Chapter 24
NAGISING si MacKenzie nang makarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril mula sa malayo. Pinagala niya ang paningin sa buong paligid at nasigurong wala roon si Mattias—bumalikwas siya ng bangon. Parang tinatambol ang dibdib niya dahil sa lakas ng tibok ng kanyang puso.
Masama ito! Kung bakit ba naman kasi natulog-tulog ka pa!
Agad niyang kinuha ang sinturon niya na nasa tabi lamang ng kanyang backpack. Nakasabit doon ang kanyang mga patalim, mabilis niya iyong ipinulupot sa kanyang baywang. Kailangan niyang magmadali. Dapat ay mahanap niya ang kaibigan bago mahuli ang lahat. Ano ba ang naisip nito't bigla na lang lumabas? Alam naman nitong lubhang napakadelikado. Napailing na lamang siya.
Nang sipatin niya ang relong pambisig ay sampung minuto na lang bago sumapit ang ika-anim ng umaga. Masyadong naging mahimbing ang tulog niya't hindi man lang namalayan na wala na pala siyang kasama. Isang buntong hininga ang pinakawalan niya, bago nagsimulang gumapang palabas sa ilalim ng malaking batong pinagtaguan nila. Babalikan na lamang niya ang mga gamit nila roon, sagabal lamang ito kung dadalhin pa niya.
Malamig na hangin ang agad na sumalubong sa kanya, at humalik sa kanyang mukha. Saglit niyang pinasadahan ng tingin ang buong paligid, nakiramdam, at pinakinggan ang katahimikan, tanging ang huni ng mga ibon lamang ang narinig niya.
Agad siyang pumikit, hinawakan ang suot na medalyon, at dinala iyon malapit sa kanyang mga labi...
"Medalyon, simula ngayon ay buong puso kong tinatanggap na maging tagapangalaga mo. Magtulungan tayong talunin ang kasamaan, at ipatupad ang kabutihan. Ang kapangyarihan mo sa akin ay ipamalas, sapagkat ikaw at ako, ngayon ay magiging iisa na," bulong niya. Sa kanyang pagdilat ay nasilayan niyang muli ang pagkinang ng medalyon, ngunit agad din naman itong naglaho kasabay ng paghupa ng kabang kanina lang ay pumuno sa kanyang puso. Biglang gumaan ang kanyang pakiramdam, naglaho ang pag-aalinlangan.
Agad na siyang kumilos, ngayon ay handa na siyang harapin ang lahat—iligtas ang dapat na iligtas.
Buo ang kanyang mga hakbang habang tinatahak ang mabatong daan patungo sa kakahuyan. Kailangang makita niya si Mattias, sa lalong madaling panahon. Sigurado siyang nasa panganib ito dahil sa putok ng baril na siyang gumising sa kanya.
Ngunit, bago siya tuluyang makababa ay nakarinig siya ng mga yabag, naalerto siya, at mabilis na nagkubli sa likod ng puno. Ilang minuto siyang naghintay sa mga parating. Hindi nagtagal ay may nasagap siyang mga boses na nag-uusap, para bang sinadya ng hangin na ihatid sa kanyang tainga ang pag-uusap ng mga ito.
"Para saan naman kaya ang pagpupulong na ito't ki aga-aga'y ipinatawag tayo?" wika ng isang matandang babae. Nakayuko ito at sa dinaraan nakatuon ang paningin, hindi niya makita ang mukha nito. Puro puti na ang buhaghag na buhok na halos umaabot hanggang sa sakong. Napailing siya. Paanong nagawa ng babaeng ito na maglakad nang maayos, gayong halos tumabing na ang buhok sa buong mukha nito?
"Baka dahil sa mga dayo. Nasaksihan naman natin ang nangyaring kaguluhan kagabi," wika ng matandang lalaking nakabahag.
"Malaking perwisyo talaga ang dulot sa atin ng mga tao!" sabi ng matandang babae bago makapasok sa bunganga ng kuweba.
Mga huni ng ibon ang muling namayani sa buong paligid. Hindi na niya narinig ang mga boses nang makapasok ang mga ito sa loob ng yungib. Dalawang impormasyon ang napag-alaman niya. Una, may pagpupulong ang mga Bangkilan. Pangalawa, hindi lang sa kuwebang iyon nakatira ang mga bangkilan, may iba pa itong pinamumugaran. Kailangan talaga niyang mag-ingat.
Ilang minuto ang pinalipas niya. Akmang lalabas na siya sa kanyang pinagkublihan nang muli siyang nakarinig ng mga yabag. Napilitan siyang bumalik sa dating posisyon at palihim na sinilip ang mga paparating.
Nanlaki ang kanyang mga mata. Biglang kumabog ang dibdib niya nang matanaw ang babaeng sa pagkatanda niya ay Faustina ang pangalan. Nasa likuran naman nito ang isang lalaki at— tama ba ang nakikita niya. Pasan-pasan ng lalaki ang katawan ni Mattias, nang walang kahirap-hirap. Biglang nanlambot ang kanyang mga tuhod. Nakuha ng mga ito si Mattias, base sa ayos ng kanyang kaibigan ay halatang lupaypay na ito't wala ng lakas.
"Matutuwa si Apong kapag nakita niya ang dayong ito," sabi ng lalaki, ngumisi ito at bahagyang huminto para ayusin ang katawan ni Mattias na nakapasan sa kanang balikat nito.
Umismid si Faustina. "Malamang... pero mas matutuwa iyon kung pati si Mondragon ay nahuli natin," anito.
"Sukdulan talaga ang galit mo sa kanya, ano?" Mahinang tumawa ang lalaki na sa pagkakatanda niya ay Abarran ang pangalan. Likod na lamang ng mga ito ang natanaw niya, pati ang marahang pagwasiwas ng ulo at mga kamay ni Mattias, nagmistula itong damit na nakasampay sa balikat ni Abarran.
"Sapagkat siya lang ang tanging lapastangang kumalaban sa akin!" sagot ni Faustina.
Nang tuluyang makapasok ang mga ito ay wala na siyang naulinigan pa.
Muling bumalik ang katahimikan ng paligid. Huminga siya nang malalim habang nakatanaw pa rin sa bunganga ng kuweba.
Ilang minuto ang pinalipas niya.
Nangangalit ang kanyang mga bagang habang tinatanggal ang patalim na ipinagkaloob sa kanya ng kanyang abuelo. Matapos iyong makuha mula sa pagkakasabit sa kanyang sinturon ay agad siyang kumilos. Halos tumakbo siya patungo sa bungad ng kuweba. Handa na siya, ito na ang tamang oras para pasukin niya ang mismong lungga ng mga kalaban. Isa pa, may pag-asa pa para mailigtas niya si Mattias.
Hindi nagtagal ay narating niya ang lagusan. Nasa bungad pa lang siya ay umalingasaw na ang mabahong amoy. Pinaghalo-halong amoy kulob, amoy nabubulok, at mapanghi ang agad na sumuot sa kanyang ilong. Kung mahina-hina siguro siya ay baka bumaliktad na ang sikmura niya.
Nag-umpisa siyang pumasok sa loob.
Marahan ang ginawa niyang paghakbang para hindi siya makagawa ng anumang ingay. Mahigpit niyang hinawakan ang gitnang puluhan ng kanyang crescent knife na nasa kaliwang kamay niya, dalawang pulgada ang haba nito kaya komportable ang kamay niya.
Habang tumatagal ay padilim nang padilim ang buong paligid. Ngunit, isang kurap lang niya ay muling luminaw ang kanyang paningin. Tuluyan na ngang sinakop ng kapangyarihan ng medalyon ang kanyang sistema.
Pinagala niya ang paningin sa buong paligid. Malawak ang kuwebang ito kung ihahambing niya sa yungib na karugtong ng tunnel na nasa ilalim ng kanilang bahay. Para siyang pumasok sa kakaibang mundo dahil sa mga kumikinang na bato sa kesame ng kuweba. Kung hindi siya nagkakamali ay stalactite ang tawag sa mga patusok na batong iyon.
Biglang nagsitayuan ang mga balahibo niya nang mapagmasdan ang napakaraming paniki na nakalambitin sa itaas. Kaya pala mapanghi ang amoy dahil sa libu-libong paniking naninirahan din doon.
"Nyemas!" bulong niya. Dahil sa kamamasid niya sa itaas ay bumangga siya sa matigas na bagay. Mabilis siyang napaurong, at saka pinasadahan ng tingin ang nasa unahan niya. Akala niya ay kung ano na—isa lamang palang stalagmite na halos kasing tangkad niya ang nakaharang sa kanyang daraanan. Ngunit kunektado ito sa iba pang mga batong nakahilera na siyang nagsilbing tagahati sa tatlong lagusan na natanaw niya.
Alin kaya sa tatlong lagusang iyan ang tatahakin ko? Napakunot siya ng noo.
Hanggang sa—mabilis siyang naghanap ng puwedeng pagtaguan nang may marinig na mga paparating. Sa kamalas-malasan ay wala siyang nakita na puwedeng pagkublihan. Ilang metro pa ang layo niya sa mga nakausling bato, wala na siyang oras para magtungo pa roon dahil tanaw na niya ang apat na bulto ng mga bangkilan.
Wala siyang nagawa kundi ang magsumiksik sa tabi ng stalagmite, inihanda niya ang sarili. Mayamaya ay dumaan sa harapan niya ang apat, mukhang walang kaalam-alam ang mga ito sa presensiya niya. Nakahinga siya nang maluwag. Gumana ang kakayahan ng medalyon na itago siya sa paningin ng mga halimaw na ito.
Patingkayad niyang sinundan ang apat, pumasok ang mga ito sa gitnang lagusan. Walang kaalam-alam ang mga ito na nasa likuran lamang siya.
"Sabik na akong makarating ulit sa patag," sabi ng isa.
"Pasasaan ba't makararating din tayo roon, makakaalis tayo sa lugar na ito... magtiwala tayo kay pinuno," sabat naman ng pangatlo.
"Oo nga. Maraming pagkain sa patag, siguradong hindi tayo magugutom doon." Nagtawanan ang tatlo, tahimik naman ang nasa hulihan.
Mayamaya ay biglang tumigil sa paghakbang ang nasa unahan niya. Dahan-dahan itong humarap sa gawing kinaroroonan niya, suminghot-singhot, at sinuyod ng tingin ang buong paligid.
Mukhang naramdaman siya ng lalaki dahil unti-unti itong humakbang palapit sa kanya ngunit sa ibang direksyon nakatuon ang paningin. May kaliitan ang pangangatawan ng lalaki, umaabot sa balikat ang buhok na sa tingin niya ay kulang sa ligo dahil pilipit ang mga iyon. Umaalingasaw rin ang amoy ng kilikili nito.
Dahan-dahan siyang humakbang paurong at ipinusisyon ang kamay na may hawak na patalim. Gumawa siya ng distansiya. Pagkatapos ay marahan niyang hinugot ang dagger na nakasabit din sa kanyang sinturon.
Sa kaliwang kamay niya ang crescent knife, at sa kabila naman ang dagger na isang dangkal ang haba. Marahan siyang yumuko ngunit ang paningin niya ay nakatutok pa rin sa lalaki na walang tigil sa pag-amoy-amoy na parang aso. Idinikit niya sa lupa ang talim ng dalawang armas, pagkatapos ay gumawa siya ng guhit sa lupa na hugis krus. Ang sabi ng kanyang abuelo, makatutulong ang paggawa niya ng krus at ang lupang dumikit sa talim ng armas upang huwag maghilom ang sugat na lilikhain nito sa katawan ng mga Bangkilan.
Mukhang naramdaman ng lalaki ang ginawa niya kaya agad itong humarap sa kanyang kinaroroonan. Bago pa ito makaporma ay mabilis niyang sinugod ang lalaki. Batid niyang malakas ang pakiramdam nito, ngunit, hindi naman siya nakikita—at iyon ang lamang niya.
Ubod-lakas niyang itinarak ang dagger sa sikmura ng lalaki.
Nanlaki ang mga mata nito, saka iwinasiwas ang isang kamay, samantalang ang kaliwa ay nakahawak sa sikmura nitong tumutulo na ang dugo.
"S-sino ka? M-magpakita ka!"
Agad siyang naalarma dahil napalakas ang boses nito. Mabuti na lang dahil mukhang nakalayo na ang mga kasama ng lalaki.
Hindi na siya nag-aksaya ng oras, nang tumalikod ang lalaki ay bigla niya itong inundayan ng saksak sa likod. Napaliyad ito at napadaing. Dahil sa hindi naman sila nagkakalayo ng tangkad at laki—niyakap niya ang katawan nito. Sinubukang magpumiglas ng lalaki, dahil sa lalim ng natamong sugat ay unti-unti itong nanghina. Hindi pa siya nakontento, inilapit niya ang crescent knife sa leeg nito, at saka ito ginilitan.
Ramdam niya ang panginginig ng katawan ng lalaki, ilang sandali pa ay lumupaypay na ito. Binitiwan niya ito at hinayaang bumagsak sa lupa. Muli niyang isinukbit sa baywang ang kanyang mga armas, pinahid ang tumalsik na dugo sa kanyang pisngi, at pagkatapos ay hinawakan niya ang dalawang paa ng lalaki saka hinila palapit sa likod ng malapad na bato.
"One down," bulong niya.
Humanda kayo... iisa-isahin ko kayong mga hinayupak kayo!
Muli siyang nagpatuloy sa pagpasok sa lagusan kung saan dumaan ang mga sinusundan niya kanina. Naging alerto siya nang matanaw ang mga sulo sa gilid ng daan. May ugaling sa tao pa rin pala ang mga halimaw na ito. Ang akala niya ay kontento na ang mga bangkilan na mamuhay sa madilim na lugar na ito; kailangan din pala nila ng liwanag.
Makaraan ang ilang minuto ay narating niya ang tila bulwagan, maraming sulo ang nakapalibot na nakadikit sa mga naglalakihang bato. Mula sa kanyang kinaroroonan ay tanaw niya ang mga bangkilan, nakahilera ang mga ito at nakatuon ang pansin sa itaas na bahagi kung saan naroon ang maliit na intablado.
"Hawakan ninyo nang mahigpit ang lalaking iyan!"
Agad na natuon ang pansin niya sa matandang pinuno nang nagsalita ito. Hawak nito ang mahabang tungkod na ang dulo ay may bungo, sa tingin niya ay sa usa iyon dahil mayroon itong mga sanga-sangang sungay. Nakita niyang hinawakan ng dalawang bangkilan ang magkabilaang braso ng isang lalaki. Hindi si Mattias ang lalaking iyon, sigurado siya. Saan na kaya dinala nina Faustina at Abarran ang kaibigan niya?
"B-bitiwan n'yo ako! Mga hayop kayo!" Nagpumiglas ang lalaki na walang iba kundi ang tanod na bugbog sarado noong nagdaang gabi. Ano'ng mayroon sa lalaking ito't laging pinagdidiskitahan ng mga bangkilan?
Ngumisi ang pinuno. "Hindi mo matatakasan ang nakaguhit sa iyong kapalaran, Daniel!" anito.
"P-paano mong n-nalaman ang panga—"
"Malawak ang sakop ng aking kapangyarihan, Daniel... at gusto kong ibahagi iyon sa iyo, sa ayaw at sa gusto mo," sagot ng matanda, pagkatapos ay ngumiti ito nang malapad.
Kung ganoon, talagang makapangyarihan ang matandang ito. Hindi na siya magtataka kung paanong muli itong nabuhay gayong natalo niya ito. Nalinlang lamang pala silang maglolo. Inakala nilang patay na si Damian, ngunit ngayon ay buhay na buhay pa pala ito.
Biglang hinawakan ng matanda ang mukha ng tanod.
Muling nagpumiglas ang tanod, ngunit wala itong laban sa lakas ng pinuno ng mga bangkilan. Ni hindi nito nagawang magsalita.
Nakita ni MacKenzie na pumikit ang matanda, mayamaya ay umusal ito ng mga salita na hindi niya maintindihan. Hindi iyon Latin, ibang lengguwahe ang binibigkas nito.
Mabilis na kumabog ang dibdib niya.
Sigurado siyang nagsagawa ito ng ritwal, at hindi maganda ang kutob niya. Nasa panganib ang tanod, ngunit wala siyang magawa para tulungan ito. Masyadong maraming bangkilan ang nasa paligid at kahit hindi siya nakikita ng mga ito ay tagilid pa rin siya—wala siyang laban.
Matapos ang ilang minuto ay biglang dumilat ang pinuno.
Nagsitayuan ang mga balahibo sa kanyang katawan nang mapagmasdang unti-unting nagbago ang anyo nito. Lumitaw ang mga itim na ugat mula sa leeg, patungo sa kulubot na pisngi ng matanda. Ang dibdib, ang braso, ang buong katawan nito ay nagkaroon ng kulay itim na balahibo.
Binitiwan nito ang mukha ng tanod, pagkatapos ay tumayo ito nang tuwid. Iginalaw-galaw ang leeg, saka ito yumuko habang yakap ang sariling katawang tinubuan ng mga balahibo. Mayamaya ay sumigaw nang malakas si Damian, tila nag-echo ang boses nito sa loob ng kuwebang iyon.
Napapitlag naman siya sa kanyang kinatatayuan dahil sa malakas na sigaw nito.
Tuluyang nagbago ang itsura ng matandang pinuno. Ang natatanaw niya ngayon ay isang malaking taong paniki. Nakadipa kaya kita niya kung gaano kalaki ang magkabilaang pakpak nito.
Nang tingnan niya ang mga bangkilan sa ibaba ay nakayuko ang mga ito, pati ang dalawa na may hawak sa tanod. Samantalang ang isang lalaki sa tabi ng pinuno ay nakaluhod.
Hindi niya inasahan ang sumunod na nangyari...
Biglang itinulak ng dalawang bangkilan ang tanod palapit sa pinuno. Agad naman itong sinalubong ng taong paniki at mabilis na ikinulong sa mga pakpak nito. Tanging ang ulo at leeg ng tanod ang nakalabas, ang buong katawan ay napuluputan ng pakpak. Tila wala sa sarili ang kawawang tanod, ni hindi man lang ito nagpumiglas.
Mayamaya ay tumingala ang taong paniki, ibinuka nito ang bibig kaya lumitaw ang matutulis nitong pangil. Walang anu-ano'y mabilis nitong sinakmal ang leeg ng tanod. Ilang minutong nanatili sa ganoong posisyon ang dalawa bago binitiwan ng pinuno ang katawan ng tanod.
Humandusay ang katawan nito. Hindi niya alam kung patay na ba ito o nawalan lang ng malay.
Muling nagbalik sa dating anyo si Damian, pinunasan nito ang sariling bibig habang nakatunghay sa katawan ng kawawang tanod. Ngumisi pa ito bago tumalikod at nagtungo sa upuang gawa rin sa bato.
Napailing na lamang siya. Tila nawalan ng lakas ang mga tuhod niya. Wala siyang ibang nagawa kundi ang pagmasdan ang mga bangkilan na tila biglang nagdiwang. Isang buntong hininga ang pinakawalan niya bago sumandal sa malapad na bato.
Sige. Magsaya kayo ngayon, titiyakin kong mauubos din kayo!
Wala sa sariling pinasadahan niya ng tingin ang buong palagid. Karamihan sa mga bangkilan ay nakatalikod sa kanyang kinaroroonan. Iilan lamang pala ang bilang ng mga bangkilan na nakita nila kagabi. Ngayon ay mas marami ang bilang ng mga ito.
Huminto ang tingin niya sa kabilang panig ng bulwagan. Medyo mataas ang lugar na iyon at maraming nakatayong stalagmite na halos kasing laki ng katawan ng isang tao.
Napatayo siya nang matanaw ang isang lalaki. Nakatali ito sa isang stalagmite, at mukhang wala pa ring malay—si Mattias.
Ano ang gagawin ni MacKenzie upang mailigtas si Mattias? Kailan niya malalaman na ibang tao ang inaakala niyang si Damian.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top