Chapter 35


Antonio

Panay ang hasa ni Antonio sa hawak niyang itak. Tinitigan niya ang nangingintab na talim nito bago lumingon sa mga kasama.

"Wala pa ba si Senior?" tanong niya. Kasalukuyan silang nasa loob ng barangay hall at naghahanda para sa pagruronda ngayong gabi.

"Wala pa nga, eh. Ano? Aalis na ba tayo?" tanong ni Mang Jose. Isa sa mga matatapang na matanda sa kanilang lugar. Nasa singkuwenta na ang edad nito ngunit nagpresinta pa rin itong sumama sa kanila.

"Kailangan nating hintayin ang utos ni Senior," aniya at pinukol ng tingin ang ibang kasamang nakatambay sa labas. Siguro ay nasa sampu lamang sila. Ang ibang mga kalalakihan ay mas minabuting magbantay sa kani-kanilang tahanan.

"Langyang tiktik 'yan, huni nang huni. Tumatayo tuloy ang mga balahibo ko," reklamo ni Mang Ambo. Pinagkrus nito ang mga braso habang nasa tabi ng pintuan at pasilip-silip sa labas.

"Mahina lang naman...inom kasi nang inom ng kape kaya ayan tuloy, masyadong matatakutin," sabat ni Fernan, ang binatang apo ng matandang albularyo sa kanilang lugar. Panay ang hithit ng sigarilyo at buga ng usok nito. "Ibon lang 'yan kaya 'wag kayong mag-alala." Ngumisi ito.

"Hoy! Matanda na ako kaya alam ko kung ano 'yan!" Pinandilatan nito ng mata si Fernan.

Ngumisi lang si Fernan. "Nagpapaniwala kayo sa aswang. Walang gano'n sa panahon natin ngayon, noh!"

"Bahala ka ngang damuho ka. Doon ka nga sa labas at ako'y inuubo sa usok na lumalabas diyan sa bibig mo!" ani Mang Ambo at iminuwestra pa nito ang kamay sa labas.

"Magpakita lang sa 'kin 'yang mga 'yan. Hindi sila sasantuhin nitong sibat ko." Dinampot ni Fernan ang sibat sa tabi niya at nakangising naglakad palabas. Bumuga pa ito ng usok at saktong nalanghap naman iyon ni Mang Ambo, sa inis ng matanda ay binato nito ng tsinelas si Fernan.

"Baka kung saan ka dalhin ng kayabangan mo, Fernan!" pahabol ni Mang Ambo.

Tumawa lang nang malakas si Fernan, gayon din ang iba pang nasa labas.

Mula sa hindi kalayuan ay umalulong nang malakas ang aso. Sinabayan pa ito ng malamig na ihip ng hangin. Unti-unting kumapal ang maitim na ulap malapit sa bilog na bilog na buwan; tila ba naghahanda na itong lamunin ang liwanag nito. Gumuhit din sa kaulapan ang matalim na kidlat, kasunod ay ang malakas na kulog na siyang bumasag sa katahimikan ng gabi.

Agad na napasugod sa labas si Antonio nang marinig iyon. Pinukol niya ng tingin ang kalangitang nag-uumpisa ng ipamalas ang bagsik.

"Masama ito. Nanganganib ang buong baryo kapag bumuhos ang ulan," aniya kasunod ng malalim na buntonghininga. "Nasaan na kaya si Senior?"

"Hihintayin pa ba natin siya? Baka biglang bumuhos ang ulan, mahihirapan na tayong magrunda," sabat ng isang kasamahan nila.

Saglit na nag-isip si Antonio, muli siyang bumalik sa loob ng barangay hall at dinampot ang mahabang itak. "Maghanda na kayo mga kasama, hindi na natin siya hihinta—"

"May parating!"

Naputol ang sasabihin ni Antonio nang marinig niya ang sigaw mula sa labas. May kung ano'ng pumitik sa dibdib niya ngunit hindi siya nagpaapekto rito. Hinigpitan niya ang hawak sa puluhan ng itak at nagmamadaling lumabas."Tabi! Paraanin n'yo ako." Hinawi niya ang mga nagkukumpulan at mga nakaharang sa pinto. "Sinong...?"

"A-Ano 'yan?"

Nakaawang ang bibig ng karamihan at pigil Ang paghinga. Dahil sa liwanag ng ilaw galing sa poste na may isang daang metro ang layo mula sa kinaroroonan nila. Malinaw nilang natatanaw ang puting usok na tila gumagapang sa kalsada. Para itong may sariling buhay na alam kung saan patungo. Sumasabay sa usok ang dalawang pigura na hindi nila makilala kung sino.

"Mga kasama... ihanda n'yo ang inyong mga sarili. Hindi natin alam kung ano 'yan at sino ang mga parating!" matigas na sabi ni Antonio.

Lahat sila ay naging alerto. Mahigpit nilang hinawakan ang kanilang mga armas at doon humugot ng lakas ng loob. Walang gustong kumurap sa kanila. Mahirap na. Kakaiba ang kumakalat na hamog sa paligid at sa tingin nila ay hindi talaga ito pangkaraniwan. Hindi sila kailangang makampante. Kaunting pagkakamali lang, siguradong kapahamakan ang bagsak nilang lahat. Iyon ang mahigpit na bilin sa kanila ni Senior, 'wag magtiwala dahil mapanlinlang ang inaasahan nilang mga bisita.

Nang halos nasa limampung metro na lang ang layo ng mga pigura ay unti-unti nilang nakilala ang mga parating.

"Si Senior at ang kanyang apo!" ani Mang Ambo.

"Sila nga mga kasama!" halos sabay-sabay na wika ng ilan sa kanila.

Itinapon ni Fernan ang hawak na sigarilyo at saka inayos ang malaking bandanang kulay pula na nakapulupot sa noo nito. Lalo nitong hinigpitan ang pagkakatali sa ulo ngunit ang kaniyang paningin ay nakatutok pa rin sa dalawang parating.

"Ano pang hinihintay natin mga kasama? Tulungan natin sila!" asik ni Fernan, nauna na itong humakbang sa unahan.

"Sandali!" pigil ni Antonio, agad siyang sumunod sa binata at marahas na hinablot ang braso ni Fernan.

"Bakit? Ano bang problema mo? Kailangan nila ng tulong." Sinubukang tanggalin ni Fernan ang kamay ni Antonio at nagtagumpay ito. 

"'Wag kang padalos-dalos! Nakalimutan mo na ba ang bilin ni Senior?" sabat ng isa sa mga kasamahan nila.

"Putik! Mga bulag ba kayo o sadyang mga duwag? Tingnan n'yo, halos madapa-dapa na ang matanda mabuhat lang ang apo niya. Nahihirapan na siyang humakbang...tapos nakatayo lang tayong lahat dito at pinanonood sila!" protista ni Fernan. Napahawak ito sa ulo at sinipa ang maliit na bato.

Napabuga ng hangin si Antonio, may punto si Fernan pero hindi nila kailangang magmadali. Masama kasi ang kutob niya, mayroon siyang nais matiyak.

"Palapitin pa natin sila nang kaunti bago tayo kumilos," ani Antonio.

Tumango-tango ang mga kasama niya maliban kay Fernan. Panay ang mura nito sa tabi. "Sige, boss! Ikaw na po ang masusunod! Letche!" anito.

Napailing na lang si Antonio kaysa sa patulan pa niya ito.

"Wala ba kayong balak na tulungan kami!" rinig nilang sigaw ni Senior. Mga sampung dipa na lang ang layo ng mga ito mula sa bungad ng barangay hall. "Ba't nakatunganga lang kayo riyan? Tulungan niyo ako rito! Bilis! Nandiyan na sila!"

Nagsitahulan ang mga aso sa paligid. Mayroon ding mga umaalulong sa hindi kalayuan na para bang nagbibigay ng masamang mensahe sa nakaririnig nito.

"Kung ayaw n'yong tumulong 'di 'wag! Mga duwag!" sabi ni Fernan. Tumakbo ito palapit kay Senior Gustavo at saka tumulong sa pag-alalay sa sugatang apo nito. Sumunod din ang dalawa sa mga kasamahan nila.

Pero si Antonio at ang ibang nakatatanda ay nanatili lang sa kanilang kinatatayuan. Nakamasid lamang sa mga paparating.

"Parang may mali..." bulong ni Antonio, ngunit hindi iyon nakaligtas sa pandinig ni Mang Jose na nasa tabi niya.

"Mukhang napansin mo rin," sabat ni Mang Jose. Nagkatinginan ang dalawa.

Mahigpit na hinawakan ni Antonio ang kaniyang itak at saka humakbang sa harap. Nagkumpulan naman sa likod niya sina Mang Jose at si Mang Ambo kasama ang limang tanod.

"Diyan lamang kayo!" sigaw ni Antonio. Itinutok niya ang itak kay Senior Gustavo. Agad namang napahinto ang matanda pati na rin sina Fernan at ang iba pa.

"Fernan, lumapit kayo rito, dali!" ani Mang Jose.

"Gusto n'yo bang mamatay tayong lahat dito?" tanong ni Senior Gustavo. "Kailangang  malapatan ng gamot ang apo ko bago pa siya maubusan ng dugo."

Hindi ito pinakinggan ni Antonio.

"Fernan, Bulik, at Bimbo, narinig n'yo naman si Jose. Mapapahamak kayo kung mananatili kayo riyan,"sabat ni Mang Ambo.

Agad na kumaripas ng takbo si Bimbo palapit sa grupo ni Antonio. Sumunod naman si Bulik at binitiwan ang braso ng apo ni Senior Gustavo. Muntik na itong bumagsak sa lupa kung hindi naging maagap si Fernan.

"Ano bang problema n'yo!" sigaw ni Fernan. Nag-iigting na ang panga nito.

"Tara na! 'Wag mo silang pansinin. Ipasok natin s'ya sa loob," ani Senior Gustavo. Tinulungan nito si Fernan sa pag-alalay sa apo.

"Hindi kayo puwedeng tumuloy. D'yan lang kayo kung ayaw ninyong ibaon ko sa katawan n'yo ang itak na ito!" babala ni Antonio. "Hindi mo kami malilinlang. Maaring siya ay napaniwala mo..." Itinuro ni Antonio si Fernan. "... pero kami, hindi!"

Muli na namang natigilan ang matanda. "Ano bang sinasabi mo?" tanong nito at hinagilap ng tingin ang mga mata ni Antonio, ngunit ito'y sa hawak na itak naman nakatingin.

"Hindi ikaw si Senior Gusta—"

"Paano ka nakasisiguro? Wala na tayong panahon diyan. Kailangan na nating pumasok sa loob."

Ilang dipa mula sa likuran nina Fernan ay mabilis na kumakalat ang puting usok. Kasabay ang apat na malalaking aso na halos nakalabas na ang mga pangil at handang sumakmal anumang oras.

"Fernan, iwanan mo na sila! Bilisan mo! Nililinlang ka lang nila. Hindi si Senior 'yan, wala siyang tungkod at 'yang apo niya kuno... hindi kulot ang buhok ni Mackie!" sigaw ni Antonio.

Agad namang sinuri ni Fernan ang matanda at ang babaeng katabi. Tama nga si Antonio, hindi nito napansin ang mga bagay na iyon. Bigla nitong binitiwan ang braso ng babae. Kung kanina ay hindi ito makatayo, kabaliktaran naman ngayon dahil hindi man lang ito natinag sa kinatatayuan at parang wala naman itong iniinda sa katawan.

"Anak ng tipaklong!" asik ni Fernan nang dahan-dahang magbago ang mukha ng babae. Nagkaroon ito ng makapal na balahibo at tinubuan ng mahabang pangil. "T-totoo nga! Halimaw!" Kumaripas ng takbo Ang binata pabalik sa grupo ni Antonio. Pero bago pa man ito tuluyang makalapit sa mga kasama ay sumubsob ito sa lupa.

"Fernan!" sigaw ni Antonio nang makita ang nangyari sa binata.

Lumundag ang malaking aso sa likod ni Fernan kaya ito natumba.  Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ng binata nang walang habas itong sakmalin sa batok. Sinubukan pang gumulong ni Fernan at nakipagbuno pero wala itong laban sa lakas ng halimaw na para bang gutom na gutom sa laman.

"Putang-ina n'yong mga hinayupak kayo!" Hindi nakatiis si Antonio kaya tumakbo siya palapit kay Fernan. Walang pakundangan niyang pinagtataga ang halimaw hanggang sa magkapira-piraso ang katawan nito. "Mamamatay na kayong lahat!"

"Antonio, tama na 'yan! Tara na!" Ani Mang Jose na kaagad ding lumapit Antonio nang makitang nawalan ng kontrol si Antonio. Hiwakan nito ang braso ni Antonio at saka hinatak paalis.

Binuhat naman ng tatlo-katao ang sugatang katawan ni Fernan. Dahil sa sugat na tinamo ay nawalan ito ng malay-tao.

Hinahapo silang lahat nang makapasok sa loob ng barangay hall.

"I-double check n'yo lahat ng pinto, kailangan ay naka-lock... pati ang mga bintana!" sigaw ni Mang Ambo.

Hindi pa man sila nagtatagal sa loob ay binulabog na agad sila ng malakas na kalampag sa pinto. Pati ang bubong ay tila kinakayod ng matutulis na bagay.

"Akala n'yo ba ay makalalabas pa kayong lahat d'yan!" sabi ng boses mula sa labas. Kasunod ay ang malakas nitong halakhak na sinabayan pa ng matalim na kidlat at nakabibinging kulog.

Mukhang pumapanig sa kalaban ang panahon. Isang latigo ng kidlat ang tumama sa poste ng ilaw, sapol ang transformer kaya nagliyab ito. Sabay-sabay na nawalan ng ilaw lahat ng kabahayan at tuluyang nilamon ng dilim ang Baryo Mapayapa. Nag-umpisa na ring bumuhos ang malakas na ulan sa buong paligid.

Ano ang naghihintay sa baryo? Ano nga kaya ang gagawin ng grupo ni Antonio para labanan ang mga bangkilan? Sino-sino ang magbubuwis ng buhay para sa kaligtasan ng iba?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top