Chapter 5

Manang Carmen


Sa gitnang bahagi ng malawak na niyugan ay nakatayo ang isang maliit na bahay. Gawa sa sawali ang dingding, kugon naman ang bubong na nagsisilbing panangga sa init at ulan.

Napaliligiran ito ng mga nagtataasang puno ng niyog na hitik sa bunga. Sumasabay sa ihip ng hangin ang mahahaba at nagkikiskisang mga dahon nito; animo'y sumasayaw habang umaambon.

Malalim na ang gabi pero dilat na dilat pa rin ang mga mata ni Carmen. Hindi siya mapakali sa kanyang pagkakahiga sa kawayang papag na nalalatagan ng banig. Ilang beses na rin niyang pinunasan ang namamawis na noo.

"Antonio! Umusog ka nga riyan. Aba'y pagkabanas-banas, eh!" Bahagya niyang itinulak ang asawa palayo sa kanya. Pakiramdam niya'y sumisingaw ang init sa katawan nito. "Hindi ka na naman siguro naligo kanina... ang bantot mo."

"Hmm..." Umungol lang ito at mas lalo pang itinago ang sarili sa loob ng kumot. Tagaktak ang pawis ni Carmen samantalang ito'y tila lamig na lamig.

"Pambihira ang lalaking 'to... basta sumayad ang likod sa banig talaga namang wala ng pakialam sa paligid. Dinaig pa ang mantikang tulog."

Sabagay hindi niya ito masisisi. Batid niyang napagod ang asawa dahil sa maghapong pagtatrabaho sa tubuhan.

Ibinaling niya ang tingin sa kabilang papag. Nahihimbing na rin ang kanilang apat na anak. Edad sampu ang panganay at tatlong taon naman ang pinakabata. Magkakatabi ito at pilit na pinagkakasya ang mga katawan sa higaan.

Napailing na lamang si Carmen. Ipinatong niya ang kamay sa maumbok na tiyan. Isang buwan na lang, muli na namang madaragdagan ang kanilang mga supling.

Kahit baon sa kahirapan; pinipilit pa rin nilang mag-asawa na itaguyod ang mga anak. Itinuturing nila itong biyaya mula sa Panginoon. Ito lamang ang tanging kayamanan na mayroon silang mag-asawa.

Napangiti si Carmen nang sumipa ang munting sanggol sa kanyang sinapupunan. Maging ito'y gising na gising din tulad niya.

Marahan siyang bumangon mula sa pagkakahiga. Sapo ang pang-ibabang bahagi ng tiyan ay dahan-dahan siyang tumayo. May kabigatan na rin kasi iyon dahil malapit na siyang manganak.

"Antonio, gumising ka nga muna riyan. Samahan mo ako sa labas. Naiihi ako, ang pantog ko'y malapit nang sumabog!" Tinapik-tapik niya ang balikat nito.

"A-Ano ba? D'yan ka na lang umihi sa ibaba ng papag. Buhusan mo ng tubig bukas ng umaga para hindi mangamoy. Ang sarap na ng tulog ko, eh," sagot ni Antonio.

"Aba't! Damuhong ito, ah! Samahan mo nga ako't kumukulo rin ang tiyan ko." Napakamot na lang siya sa ulo nang  muling humilik ang asawa. Kung hindi lang malaki at mabigat ang kanyang tiyan, baka na flying kick niya ito.

Wala siyang nagawa kun'di kunin ang flashlight na nakasabit sa itaas ng dingding. Bitbit iyon ay marahan siyang naglakad palabas ng kwarto. Mahirap talaga kapag nasa labas ng bahay ang banyo. Lalo na kapag katulad nito, alanganing oras ay kailangan pa niyang lumabas.

"Inang. Ako na lang po ang sasama sa 'yo."

Napalingon siya sa nagsalita. Ang panganay niyang anak na si Bryan. Nakatayo ito sa gilid ng pinto, at naghihikab pa.

Napangiti siya. "Salamat, anak, nagising ka tuloy. Pasensya na, ha?" Hinawakan niya ang ulo ng anak at marahang hinaplos ang buhok. "Saglit lang, magsindi muna tayo ng ilaw rito para lumiwanag. Tanawin mo na lang ako roon, ha? Umaambon, kaya hintayin mo na lang ako rito." Sinindihan niya ang gasera na nakapatong sa ibabaw ng lamesa. "Dito ka lang, 'wag kang lalabas."

Isinuot niya ang salakot na nasa gilid ng pinto, pagkatapos ay lumabas siya ng kusina at nagtungo sa banyo na nasa likuran ng bahay.

Gawa rin sa sawali ang palibot ng banyo, pero wala itong bubong at tanging sako lamang ang pangtakip sa pintuan. Nanatiling hawak ni Carmen ang flashlight habang nakaupo siya sa inidoro. Ramdam niya ang paninigas ng kanyang tiyan. Imposible naman kung manganganak na siya dahil sa susunod na buwan pa ang due date niya.

Kakaiba ang galaw ng sangol sa kanyang sinapupunan; panay ang pagsipa nito. Pakiramdam niya'y gusto na nitong lumabas kaya hinaplos-haplos niya ang tiyan. "Nak. Bakit naman ang likot mo riyan? Aba'y nasasaktan na ang iyong inang, ah... siguro'y ibig mo nang lumabas d'yan, ano? Kapit ka lang, kunting tiis pa at makakakita ka na rin ng liwanag."

Napangiti na lang si Carmen dahil mukhang narinig naman siya ng anak; huminto kasi ito sa paglikot. Guminhawa na rin ang kanyang pakiramdam nang matapos sa pagbabanyo.

Akma siyang tatayo nang biglang umihip ang may kalakasang hangin. Sinapo niya ang suot na salakot dahil muntik na itong mahulog sa inidoro. Agad siyang tumingala at itinuon ang hawak na flashlight sa itaas. Wala naman siyang nakitang kakaiba maliban sa mga dahon ng niyog na isinasayaw ng hangin.

Hindi alam ni Carmen kung bakit bumilis ang tibok ng puso niya. Unti-unting nagsitayuan ang mga balahibo sa kanyang katawan. Animo'y may mga matang nagmamasid sa kanya.

Dahil sa naisip ay mabilis niyang hinawi ang tabing na sako. Malaki ang mga hakbang niya pabalik sa kusina pero hindi pa siya nakalalayo ay nakarinig siya ng pagaspas ng pakpak, hindi kalayuan sa kanya. Sigurado siya roon dahil sa hangin na humahampas sa kanyang katawan. Tinatangay pati ang laylayan ng suot niyang duster.

Agad siyang napahinto sa paghakbang at muling itinutok ang flashlight sa itaas ng bubungan dahil doon nagmumula ang tunog.

"M-Mahabanging Diyos!" Sinubukan niyang tumakbo pero hindi niya maigalaw ang mga paa, parang dumikit na iyon sa lupa.

Isang napakalaking paniki ang nakalutang sa itaas ng bubong. Kasing itim ng gabi ang kulay nito: mahaba ang katawan, malapad ang dalawang pakpak, at kasing pula ng dugo ang mga mata. Kitang-kita niya iyon dahil sa liwanag na nagmumula sa flashlight.

"Inang! Inang... a-ano po ang tinitingnan n'yo riyan?" Natauhan siya. Bigla siyang naalarma nang lumabas si Bryan.

"Anak! Bumalik ka sa loob!" Parang nagkaroon muli ng sariling buhay ang kanyang mga paa. Mabilis niyang sinalubong ang anak at itinulak ito papasok sa kusina.

Nang makapasok ay ikinawit niya ang mahabang bakal sa haligi ng pinto, ito ang nagsisilbi nilang pang-lock. Mayamaya ay may malakas na tunog na nagmula sa labas, parang may nahulog na mabigat na  bagay.

"Hala! I-Inang, ano 'yon?"

Sabay silang napaurong. Mahigpit niyang hinawakan ang braso ng anak. "Lumayo ka sa dingding, Bryan." Hinila niya ang panganay papasok sa loob ng kuwarto.

Hindi pa sila nakapapasok sa kuwarto ay isa na namang tunog mula sa bubungan ang nagpalundag sa kanila. May kung anong bumagsak doon na nagdulot ng malakas na puwersa dahilan para umuga ang buong bahay.

"P-Putang-ina! Ano 'yon?" turan ni Antonio. Mabilis itong lumundag mula sa higaan at umamba na parang may susuntukin.

Gustong matawa ni Carmen dahil sa naging hitsura ng asawa pero mas nangibabaw ang takot niya.

"H-Hindi ko rin alam. P-Paniki. Tama! May nakita akong malaking paniki sa labas!" Batid ni Carmen na hindi maniniwala ang asawa pero kailangang malaman nito. "Sobrang laki. Nakatatakot ang itsura."

"Paniki? Malakas ang tunog na 'yon, paanong magagawa 'yan ng paniki?"

Hindi na niya nasagot ang tanong ni Antonio, sa halip ay nagkatinginan na lang sila. Kumapit siya sa braso nito at sabay na tumingala sa itaas. Lumulukso ang puso niya habang pinagmamasdan ang mga yabag sa bubungan. Lumulubog ang parte ng bubong kung saan tumatama ang mga paa, imposibleng pusa ang may gawa noon.

Dahil sa ingay ay nagising maging ang tatlong anak nila. Pupungas-pungas ang mga ito nang bumangon sa higaan. Agad siyang lumapit sa mga anak; nagmistula siyang inahing manok na handang ipagtanggol ang mga inakay. Samantalang ang asawang si Antonio ay kinuha ang mahabang itak na nakasabit sa haligi ng bahay. Parang isang tandang na handang makipagsabong sa oras na pumasok ang kalaban.

"Inang, Itang. A-ano po ba ang nangyayari?"  ani Bryan.

"Hindi ko rin alam, Anak," aniya.

Binuhat niya ang dalawang anak mula sa higaan. Nang akmang kukunin na niya ang bunso ay biglang lumusot sa dingding ang isang kamay. Kumapit ito sa kanang paa ni Marie, at hinila palabas. Napasigaw nang malakas ang kawawang bata. Maging siya ay napalundag din sa kanyang kinatatayuan. Agad niyang nahawakan ang katawan ng anak at hindi ito binitiwan.

"I-Inang! Inang!" Pumalahaw ng iyak si Marie.

"Antonio! Si Marie!" Napahagugol siya dahil nasasaktan ang bata. Kapag tumagal pa ay baka maputol ang binti nito.

Nagmadaling lumapit si Antonio, walang anu-ano'y inundayan ng taga ang kamay na nakahawak sa paa ni Marie. Tumalsik ang pulang likido sa banig.

"Hayop ka! Anak ko pa talaga ang kakantiin mo. Demonyo ka!"

Bumitiw ang kamay matapos itong tagain ni Antonio.

Nagkumpulan silang mag-anak sa gitna ng silid na iyon. Hilam sa luha ang mga mata ng apat na bata, maging siya. Nanginginig naman sa galit si Antonio.

Hindi pa nakababawi dahil sa nangyari, pero mukhang pursigidong pasukin sila. Ilang sandali lang ay napapitlag silang mag-anak nang sipain ng sunod-sunod ang dingding hanggang sa bumigay na ang malaking bahagi. Nagkaroon ng malaking butas, sapat para makapasok ang nasa labas.

"Utang na loob. Ano ba ang kailangan n'yo sa amin!" turan ni Antonio.

Kahit hindi gaanong maliwanag ang ilaw na nagmumula sa gasera ay kitang-kita ni Carmen ang pagtatagis ng mga ngipin ng asawa.

Walang sumagot mula sa labas. Ngunit ilang minuto lang ang lumipas ay naaninag niya ang dalawang bulto ng lalaki.  Nagkatinginan sila ni Antonio. Kahit matigas ang anyo ng kanyang asawa, napansin niyang nanginginig ang mga kamay nito.

Unang pumasok ang isang lalaki, mas bata ito sa kanyang asawa kung titingnan dahil sa matikas na pangangatawan at hugis ng mukha. Umaabot hanggang balikat ang kulot na buhok, malalim ang mga matang matalim kung tumingin. Itinaas nito ang kamay na may bahid ng dugo, parang sinasadyang ipakita iyon sa kanila. Pagkatapos ay dahan-dahang inilapit sa sariling bibig ang sugatang kamay at saka iyon dinilaan, sinimot ang kumalat na dugo roon. Gustong bumaliktad ng sikmura niya dahil sa ginawa ng lalaki. Nanlaki ang kanyang mga mata, lalong tinitigan ang kamay nito. Imposible!

Naghilom ang sugat sa kamay ng lalaki.

Paanong nagyari 'yon?

Nang lingunin niya si Antonio, maging ito'y halos lumuwa na ang mga mata at sunod-sunod na lumunok ng laway. Butil-butil ang pawis sa noo nito.

"Bakit n'yo kami ginugulo?" ani Antonio. Mahigpit ang hawak nito sa itak at itinutok iyon sa lalaking nasa kanilang harapan.

"Wala kang karapatang magtanong, lalaki!" Isang matandang lalaki ang sunod na pumasok, maputi na ang buhok maging ang may kahabaang balbas nito. Halata na ang kulubot sa mukha, ngunit hindi niya nababakas ang kahinaan dito. Lumingon ito sa kanya, tila sinusuri ang kanyang pagkatao dahil sa paraan ng pagtitig nito. Ilang sandali pa'y unti-unting bumaba ang tingin ng matanda sa kanyang maumbok na tiyan. Ngumisi ito.

Mayamaya ay nanigas ang kanyang sikmura, gumuhit ang kirot doon. Napahawak siya sa ibabaw ng tiyan. Nakagat na lamang niya ang pang-ibabang labi dahil sa pagpipigil ng sakit, parang  pinipiga ang tiyan niya. Maging ang kanyang balakang ay namamanhid na rin.

Pilit niyang nilabanan ang hindi magandang pakiramdam.

Kinapa ni Carmen ang sariling hita, nang  may dumadaloy roon. Hindi! Hindi maaari! Mahabaging Diyos, iligtas n'yo po ang anak ko. Nagmamakaawa po ako. Halos mangatal ang buong katawan niya habang pinagmamasdan ang dugo sa kanyang palad.

"A-Antonio!" Lumingon ang asawa nang tawagin niya ito. Ipinakita niya ang palad na may bakas ng sariwang dugo. Agad nitong ibinaling ang paningin sa binti niyang may bahid ng pulang likido. Mabilis itong lumapit sa kanya at inalalayan siyang makaupo sa papag. Habang ang apat na anak ay nagkumpulan sa tabi nila at malakas na umiiyak.

Ano kaya ang mangyayari sa pamilya ni Carmen? Mailigtas kaya ang sanggol na nasa sinapupunan niya? Magawa kayang protektahan ni Antonio ang kanyang mag-iina?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top