Chapter 27

Habang tumatagal ay lalong nagiging malinaw sa pandinig ni MacKenzie ang boses ng umiiyak na babae. May kung ano'ng bumundol sa kanyang dibdib. Para bang dinudurog ang puso niya sa bawat daing na kanyang naririnig.

Pinagala niya ang paningin sa itaas at naghanap ng puwedeng daanan. Kung tutuusin, kaya naman niyang umakyat sa itaas. Medyo delikado nga lang kung sakaling babagsak siya dahil sa mga naglalakihang bato sa ibaba, ang iba ay mga matutulis pa.

Ganoon pa man, may bahagi ng utak niya ang nagsasabing tulungan ang babae. Pamilyar kasi ang tinig nito na para bang boses ni...

"Sigurado ako... boses ni Allison ang naririnig ko." Kilalang-kilala niya kung paano umiyak ang kapatid.

"Sure ka ba? Baka naman patibong lang 'yan?"

May punto si Mattias, pero malakas talaga ang kutob niya.

"Sure ako! Kailangan nating makaakyat d'yan sa itaas."

"May tiwala ako sa pakiramdam mo, Zie. Tama ka. Baka nga nand'yan ang mga taong hinahanap natin," anito, at saka lumapit sa malaking bato kung saan nakaipit ang sulo. Kinuha iyon ni Mattias, pagkatapos ay itinapon nito sa itaas. Nagpagulong-gulong ang kahoy ngunit hindi namatay ang apoy sa dulo nito, hanggang sa sumampa iyon sa nakausling bato. Kahit paano ay nagkaroon ng liwanag sa itaas. Muling kumuha ng isa pa si Mattias at inulit ang ginawa nito kanina.

"Maaari tayong dumaan d'yan." Itinuro niya ang mga batong puwede nilang kapitan at tapakan paakyat.

"Ikaw na ang mauna, Zie, mas matalas ang mga mata mo kaysa sa akin," ani Mattias habang nakapamaywang at nakatingala.

Tumango-tango naman siya at inayos ang mga patalim na nakasabit sa kanyang baywang. Makaraan ang ilang minuto ay inumpisan na niyang akyatin ang halos dalawampung talampakang taas. Sumunod naman agad si Mattias na kagat-kagat ang puluhan ng patalim nito. Panay ang lingon niya rito para masigurong nakasunod nga ang binata.

Kaunti na lang ay mararating na niya ang itaas na bahagi, nang unti-unting nagbago ang temperatura ng suot niyang medalyon. Agad na kumabog ang dibdib niya. May panganib! Naalerto siya.

Mabilis niyang nilingon sa ibaba si Mattias na halos isang dipa lang ang layo sa kanya.

Biglang nanlamig ang mga kamay niya nang matanaw ang babaeng nakalutang sa likuran ni Mattias. Nakatayo ang mahaba at buhaghag nitong buhok. Nakapangingilabot ang paraan ng pagngisi nito. Samantalang ang kaibigan niya ay walang kamalay-malay sa panganib na nasa paligid.

"Mattias! Sa likod mo!"

Huminto ito sa pag-akyat at saka tinanggal ang nakaharang sa bibig. "Bakit?" Lumingon ito sa likuran, ngunit kaagad itong sinalubong ng kamay ng babae.

Nagpumiglas si Mattias, pilit nitong iwinasiwas ang hawak na patalim. Ngunit mas malakas at mabilis ang bangkilan, nagagawa nitong umiwas. Walang kahirap-hirap nitong binitbit ang binata at pagkatapos ay inihagis ito sa ibaba.




NANG BUMAGSAK si Mattias sa lupa ay napadaing siya. Gumapang ang kirot sa buong katawan niya. Kahit iniinda ang sakit ay naging alerto siya. Mabilis siyang gumulong pababa kung saan bumagsak ang nabitiwan niyang patalim.

"Magbabayad ka sa ginawa mo sa mga apo ko!"

Magbabayad? Utot mo! Tama lamang na mamatay ang mga halimaw na katulad mo!

Agad na lumundag ang matanda sa tabi niya at dinakma ang kanyang likuran. Sakto namang nadampot niya ang kanyang patalim.

Walang ano-ano'y umikot siya at saka inundayan ng saksak ang halimaw na nakahawak sa kanyang damit. Tinamaan ito sa tagiliran kaya nabitiwan siya nito.

"Ano? Lapit pa!" Itinutok niya ang patalim sa kaharap.

Naging alerto naman ang matanda, pero napaurong ito at paika-ika.

"Mga kasama! Nandito ang bihag!"

Napailing siya nang sumigaw ito nang malakas.

"Tangna! Duwag ka pala, e," aniya, saka dinampot ang sulong nakasabit. Iwinasiwas niya iyon sa matanda na panay ang urong habang nakahawak sa sugat. Parang alambreng nagsitayuan ang buhaghag nitong buhok, lalong nanlisik at namula ang mga mata.

'Wag kang tititig sa mga mata ng bangkilan. May kakayahan silang manghipnotismo para mapasunod ka nila. Naalala niya ang sinabi ng lolo ni Zie. Kaagad niyang ibinaba ang tingin sa katawan ng matanda, at pinag-aralan ang bawat kilos nito.

Nanginginig man ang kanyang kalamnan, hindi niya ipapakita ang takot sa matandang huklubang ito.

Ngumisi siya. Hindi niya inalis ang tingin sa kaharap. Mabilis ang nilalang na ito, siguradong isang pagkakamali lang niya ay tudas siya.

"Ang lakas ng loob mong magtungo sa lugar na ito, lalaki!" Dinuro siya nito. "Hindi sapat 'yang buhay mo bilang kabayaran sa pagkawala ng mga a—"

"Ang daming satsat ni Lola. Ano? Sugod na!"

Napailing siya. Mukha namang wala itong balak sumugod sa kanya dahil panay ang urong at iwas nito. Mayamaya ay gumuhit ang isang ngiti sa mga labi ng kaharap.

Parang may nagtutulak sa kanya na tumingin sa mga mata nito. Para makaiwas ay ibinaling niya sa ibang dereksyon ang kanyang paningin. Sakto. Natanaw niya ang ilang pigura ng mga bagong dating. May dalawang malaking aso ang sabay na nagpakawala ng malakas na alulong.

Isang malakas na pagtulak ang naramdaman niya, dahilan para mapaurong siya. Nanlaki ang mga mata niya nang dumaan sa tapat ng kanyang dibdib ang kamay ng matandang babae.

Powtek! Kung walang tumulak sa kanya, tiyak na wakwak na ngayon ang dibdib niya dahil sa mahabang mga kuko nito!

Nang muli niyang ibalik ang tingin sa matanda ay nakaluhod na ito. Hawak ang sugatang dibdib at tumutulo ang masaganang dugo. Biglang bumaling sa kanan ang mukha nito, para bang may malakas na puwersa ang tumama sa pisngi ng matanda. Tumalsik ito nang ilang metro mula sa kinaluluhuran nito kanina.

Zie? Hindi man niya nakikita ang kaibigan, sigurado siyang iniligtas na naman nito ang buhay niya. Bumuntong hininga siya. Kailangang may gawin din siya para sa kaibigan.

Inihanda niya ang sarili, lalo pa't napaliligiran na siya ng higit sa sampung bangkilan. Nanatili siyang nakatayo sa gitna, hawak ang patalim at sulo. Nabuhayan siya ng loob nang may tumapik sa balikat niya. Alam niyang nasa likuran niya ang kaibigan. Hindi niya ito bibiguin, lalaban siya sa abot nang kanyang makakaya!

"Ang lakas ng loob mo, tagapatag! Kulang pang kabayaran ang buhay mo sa mga danyos na ginawa mo!" turan ng may edad na lalaki sa kanyang harapan. Sa kanan nito ay nakamasid ang dalawang binatilyo. May isang babae rin sa kaliwa, umaabot sa tuhod ang mahabang buhok nito. Hindi siya mag-aaksayang tingnan ang mukha ng mga halimaw na ito. Mahirap na. Alerto lang siya sa bawat galaw ng kamay at paa ng mga ito.

May kumalabog sa likuran niya. Siguradong may sumugod ngunit naunahan na ito ni Zie. Napangiti siya nang umurong ang mga ito, nagtataka siguro dahil hindi naman siya gumalaw sa gitna.

"P-paanong? Sino ang may gawa noon?"

"Sa palagay ko... hindi siya nag-iisa!"

"Tama ka."

Panay ang palitan ng salita ng mga bangkilan sa kanyang paligid. Magandang pagkakataon iyon para makakuha siya ng tiyempo.

Mabilis niyang sinugod ang may edad na lalaki sa kanyang harapan. Nawala ang atensyon nito sa kanya kaya nakasilip siya ng pagkakataon para atakihin ito.

Nanlaki ang mga mata ng lalaki nang bumaon sa dibdib nito ang hawak niyang patalim. Nagawa pa siya nitong itulak palayo, ngunit huli na. Nagsimulang bumulwak ang dugo sa bibig nito.

"A-ano pang hinihintay ninyo? S-sugurin n'yo ang lala—"

Tuluyang bumagsak sa lupa ang may edad na lalaki. Mukha namang natauhan ang mga kasama nito. May dalawang lumundag sa kanyang tabi, pero gumulong siya kaya naiwasan niya ang tangkang pagdaluhong ng isang binatilyo. Kahit nakahiga siya sa lupa ay mabilis niyang tinadyakan ang likuran ng isa pa, tumilapon ito at tumama sa binatilyong nagtangkang sunggaban siya kanina.

Ano kayo ngayon? Mga wala pala kayong binatbat, tang-ina n'yo!

Hindi pa siya gaanong nakatatayo nang may biglang sumampa sa kanyang likuran. Muntik pa siyang masubsob, mabuti na lang at nagawa niyang balansehin ang kanyang katawan. Ngunit sa kamalas-malasan ay nabitiwan niya ang kanyang patalim.

Sinubukan niyang kalagin ang dalawang braso na pumulupot sa kanyang leeg. Ngunit animo alambre ito na unti-unti siyang sinasakal. Maging ang dalawang binti nito ay mahigpit ang kapit sa kanyang baywang.

"T-tangna mo! A-akala mo, kaya mo 'ko?" Hinablot niya ang mahabang buhok ng babae. Napadaing ito, pero mas lalo lamang itong kumapit sa kanya.

"Tapos ka ngayon!"

Nakangisi ang dalawang binatilyo nang lingunin niya. Nagbago na rin ang itsura ng mga ito, lumitaw na ang itim na ugat sa leeg at mukha. Nagkaroon na ng mahabang mga pangil, tumubo na rin ang mga kuko nito na animo mga kutsilyo sa sobrang talas. Dahan-dahang lumalapit sa kanya ang dalawa.

Mga ulol! Hindi ako papayag na walang isama sa hukay!

Nilingon niya ang patalim, dalawang dipa lamang ang layo nito sa kanyang paanan. Gumulong ito sa ibaba. Malapit sa malaking bato kung saan may nakasabit na sulo sa itaas na bahagi. May pag-asa pa siya.

Mabilis siyang lumapit sa malaking bato at ubod lakas na ibinalya ang kanyang likuran. Paulit-ulit niya iyong ginawa. Napasigaw nang malakas ang babae. Lumuwag din ang kapit nito sa kanyang leeg. Napangisi siya nang abutin ang sulo na nasa itaas na bahagi ng bato.

"Mauna ka na sa impyerno, hanayupak ka!" Nang mahawakan niya ang sulo ay kaagad niya itong inilapit sa makapal na buhok ng babae. Mabilis na gumapang ang apoy sa mahaba nitong buhok dahilan para lumundag ito paalis sa kanyang likuran. Nagsisigaw ito habang sinusubukang pagpagin ang lumalaking apoy. Dinaluhan ito ng dalawang binatilyo.

Hindi na siya nag-abalang panoorin ang mga ito. Kaagad niyang dinampot ang patalim at pinagala ang paningin sa buong paligid.

Napaawang ang bibig niya nang matanaw ang nakahandusay na katawan ng mga bangkilan. Grabe! Kakaiba talaga ang kaibigan niya, paano nitong natalo ang mga iyon sa maikling panahon lamang?

Sa dulo ng maliit na bulwagang iyon ay abala ang dalawang malaking aso, tila galit na galit ang mga ito at panay ang pag-atake sa hindi niya makitang kalaban.

"Saan ka pupunta, lalaki!"

Pumihit siya sa kanyang likuran at hinarap ang binatilyong nagsalita.

"Bakit? Sasama ka?" Ngumisi siya. "'Wag kang mag-alala... hindi ako tumatakas sa laban!"

Lalong nanlisik ang mga mata ng kaharap niya. Agad naman siyang nagbawi ng tingin. Mahirap na. Hindi siya puwedeng malansi ng halimaw na ito!

Walang ano-ano'y mabilis siyang sinugod ng binatilyo. Ngunit nakaiwas naman siya sa mahaba nitong mga kuko. Nang makakuha ng tiyempo ay siya naman ang umatake, ubod-lakas niyang sinipa ang harapan nito. Naglulundag ito habang sapo ang ang bahaging tinamaan niya. Dinig niya ang pagdaing at pagmumura nito.

Ngumisi siya, sabay punas sa butil-butil na pawis sa kanyang noo. Wala naman palang binatbat ang isang ito!

Bago pa makabawi ang kalaban ay isang pang malakas na sipa ang pinadapo niya sa tagiliran nito. Sumadsad ito sa lupa at lalong namilipit sa sakit.

Dumura siya. "Tangna n'yo! Ano? Akala ko'y malalakas kayo?" Ang mukha naman nito ang pinaulanan niya ng tadyak. "Ano, ha? Mga inosenteng tao lang ang kaya n'yo, mga hinayupak kayo!"

Humigpit ang hawak niya sa patalim. Bigla siyang lumuhod sa tabi ng nakahandusay na binatilyo at saka niya ito pinagsasaksak sa dibdib. Huminto lamang siya nang wala na itong buhay. Pasalampak siyang napaupo sa lupa, hinahabol ang hininga, hindi alintana ang malansang amoy ng dugong tumalsik sa kanyang mukha.

Nilingon niya ang kasamahan nitong kanina lang ay pilit inaapula ang apoy sa katawan ng nasusunog na dalaga. Ngunit wala na ito roon. Nabahag na yata ang buntot kaya tumakas. 

Ngunit, isang malakas na tadyak ang tumama sa likuran niya, dahilan para sumubsob siya sa bangkay ng binatilyong nasa kanyang harapan. Hindi niya inaasahan iyon. Napadaing siya sa sakit dahil tila natanggal ang baga niya. Biglang naging malansa ang laway niya. Dumura siya. Napangiwi na lamang siya nang imbes na laway ay dugo ang lumabas sa kanyang bibig.

Putragis talaga!

Sinubukan niyang tumayo at lingunin ang kalaban. Ngunit isang matigas na kamao ang agad na sumalubong sa kanyang mukha. Nawalan siya ng kontrol kaya tuluyan siyang bumagsak sa lupa. Sa pagkakataong iyon ay tila namanhid ang mukha niya pati ang buong katawan. Unti-unting lumabo ang kanyang paningin. Hanggang sa naipikit na lamang niya ang kanyang mga mata. Nyemas! Ito na yata ang katapusan ko, ah!

Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Muli niyang naramdaman na may  marahas na bumuhat sa kanya, pagkatapos ay ibinalibag siya sa kung saan. Gusto niyang dumilat ngunit hindi niya magawa. Ilang sandali lang ay bumagsak siya sa napakalamig na tubig. Nawalan na siya ng lakas upang makipagbuno pa sa malakas na agos, kaya hinayaan na lamang niyang tangayin siya nito. Tanggap na niya. Marahil ay ito na ang katapusan ng kanyang buhay.



Makaligtas pa kaya si Mattias sa pagkakataong ito? Makaalis pa kaya si MacKenzie sa loob ng kwebang iyon? Magtatagumpay pa kaya siya sa kanyang misyon?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top