Chapter 4


Mackenzie



Ilang oras nang nakahiga si MacKenzie sa kama pero mailap pa rin sa kanya ang antok. Maraming gumugulo sa isipan niya; tulad ng mga tanong na kailangan ng sagot. Isang araw pa lang siya sa probinsya pero maraming nangyari sa maghapong iyon.

Dinampot niya ang puting unan at saka ito niyakap. Bumaling siya sa harap ng nakasarang bintana. Pakiramdam niya ay para siyang nasa gitna ng kawalan at walang kabuhay-buhay.

Kung nandito lang sana si Allison, siguro'y aabutin sila hanggang madaling araw sa pagkukwentuhan, pero wala na ito at 'yon ay hindi niya matanggap. Civil Engineering ang course nito at graduating ngayong taon. Parehong kurso ang kinuha ng kapatid niya at boyfriend nitong si Matteo Suarez.

Mga yabag ang pumutol sa kanyang iniisip. Ramdam niya ang marahang paghakbang ng kung sinuman ang nasa labas at naglalakad sa pasilyo. Bahagya niyang iniangat ang kanyang ulo mula sa pagkakahiga para mas lalong marinig kung saan ito patungo. Huminto ito sa harap ng kanyang kwarto. Patay ang ilaw sa loob ng silid niya samantalang sa labas ay bukas pa kaya naaninag niya ang anino mula sa siwang sa ilalim ng pinto.

"Sino 'yan?"

Akma siyang babangon, ngunit naunahan siya ng sunod-sunod na katok sa pinto. Nagmadali siyang tumayo at agad itong binuksan.

Ang lolo pala niya ang kumakatok. Nakasuot na ito ng pantulog, nakakunot ang noo, nang mabistahan niya ang seryosong mukha nito.

"Kayo po pala, Abuelo. Bakit po?"

Bahagyang ngumiti ang kanyang lolo bago ito tumitig sa kanya."May mahalaga tayong pag-uusapan. Inaantok ka na ba?"

Umiling siya. "Hindi nga po ako dalawin ng antok. Parang namamahay yata ako sa sarili nating tahanan." Napakamot siya sa ulo.

Bumuntong hininga ang matanda. "Bueno... halika't may mahalaga tayong pag-uusapan. May nais akong sabihin sa 'yo, marahil ay ito na ang tamang panahon upang malaman mo ang lahat." Pumihit ito patalikod at saka nag-umpisang humakbang. "Sumunod ka sa akin."

Wala siyang nagawa kundi ang sumunod. Naglakad sila pababa sa hagdan. Talagang malinaw pa ang mga mata ng lolo niya, kahit malamlam ang liwanag na tumatanglaw sa kanila mula sa nakabukas na ilaw sa ikalawang palapag ay patuloy lang ito sa pagbaba. Ang akala niya ay sa sala sila mag-uusap pero napakunot ang kanyang noo nang hindi tumuloy roon ang kanyang abuelo.

Sa halip ay lumiko ito at tinahak ang maliit na pasilyo patungo sa dulong bahagi ng bahay. Nadaanan nila ang dalawang malaking banga na nagsisilbing palamuti sa gilid ng pasilyo. May nakaukit na dragon at nakapulupot ito sa katawan ng mga banga. Noong bata pa sila ni Allison ay natatakot silang lumapit doon dahil baka may lumabas na halimaw mula roon.

Malaki ang bahay nila dahil bukod sa sala, kusina, mayroon pa itong dalawang guest room sa unang palapag at isang library. Sa ikalawang palapag naman ay may limang kuwarto pa roon.

Hindi nagtagal ay huminto sila sa tapat ng malaking pinto. Mayamaya ay pinihit ng lolo niya ang siradura hanggang sa nabuksan ito.

"Halika rito, Hija." Kinapa ng matanda ang switch ng ilaw nang pumasok ito sa loob at sumunod siya. Iginala niya ang paningin sa buong paligid; wala pa rin itong pinagbago. Siguro ay may limang taon na rin noong huli siyang pumasok doon.

Punong-puno ng libro ang tatlong istante. Karamihan sa mga librong naroon ay mga luma na. Pati mga aklat nila ni Allison ay naka-display rin doon.

Napangiti siya nang dumako ang tingin sa koleksyon niyang pocketbook. Noong nasa high school siya ay usong-uso ito. Kaya naman dumarayo pa talaga siya noon sa bayan para lang bumili ng mga bagong labas na Precious Hearts Romance, pati Harry Potter na libro ay mayroon din siya.

"Ano po ang pag-uusapan natin?"

Nagtuloy siya sa silyang kahoy sa tabi ng lamesang naroon.

"Marami, Hija."

Hindi niya alam kung bakit biglang sumibol ang kaba sa kanyang dibdib. Matipid ang sagot ng lolo niya at napakaseryoso rin ng mukha.

Sinundan niya ng tingin nang lumapit ito sa malaking kuwadro na nakasabit sa dingding, larawan iyon ng kanyang yumaong lola.

Napakaganda ng kanyang lola, dalaga pa raw ito nang ipinta iyon ng lolo niya. Nakasuot ito ng dilaw na kimona at may hawak na puting pamaypay. Matangos ang ilong dahil may dugong Espanyol katulad ng lolo niya. Kulay tsokolate ang alon-along buhok na lagpas balikat ang haba. Sa tuwing pinagmamasdan niya ang nangungusap nitong mga mata na napaliligiran ng malalantik na pilik-mata'y para din itong nakatitig sa kanya .

Mula sa likod ng kuwadro ay nakita niyang inilapat ng lolo niya ang isang kamay at bahagyang idiniin iyon sa dingding.

Halos lumuwa ang mata niya nang lumubog ang parteng diniinan nito. Hanggang sa nabaling ang kanyang pansin sa mahabang istante na nasa gilid nila. Nagsimula itong gumalaw at nagkaroon ng awang sa gitna. Dahil doon ay nagsiliparan ang mga alikabok sa paligid mula sa ibabaw ng istante na matagal ng hindi nalilinis.

Iwinagayway niya ang isang kamay sa ere saka itinakip sa ilong at bibig ang kaliwang kamay. Ito pa naman ang kahinaan niya dahil wala siyang tigil sa pagbahing kapag nakalanghap ng alikabok.

Hanggang sa lumitaw ang isang lagusan. Hindi niya maaninag kung saan iyon patungo dahil sa madilim sa loob nito.

"Saan patungo 'yan, Abuelo?" aniya na hindi makapaniwala sa nakikita.

Nilingon niya ang matanda, tahimik itong nakatayo sa kanyang tabi at nakatutok ang mga mata sa lagusan.

"Sa basement."

Tumaas ang isang kilay niya. "B-Basement? Ano'ng meron d'yan?"

Ngayon lang niya nalaman na may lihim na silid pala sa ilalim ng bahay nila. Lalong tumibay ang kuryusidad niya, ngunit may kung anong pangamba ang biglang sumibol sa kanyang isipan.

"Natulala ka na riyan. Halika rito... sumunod ka sa akin," anito.

"O-Opo."

Mabigat ang kanyang mga paa nang ihakbang sa bungad ng lagusan. Naaninag niyang huminto ang kanyang lolo at saka pinindot ang switch ng ilaw na nakadikit sa dingding. Gumapang ang liwanag sa buong paligid. Nalantad sa kanya ang hagdanang gawa sa marmol.

Dahan-dahan siyang humakbang pababa at marahang idinikit ang isang kamay sa pader. Nang lumapat ang kanyang palad sa sementadong dingding, sumuot ang lamig sa katawan niya at lalong naghatid ng kakaibang tibok sa kanyang puso.

Kung ano man ang matuklasan niya ngayong gabi, nakahanda naman ang kanyang sarili.

Nang makarating sa ibaba ay pinagala niya ang paningin sa buong paligid.

Halos lumuwa ang kanyang mga mata nang mabistahan ang malawak na silid. Kung gaano kalawak ang bahay nila ay ganoon din ang sakop ng basement.

Maraming lumang kagamitan ang naroon: tulad ng mga antigong banga, baril, mahahabang kampilan, mga lumang espada, at baluti sa pakikipagdigma na nakalagay sa loob ng mga babasaging eskaparate.

Wow! Astig! Bahay ba namin 'to o museum?

Walang patid ang mga nanlalaki niyang mata sa pag-usisa ng mga bagay-bagay sa kanyang paligid. Hindi na bago sa kanya ang mga lumang kagamitan pero kakaiba ang mga nakatagong ito sa kanilang basement. Siguradong malaking pera ito kung ibibenta niya.

Marahan siyang lumapit sa isang eskaparate at masusing pinagmasdan ang nasa loob nito. Sa hula niya ay isang dangkal ang haba ng hawakan na hugis ulo ng dragon ang disenyo. Sa pinakadulo ng kulay itim na animo'y tali ay nakakabit ang maliit na bakal, hugis karit ito, at nangingintab ang talim sa magkabilang gilid. Kakaiba ang latigong nasa kanyang harapan.

Kung sinuman ang tamaan niyon ay siguradong mahihiwa ang balat at babaon sa laman ang maliit na karit. Sa hula niya ay hindi basta-bastang sugat ang maidudulot nito sa kalaban.

"Iyan ang paborito kong sandata... gusto mo bang hawakan?"

Mabilis siyang umiling saka bumaling sa lolo niya na ngayon ay nasa kanyang tabi na. Nakapatong ang isang kamay sa ibabaw ng eskaparate habang nakatuon ang malalalim nitong mata sa kanya. Nakalitaw ang pustisong ngipin dahil sa malapad na pagkakangiti.

"Sa 'yo ba ang latigong ito, Abuelo?"

"Oo. Iyan ay minana ko pa sa ating ninuno. Mahalaga ang bagay na 'yan."

"Pero... bakit meron ka n'yan?" tanong niya habang nakatuon ang paningin sa bagay na iyon. Nang hindi agad sumagot ang matanda ay tumingala siya sa dingding, at isa-isang pinagmasdan ang mga kuwadrong nakasabit. "Sino naman ang mga 'yan?"

Ni isa sa anim na larawan ay wala siyang kilala. Lahat ay nakasuot ng pangsundalong uniporme noong unang panahon. Base sa mga kasuotan at hugis ng mukha ay halatang mga Kastila ito.

Napako ang kanyang tingin sa isang kuwadro, kahit naninilaw na iyon dahil sa sobrang kalumaan ay bakas pa rin sa kaanyuan ng lalaki ang inaangking katapangan: mga matang bakas ang awtoridad, matangos na ilong, may maikli itong bigote't balbas na bumagay sa pangahang mukha. Hindi maipagkakaila ang malaking pagkakahawig nito sa lolo niya.

"Alin ba ang uunahin kong sagutin sa 'yong mga katanungan?" Napakamot sa ulo ang matanda, lumapit ito at saka tumitig sa larawang kanina'y pinagmamasdan niya. Unti-unting umukit sa mga labi nito ang isang ngiti, maging ang mga mata ay nagkaroon ng sigla."El es mi padre."

"Talaga po? Kaya pala magkahawig kayong dalawa. Ang akala ko'y ikaw 'yan noong kabataan mo, Abuelo," sabi niya at ngumiti. Masaya siya dahil kahit sa lumang larawan lang ay nakilala niya ang isa sa pinagmulan ng kanilang angkan.

Umaliwalas ang mukha ng matanda. "Isa siyang sundalo... kasama ang mga kaibigang sundalo rin ay ipinadala sila rito sa Pilipinas mula sa Espanya noong panahon ng pananakop."

Hindi niya lubos maisip na ang ninuno niya ay naging bahagi pala ng kasaysayan. Nakalulungkot isipin na isa sa kanilang angkan ang naging kaisa sa pananakop sa bansa. Ngunit, kung hindi nakarating dito ang ama ng kanyang lolo, tiyak na hindi rin siya isisilang sa mundong ito.

"Ano'ng pangalan ni—?"

"Carlos. Isinunod ko sa kanya ang pangalan ng iyong ama."

Tumango-tango siya, "Ah, sila po?" Sabay turo niya sa limang larawan. "Sino ang mga 'yan?"

"Sila naman ang mga kaibigan ng aking ama. Halika... umupo tayo roon at may ikukwento ako sa 'yo para hindi ka tanong nang tanong." Tumawa ito nang mahina habang patungo sa dalawang silyang nasa dulo ng silid.

"Mas mabuti nga po 'yon," aniya, nang nakangiti. "Para malinawan naman itong isip ko-marami talaga akong gustong malaman."

Bago ito tumuloy sa silyang kahoy ay huminto muna sa tapat ng eskaparate. Binuksan iyon ng lolo niya at kinuha ang lumang aklat na nakasilid doon. Pero hindi siya sigurado kung libro nga ba iyong matatawag dahil parang kasing laki lamang ito ng isang notebook, pero makapal iyon.

"Bueno. Umupo ka muna riyan."

Sumunod naman siya sa sinabi nito. Umupo siya sa silyang kahoy na mukhang matagal ng hindi nalinisan dahil ramdam niya ang pagdikit ng alikabok sa kanyang balat nang makaupo roon.

Napangiti siya nang lumunok ng laway ang matanda kasunod ay ang pagtikhim nito. Mukhang mahaba-haba ang kuwento. Sabagay, hindi pa naman siya inaantok kahit malalim na ang gabi.

"Sisimulan ko ang aking kwento noong panahon kung kailan napadpad sa lugar na ito ang aking ama." Tumango siya nang lumingon ito sa kanya. "Ayon sa aking ama, matapos ang labanan ng mga Americano at Kastila, silang magkakaibigan ay nagtago sa kabundukan ng Capiz, sapagkat ayaw na nilang bumalik sa Espanya o 'di kaya ay makulong, pwedeng mapatay sila ng mga Guerrilla. Hanggang sa napadpad sila sa isang tribo, kinupkop sila ng mga ito at itinuring na kaisa."

Pagtango lamang ang tanging nagagawa niya habang seryosong nakikinig.

"Lahat ng napangasawa nila ay mula sa tribo. Kilala ang Tribong Sighay sa pangangaso, iyon ang pangunahing ikinabubuhay nila bukod sa pagtatanim ng mga prutas at gulay. Ngunit ito rin ang naghatid ng bangungot sa buong tribo. Limang taon lamang ako noon ngunit sariwa pa sa aking alaala ang lahat... kung paanong pinatay ng mga bangkilan ang mga taga-tribo: mga bata, matatanda, babae, at lalaki. Nangyari iyon dahil sa hindi sinasadyang pagkakamali ng aking ama." Biglang lumamlam ang mga mata nito, parang naiiyak ito. Nagbaling ito ng tingin.

"A-Ano pong ibig n'yong sabihin? A-Ano ang mga bangkilan?" Nakakunot-noo siya habang hinihintay kung ano ang isasagot nito.

"Ang mga bangki—" Tumigil ang lolo niya sa pagsasalita. Tumuwid ito sa pagkakaupo at mahigpit na hinawakan ang lumang aklat. "Kunin mo ito. Nariyan ang lahat ng sagot sa iyong mga katanungan." Saka iniabot sa kanya ang aklat. "May kailangan lang akong puntahan! Bumalik ka na sa silid mo!"

"Pero malalim na ang gabi. Saan pa kayo pupunta?" Tumayo siya at nilingon ang nagmamadaling matanda. Lumapit ito sa eskaparate at kinuha ang latigo. "Abuelo! Ano'ng—"

"Umakyat ka na at 'wag kang susunod sa akin!" Nagmamadali nitong binuksan ang pinto sa kabilang dulo ng silid.

Tumakbo siya palapit sa pinto para pigilan ang matanda pero nakalabas na ito. Napaawang na lang ang bibig niya.

Saan patungo ang lagusang iyon? Bakit gan'on ang kilos ni Senior Gustavo? Ano nga kaya ang lihim ng pamilya Mondragon?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top