Chapter 31

Unti-unti binalot ng dilim ang buong paligid. Nagsimula na rin ang ingay ng mga kuliglig at mga ibong nakadapo sa sanga ng mga puno.

"Kaunti na lang. Malapit na tayo sa kalsada," aniya habang inaalalayan si Mattias. Hindi sila puwedeng huminto kahit na tagaktak ang pawis at kapwa hinahabol ang paghinga. "Kaya mo pa?"

Mahinang tumawa si Mattias. "Kaya pa. Tigasin yata 'to!" anito. Bigla itong natisod, mabuti't nahila niya ang braso nito kaya hindi ito tuluyang sumubsob sa lupa.

"Tigasin pala, ha? Itulak na lang kaya kita para mapabilis tayo."

"Kaya mo ba?" Ngumisi ito.

Napailing na lang siya at lihim na napangiti.

Pagkatapos nang mahigit kinse minutos, narating nila ang paanan ng bundok.

Nang nasa gilid na sila ng kalsada ay agad siyang napahawak sa kanyang mga tuhod. Sunod-sunod ang paghinga niya nang malalim. "Sa wakas, nakababa rin tayo," aniya.

"Oo nga. Pero... kailangan nating makaalis agad dito," sagot ni Mattias.

Nilingon niya ang kaibigan at nakitang seryoso ito, kaya't sinundan niya ng tingin kung ano ang tinatanaw nito.

"Tama ka." Nagsitayuan ang mga balahibo sa katawan niya habang nakatitig siya sa bilog na buwan. Hindi pangkaraniwan ang kulay nito na animo'y nabahiran ng dugo. Mayroon pang maitim na ulap na unti-unting tumatakip sa buwan.

"Tara na." Bigla siyang hinatak ni Mattias patungo sa sasakyan ng ama nitong hanggang ngayon ay naroon pa rin sa gilid ng daan. Malaki ang mga hakbang nito kahit na paika-ika sa paglalakad. Ilang beses nitong hinatak ang pinto ng sasakyan pero hindi ito mabuksan.

"Ito... baka makatulong para mabuksan 'yan," aniya sabay abot sa batong dinampot niya. "Kung ayaw mo, maglakad na lang tayo—" Napapitlag siya nang nabasag ang salaming bintana ng sasakyan.

"Ang dami mong sinasabi. Bilis! Pasok sa loob!" anito nang mabuksan ang pinto. Initsa nito ang dalang backpack sa loob ng sasakyan.

Inirapan niya ito. Sa halip na magsalita ay sumunod na lamang siya, samantalang ito nama'y may kinutingting sa ilalim ng manibela.

Kinuha niya ang flashlight sa bag at ginamit iyon para matulungan si Mattias. Hindi kasi sapat ang liwanag sa loob ng sasakyan.

"Kaya mo bang paganahin 'yan?" aniya habang nakatingin sa labas ng bintana. Parang may narinig kasi siyang ingay mula sa kakahuyan.

"Nakalimutan mo yatang Mechanical Engineering ang tinapos ko," anito habang tuloy lang sa ginagawa.

"Yabang. Bilisan mo na!"

Makaraan ang ilang minuto ay matagumpay nga nitong binuhay ang makina. "Kitam? Wala kang bilib sa 'kin, eh!" Ngumisi pa ito sa kanya habang pinapaikot ang manibela.

Pinaikot niya ang kanyang mga mata. "Oo na. Bilib na 'ko kahit puro kahanginan ang alam mo."

Tumawa lang ito nang mahina.

Sa wakas, nakaalis din sila sa lugar na iyon. Mahigit dalawang oras din ang biyahe bago sila makarating sa Baryo Mapayapa.

Pasado alas-siyete nang gabi nang tingnan niya ang kanyang relong pambisig. Halos nasa kalahatian na rin sila ng biyahe nang biglang bumigat ang suot niyang kuwentas. Agad siyang lumingon sa labas ng sasakyan; tuluyang binalot ng maitim na ulap ang bilog na buwan, dahilan para mas lalong dumilim ang buong paligid. Ang liwanag mula sa  headlights ng sasakyan ang siyang  nagbigay liwanag sa kanilang dinaraanan.

"Kaunting bilis pa, Matty. May nararamdaman akong panganib!" Dinampot niya ang kanyang mga armas, at saka siya naging alerto. Bumilis naman ang pagpapatakbo ni Mattias.

Mayamaya'y may bumagsak na kung ano sa bubungan dahilan para umalog ang sinasakyan nila.

Nagkatinginan sila ni Mattias.
"Nalintikan na! Narito na sila!" bulalas nito.

"Mag-drive ka lang. Ako'ng bahala sa kanila!" Naging malikot ang kanyang mga mata habang hawak nang mahigpit ang kanyang patalim. Tinanggal na rin niya ang suot na seatbelt, nang sa ganoon ay malaya siyang makagagalaw. Lumipat siya sa backseat at saka sumilip sa labas pero wala siyang nakitang kakaiba maliban sa masangsang na amoy na hindi niya alam kung saan nagmumula.

"Bwisit! Tang-inang hinayupak!" sigaw ni Mattias. Gumiwang ang sasakyan at tumilapon siya sa kabilang gilid. Napangiwi siya nang tumama sa gilid ng bintana ang ulo niya, pakiramdam niya'y naalog ang kanyang utak. Ganoon pa man, pinilit niyang bumangon at nilingon ang kaibigan. Nanlaki ang kanyang mga mata nang masilayan ang lalaking nakasilip sa bintana. Nakadapa ito sa bubungan, nanlilisik ang mapupulang mga mata't nakabukas ang bibig habang pilit na hinihila ang braso ni Mattias.

Balewala ang lakas ni Mattias kung ikukumpara sa halimaw na iyon. Kailangan niya itong tulungan bago pa ito mabalian ng braso. Mabilis siyang dumukwang at saka binunot ang baril na nakasukbit sa tagiliran ni Mattias. Hindi siya nagdalawang-isip, agad niyang inasinta ang ulo ng lalaki pero sa kasamaang palad—nakaiwas ito. Hanggang sa sunod-sunod niyang pinaulanan ng bala ang bubungan ng sasakyan. Wala siyang pakialam kahit na magkabutas-butas iyon basta ang mahalaga'y mailigtas niya ang kanyang kaibigan.

Napadaing ang lalaki at nabitiwan nito ang braso ni Mattias. Ngunit nanatili itong nakakapit sa gilid ng bintana.

"Kumapit ka nang mabuti—tuturuan ko ng leksyon ang isang 'to!" ani Mattias, saglit itong lumingon sa kanya. Tumango siya at mahigpit na kumapit sa sandalan ng upuan.

Biglang nagpreno si Mattias, kasunod ay ang pagtilapon ng lalaki sa unahan at nagpagulong-gulong pa ito sa gitna ng kalsada. "Patay ka ngayon, animal ka!" Muling pinaharurot ni Mattias ang sasakyan. Animo'y dumaan sila sa lubak nang araruhin ng gulong ang katawan ng bangkilan.

Lumapit siya sa likod at tinanaw ang lalaki. Sigurado siyang nabasag ang ulo nito; nagmistulang pinitpit na tubo at lumabas ang katas.

"Bwisit na 'yon. Gano'n din ang mangyayari sa susunod na aatake sa 'tin. Malas lang nila!" anito at saka tumawa nang mahina. Napailing na lamang siya sa asal ng binata. Nawala na ang takot nito. Nakahanda na rin itong lumaban nang sabayan.

Nanatili siyang nakatanaw sa katawan ng bangkilan. Habang palayo sila ay unti-unti itong lumiliit sa paningin niya. Ngunit...

"Naloko na!"

"Bakit, Zie, may problema ba?" rinig niyang tanong ni Mattias. "Anong meron?"

"Hinahabol nila tayo!"

"Animal. Ang bilis ng resbak, ah!

Pinagpawisan siya nang malapot habang nakatanaw sa mga bangkilang mabilis na tumatakbo't nakabuntot sa kanila. Bigla na lang sumulpot ang mga ito mula sa kung saan. Nakilala niya ang dalawa sa mga ito... walang iba kun'di sina Abarran at Faustina!

"Ano'ng gagawin natin?"

Humugot siya nang malalim na paghinga. "Basta mag-focus ka lang sa pagmamaneho!" Lumingon siya kay Mattias. Napansin niyang may mahahaba itong kalmot sa braso. "Sigurado kang okay ka lang?"

"Okay lang ako." Binilisan nito ang pagpapatakbo. Mabuti't wala silang nakakasalubong na traysikel patungo sa kabilang baryo. Sabagay, pagpatak ng ala-saes ng gabi ay bibihira na lang ang bumabyahe sa lugar na iyon. Maliban na lang kung mayroong emergency at kailangang pumunta sa bayan.

Muli siyang lumingon sa likod. Nagkaroon sila nang sapat na distansiya pero naroon pa rin ang mga humahabol sa kanila.

Mayamaya'y may narinig siyang parang may pumutok, pagkatapos ay nagpagiwang-giwang ang takbo ng sasakyan bago ito bumangga sa kung saan. Dahil sa bilis ng pangyayari, hindi na niya alam kung saan tumama ang katawan niya. Kumikirot ang likod niya pati ang kaniyang ulo. Parang umiikot ang paligid niya pero sinubukan niyang gumapang patungo sa puwesto ni Mattias.

"M-Mattias... " Ibinangon niya ang ulo nitong nakapatong sa ibabaw ng manibela. "Gumising ka, Mattias!" Tinapik-tapik niya ang pisngi nito pero nanatili itong hindi gumagalaw. Nagkaroon ito nang sugat sa noo at patuloy ang pagdurugo niyon. "Jesus, iligtas n'yo po ang kaibigan ko... please lang po," aniya habang  tinatanggal ang seatbelt nito; pagkatapos ay hinila niya ito palabas ng sasakyan.

Pinasadahan niya ng tingin ang buong paligid. Sa kasamaang palad, wasak ang unahang bahagi ng sasakyan dahil bumangga ito sa malaking puno ng acacia sa gilid ng daan. Natanggal ang isang gulong nito dahilan para mawalan ito ng kontrol. May kalumaan na rin kasi ang kotseng iyon kaya't hindi na kinaya ang mabilis na pagtakbo. Lalo pa't hindi simentado ang kalsada at marami pang lubak.

Binuksan niya ang pinto sa passenger
seat at saka hinagilap ang sinturon kung saan nakasabit ang kanyang mga armas. Nang makuha ay isinabit niya iyon sa kanyang baywang.

Muli niyang ibinalik ang atensiyon kay Mattias; wala pa rin itong malay. Pinaupo niya ito sa lupa at saka isinandal ang katawan nito sa gilid ng sasakyan. Nilakasan niya ang paghampas sa magkabilaang balikat nito. Tila wala namang epekto ang ginawa niya kaya muli niyang pinakinggan ang dibdib ng kaibigan. May pulso naman ito kaya kahit paano'y nakahinga siya nang maluwag. Gustuhin man niyang isugod ito sa ospital, ngunit sa kalagayan nila ay tila malabong mangyari iyon. Hindi rin naman niya puwedeng basta na lamang itong iwanan doon.

Mag-isip ka, Mackie! Kailangang may gawin ka!

May nakapa siya sa loob ng kanyang bulsa. Dinukot niya ang botilyang ginamit nila para hindi sila maamoy ng mga bangkilan. Binabaran ng pinaghalo-halong halamang-gamot at dinikdik na bawang ang langis sa loob ng botilya. Baka sakaling makatulong iyon. Mabilis niya itong binuksan at saka itinapat sa ilong ni Mattias. Mayamaya ay gumalaw ang ulo nito, suminghot-singhot, pagkatapos ay bigla itong dumilat.

"A-Anak ng... anong nangyari?" Napahawak ito sa ulo at saka kumurap-kurap. "Bakit wala akong makita? Nasaan tayo?" ani Mattias at kinapa ang kamay niya. Mukhang wala pa ito sa huwisyo.

"Mabuti't nagkamalay ka na. Una, natanggalan lang naman ng gulong itong kotse ng papa mo kaya naibangga mo. Pangalawa, gabi kasi... madilim ang buong paligid kaya wala kang makita. Panghuli, nasa—" Naputol ang sasabihin niya nang may kumalabog sa kabilang gilid ng sasakyan. Sabay pa silang napapitlag ni Mattias. "'Wag kang maingay... narito na sila," bulong niya. Hinugot niya sa kan'yang tagiliran ang isang patalim na may isang pulgada ang haba. Hinawakan niya iyon nang mahigpit at saka inihanda ang kan'yang sarili.

"Walang laman! Natakasan na naman tayo!" sabi ng isang pamilyar na boses ng lalaki, kasunod ang pabalibag na pagsara ng pinto ng kotse.

"Hindi pa sila nakalalayo—halughugin n'yo ang buong paligid!"  Kahit hindi niya tingnan, sigurado siyang si Faustina ang nagsalita.

Naghiwa-hiwalay ang mga kasama nito pero unti-unting lumalapit sa kinaroroonan nila ang dalawang lalaki. Mga wala itong damit pang-itaas at kapirasong lumang tela lamang ang tumatakip sa maseselang parte ng mga katawan nito. Panay ang singhot ng dalawa na para bang may inaamoy-amoy ang mga ito. Kaunti na lang. Tatlong hakbang. Dalawang hakbang. Hanggang nasa tapat na nila ang lalaki, samantalang ang isa pa'y dumistansiya nang kaunti.

Pigil ang kanyang paghinga. Marahil ay ganoon din si Mattias. Naaaninag naman siguro nito ang mga nangyayari dahil bahagya itong dumikit sa kaniya ngunit nanatili silang nakasandal sa tagiliran ng sasakyan. Pinisil niya ang kamay nito. Pagkatapos ay sabay silang tumayo nang dahan-dahan. Pasalamat siya dahil pinuprotektahan na naman sila ng suot niyang kuwintas. Ikinukubli na naman sila nito para hindi makita ng mga bangkilan.

Nakatutok ang mga mata niya sa bawat galaw ng lalaking nasa  harapan nila. Patuloy pa rin ito sa pag-amoy-amoy sa hangin. Pero ilang sandali lang ay natigilan ito, ngumisi  habang nakatingin sa ibaba. Sinundan niya ng tingin kung ano ang dahilan at bigla itong natuwa.

Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang dugong tumulo sa lupa. Galing iyon sa sugatang braso ni Mattias at hindi iyon naikubli ng kuwintas. Muli niyang ibinalik ang tingin sa lalaki. Naging kulay dugo na ang mga mata nito, lumabas na rin ang mga pangil, at unti-unting lumilitaw ang mga balahibo sa katawan nito. Delikado ang lagay nila kung sakaling tuluyang makapagpalit ng anyo ang lalaki. Kailangan niya itong unahan bago pa maging huli ang lahat.

Hindi na siya nagsayang ng oras. Binitiwan niya ang kamay ni Mattias at saka niya hinugot sa salungan ang karambit na nakasabit sa kanyang suot na sinturon. Yumuko siya, idinikit sa lupa ang dulo ng patalim, at saka gumuhit ng hugis krus. Pagkatapos ay sinugod niya ang lalaki at ubod-lakas na itinarak ang  patalim sa dibdib nito. Napaliyad ito at napadaing, dahilan para maagaw ang pansin ng kasama nito. Muli niya itong inundayan nang saksak sa katawan. Wala na itong buhay nang bumagsak sa lupa.

"Mga kasama, narito sila!" Nagpalipat-lipat ang tingin ng lalaki sa kasama nitong nakahandusay sa lupa at kay Mattias. "Narito sila!"

Akmang lalapitan nito si Mattias pero sinalubong ito nang lumilipad niyang tadyak. Tinamaan ito sa sikmura at napaurong nang dalawang hakbang. Hindi niya ito nagawang patumbahin.

"Magpakita ka! Lumabas ka!" anito habang nakahawak sa sikmura ang isang kamay, ang isa nama'y  iwinasiwas sa hangin. Pilit nitong hinanap kung nasaan siya.

"Ano ako, tanga?" bulong niya. Nang makakuha siya ng tiyempo'y muli niya itong tinadyakan sa tagiliran. Gumiwang ito bago bumagsak sa lupa. Babangon sana ito pero mabilis niyang dinakma ang buhok nito at hinila iyon pataas. "Mamatay ka na!" aniya at walang awang ginilitan ito. Parang tubig sa gripo ang dugong sumirit sa leeg nito. Sinubukan pa nitong abutin siya pero nabigo ito. Pinagmasdan niya ito habang nangingisay na para bang ginilitang manok. Para masigurong hindi na ito mabubuhay pa ay itinarak niya ang patalim—sakto sa puso nito. Pinahid niya ang dugong tumalsik sa kan'yang pisngi at pagkatapos ay lumingon siya kay Mattias. Ngunit... natigilan siya.

"M-Mattias!"

Ano ang nakita ni Mackie? May nangyari na naman kaya kay Mattias? Ano ang susunod na mangyayari.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top