Chapter 28

Animo'y lumindol ang dibdib ni MacKenzie nang matanaw ang kaibigan. Ibinalya ito ng matandang pinuno ng mga bangkilan, kaya parang bola itong tumilapon sa batuhan. Napuruhan yata si Mattias dahil hindi na ito makagalaw. Lalong bumigat ang dibdib niya't naikuyom nang mahigpit ang mga kamao.

Hindi niya ito magawang lapitan dahil sa dalawang asong gutom na kanina pa siya pinagtutulungang sakmalin. Wala na nga siyang nagawa kundi ang umiwas sa mga hayop na ito. Wala palang silbi ang kakayahan niyang maglaho sa paningin ng bangkilan kapag nasa ganitong katauhan ang mga ito. Hinayupak talaga! Naloko na!

Nang muli niyang lingunin si Mattias, saktong tumilapon ito at bumagsak sa umaagos na tubig na nagmumula sa talon. Masama ito! Hindi puwedeng mamatay ang kaibigan niya!

Akmang tatakbo siya patungo sa lugar kung saan bumagsak si Mattias, nang bigla siyang napahinto dahil sa pagsulpot ng itim na aso sa kanyang harapan. Umangil ito, tumulo ang malagkit na laway sa bibig, at muling ipinakita ang matutulis na ngipin!

Hindi na siya nag-aksaya ng oras. Bawat segundo ay mahalaga kaya siya na ang unang sumugod. Mabilis siyang kumilos, sabay lundag at igkas ng kanyang kanang paa. Walang nagawa ang itim na aso nang tumama ang paa niya sa tagiliran nito. Sa lakas ng puwersang pinakawalan niya, siguradong nabalian ito ng buto. Tumilapon ito nang ilang metro at tumama ang katawan sa matulis na bato. Rinig niya ang pagdaing nito ngunit hindi na niya ito tinapunan ng tingin.

Mabilis siyang tumakbo at hindi na nag-abala pang kalabanin ang isa pa na ngayon ay humahabol sa kanya.

May ilang bangkilan kasama ang pinuno ng mga ito ang nasa gilid ng talon, at nakamasid sa ibaba kung saan dumadaloy ang malakas na agos ng tubig. Walang kaalam-alam sa presensya niya. Pagkakataon na sana niya para sugurin ang pinuno. Ngunit sa mga panahong iyon, mas kailangan siya ni Mattias!

Hindi siya nang dalawang isip, kaagad siyang tumalon sa ibaba at sinuong ang malakas na agos.

"Siguradong patay na ang lalaking 'yun, Apo Flavian."

"Ang lakas ng loob na kalabanin ako! Kulang pa ang buhay ng lalaking iyon!" ani ng pinuno. "Ipunin ang lahat! Oras na upang lusubin ang Sighay!"

Umabot pa sa pandinig niya ang palitan ng mga salita sa itaas. Hindi maaari! Ngayon ay nasa panganib na ang mga kababaryo niya!

Kailangan makita niya si Mattias. Mukhang hindi umaayon sa plano nila ang mga nangyayari.

Hindi niya alintana ang malamig na tubig. Iginala niya ang paningin sa gilid ng ilog, kung saan nagkalat ang mga nakausling bato. Nagbabakasakaling naroon ang kanyang kaibigan.

Ngunit nagdadalawang isip siya. Sa kalagayan nito, imposible yatang magawa pa nitong lumangoy gayong halos lupaypay na ito kanina. Napailing na lamang siya. Kung wala roon si Mattias, suguradong tinangay na ito ng agos sa kung saan. Lalo siyang nanlumo.

Hindi pa rin siya susuko. Hahanapin niya ang binata kahit na ano'ng mangyari. Hinayaan niyang tangayin siya ng agos, aalamin niya kung saan patungo ang ilog na iyon. Umaasa siyang mahahanap ang kaibigan.


HILAM SA LUHA ang mga mata ni Allison. Nanlulumo siyang napasandig sa matigas at malamig na dingding. Tanging ang kakarampot na liwanag mula sa sulong nakasabit sa labas ng kanyang kulungan, ang siyang nagbibigay ng kaunting liwanag sa kanyang kinaroroonan.

Kanina lang ay nabuhayan siya ng loob. Kahit paano ay nagkaroon siya ng kaunting pag-asa nang marinig ang mga boses sa ibaba ng kanyang kinaroroonan. Hindi niya alam kung guniguni lang ba ang lahat ng iyon, para kasing tinig ng kanyang kapatid ang nasagap ng pandinig niya.

Ngunit, ang kaunting pag-asa niya ay unti-unting gumuho nang magkaroon ng sigawan at mga kalabog. Para bang may mga naglalaban sa ibaba. Sa kasalukuyan, muli na namang nilamon ng nakabibinging katahimikan ang buong paligid.

Kahit hilam sa luha ay pinagala niya ang paningin sa apat na sulok ng kanyang kulungan. Hindi na niya alam kung ilang araw, linggo, o buwan na ba siya roon? Para kasing sobrang tagal na niya sa lugar na iyon. Kung pwede lang sanang... mamatay na lang siya. Pero hindi, kailangan pa niyang mabuhay!

"Diyos ko, tulungan mo po kami... A-ate Mackie, L-lolo," bulong niya. Hindi na niya mabilang kung ilang ulit na ba niyang tinawag ang Diyos? Pati ang mga taong malapit sa kanya ay paulit-ulit na niyang tinatawag kahit na hindi naman siya maririnig ng mga ito. Pinagdikit niya ang mga tuhod at saka marahang ipinatong doon ang kanyang noo. Ipinikit niya ang kanyang mga mata upang pigilin ang pagtulo ng kanyang luha, kasunod niyon ang mga alaalang siyang dahilan kung bakit pinipilit pa rin niyang mabuhay.

Napakaganda ng panahon ng hapong iyon. Banayad ang sariwang hangin na isinasayaw ang mga damo at ligaw na bulaklak na nakapaligid sa kanila. Tahimik siyang nakasandal sa balikat ni Matt, at nakayakap naman ang kanang kamay nito sa kanyang baywang. Sabay nilang pinagmamasdan ang magandang tanawin sa ibaba, ang luntian at malawak na kapatagan. Ang maliliit na burol sa 'di kalayuan, at abot-tanaw rin mula sa kinaroroonan nila ang tahimik na Baryo Mapayapa.

"Babe, ba't ang tahimik mo? May problema ba?" ani Matt, bakas sa boses nito ang pag-aalala. Lumingon ito sa kanya at hinawi ang ilang hibla ng buhok na kumalat sa kanyang mukha.

Tipid siyang ngumiti sabay iling. "Wala naman... okay lang ako, babe."

"Hindi ako naniniwala. Alam kong meron. Kilala kita!" Pinanlakihan siya nito ng mga mata kaya naman hindi niya napigilan ang pagngiti.

"May ipapakita ako sa 'yo."

"Gift?" Ngumiti ito nang malapad.

"Pwede... Pikit ka muna."

Pumalatak ito. "Okay, sige. Basta ba 'wag mo 'kong itutulak sa ibaba, ha?" anito, kasunod ang malutong na tawa.

"Baliw! Hindi ko gagawin 'yon!" Kinurot niya ito sa tagiliran.

Nang pumikit ito ay kaagad niyang kinuha sa kanyang bulsa ang bagay na nais niyang makita nito. Kumakabog ang dibdib niya nang ipatong iyon sa nakabukas na palad ng binata.

"Ano'to?" anito. Nakangiti habang sinasalat ang bagay na ibinigay niya.

Hindi siya sumagot sa tanong nito dahil panay ang tambol ng kanyang dibdib. Nang dumilat si Matt ay agad nitong tinitigan ang hawak. Tahimik naman siyang nakamasid, hindi kumukurap-nais niyang makita kung ano ang magiging reaksiyon ng nobyo.

Ilang sandali itong natigilan, nanlaki ang mga mata, at pinaglipat-lipat ang tingin sa mukha niya at sa hawak nito.

"T-totoo ba 'to... b-buntis ka?"

Tumango-tango siya. "Oo, two months na akong delay." Unti-unting nagtubig ang kanyang mga mata. Ilang beses siyang kumurap upang pigilin iyon. Base sa nakikita niya, mukhang hindi naman natutuwa ang nobyo. Iiwan ba siya nito sa pagkakataong iyon?

Mayamaya ay napapitlag siya. Biglang nagtatakbo si Matt, may paglundag pa ito at iwinawagayway ang pregnancy test na hawak-hawak.

"Yes! Yes! Magiging tatay na ako! Woohh!" Paulit-ulit nitong isinisigaw ang mga salitang iyon. "Tatay na 'ko!"

Biglang nawala ang pag-aalala niya. Natatawa siya habang pinupunasan ang luhang dumadaloy sa kanyang pisngi. Mali pala ang akala niya. Ang makitang ganoon kasaya si Matt, para siyang nakalutang sa ulap, walang pagsidlan ng tuwa ang puso niya. Saka na lamang niya iisipin kung paano sila magtatapat sa kanilang mga magulang.

"Hoy! Tumigil ka na nga! Para kang sira!" aniya. Hindi pa rin tumitigil si Matt sa kasisigaw, paikot-ikot ito sa tent nila. Ngayon lang niya nakitang ganoon kasaya ang binata. Iyon na yata ang pinakamagandang tanawin para sa kanya.

Tumakbo ito palapit sa kanya at bigla siyang niyakap nang mahigpit."Hindi mo alam kung gaano mo ako pinasaya, babe!"

"Alam ko. Kitang-kita ko kay-" Mabilis nitong sinakop ang mga labi niya. Kasabay nang paglubog ng araw, buong puso siyang tumugon at malayang nagpatangay sa agos ng pagmamahal ni Matt.

Kung puwede lang sana na ang mga alaalang iyon ang patuloy niyang balikan. Pero hindi, eh. Laging kakambal niyon ang tagpo kung paanong nawala ang lalaking pinakamamahal niya. Kung walang pumipintig na buhay sa kanyang sinapupunan, baka mas pipiliin pa niya ang magpatiwakal. Kaya lang, sa bangungot na pinagdaraanan niya, ramdam niya na lumalaban ang kanyang anak. Dito siya kumakapit, kumukuha ng lakas para manatiling buhay.

Marahan niyang hinaplos ang kanyang tiyan. "Kapit ka lang, baby, may awa ang Diyos. Makaaalis din tayo sa mabahong lugar na 'to." Kahit malabo, hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. Kahit medyo nanghihina na ang katawan niya, lalaban pa rin siya.

"Sa wakas, mangyayari na rin ang hinihintay ko," rinig niyang sabi ng parating.

"Tama ka... sa wakas!" Kasunod ang malakas na tawanan.

Kaagad siyang gumapang sa pinakadulo ng kanyang kulungan. Siguradong may bihag na namang kukunin. At bawat bihag na kinukuha, ni isa ay walang bumalik.

Nakahinga siya nang maluwag nang lumampas sa kanya ang grupo ng mga kalalakihan. Ngunit, nanlumo siya nang marinig na ang kabilang kulungan ang binubukasan ng mga ito.

"Dalhin n'yo ang isang iyan!"

"'Yung nasa dulo-kukunin na rin ba namin?"

"Oo. Kunin ninyo ang lahat ng bihag. Maliban sa babae. Si Abarran na ang bahala do'n."

Nang marinig ang pag-uusap ng mga lalaki ay nagmamadali siyang lumapit sa rehas na gawa sa kahoy. Ilang sandali lang ay natanaw niya ang dalawang lalaki, akay-akay ng mga ito ang isang katawan na halos lupaypay na, punit-punit ang damit at katulad niya ay nanlilimahid din. Marami itong sugat sa katawan. Hindi lingid sa kaalaman niya na ginagawa itong igiban ng dugo ng mga halimaw sa lugar na iyon.

"P-papa! Pa! S-saan n'yo siya dadalhin?" Kinalampag niya ang rehas. "Maawa kayo! 'Wag ang papa ko!"

Hindi siya sinagot ng mga ito. Sa halip, malulutong na tawa lang ang narinig niya.

"Pa!" Natanaw niyang pilit siyang nilingon ng ama. Tuluyang nalaglag ang luha niya nang naglaho ito sa kanyang paningin. "P-papa..."

Ilang sandali pa, ang matandang bersiyon naman ni Matt, ang tumapat sa kanyang kulungan. Ilang araw na rin nang dalhin ito roon.

"Sandali! Mga hayop kayo! Bitiwan n'yo ako!" anito na nagpupumiglas.

"T-tito Fernan," bulong niya. Alanganin siyang tumingin dito. Pakiramdam niya ay wala na siyang mukhang maihaharap sa itinuturing niyang pangalawang ama.

"Allison, ikaw ba 'yan?" anito, mariin siya nitong tinitigan. Marahil, dahil sa ayos niya kaya hindi na siya nito makilala.

Tumango siya, at pinahid ang luha sa kanyang mga mata. Walang salitang lumabas sa bibig niya. Bakas sa titig nito ang mga katanungan. Katanungan na hindi niya alam kung paano sasagutin.

"Tama na 'yan. Tara na!" Muli itong kinaladkad ng dalawang lalaki.

"Sandali! Bitiwan n'yo ako!" Muli itong nagpumiglas. Pinilit na lumingon sa kanya. "Hija, nasan ang anak ko?" anito bago tuluyang naglaho sa kanyang paningin.

Muli siyang napasalampak sa malamig na lupa. Tila nawalan
ng lakas ang mga tuhod niya. Tanging malakas na paghagulgol na lamang ang nagawa niya.

"S-sorry... k-kasalanan ko ang lahat ng ito," bulong niya. Naikuyom niya ang mga kamao at pinagsusuntok ang lupa. Dahil sa kanya kaya namatay si Matt, pati ang mga taong mahalaga sa kanya, ngayon ay nanganganib na rin.

"Bakit umiiyak ang mahal ko?"

Nag-angat siya ng tingin, ang nakangiting mukha ng lalaking nagngangalang Abarran ang bumungad sa kanya. May mga dala itong hinog na prutas, at inihaw na hindi niya alam kung anong klase ng hayop.

Hindi niya ito pinansin.

"Narito na ang tanghalian mo, mahal kong prinsesa. Kumain ka ng marami... mamayang hapon, makakauwi ka na sa inyo."

"A-anong sinabi mo?

"Uuwi ka na sa inyo," anito na malapad ang pagkakangiti.

Hindi siya naniniwala. Sa paraan ng pagngiti nito, siguradong hindi ito nagsasabi ng totoo. Biglang bumaha ang kaba sa puso niya, nagsitayuan din ang mga balahibo niya. Katapusan na rin ba niya?

Makita pa kaya ni MacKenzie si Mattias? Makauwi pa kaya si Allison? Katapusan na nga kaya ng mga bihag? 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top