Chapter 29
Mahigit bente minutos nang nagpapalutang-lutang at sumasabay sa agos si MackenZie, ngunit hindi pa rin niya makita si Mattias. Halos limang dipa lang naman kung susukatin ang lawak ng ilog kaya hindi siya nahirapang suyurin ang tagiliran nito.
Mayamaya ay nakahinga siya nang maluwag. Mula sa unahan ay may natanaw siyang liwanag. Sinag iyon ng araw at habang palapit siya ay lalong lumalawak ang sakop nito. Napangiti siya habang pinagmamasdan ang kulay berdeng lumot na nakalatag sa mga dambuhalang bato.
Agad siyang sinalubong ng preskong hangin kaya naman kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya. Idagdag pa ang huni ng mga ibon na malayang naglalaro sa ibabaw ng malalaking bato, at ang iba naman ay nagpapalipat-lipat sa malalaking sanga ng puno na nakatayo malapit sa gilid ng ilog. Tuluyan na nga siyang nakalabas sa amoy kulob na kuwebang iyon.
Mabilis ding nawala ang ngiti sa mga labi niya nang biglang lumakas ang agos ng tubig. Nang muling ituon ang tingin sa unahan ay nanlaki ang mga mata niya.
Peste! Lumangoy ka papunta sa gilid, Mackie!
Ilang dipa na lang ay mararating na niya ang dulo kung saan nalalaglag sa ibaba ang tubig. Dinig niya ang malakas na sagitsit na nagmumula sa panibagong talon. Kumabog ang dibdib niya. Paano na lang kung mataas pala iyon? Kahit marunong siyang lumangoy ay mapanganib pa rin kung tuluyan siyang bumagsak doon!
Sinubukan niyang lumangoy pasalungat sa agos, ngunit sa lakas niyon ay lalo lamang siyang tinatangay. Pumikit na lang siya at sumigaw nang malakas nang maramdaman ang mabilis na pagbulusok ng kanyang katawan. Hindi nagtagal ay tuluyan na siyang lumubog sa tubig. Agad siyang nagmulat at ikinampay ang kanyang mga kamay at paa. Lumangoy siya patungo sa ibabaw at nagawa naman niya iyon nang walang kahirap-hirap!
Ilang sandali pa ay narating niya ang pampang. Mabato sa bahaging iyon kaya sinikap niyang isampa ang sarili sa ibabaw ng malapad na bato. Saka lang niya naramdaman ang sobrang kapaguran nang mga oras na iyon. Mabigat ang kanyang paghinga kaya ipinikit muna niya ang mga mata at hinayaan ang sariling makapagpahinga.
"Ang sakit! Putragis na 'yan!"
Mattias?
Agad niyang iniangat ang ulo at mariing pinakinggan ang pagdaing. Bagama't parang bulong lamang ang tinig nito ngunit malinaw niyang naririnig ang lalaki.
Nagmadali siyang tumayo nang matukoy ang eksaktong kinalalagyan nito. Ilang dipa lamang mula sa kanya ang pinanggagalingan ng ingay. Para makarating doon ay nagpalipat-lipat siya sa ibabaw ng mga naglalakihang bato.
Natunghayan niya ang binata na nakaupo habang hinihilot-hilot ang kanang binti. Marami itong gasgas sa braso at siko. May tumutulo ring dugo sa gilid ng ulo nito. Wala itong kamalay-malay sa presensiya niya dahil abala rin ito sa ginagawa. Napailing na lamang siya habang pinagmamasdan ang kaibigan.
"Putragis talaga," bulong nito.
Tumalon siya patungo sa ibaba, malapit sa tabi ni Mattias. Napapitlag naman ang kanyang kaibigan at agad na dinampot ang patalim na nakalapag sa tabi nito. Nanlalaki ang mga mata nito habang pinipilit umurong nang nakaupo.
"'W-Wag kang lalapit!" anito at iniumang sa kanya ang hawak na patalim. Mabuti't hawak pa rin nito ang patalim na iyon.
Itinaas niya ang kanyang dalawang kamay at sinubukang lumapit sa kaibigan. "Ako 'to, Mattias, huminahon ka!"
"Sinabing 'wag kang lalapit! Halimaw ka!" Tuluyan na itong napasandal sa malaking bato. Ngunit iniiwasan nitong tumingin sa kanya.
"Mattias, relax ka lang. Ako ito, si Mackie, ang kaibigan mo!"
Ikinuyom nito nang mahigpit ang mga kamao. "Hindi ako naniniwala! Kaya n'yong manlinlang... hindi ako paloloko sa 'yo, Ulol!" anito at saka nagtiim-bagang.
"Okay." Umupo siya sa katapat nito at saka sumandig sa bato. "Kung ayaw mong maniwala, dito na lang muna tayo...'wag na tayong kumilos at hayaan na lang nating sugurin ng mga bangkilan ang baryo. Sigurado akong naghahanda na sila," aniya na hindi iniaalis ang tingin sa kaibigan.
Ilang beses itong lumunok ng laway.
"Kailan ang birthday ko?"
"June 24," sagot niya. Napangiti siya nang malapad. "At may balat ka d'yan sa... basta d'yan!" Inginuso niya ang pang-upo nito.
Bigla itong lumingon sa kanya at sinamaan siya ng tingin. Kalaunan ay unti-unting gumuhit ang ngiti sa mga labi nito. Pinilit nitong lumapit habang hila ang kaliwang binti. Bakas ang dugo sa suot nitong jogger pants.
"Ikaw nga 'yan, Zie." Niyakap siya nito nang sobrang higpit. "Paanong-"
"Sinundan kita noong tumilapon ka sa ilog. Sinuyod ko ang ilog sa pag-asang ligtas ka. At tama nga ako, ligtas ka," aniya habang gumaganti rin ng yakap. Sa pagkakataong iyon ay sobrang bilis ng tibok ng puso niya. Hindi dahil may panganib, kundi sa damdaming muling bumabalik sa kanyang puso para sa lalaking kayakap. Agad din niyang iwinaksi ang sarili. Hindi siya dapat na makaramdam nang ganoon dahil sa sitwasyon nila ngayon.
"Thank, God! Akala ko'y naiwan ka sa loob!" anas nito.
Tinapik-tapik niya ang balikat nito. "Akala mo lang 'yon! Teka... may sugat ka at kailangan nating pigilin ang pagdurugo niyan. Mahirap na, baka maamoy pa iyan ng mga kalaban." Kumalas siya sa pagkakayakap nito.
"Mababaw na sugat lang ito. 'Wag kang mag-alala-malayo ito sa bituka." Ngumisi ito, pero hindi naman naitago sa mukha ang iniindang sakit. Bahagya na rin itong namumutla kaya napailing siya.
"Patingin nga!" aniya at sinuri ang binti ng binata. "Malalim ang sugat, may naputol pa yatang ugat kaya ayaw tumigil ang pagdurugo!"
Kaagad niyang hinugot ang patalim na nakasabit sa kanyang baywang at walang sabi-sabing pinunit ang laylayan ng suot nitong damit. Gustong magprotesta ni Mattias ngunit pinanlakihan niya ito ng mga mata. Hinati niya sa dalawa ang tela saka idiniin sa sugat ang isa.
"Aray! Dahan-dahan naman! Ganyan ka ba sa mga pasyente?" anito na hindi maipinta ang mukha.
"'Wag kang umarte! Malayo sa bituka, 'di ba?" Ngumisi siya. "Idiin mo ang telang ito para mapigilan ang pagdurugo. May hahanapin lang akong puwedeng ipangtapal diyan."
"S-Sandali-iiwanan mo 'ko rito?"
Pumalatak siya. "Sandali lang ako, babalik agad ako."
Hindi na niya hinintay na sumagot ang kaibigan. Mabilis siyang umalis at naghanap ng mga halamang kailangan niya.
Suwerte siya dahil maraming puno ng Bayabas na nasa gilid lamang ng ilog. Hindi na siya nag-aksaya ng oras. Pinagpipitas niya ang mga talbos nito. Marami ring halaman na kung tawagin ay Mayana, kumuha rin siya ng ilang pirasong dahon nito.
"Ano ang mga 'yan?" usisa ni Mattias nang makabalik siya.
"Gamot." Hinugasan niya ang mga dahon pagkatapos ay ipinatong ito sa ibabaw ng bato. Dumampot siya ng isa pang bato at nilinis ito. Matapos iyon ay nagsimula na siyang dikdikin ang mga dahon ng Bayabas hanggang sa madurog at lumabas ang katas.
"Akala ko'y sa bagong tuli inilalagay ang mga 'yan," ani Mattias. Nakangiti ito nang lingunin niya.
Inirapan niya ito. Nakuha pang magbiro gayong namumutla na nga ang loko.
Lumapit siya sa kaibigan at muling sinuri ang binti nito. Patuloy pa rin sa pagdurugo ang nakabukang sugat. Kaya sumalok siya ng tubig at saka marahan itong hinugasan. Ramdam niya ang pagpitlag ng kaibigan, hindi maipinta ang mukha nito.
Pagkatapos mahugasan ang sugat ay kinuha niya ang dinikdik na dahon ng Bayabas. Piniga niya iyon hanggang sa lumabas ang kulay dilaw na katas. Pinatulo niya iyon sa nakabukas na sugat ng binata. Inilagay rin niya ang dinikdik na dahon sa sugat at ipinatong ang mga dahon ng Mayana. Dinampot niya ang kapirasong tela at itinali iyon sa apektadong binti ni Mattias.
"Salamat," anito nang matapos siya sa ginagawa.
"Walang anuman. Kaya mo na bang maglakad? Kailangang makabalik na tayo sa baryo dahil siguradong nanganganib ang mga tao roon."
"Kaya ko na. Tigasin yata ito!" anito na may pagpalo pa sa dibdib.
"Yabang!"
Tumawa lang ito.
Dinukot naman niya ang maliit na botelya sa kanyang bulsa. Kailangan nila iyon para hindi mapansin ng mga kalaban.
"Mabuti't nadala mo 'yan."
Inirapan niya ang kaibigan. "Kaya ka nahuli ng mga bangkilan kasi hindi ka nagpahid nito."
"Hindi ko na naisip iyan dahil sinundan ko si Papa, pero nalansi lang pala ako."
"Binalaan na kita. Dapat hindi ka agad naniniwala sa nakikita mo. Kung hindi ako dumating, baka naging agahan ka na nila."
Pilit itong ngumiti. "Maraming salamat talaga, Zie. Ako ang lalaki, pero ikaw itong lagi na lang akong inililigtas."
"Tama na nga iyan. Kailangan na nating kumilos." Naglagay siya ng Lana sa kanyang palad. Iyon ang tawag nila sa pinaghalo-halong balat ng puno at dahon na nakababad sa langis ng niyog na nasa loob ng botelya. Mabisa iyong panlaban sa masasamang elemento, lalo na sa mga aswang dahil hindi sila maaamoy ng mga ito. Ang kailangan lamang nilang gawin ay ipahid iyon sa kanilang katawan.
Ginaya rin ni Mattias ang ginagawa niya. Nang matapos ay ibinalik nito ang lalagyan na kalahati na lang ang laman.
"Tara na!" aniya habang inaayos ang sinturon kung saan nakasabit ang kanyang mga armas.
"Paano ang mga gamit natin?"
"Mapanganib, pero kailangan nating bumalik sa bukana ng kweba. Naiwan ko ang selpon sa bag, 'yon ang tanging pag-asa natin para mabalaan si Lolo."
"Asa ka pang may signal dito."
"Kahit na. May plano ako bago tayo umalis sa lugar na ito."
Pasado alas dose ng tanghali nang tingnan niya ang relong pambisig. Dapat silang magmadali, bago pa tuluyang maging huli ang lahat.
Muli silang pumasok sa kakahuyan. Hindi sigurado kung iyon ba ang tamang daan paalis sa lugar na iyon.
"Hindi ka ba nagugutom? Kainin mo 'to, nakakagamot din ito ng gutom." Iniabot nito ang ilang pirasong hinog na Bayabas.
Saka lang niya napansin na may mga bunga pala ang mga punong Bayabas. Bigla tuloy kumalam ang sikmura niya. Agad niyang kinuha ang ibinibigay ni Mattias.
Habang binabagtas nila ang kakahuyan ay panay ang kain nila ng bunga, kailangan nila iyon para kahit paano'y may lakas sila kung sakaling may makasalubong silang kalaban.
"Bakit?" tanong niya nang biglang huminto sa paglalakad si Mattias.
"Ang punong iyon." Itinuro nito ang malaking puno sa unahan nila.
"Ano'ng meron diyan?" Pinakiramdaman niya ang buong paligid at wala naman siyang nasagap na panganib.
"Malapit lang tayo sa bukana ng kweba kung gano'n," sabi nito, "Diyan ako nahuli ng mga halimaw na iyon!"
Agad siyang sumunod nang bigla itong lumapit sa malaking puno at tila may hinahanap sa hindi naman kataasang mga damong nasa palagid.
"Sa wakas, nakabalik ka rin sa akin!" Nakangising itinaas nito ang pinulot na baril. "Ilang bangkilan din ang tutudasin ng bala mo."
Napailing siya. Mukha kasing tanga ang kasama niya habang kinakausap ang baril. Binato niya ito ng Bayabas.
"Tara na! Sa susunod, 'wag kang tatanga-tanga para hindi ka naiisahan ng mga kalaban."
"Oo na. Sakit mo namang magsalita. Tatanga-tanga talaga?"
Ngumisi siya. "Hindi ka mahuhuli kung nag-iisip ka!"
"Naisahan lang nila ako-hindi na mauulit 'yon."
"Talaga lang ha? Tama na nga iyan. Siguro naman tanda mo ang daan paalis dito?" Tinaasan niya ito ng kilay.
Pinagala nito ang paningin. "Sumunod ka sa akin. Malapit lang tayo sa kweba at sa daan pababa sa bundok na ito."
"Mabuti naman kung gano'n. Bago magdilim, dapat ay nakababa na tayo. Siguradong lulusob sila ngayong gabi sa baryo!"
Hindi na sila nag-aksaya ng oras. Mabilis silang kumilos paalis sa lugar na iyon.
Umabot nga kaya sina Mackie at Mattias sa Baryo Mapayapa? Magawa kaya nilang iligtas ang buong baryo?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top