niya na bumalik na lang sa bahay. Nakakailang hakbang pa lang siya pero bigla siyang huminto. Naikunot niya ang noo habang masusing pinakikinggan ang buong paligid. Para kasing may sumigaw sa 'di kalayuan.

Tama. Tinatangay ng hangin sa kanyang kinaroroonan ang palahaw ng mga bata. Dahil sa nabuong kuryosidad ay mabilis siyang naglakad, sinundan ang pinanggagalingan ng ingay. Hanggang sa narating niya ang bahaging paahon.

Mula sa kanyang kinalalagyan ay natanaw niya sa 'di kalayuan ang isang bahay. Nagmamadali siyang tumakbo palapit doon.

Nang muli siyang lumingon sa bahay ay   naglalagablab na ang apoy, para itong isinasayaw ng hangin habang unti-unting tinutupok ang maliit na tirahan. Patuloy pa rin ang palahaw ng mga bata, ngunit hindi niya alam kung nasaang parte ba ito.

Unti-unti siyang napaupo sa lupa, tila nanghina ang mga tuhod niya. Binitiwan din niya ang lampara. Kung naging maagap lamang siya, baka natulungan pa niya ang mga taong nakatira doon. 

"Senior! S-sa likod n'yo po!"

Napatayo siya. Umabot sa pandinig niya ang sigaw ng isang bata mula sa likurang bahagi ng bahay. Nandito si Lolo?

Walang ibang tinatawag na 'Senior' sa lugar nila kun'di ang lolo lang niya.

Hindi na siya nag-aksaya ng oras. Umikot   siya sa kabila at sa ilalim ng mga nagtataasang kamoteng kahoy siya dumaan. Nang marating ang likurang bahagi ng bahay ay sumilip siya, at tiningnan kung saan nanggaling ang ingay.

"Kailangan mong mamatay, Gustavo. Isa kang malaking hadlang sa mga plano ko!"  turan ng isang lalaking hawak ang leeg ng lolo niya.

Sa ayos ng kanyang lolo ay nasasaktan na ito. Pilit nitong tinatanggal ang kamay ng lalaki.

Biglang sumiklab ang apoy sa dibdib ni MacKenzie, tila umakyat ang dugo sa kanyang ulo, at nagtagis ang kanyang mga bagang. Mas lalo niyang hinigpitan ang hawak sa kampilan. Hindi niya kayang tingnan na pinahihirapan ng lalaking ito ang kanyang lolo.

"G-ga-gawin mo na. Ano pa ang hinihintay mo?"

"Magsama na kayo ng apo mo!" ani ng lalaki, "'Wag kang mag-alala dahil hindi naman ito masakit!"

Nanlaki ang mga mata niya nang itinaas ng lalaki ang isang kamay. Dahil sa liwanag mula sa naglalagablab na apoy ay kitang-kita niya ang unti-unting paghaba ng mga kuko nito, mistulang matatalim na karit na handang itarak sa dibdib ng lolo niya.

Parang nagkaroon ng sariling buhay ang kanyang mga paa. Mula sa kanyang kinalalagyan ay mabilis niyang tinawid ang halos dalawang dipang layo ng lalaki. Habang tumatakbo siya ay agad niyang hinugot ang kampilan sa salungan. Bago bumaon ang mga kuko ng lalaki sa dibdib ng kanyang lolo, ubod-lakas niyang itinarak sa likod nito ang hawak na kampilan.

Tumalsik sa mukha niya ang malagkit na dugo ng lalaki. Ang malansang amoy nito ang siyang nagbalik sa kanyang realidad. Nabitiwan niya ang puluhan ng kampilan saka pinagmasdan ang nanginginig niyang mga kamay. Tila nawala siya sa sarili at ngayon pa lang pumasok sa isip niya ang kanyang ginawa.

"D-damian..." usal ng lolo niya.

Muli niyang itinuon ang pansin sa likod ng lalaki. Nabitiwan nito ang lolo niya't dahan-dahan itong bumagsak sa lupa.

N-napatay ko yata s'ya...

Lalong nanginig ang kanyang kalamnan.

"M-mackie!"

Bago tuluyang bumagsak ay nasalo siya ng lolo niya at mahigpit siyang niyakap. Nang maikulong siya sa bisig ng matanda ay biglang nag-unahang tumulo ang kanyang mga luha.

"L-lolo, n-nakapatay ako." Humagulgol siya.

"Iniligtas mo lang ako, Mackie, kung hindi mo ginawa 'yon—ako ang napatay ni Damian," wika nito, habang patuloy siyang kinakalma. Hinaplos-haplos nito ang likod niya, kahit paano ay naging maayos ang kanyang pakiramdam.

Ano ang magiging epekto nang pagkawala ni Damian? Mapigilan pa kaya nila ang galit ng mga Bangkilan, lalo pa ngayong napatay ni MacKenzie si Damian?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top