Chapter 32

Pagkatapos na matalo ang dalawang bangkilan ay agad na lumingon si Mackie kay Mattias. Ngunit sa hindi inaasahan, wala na ito sa puwisto kung saan niya iniwan kanina.

Sa halip, isang bulto ang bumulaga at may tatlong dipa ang layo nito sa kanya. Kung susumahin, siguro'y nasa anim na talampakan ang taas nito sa tantiya niya. Ang mga balahibo sa buong katawan ay tila kasing dilim ng gabi. Nagbabaga ang mga mata nitong nakatitig sa kanya na para bang sinusuri ang kaloob-looban niya—ang kanyang kaluluwa.

Napaurong siya nang dalawang hakbang. Nakita na niya ang nilalang na ito sa loob ng kuweba. Hindi siya maaaring magkamali. Ang taong paniking kaharap niya ngayon ay walang iba kun'di ang pinuno ng mga bangkilan. Samantalang sa magkabilaang gilid naman nito ay nakatayo ang dalawang malaking asong itim na sa tingin niya'y aabot hanggang sa baywang niya ang taas. May malalagong balahibo at medyo may kahabaan ang mga nguso nito. Bahagya pang nakabukas ang mga bibig na para bang ipinakikita sa kanya ang mahahaba nitong pangil. Inangilan siya ng mga ito kaya muli siyang napaurong. Tagilid siya. Mukhang wala siyang laban kapag nagpapalit ng anyo ang mga nilalang na ito. Hindi gumagana ang kapangyarihan ng kwintas na maikubli siya sa paningin ng mga ito.

"Sa wakas... nakaharap ko rin ang taong pumatay kay Damian. Ikaw iyon, tama ba ako?" tanong nito at saka ngumisi nang malapad dahilan para lumabas ang mga pangil nito. Bahagya pa nitong ibinuka ang malalapad na pakpak.

Tunay ngang kakaiba ang taglay nitong lakas. Presinsiya pa lang nito ay pinagpawisan na siya nang malapot. Ngunit hindi siya pasisindak sa halimaw na ito. Naging alerto siya. Hinawakan niya nang mahigpit ang karambit sa kanyang kanang kamay at saka nakipagsukatan ng titig.

"Kasalanan niya kung bakit siya namatay!"

"Pinahahanga mo ako, babae. Matapang ka nga pero... batid ko kung ano ang kahinaan mo—nakikita ko." Sa isang kisapmata ay naglaho ito mula sa kinatatayuan at nang muli itong lumitaw ay nasa harap na ni Mattias. "Walang iba kun'di ang lalaking ito!" anito sabay dakma sa leeg ni Mattias. Nagpumiglas si Mattias pero wala rin itong nagawa dahil hawak-hawak nina Abarran at Faustina ang magkabilang braso nito.

"Bitiwan mo s'ya, tanda! Mahihina lang ba ang kaya ninyo?" sigaw niya. Akmang susugod siya pero biglang lumundag ang dalawang aso sa harapan niya. Sinunggaban siya nito at muntik nang masakmal ang binti niya. Mabuti't nakaiwas siya.

"Makinig ka, Zie, umalis ka na! 'Wag mong itaya ang buhay mo para sa akin. Mas kailangan ka ng mga taga-baryo at ng lolo mo!" sigaw ni Mattias.

Para bang piniga ang puso niya. Kitang-kita niya ang pagsuko sa mga mata ni Mattias. Panay rin ang lingon nito at tila sinusuyod ang madilim na paligid—hinahanap siya.

Nagtatalo ang puso't isip niya dahil may katwiran naman ang sinabi nito. Pero hindi niya kayang basta na lamang itong iwanan sa ganoong sitwasiyon.

"Hindi. Hindi kita iiwanan—"

"Pabigat lang ako sa 'yo—ni hindi ko na maigalaw itong pesteng binti ko! Mas magagawa mo ang misyon kung... kung wala ako. 'Wag kang mag-alala.  Mamamatay akong masaya, basta ipangako mong mananatili kang buhay!"

"Mattias..." Parang may bumara sa lalamunan niya. Magkahalo ang kanyang nadarama. May kakaibang haplos sa puso niya ang mga binitiwan nitong salita. Ngunit sa kabilang banda, para namang pinipiga ang puso niya. Masakit. Tuluyang tumulo ang mga luha niya. Ipinagkanulo niya ang kanyang sarili.

"Tama ako. Ang lalaki ngang ito ang kahinaan mo," turan ng pinuno kasunod ang malakas nitong pagtawa. Nakigaya na rin sina Abarran at Faustina.

"Mga putang-ina n'yo! Anong nakakatawa, ha? Patayin n'yo na 'ko, ano pa'ng hinihintay ninyo?" Muling nagpumiglas si Mattias.

"Tumahimik ka! Kung kaming dalawa lang ang masusunod—kanina pa lumabas iyang bituka mo!" singhal ni Faustina. Binitiwan nito ang braso ni Mattias at saka padabog na sumandal sa sasakyan.

Marahas namang itinulak ni Abarran si Mattias dahilan para mawalan ito ng panimbang at tuluyang bumagsak sa lupa; malapit sa paanan ng pinuno.

Sinuyod nito ng tingin ang kabuuan ni Mattias. "Parang may naaalala ako sa mukha mo..." Pinahid nito ang dugong dumaloy sa pisngi ni Mattias gamit ang kanang hintuturo, pagkatapos ay dinala iyon sa bibig. Ilang segundo itong pumikit bago muling dumilat at saka ngumisi. "Hmmn... isa na namang Suarez. Nagmula sa angkan ni Hector, ang isa sa dalawang taong kinasusuklaman ko nang lubos!"

Nakita niyang ngumisi si Mattias, tumingala ito at pilit inaninag ang nakatayong pinuno. "Mas madali palang magpa-DNA test sa halimaw na tulad n'yo, ano? Instant. Galing."

"Tumahimik ka!" ani Abarran at isang tadyak sa tagiliran ang ibinigay nito kay Mattias. Bumaling ito sa pinuno. "Ano pa bang hinihintay n'yo, Apong? Gigil na gigil na ako sa kutong lupang iyan! Baka nakakalimutan n'yong malaking perwisyo ang ibinigay sa atin ng lalaking iyan!"

"Tahimik! 'Wag mo akong pangunahan, Abarran."

Nanatili siyang nakamasid sa bawat galaw ng mga ito. Naghintay lamang siya nang tamang pagkakataon para kumilos. Hinawakan niya nang mahigpit ang kanyang armas habang pinag-aaralan ang layo at kilos ng mga kalaban.

Nang makakuha ng tamang tiyempo'y matulin siyang tumakbo palapit kay Abarran. Nakatalikod ito sa kanya kaya wala itong kamalay-malay sa pagsugod niya. Halos isang dipa na lang ang layo niya nang bigla namang nakatunog ang dalawang aso kaya pareho itong sumugod sa kanya. Sa paningin niya ay para bang bumagal ang pagkilos ng mga ito. Bago pa man makalapit sa kanya ang isa'y sinalubong na ito ng kanyang kanang paa. Napaigik na lamang ito nang masapul niya sa tagiliran at nagmistulang isang bolang tumilapon sa gilid ng daan. Samantalang ang isa nama'y lumundag nang mas mataas at balak sanang puntiryahin ang kanyang leeg. Bago pa man siya masagpang ay ubod-lakas niyang itinarak sa katawan nito ang hawak niyang patalim. Napuruhan ito sa bandang dibdib kaya bumagsak sa lupa at nangisay.

Ilang sandali lang ay unti-unting huminto ang pangingisay nito, nagsimulang maglaho ang itim at makapal na balahibo. Nagkaroon na rin ito ng mahahabang paa at kamay. Hanggang sa tumambad ang duguan at walang saplot na katawan ng isang may edad na lalaki. 

"Ano'ng nangyari?" ani Faustina at saka tumakbo palapit sa nakabulagtang lalaki. "I-Itang! Itang!" sigaw nito sabay luhod, niyakap ang lalaki, at saka humagulgol nang malakas.

Hindi siya natinag sa kanyang kinatatayuan. Mariin niyang tinitigan si Faustina. Tandaan mo ang araw na 'to, Mondragon! Sa susunod na pagkikita natin... titiyakin kong mamamatay ka sa mga kamay ko! Umalingawngaw sa isip niya ang sinabi nito noon.

Nagngangalit ang kanyang mga bagang habang matalim na nakatitig kay Faustina. Umiiyak pa rin ito at parang wala sa sarili.

Malalaki ang kanyang mga hakbang palapit sa likuran nito. Nang makalapit siya ay marahas niyang hinablot ang makapal nitong buhok at hinila iyon paitaas. Idinikit niya ang hawak na patalim sa leeg nito. "Ikaw ang mamamatay sa mga kamay ko, Faustina!"

"M-Mondragon—"

"Ako nga... at tatapusin na kita!" Walang awa niya itong ginilitan, ni hindi na nito nagawang magprotista pa. Napahawak na lamang ito sa leeg nang bumulwak ang dugo mula sa sugat nito. Hindi pa siya nakontento't sinaksak niya ito nang dalawang beses sa gawing likuran. Napaliyad ito. Ilang sandali lang ay bumagsak ang katawan nito sa ibabaw ng bangkay ng lalaki at doon tuluyang nalagutan ng hininga.

"Faustina... Itang!" sigaw ni Abarran. Palakad-lakad lamang ito at hindi makalapit sa kinaroroonan ng kapatid at ama. "Putang-ina, magpakita ka!" dagdag pa nito. Napasabunot na lamang ito sa sariling buhok, at saka sumigaw nang malakas habang nakatingala sa langit. Halos maputol na ang litid sa leeg nito.

"Walang hiya kang babae ka! Una, si Damian, ngayon naman ang apo ko, at si Claudio!" sigaw ng pinuno. Nagbabaga ang mga mata nito at dinuro pa siya.

"Kung hindi kayo bumaba rito, buhay pa sana ang mga kauri mong halimaw! Sisihin mo 'yang sarili mo, 'wag ako!"

"Subukan mong lumapit!" Hinatak nito ang braso ni Abarran at iginiya patungo sa likuran nito, pagkatapos ay dinakma ang buhok ni Mattias na kasalukuyang nakadapa sa lupa.

Huminto siya sa akmang pagsugod. "Bitiwan mo s'ya. Ako ang harapin mo dahil hindi ako natatakot sa 'yo!"

"Ang tapang mo, ah. Tingnan ko lang kung hanggang saan 'yang tapang mo!" Dinakma nito ang magkabilang balikat ni Mattias at marahas itong hinila pataas nang walang kahirap-hirap. Nang maitayo ang katawan ni Mattias ay agad itong ipinaloob sa malalapad nitong pakpak.

"Mattias!"

"U-Umalis ka na, Zie! Alis na!"

"Hayaan mong makita niya kung ano ang gagawin ko sa 'yo, Suarez," sabi ng pinuno at saka marahas na kinabig ang mukha ni Mattias paharap dito.

"Mattias! Mattias!" Animo'y tinatambol ang dibdib niya. Naturingan siyang may agimat, ngunit sa pagkakataong ito'y wala man lang siyang magawa para tulungan si Mattias. "Mattias!" Nanlumo siya nang makitang nakatulala lang ito at hindi pinapansin ang pagtawag niya. "Pakawalan mo s'ya! Pakiusap..."

Hindi niya magawang sumugod dahil nagpalit ng anyo si Abarran, katulad ng pinuno ay naging taong paniki na rin ito. May apat pang malalaking aso ang sumulpot sa likuran ng mga ito. Ang mga iyon ay pawang nagmamasid at tila naghihintay lamang nang pagkakataon para atakehin siya.

Kahit malamig ang hangin ay tagaktak na ang pawis niya. Para bang nakabitin sa ere ang kanyang paghinga habang nakatuon sa pinuno at kay Mattias ang paningin niya.

"Pakiusap ba kamo?" Pinukol siya nang nanlilisik nitong mga mata. "Sa dami ng atraso ninyo—lalo ka na... wala nang pakipakiusap!" Biglang bumuka ang bibig nito at lalo pang humaba ang matutulis na ngipin. Sa isang kisapmata lang ay walang habas nitong sinagpang ang leeg ni Mattias.

"Mattias!" sigaw niya. Tuluyang bumigay ang mga tuhod niya. Para bang hinugot ang lahat ng lakas niya kaya pabagsak siyang napaupo sa lupa. Kusang nalaglag ang mga luha niya. Makaraan ang ilang minuto ay bumagsak ang lupaypay na katawan ni Mattias. "Napakasama mo! Wala kang awa!"

Ngumisi ang pinuno at pinunas ang dugong tumulo sa gilid ng bibig nito. "Damhin mo ang pait ng aking paghihiganti! Uubusin ko ang lahi ninyo. Wala akong ititira. Lahat ng dugong nagmula sa Tribong Sighay ay mamamatay!"

"Hindi kayo magtatagumpay!"

"Tingnan na lang natin..." Lumingon ito kay Abarran. "Ikaw na ang bahala sa babaeng 'yan. Gawin mo kung ano ang gusto mo."

"Masusunod, Apong Flavian."

Lumingon sa kanya ang pinuno at saka ngumisi, pagkatapos ay ibinuka nito ang mga pakpak at saka tumalon paitaas. Naikuyom niya nang mahigpit ang kanyang mga kamay habang sinusundan ng tingin ang mabilis nitong paglipad sa himpapawid.

"Hala! Sugurin siya!" sigaw ni Abarran.

Mabilis niyang pinahid ang luha sa kanyang pisngi. Tumayo siya at saka tinapunan ng tingin ang katawan ni Mattias. Patawad, Matty. Hindi man lang kita nailigtas. Pero pangako... mananatili akong buhay, pangako 'yan. Muling bumukal ang butil ng luha sa kanyang mga mata. Pinunas niya iyon kasabay ng kanyang pagtalikod at saka kumaripas ng takbo paalis sa lugar na iyon.

Ano ang naghihintay kay Mackie? Matupad kaya niya ang pangako kay Mattias? May daratnan pa kaya siyang buhay sa Baryo Mapayapa?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top