Chapter 3

Mackenzie


Pagkatapos na mailigpit ang mga dalang gamit ay lumabas ng silid si MacKenzie. Pababa pa lang siya sa hagdan ay narinig na niya ang boses ng lolo at kanyang ina. Kararating lang siguro ng mama niyang si Martina Mondragon na siyang kapitana sa baryo nila.

"Ano? Nasabihan mo na ba silang lahat?" tanong ng lolo niya. "Malaking suliranin ito kaya kailangan na nating maging handa."

"Hindi pa po, pang. Mamaya ay pupulungin ko ang lahat ng tanod sa barangay," sagot ng kanyang ina.

Sumilip siya sa bungad ng kusina. Abala sa paghahanda ng pagkain sa lamesa ang kanyang ina. Samantalang ang Lolo Gustavo niya ay nakaupo sa paborito nitong puwesto, sa upuang nasa dulong bahagi ng mahabang hapag. Animo'y isa itong hari at kampanteng nakaupo sa trono, ang tungkod nito ay nakasabit sa sandalan ng upuan.

Tumigil ang mama niya sa pag-aayos ng hapag nang mapansin nitong nakatayo siya sa may pintuan. Bigla itong ngumiti nang malapad, umaliwalas ang maamong mukha at kahit medyo matanda na ay bakas pa rin ang tinataglay na kagandahang pisikal.

"Zie, nandito ka na. Naku! Salamat sa Diyos at umuwi ka."

Lumapit siya sa ina at saka niyakap nang mahigpit, ito lang ang tanging tumatawag sa kanya ng Zie, mukha raw kasing lalaki kapag Mackie lang. Lumingon siya sa kanyang lolo na nakatingin din sa kanila, ngumiti ito nang magtama ang tingin nila.

"I miss you, ma. Hindi ba sinabi ni Lolo na dumating ako?"

Tumawa ang lolo niya. "Hindi ko talaga sinabi para masorpresa ang mama mo. Nang sa gano'n ay mabawasan naman ang problema n'ya."

Sabagay tama naman ang kanyang lolo. Masarap nga sa pakiramdam na nakita niyang nasurpresa ang ina.

Kahit paano ay sumaya ito sa kabila ng mga problemang kinakaharap ng kanilang pamilya. Muli na naman niyang naalala ang ama at kapatid. Lilima na nga lang sila sa angkan ng mga Mondragon, nabawasan pa sila ng dalawa. Ang mga kamag-anak nila ay malalayo naman, karamihan ay nasa ibang bansa naninirahan.

"Anak, maupo ka rito para makakain na tayo. 'Wag kang malungkot, may awa ang Panginoon. Malay natin, isang araw uuwi rin ang papa at kapatid mo." Humahanga rin siya sa katatagan ng kanyang ina, kahit marami silang suliranin ay nakikita niyang malakas ito. Para itong isang mandirigmang hindi basta susuko sa laban.

Umupo siya sa upuang hinila ng kanyang ina. Nang lumingon siya sa gawi ng kanyang lolo ay nahuli niyang umiling-iling ito. Mukhang hindi kumbinsido sa ideyang buhay pa ang ama at kapatid niya.

Ano kaya ang alam ni Lolo na hindi ko alam?

Base kasi sa itsura nito, mukhang may alam ito sa lahat ng mga nangyayari.

"Ano po ba sa tingin n'yo ang nangyari sa kanila, abuelo?"

"Mamaya ko na sasagutin 'yan, hija. Sa ngayon ay kumain na muna tayo." Nagsandok ito ng pagkain, halatang umiwas na sagutin ang tanong niya. Mas lalo tuloy siyang nagduda.

Pinagsandok siya ng pagkain ng ina. Pinuno nito ng kanin at ulam ang plato niya. Na-miss niya 'yong ganitong paraan ng paglalambing ng kanyang mama. Mahigit tatlong taon din na hindi niya ito nakasama.

"Ubusin mo 'to, anak, masarap ang luto ni Aling Martha." Napangiti siya dahil natatandaan pa niya si Aling Martha, iyong mabait na matanda na may ari ng karinderya malapit sa barangay hall. "Kung alam ko lang na darating ka, sana'y nakauwi ako agad at naipagluto kita ng paborito mong papaitan."

"Okay lang po. Isang buwan naman ang bakasyon ko kaya marami kayong oras para lutuin lahat ng paborito ko." Tumawa siya.

Habang kumakain sila ay biglang naalala niya ang nakita kaninang umaga. Napahinto siya sa marahang pagnguya. Kinuha niya ang isang basong tubig at uminom dahil gustong bumaliktad ng kanyang sikmura.

"'Ma, ano po ba ang nangyayari dito sa Baryo Mapayapa? Bakit may pinatay? Nakita ko kaninang umaga sa may arko, may natagpuang bangkay roon."

Lumingon ang ina niya sa kanyang abuelo at ilang sandali na parang nag-usap ang mga mata ng dalawa. Ibinaba nito ang hawak na kutsara bago lumingon sa kanya.

"Maraming 'di pangkaraniwang pangyayari sa baryo natin, anak. Sinabihan ko na ang mga tao rito; pinag-iingat ko sila lalo na pagsapit ng gabi," anito.

Lalo siyang napaisip. Dito na siya lumaki pero wala naman siyang nabalitaan noon na may mga addict sa lugar nila. Kaya nga tinawag itong Baryo Mapayapa, dahil literal na mapayapa sa kanilang lugar. Maliban lang sa mga kwento-kwento ng matatanda tungkol sa bundok ng Balbaruka. Ayon dito, hindi na raw nakababalik ang sinumang umakyat sa bundok na iyon.

Akala niya noon ay isa lamang itong kuwentong barbero, haka-haka lamang. Ngunit ngayon ay naniniwala na siya dahil sa nangyari kina Allison at Matt. Hindi na nakabalik ang mga ito matapos umakyat doon. Maging ang kanyang ama at mga kasama nitong naghanap sa kapatid ay hindi na rin bumalik. Lalo tuloy siyang nagkaroon ng interes para alamin kung ano nga ba ang nasa likod ng mga kaganapang iyon?

"Sino kaya ang may gawa no'n? Nakakatakot naman... mukhang may serial killer na gumagala rito sa atin. Kailangan mahuli siya dahil kawawa naman 'yong iba pang mabibiktima n'ya!"

Tumikhim ang matanda dahilan para mabaling ang atensyon nila rito. "Hindi lang 'yon basta serial killer, hija. Sa palagay ko'y may mas malalim pa itong dahilan. Ilan na rin ang nabiktima, at talagang mamamayan ng Baryo Mapayapa ang puntirya nila."

"Nila? Ibig sabihin marami sila?"

"Hindi natin alam. Baka marami sila," sagot ng mama niya.

Napakunot-noo siya. Hindi niya maintindihan kung bakit ayaw pang sabihin sa kanya.

Masyadong pabitin ang dalawang ito.

Natapos ang pananghalian, nagtungo ang lolo niya sa kuwarto nito na nasa dulong bahagi sa ikalawang palapag ng bahay. Nagpaalam naman sa kanya ang ina na muli itong babalik sa barangay hall. Pupulungin pa raw nito ang mga tanod na magrurunda mamayang gabi.

Siya ang naiwan sa kusina para magligpit ng mga pinagkainan. Habang naghuhugas ng pinggan ay naalala niya ang kapatid.

Noong mga bata pa sila, ito ang madalas nilang pag-awayan ni Allison. Ayaw na ayaw kasi nitong maghugas ng pinggan. Lagi itong nakababasag, kaya kadalasa'y nagagalit ang lola nila noong nabubuhay pa ito.

Nang matapos sa ginagawa ay nagtungo siya sa sariling silid. Umupo siya sa tabi ng malaking bintana at saka dumungaw roon. Pinagmasdan niya ang mga kabahayan. Mukhang napag-iiwanan na itong baryo nila. Wala pa ring pinagbago ang karamihan sa mga bahay roon: gawa pa rin sa sawali, kahoy, at nipa ang mga tirahan. Maliban lang sa iba na nakapagpatayo na rin ng bungalow. Nasa liblib na lugar ang Baryo Mapayapa, mahigit tatlong oras ang bubunuin bago makarating sa bayan.

Abot-tanaw rin niya ang Mt. Balbaruka, medyo may kataasan ito at halos ilang kilometro lang ang layo sa kanilang baryo. Ang bundok na pinangingilagan ng mga tao sa lugar nila, maging ng mga kalapit na baryo.

Marami ang nais tuklasin kung totoo nga ba ang misteryo sa bundok na iyon, isa na nga roon ang kapatid niya.

Alam niyang hindi naman nagkulang ng pangaral ang kanyang ama kay Allison. Maging ang kanyang lolo ay mahigpit na ipinagbawal ang pagpunta roon. Sadyang pasaway lang talaga ito. Para itong ibon na sa tuwing hihigpitan mo ang hawak ay lalo namang nag-uumalpas. Isa iyon sa ugali ni Allison, sa sobrang mapanaliksik sa mga bagay-bagay ay naging matigas ang ulo. Pero kahit ganoon ay mahal na mahal niya ito.

Umihip ang sariwang hangin galing sa labas ng bintana, banayad iyong dumampi sa kanyang balat. Bigla siyang napatingin sa relong pambisig, mag-aalas dos pa lang ng hapon pero malamig na ang simoy ng hangin kahit mainit naman ang sikat ng araw sa labas.

Wala siyang narinig na ingay mula sa mga kapitbahay nila. Marahil ay natutulog ang mga ito, gano'n naman sa probinsya. Madalas tulog sa tanghali ang karamihan, maging siya ay parang bumibigat na ang talukap. Bigla siyang humikab, kaya nagtubig ang kanyang mga mata ngunit may nahagip ang kanyang paningin.

Inilibot niya ang paningin sa ibaba ng bahay dahil may napansin siyang kakaiba. Dumako ang tingin niya sa tabi ng malaking punong Narra sa gilid ng kanilang bakuran. Hindi nga siya nagkamali. May babaeng nakatayo roon at nakatanaw sa kanya. Lagpas balikat ang tuwid na buhok nito, ang laylayan ng bulaklaking bestida na suot ay inililipad ng hangin.

Nang makilala ang babae ay agad siyang tumayo at napakapit sa hamba ng bintana. Gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi.

"A-Allison... kapatid ko!"

Nagmadali siyang tumakbo palabas ng kanyang kuwarto, halos liparin niya ang pagbaba sa hagdan. Nang makarating sa harap ng bahay ay tinanaw niya ang kinaroroonan nito.

Unti-unting naglaho ang ngiti sa mga labi niya nang walang makitang Allison sa gilid ng Narra.

Nasaan na 'yon? Dito ko lang siya nakita, e!

Muling umihip ang malamig na hangin. Ang mga tuyong dahon ng Narra ay nagsilaglagan sa paligid kasama ng mga kulay dilaw na bulaklak.

Ang tagpong ito ay nangyari na noong mga bata pa sila ni Allison. Ibinuka niya ang mga palad, ilang sandali lang ay kusang bumagsak doon ang maliliit na bulaklak. Kasing bilis ng baha ang pagragasa ng mga alaala sa kanyang isipan.

"Ang ganda naman nito, Ate Mackie. Unahan tayo sa pagsalo sa mga bulaklak." Tuwang-tuwa si Allison habang nakatingala sa puno ng Narra.

Sampung taon lamang ito at labing-dalawang taong gulang naman siya noong una silang maglaro nito.

"Sige ba! Paramihan tayo, ha?"

Pinahid niya ang tumulong luha sa kanyang mga mata.

"A-Allison. . ."

Dahan-dahang tumayo ang mga balahibo niya sa katawan. Tirik naman ang araw pero nilalamig siya.

Multo ba 'yong nakita ko?

Sino ang nakita ni MacKenzie? Buhay nga kaya si Allison? O multo na lang ito at may ibig ipahiwatig sa kanyang ate?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top