Chapter 34
Martina
Tuluyang nilamon ng antok si Martina habang nakahiga sa kanyang kama. Nakatulog siya na may luha sa gilid ng mga mata at nakapulupot ang isang pulang rosaryohan sa kanang kamay niya.
Mayamaya ay napabalikwas siya ng bangon. Tagaktak ang pawis sa noo niya at hinahabol ang paghinga.
"I-isang masamang panaginip," bulong niya. Dinampot niya ang isang basong tubig sa ibabaw ng lamesitang nasa gilid ng kaniyang higaan. Sunod-sunod na lagok ang ginawa niya upang maibsan ang panunuyo ng lalamunan at ang bahagyang paninikip ng dibdib niya. Makaraan ang ilang segundo ay unti-unting bumuti ang pakiramdam niya. Inilapag niya ang baso, at saka sinuyod ng tingin ang kabuuan ng kaniyang silid.
Dahan-dahan siyang tumayo at nilapitan ang maliit na eskaparate. Tinitigan niya ang kuwadrong nakapatong sa ibabaw niyon.
Sa larawang iyon ay kompleto pa ang kanyang pamilya, nakaukit ang matatamis na ngiti sa mga labi nila, at bakas ang lubos na kasiyahan sa kanilang mga mata.
Hinaplos niya ang kuwadro at saka iyon ginawaran ng halik. Marahan niya itong dinala sa kanyang dibdib at niyakap nang mahigpit. Tumulo ang luha niya. "Kayo na po ang bahala sa amin, Panginoon. Ipinauubaya ko na po sa 'yo ang lahat—"
Umalingawngaw ang tunog ng nabasag na kung ano mula sa unang palapag ng bahay. Dahil doon ay napapitlag siya at muntik nang mabitiwan ang kuwadro. Biglang bumilis ang kabog ng dibdib niya.
Yakap ang larawan ay unti-unti siyang humakbang patungo sa may pinto. Nanginginig ang kamay niya nang pihitin ang siradura, pagkatapos ay sumilip siya sa kaunting siwang sa pintuan... kadiliman ang unang bumungad sa kanyang mga mata. Napakurap-kurap siya. Nakapatay kasi ang ilaw sa pasilyo maging sa ibaba ng bahay at tanging ang silid lamang niya ang may liwanag.
Ilang minuto ang lumipas, isasarado na sana niya ang pinto nang nakarinig siya ng mga yabag sa ibaba ng bahay. Para bang may nag-uutos sa kaniya na lumabas at tingnan kung sino ang may gawa ng ingay. Nagtatalo ang isip niya. Ayaw niyang lumabas ng silid, ngunit ang mga paa niya ay kusang humakbang palabas... para bang may kumukontrol sa kaniyang katawan na hindi niya maipaliwanag.
Nasa bungad na siya ng hagdanan ngunit wala pa rin siyang lakas upang pigilin ang sarili niyang mga paa. Nag-umpisa siyang humakbang pababa. Napakapit na lamang siya sa malamig na bakal sa gilid ng hagdan.
Pinagala niya ang mga mata nang makarating sa ibaba. Tanging ang liwanag na nagmumula sa poste ng ilaw sa labas ng bahay ang siyang nagbibigay ng kaunting liwanag sa sala. Napasinghap siya nang mapansin ang basag na bintana at ang manipis na kurtinang isinasayaw ng hangin.
Muli na sana siyang papanhik sa itaas nang... nang biglang may tumulo sa kaniyang noo. Natigilan siya, at saglit na nakiramdam. Muli na namang naulit at sa pagkakataong iyon ay pumatak na ito sa gilid ng pisngi niya. Mabilis niyang pinahid ang likido at inamoy-amoy iyon. Malagkit. Mabaho.
Tumingala siya.
"P-paniki..." Halos lumuwa ang mga mata niya nang makita ang maitim na nilalang na nakatiwarik sa kisame. Namumula ang mga mata nitong nakatutok sa kaniya. Bigla itong lumundag sa harapan niya kaya awtomatikong napaurong siya. "'W-wag kang lalapit!" Iniumang niya ang rosaryohang nakapulupot pa rin sa kanang kamay niya.
Hindi siya pinansin ng nilalang. Nagsimula itong humakbang palapit sa kaniya. Patuloy din siya sa pag-urong hanggang sa bumangga ang likod niya sa dingding.
"M-Martina."
"Lumayo ka sa akin, halimaw ka!"
"Martina..."
Itinaas niya ang hawak na kuwadro at akmang ihahampas iyon sa kaharap ngunit natigilan siya. "A-ang boses mo... pamilyar sa akin ang boses mo." Sinuyod niya ito ng tingin. Nawala ang malalapad nitong pakpak, maging ang itim na balahibong bumalot sa buong katawan nito.
Dahil sa liwanag na galing sa labas ay naaninag niya ang mukha nito. Bagama't mahaba ang bigote't balbas nito ay hindi pa rin maitatago ang maamo nitong mukha. Nakatitig ito sa larawang hawak niya.
Agad na nagtubig ang mga mata niya. "C-Carlos, asawa ko—nakauwi ka na..." Humakbang siya palapit dito ngunit mabilis itong lumayo sa kaniya. "Bakit? Ano'ng ginawa nila sa 'yo?"
"'Wag kang lumapit sa akin... hindi ako ang asawa mo—"
"Hindi ako maaaring magkamali. Ikaw 'yan!" Upang makasiguro ay binuksan niya ang ilaw. Nang kumalat ang liwanag ay tumambad sa kaniya ang hitsura ng asawa. Magulo ang ayos nito, marami itong sugat sa katawan, at malaki ang ipinayat nito.
Nasapo niya ang kanyang bibig at saka tuluyang napahagulgol. "Mga hayop sila! Ano'ng ginawa nila sa 'yo?" Sari-saring emosyon ang bumalot sa puso niya nang mga sandaling iyon. Awa para sa kaniyang asawa dahil hindi makatarungan ang sinapit nito. Bakas sa ayos nito ang sobrang hirap na pinagdaanan.
"Mahal ko, makinig ka... umalis ka na. Magtago ka habang kaya ko pang kontrolin ang sarili ko," sabi nito habang bumubukal ang luha sa gilid ng mga mata.
Lumapit siya at walang pag-aalinlangang niyakap ang asawa. "Hindi. Hindi mo alam kung paano akong naghintay na umuwi ka. Ang hirap. H-hindi ko kaya, Carlos." Lalo siyang humagulgol nang maramdaman ang mahigpit na pagtugon nito sa yakap niya.
"Sorry. Nabigo akong iligtas ang anak natin—ayokong pati ikaw ay mapahamak."
"Shsss! Masaya akong bumalik ka. Matutuwa si Papa, pati na rin si Zie."
"Umuwi ang panganay ko? Nasaan siya?" Kumalas ito sa pagkakayakap sa kaniya at nakangiting tumitig sa mga mata niya.
Napayuko siya. Para bang may bumara sa lalamunan niya.
"Nagpunta silang dalawa ni Mattias sa bundok. Sinundan ka ng anak mo—"
"Mackie, anak ko." Napahawak ito sa ulo at kunot-noong binalingan siya. "Sana hindi mo sila pinayagang umakyat doon. Pugad ng mga halimaw ang bundok na iyon!"
"Pero—" Hindi niya naituloy ang sasabihin nang biglang napayuko ang kaniyang asawa at napasigaw ito nang malakas.
"C-Carlos!" sigaw niya nang makitang natumba ito at animo'y namimilipit sa sakit. Humakbang siya palapit dito.
"'Wag! 'Wag mo akong hahawakan!" Itinaas nito ang isang kamay kaya huminto siya sa paghakbang. "M-malapit na sila. Martina, makinig ka... magtago ka na habang may oras ka pa. A-ayaw kitang saktan hanggat nakikilala pa kita. Lagi mo sanang tatandaang mahal na mahal ko kayong lahat—ang pamilya ko! Mahal ko kayo."
"Mahal ka rin namin, Carlos. Pakiusap, lumaban ka. Labanan mo 'yang nararamdaman mo. Tao ka, hindi ka katulad nila." Parang dinudurog nang pinung-pino ang puso niya habang nakikita ang paghihirap ng kaniyang asawa. Pilit nitong nilalabanan ang halimaw na lumulukob sa katauhan nito.
Napadaing ito nang malakas.
"Carlos—"
"U-umalis ka na," anito, kasunod ang malakas nitong sigaw. Unti-unting tumubo ang itim na mga balahibo sa katawan nito.
Napaurong na siya at nagmamadaling tinungo ang hagdan. Ngunit bago pa man siya makarating sa gitna ay nakarinig siya ng huni ng isang uwak. Dumaan ito sa nabasag na bintana at lumipad patungo sa kinaroroonan niya. Nagpaikot-ikot pa ito, kalauna'y dumapo ito sa itaas ng hagdanan.
Nagkaroon ng itim na usok at unti-unti itong kumalat sa itaas ng hagdanan. Nagbago na rin ang anyo ng uwak. Naging isang matandang lalaki ito na ang katawan ay tila sa isang paniki. Ang mga mata nito'y nanlilisik at namumula. Napansin niya ang nagkalat na dugo sa kulubot nitong pisngi.
"Saan ka naman pupunta?" turan nito.
Gusto niyang magtatakbo paalis pero wala siyang lakas. Napahawak na lamang siya sa bakal na nasa gilid ng hagdan. Pinilit niyang igalaw ang nangangatog niyang mga tuhod. Dahan-dahan siyang umurong, hanggang sa bumangga ang katawan niya sa kung saan. Lumingon siya sa kanyang likuran, at ang mukha ng isang halimaw na may matatalas na pangil ang bumulaga sa kaniyang mga mata. Ang mukha nito ay tila namamaga at punong-puno ng maiitim na ugat. Nagbabaga ang mga mata, at tumutulo ang malagkit na laway sa gilid ng bibig nito.
"C-Carlos," bulong niya. Nagsitayuan ang mga balahibo sa batok niya habang nakatitig sa kaharap.
"Kay ganda n'yong pagmasdan. Ikaw pala ang kabiyak niya—sayang naman. Ano kaya ang pakiramdam na mamatay sa kamay ng sariling asawa?" sabi ng matanda. Rinig niya ang dahan-dahang pagbaba nito sa hagdan.
"Wala akong pakialam... kahit sa kamatayan—handa akong samahan siya!"
Hindi niya inasahan ang sumunod na nangyari. Biglang dinakma ng matanda ang leeg niya. "Mabuti naman kung ganoon. Kaya lang... mauuna ka sa kabilang buhay," mahina ngunit mariing sabi nito.
"S-sige lang. A-alam kong doon din naman ang punta ninyo!"
Tumawa ang matanda. Lalo nitong diniinan ang hawak sa leeg niya. Ramdam niya ang pagguhit ng kirot sa kaniyang balat. Samantalang ang kaharap naman niya ay tila natatakam sa masarap na pagkain.
"Sa iyo pala nagmana ang mga anak mo. Matatapang—"
"Nasaan ang mga anak ko? Ano'ng ginawa n'yo sa kanila! Mga demonyo kayo!" Nagpumiglas siya. Nang makawala sa matanda ay sinugod niya ito at pinaghahampas ng hawak niyang kuwadro. Ngunit nang mahawakan nito ang braso niya ay ubod-lakas siyang itinulak. Kasama ng kuwadro ay gumulong-gulong siya pababa ng hagdan.
Namanhid ang buo niyang katawan. Naaninag niya ang malakas na pagtulo ng kaniyang dugo sa malamig na sahig. Sinubukan pa rin niyang bumangon kahit umiikot na ang paningin niya.
"Ikinagagalak kong ipaalam sa iyo na... patay na silang lahat," anito na nakatayo malapit sa paanan niya.
Nanghina siya nang marinig ang sinabi ng matanda. Wala na. Naglaho na ang pinaghuhugutan niya nang lakas. Wala na ang asawa niya, ang mga anak niya. Para ano pa para mabuhay siya?
Tumulo ang masaganang luha niya.
"Patayin n'yo na rin ako! Ano pa bang hinihintay—"
Wala na siyang nagawa nang biglang lumundag sa tabi niya ang kanyang asawa. Ilang saglit lang ay narinig niya ang pagkapunit ng kanyang dibdib. Wala siyang sakit na naramdamam dahil tila namanhid na ang kanyang katawan. Ang nakangising mukha ni Carlos na naging halimaw na ang siyang huling nasilayan niya bago tuluyang lamunin ng dilim ang buong paligid niya.
Ano ang gagawin ni Senior Gustavo ngayong naging isa ng bangkilan si Carlos. Ano kaya ang mangyayari sa pagkikita nila?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top