Chapter 25

Kailangan makarating si MacKenzie sa kinaroroonan ni Mattias, bago pa mahuli ang lahat. Nasaksihan mismo niya ang ginawa ni Damian sa tanod. Posibleng ganoon din ang gawin nito sa kanyang kaibigan; iyon ay hindi niya mapapayagan.

Dahan-dahan siyang naglakad-tantsado ang bawat galaw. Wala siyang ibang madaanan kundi sa likuran ng nakahilirang mga bangkilan.

Matapos ang mahigit kinse minutos ay nalampasan niya ang pulutong ng mga bangkilan. Nakahinga siya nang maluwag. Ang problema na lang ay kung paano niyang aakyatin ang malaking batong halos apat na talampakan ang taas. Nasa ibabaw nito ang kanyang kaibigang wala pa ring malay.

Napangiwi siya nang dumausdos ang kanyang mga paa. Hindi niya maabot ang parteng may tipak kung saan puwede siyang humawak para makaakyat. Muli siyang sumubok, at sa ikalawang pagkakataon ay naabot na niya ito. Ouch! Ang sakit sa braso! Lagot talaga sa akin ang kumag na ito. Napaka-eh... tigas ng ulo!

Kaunti na lang. Natanaw na niya ang sapatos nitong nabalutan ng putik. Ibinuhos niya ang lakas para maiangat ang katawan sa ibabaw ng bato—nagawa niya. Habol ang hiningang sumalampak siya sa paanan ng kaibigan. Lecheng to! Kung hindi lang talaga kita kaibigan... ewan ko lang!

Makaraan ang ilang minuto ay napansin niyang gumalaw ang mga paa ni Mattias, nang tumingala siya—gising na ito't nanlalaki ang mga mata. Sinundan niya kung ano ang tinitingnan nito.

Ang lalaking tanod na humandusay kanina at inakala niyang patay na. Ngayon ay nakatayo na ito, ipinilig sa kaliwa't kanan ang ulo na tila ba inaayos ang naputol na buto sa leeg. Wala na rin itong bakas ng sugat. Ang mga mata nito'y nanlilisik, at mayroon na rin itong maiitim na ugat sa mukha hanggang leeg.

Napahawak siya sa kanyang dibdib na mabilis ang tibok. Unti-unting tumayo ang mga balahibo sa kanyang katawan, at nanlamig ang kanyang pakiramdam. I-imposible 'to!

"Magaling! Katulad ka na rin namin," ani ng pinuno, kasunod ang malakas na pagtawa nito. "Bilang pagsalubong... mayro'n akong regalo sa 'yo, Daniel."

"D-daniel?" Itinuro ng tanod ang kanyang sarili.

Ngumiti ang pinuno bago sumagot, "Oo, 'yon ang ngalan mo... at ako ang iyong pinuno. Lahat ng sasabihin ko'y susundin mo. Malinaw ba?" Tangan ang tungkod ay tumayo ang pinuno mula sa trono nito. Lumapit ito kay Daniel.

Walang ano-ano'y mabilis na lumuhod si Daniel sa harap ng matanda. "Masusunod po, mahal na pinuno."

Itinaas ng pinuno ang kaliwang kamay nito. Gamit ang matulis na sungay ng usang nasa dulo ng tungkod... hiniwa nito ang sariling palad.

Nang tumulo ang masaganang dugo ay kaagad itong sinahod ng bibig ni Daniel, animo'y uhaw na uhaw ito. Hindi pa nakontento. Hinuli nito ang kamay ng pinuno, buong kasabikang sinipsip ang sugat, at dinilaan ang palibot ng kamay ng matanda.

"Magaling. Ngayon ay isa ka ng ganap na bangkilan." Ngumiti nang malapad ang pinuno.

Umugong ang bulungan sa pagitan ng mga bangkilang naroroon.

"Bitiwan n'yo ako. Parang awa n'yo na," wika ng matandang tanod, pilit itong kinaladkad ng dalawang bangkilan patungo sa itaas ng malapad na bato—kung saan naroon sina Daniel at Damian.

Mistulang tinatambol ang dibdib ni Mackie. Butil-butil ang pawis sa kanyang noo, at nanlambot din ang kanyang mga tuhod. Gustong bumaliktad ng sikmura niya dahil sa tanawing hindi nakatutuwa. Mas masahol pa ang sumunod na nangyari...

Nang maiakyat ang matandang tanod ay kaagad itong sinunggaban ni Daniel, para itong gutom na hayop na ngayon lamang nakakita ng pagkain.

"D-dan, a-ko 'to si Mang Lauro, m-maawa ka," wika ng tanod. Sinasangga ang bawat pag-igkas ng kamay ni Daniel na may mahabang mga kuko; naging halimaw na ito.

Hanggang sa napuruhan ni Daniel ang tiyan ni Mang Lauro. Dahil sa laki ng hiwa ay lumaylay ang bituka nito, wala ring tigil ang pagsirit ng dugo.

Nakapangingilabot na sigaw mula kay Mang Lauro, ang lalong nagpatayo sa mga balahibo ni Mackie. Dahil doon ay tila nagkaroon ng buhay ang mga paa niya. Mabilis siyang bumangon. Lumingon siya kay Mattias, nakatulala ito, at hindi maipinta ang mukha.

Nilapitan niya ang kaibigan. Sigurado siyang maging ito ay hindi siya nakikita.

Hinawakan niya ang mukha ni Mattias at iniharap sa kanya. Dahil sa ginawa niya ay ipinilig-pilig nito ang ulo, kumunot ang noo, at lalong dumoble ang laki ng mga mata.

"S-sino 'yan?" anito na nanginginig ang mga labi. Sinubok nitong igalaw ang katawan, ngunit mahigpit ang baging na nakatali roon, pati sa mga kamay, at paa nito.

"Mattias! Ako 'to, si Mackie," aniya, sabay hawak sa magkabilang balikat ng binata, inalog-alog niya ito dahil wala sa huwisyo.

Mayamaya ay kumalma si Mattias, tinitigan siya nito. Ilang beses itong kumurap-kurap. "Z-zie? Ikaw nga! Paan—"

"Sshh! Saka na 'ko magpapaliwanag. Kailangang makaalis muna tayo rito," bulong niya.

Tumango-tango si Mattias. Hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang pagtutubig ng mga mata nito. Poor, Matty, 'wag kang umiyak... please. Siya na ang nag-iwas ng tingin.

Umikot siya sa likuran ni Mattias. Gamit ang kanyang dagger ay nagmamadali niyang pinutol ang mga banging para makaalis ang binata sa pagkakatali sa stalagmite. Nang matapos ay muli siyang nagtungo sa harap, pinakawalan niya ang mga kamay at paa ng binata.

Hindi pa siya nakatatayo nang maayos, nang bigla siyang niyakap ni Mattias. Gumanti rin siya ng yakap sa binata, dama niya ang mabilis na paghinga nito. "Salamat, Zie, tangna! Akala ko'y katapusan ko na rin," anito.

Tinapik niya ang likod nito. "Utang mo sa akin ang buhay mo, Matty Boy," bulong niya, "maniningil ako kapag natapos natin ang ating misyon." Humiwalay siya sa pagkakayakap sa binata. Ngunit hinawakan niya nang mahigpit ang kamay nito.

Ngumisi si Mattias. "Okay, kahit katawan ko pa ang ipambayad ko sa 'yo." Kumindat pa ito.

"Utot mo!" Kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag—bumalik na ang kaibigan niya. "Tara na, bago pa mapansin ng mga halimaw na 'yan na nakatakas ka."

Bago tuluyang magpadausdos pababa ay muli niyang binalingan ng tingin ang mga bangkilan. Abala na ang mga ito sa pagkain. Napailing siya. Wala na. Patay na ang tatlong tanod, at si Daniel ang natira, ngunit isa na rin itong kalaban.

May kung ano'ng sumikdo sa kanyang dibdib, mga posibilidad na naglalaro sa kanyang isipan. 'Wag naman sana.

Matapos ang ilang minuto ay ligtas silang nakababa ni Mattias. May natanaw siyang isang lagusan, maliit lamang ito kumpara sa mga dinaanan niya kanina. Wala naman sigurong masama kung pasukin nila iyon. Isa pa'y gusto niyang isakatuparan ang kanyang balak. Nasa lungga na rin naman sila ng mga kalaban kaya lulubusin na niya.

"Tangna. Sobrang dilim naman dito. Wala bang ibang daan?" ani Mattias. Hawak niya ang kamay nito para siguradong walang makapapansin sa kanila sakali man na may makasalubong sila.

"Basta. Sumunod ka na lang sa akin at 'wag kang magreklamo... itikom mo 'yang bibig mo," bulong niya. Sarap batukan ng lalaking 'to!

"Okay. Ang dami mo talagang ipaliliwanag sa akin, oras na makaalis tayo rito."

"Oo na." Huminto siya sa paglalakad. "Dapat ay mahanap natin sa loob ng kwebang ito ang iba pa nilang bihag... kung mayro'n man," aniya.

Bumuntong hininga si Mattias. "Parang ayokong umasa. Nakita naman natin ang ginawa nila. Paano kung... kung gano'n din ang nangyari sa papa mo, kay papa, sa kapatid ko at kay Allison," anito, na parang nawawalan na ng pag-asa.

Hindi siya sanay na ganito ang binata. Sabagay, may punto naman ito.

Humugot siya ng isang dagger sa kanyang sinturon. "Gamitin mo 'to." Inilagay niya ang patalim sa palad ni Mattias. "Kung tama ang mga sinabi mo—nararapat lamang na ubusin natin ang mga bwisit na halimaw na 'yan, para hindi na makapaminsala. 'Di tayo aalis dito, hanggat hindi natin naigaganti ang mga mahal natin sa buhay na kinuha nila!"

Napatango-tango si Mattias. Gumalaw ang panga nito. "Tama ka," anito, na seryoso ang mukha.

"Makakaya natin 'to, magtulungan tayo." Tinapik niya ang balikat ng binata. "Kailangang magawa natin ang dating plan---"

Hindi niya naituloy ang sasabihin nang malingunan ang dalawang parating na bangkilan. Patingin-tingin ito sa paligid.

"Bakit?"

"Maghanda ka. Mukhang napansin na ng mga halimaw na nakatakas ka," bulong niya. Muli niyang ginagap ang kamay ni Mattias. "May dalawang parating."

"Tangna. Natatakot na 'ko sa 'yo, Zie... T-tao ka pa ba?"

Binatukan na niya ito. "Wala akong panahon para d'yan, Matty Boy. Pasensya ka kung wala kang makita. Basta magtiwala ka na lang sa 'kin."

Nang matanaw niya na nakaharap sa kinaroroonan nila ang isa sa bangkilan—kaagad niyang itinulak si Mattias sa gitna ng daanan.

"Shit!" ani Mattias. Mukhang nakuha naman nito ang plano niya kaya tumayo ito nang tuwid, at saka pumalakpak ng dalawang beses.

"Naro'n ang bihag!" sigaw ng isa. Agad itong tumakbo palapit sa kanila samantalang nakasunod naman ang isa pa na may hawak na sulo.

Tatlong dipa...

Dalawang dipa...

Isang dipa...

Mabilis niyang hinatak ang braso ni Mattias, nagpatianod naman ito at saka sila nagsumiksik sa gilid ng lagusan.

"Asan na 'yon? Nawala!" turan ng nauna. May mga bakas ng dugo sa gilid ng bibig nito.

"Malay ko sa 'yo... baka naman wala ka talagang nakita."

"Imposible. May nakita akong tao rito kanina!"

"Oh, eh... nasa'n na?" Nagkamot sa ulo ang ikalawa na may hawak ng sulo. "Tara na nga! Nagsasayang lang tayo ng oras dito."

Nang tumalikod ang dalawang bangkilan ay  siniko niya si Mattias, lumingon ito sa kanya at saka tumango. Itinuro nito ang sarili, pagkatapos ang lalaking may hawak ng sulo. Na-gets naman niya kung ano ang ibig sabihin ng binata. Itinaas niya ang kanyang hinlalaki.

Tatlong hakbang ang ginawa ni MacKenzie bago niya narating ang likuran ng bangkilan. Ubod-lakas niyang itinarak sa likod nito ang patalim na hawak. Ramdam niya ang pagbaon ng kanyang dagger sa katawan nito.

Napaliyad ang halimaw nang hugutin niya ang patalim. Hindi pa siya kontento. Inundayan niya ito nang sunod-sunod na saksak sa katawan. Sa katunayan, wala na siyang pakialam kung saan man ito tamaan. Wala itong nagawa kun'di salagin ang bawat tira niya. Mayamaya ay nanghina na ito't tuluyang bumagsak sa lupa ang sugatang katawan.

Nang lingunin niya si Mattias ay nakikipagbuno na rin sa isa pa. Mukha namang kayang-kayang talunin ng binata ang kalaban, kaya kampante siya.

Muli niyang tinitigan ang nakahandusay sa kanyang harapan. Naghihingalo na ito. Ngumisi siya. Muling bumalik sa kanyang alaala ang sinapit ng mga tanod sa kamay ng mga halimaw na ito.

Agad na nag-apoy ang kanyang dibdib. Lalo na nang pumasok sa kanyang isipan ang mga eksenang maaaring sinapit din ng kanyang ama't kapatid.

"Kung iparamdam ko rin kaya sa inyo ang mga pinaggagawa ninyo sa mga tao, ha?" Sinipa niya ang katawan ng bangkilan. "Gusto kong maranasan ninyo kung paano katayin nang buhay! Mga hinayupak kayo! Tangna n'yo!"

Walang ano-ano'y lumuhod siya sa gawing tagiliran ng bangkilan. Batid niyang hindi pa ito nalalagutan ng hininga. Hindi na siya nagdalawang-isip. Itinarak niya ang patalim sa sikmura nito. Tumalsik ang dugo ng bangkilan sa kanyang dibdib, ngunit hindi niya iyon pinansin. Maging ang mahinang pagdaing ng lalaki ay binalewala niya. Sa halip ay natuwa pa siya.

"Masarap ba, ha?" Napangisi siya.

Pagkatapos ay hiniwa niya ang balat nito mula sa sikmura pababa hanggang puson. Madali lamang niyang nagawa iyon dahil wala itong damit pang-itaas, tanging nanlilimahid na bahag lamang. Lalong bumulwak ang malansang dugo mula sa tiyan nito. Ang tingin niya rito ay parang palaka lamang. Sa klase ng trabaho niya ay sanay na siyang makakita ng ganoon.

Inilabas niya ang bituka nito at saka pinagputol-putol. Isinubo niya iyon sa nakaawang na bibig ng halimaw. Isiniksik niya hanggang sa mapuno ang bunganga nito.

"Iyan ang kainin mo, halimaw ka!" aniya na nanggigigil pa rin kahit patay na ito.

"A-ano'ng ginawa mo, Zie?" ani Mattias, na hindi maipinta ang mukha. Para itong nakainom ng isang boteng suka.

"Nagtanong ka pa. Ganyan dapat ang ginagawa sa mga halimaw na 'yan." Tumayo siya bitbit ang patalim. "Hindi tayo dapat na maawa sa kanila. Dahil wala rin naman sila no'n."

Napailing na lang si Mattias, at hindi na nakipagtalo sa kanya.

Magawa kaya nina MacKenzie at Mattias ang plano nila? Makalabas pa kaya sila nang buhay sa lungga ng mga kalaban? Ano ang magiging hakbang ni Flaviano ngayong nalalagasan na naman sila.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top