Chapter 23


ALA SINGKO y medya ang oras nang tingnan ni Mattias ang suot na relong pambisig. Maaga pa. Lumingon siya sa kinaroroonan ni Zie, mahimbing pa rin ang tulog nito. Isang buntong hininga ang pinakawalan niya bago pumihit paalis. Babalikan na lamang niya si Zie, ngayon ay kailangan niyang sundan ang ama.

Tinahak niya ang mabatong daan patungo sa lugar kung saan niya nakitang nagtungo ang kanyang ama. Binilisan niya ang pagkilos, siguradong hindi pa ito nakakalayo.

"Tang-ina!" usal niya nang dumulas ang kanyang paa. Halos nababalutan na ng kulay berdeng lumot ang mga batong tinatapakan niya, medyo basa rin iyon dahil sa hamog kaya talagang madulas. Mabuti na lang at mabilis niyang na balanse ang kanyang katawan. Kung nagkataon, tiyak na sa bunganga ng kuweba ang bagsak niya.

Nang makabawi ay agad niyang itinuon sa unahan ang kanyang paningin. Bwisit ang hamog na 'to... nawala na tuloy ang sinusundan ko!

Makalipas ang ilang minuto ay narating niya ang tagiliran ng bunganga ng kuweba. Mga tatlumpung metro siguro kung susumahin ang layo niya mula sa bukana nito. Tahimik at wala siyang nakikitang nagbabantay roon. Ilang minuto siyang nagmasid habang nagkukubli sa likod ng puno. Peste! Mukhang nakapasok na sa loob ang sinusundan niya, sigurado siyang sa direksiyong iyon nagtungo ang kanyang ama.

Pumalatak siya at napailing.

Mayamaya ay nakarinig siya ng mga lagatik; parang mga tuyong sanga na tinapakan at naputol.

Mabilis niyang hinawakan ang puluhan ng baril na nakasukbit sa kanyang baywang. Alertado ang kanyang kilos nang ituon ang paningin sa pinagmulan ng ingay. Bingo! Nakahinga siya nang maluwag nang matanaw ang pigura ng isang lalaki, nakatalikod ito sa kanyang kinaroroonan at mukhang paalis na.

"Sandali! Pa!" wala sa sariling sigaw niya.

Lumingon-lingon siya sa paligid, nang masigurong walang ibang naroon ay mabilis siyang tumakbo upang habulin ang ama. Hindi niya alintana ang mga kaputol na sangang nagkalat sa lupa. Gumagawa iyon ng ingay sa tuwing natatapakan niya. Saan na naman nagsuot 'yon?

Huminto siya at muli niyang sinuyod ng tingin ang buong paligid. Bukod sa mga naglalakihang punong-kahoy at mga damong nakalatag sa lupa ay wala na siyang ibang nakita.

Nakaramdam siya ng panghihinayang. Abot kamay na niya ang ama pero nawala na naman ito sa kanyang paningin. Parang may pumipigil na magtagpo silang dalawa!

Sinipa niya nang malakas ang puno na nasa kanyang harapan. Pagkatapos ay mahigpit na sinabunutan ang sariling buhok. Napasandal na lamang siya sa puno dahil sa kawalan ng pag-asa.

Isang buntong hininga ang pinakawalan niya. Kahit paano ay kailangan pa rin pala niyang magpasalamat at matuwa-alam na niyang buhay ang ama. Hindi nasayang ang pagpunta niya sa lugar na iyon.

Matapos ang ilang minuto ay napagpasyahan ni Mattias na balikan si Zie, siguradong gising na ito. Baka hinahanap na rin siya nito kaya kailangan na niyang bumalik. Siguradong magkikita pa sila ng kanyang ama, ang mahalagay alam na niyang buhay ito. Nakapagtataka lang na ang bilis nitong naglaho sa kanyang paningin. Napailing na lamang siya dahil sa isiping iyon.

Akmang pipihit na siya paharap nang maramdaman niya ang tila maiinit na hangin na dumadampi sa kanyang batok. Walang anu-ano'y bigla siyang lumingon sa kanyang likuran. Nang biglang...

"Putang-ina!" Awtomatiko siyang napaatras at halos lumabas ang puso niya nang mukha ng babae ang bumungad sa kanya. Ang hininga pala nito ang naramdaman niyang dumadampi sa kanyang batok.

Agad niyang binunot ang baril sa kanyang baywang at itinutok iyon sa babae. "D'yan ka lang... 'wag kang lalapit sa 'kin!"

Ngumiti ang babae. Kung tutuusin ay maganda ito: mayroon kaakit-akit na mga mata, mapupulang labi, makinis ang mukha, at alun-along buhok na kasing itim ng gabi. Iyon nga lang, sablay pagdating sa kulay ng ngipin nito. Madilaw iyon at halatang hindi pa nakakatikim ng toothpaste at toothbrush. Kaya pala biglang sumama ang hangin kanina.

Hindi ito lumapit sa kanya, sa halip ay printe itong sumandal sa puno at humalukipkip. Walang patid ang pagtitig nito sa kanya, para bang sinusuri pati ang kaloob-looban ng kanyang kaluluwa.

"Hindi ko inasahan na may kasama palang magandang lalaki si Mondragon"-lalong lumapad ang pagkakangiti nito-"kapag sinuswerte nga naman."

"Sinuswerte? Ikaw? Baka malasin ka." Ngumisi siya para pagtakpan ang kabang biglang sumibol sa kanyang dibdib. Hindi siya dapat makampante sa presensiya ng babaeng ito. Lalo pa't nasaksihan niya mismo noong nakaraang gabi kung ano ang ginawa nito sa kawawang tanod.

Hindi nito pinansin ang sinabi niya. Biglang naging singkit ang mabibilog nitong mga mata na nakatuon sa kanya. "Nasaan ang kasama mo?" anito.

"Kasama? May nakikita ka bang kasama ko? Wala 'di ba?" sabi niya, habang nakikipagtitigan sa babae.

Nanlisik ang mga mata nito at hindi niya inasahan ang sumunod na nangyari. Bigla na lang itong lumitaw sa kanyang harapan at agad na tinabig ang kanyang kamay. Nabitiwan niya ang hawak na baril at bumagsak ito sa kanyang paanan.

"Nasaan si Mondragon! Sabihin mo kung ayaw mong mamatay nang maaga!" sabi nito habang hawak nang mahigpit ang leeg niya.

Hindi siya makagalaw dahil sa pagkabigla. Paanong nakalapit ito sa kanya nang ganoon kabilis? Isang kisap-mata lang ay bumulaga na ito sa kanya.

Nang makabawi ay nagpumiglas siya. Ngunit parang bakal na nakakapit sa leeg niya ang kamay ng babae. Ramdam niya ang kirot kasabay nang unti-unting pagsikip ng kanyang dibdib.

"W-wala akong kasa—"

"Bulaan!" Malakas siyang itinulak nito, dahilan upang tumama ang likod niya sa puno. Dumausdos siya roon at nakadapa nang bumagsak sa mga tuyong dahong nakalatag sa lupa. Napadaing siya nang malakas, mayamaya ay tila namanhid ang buong katawan niya. Putragis! Ito na yata ang katapusan ko, ah!

Napangiwi siya nang maramdaman ang pagdaloy ng maalat at malansang dugo sa kanyang bibig. Ilang beses din siyang umubo dahil parang may bumara sa kanyang lalamunan. Nanlalabo ang kanyang paningin kaya sinubukan niyang ikurap-kurap ang mga mata.

"Ano? Sasabihin mo ba o hindi?" rinig niyang sabi ng babae. Nakatayo ito malapit sa kanyang tagiliran. Ano ako, gago para sabihin sa 'yo! Putragis ka!

"W-wala nga a-akong kasama!" wika niya sa pagitan ng malalim na paghinga. Kahit paano'y nanumbalik nang kaunti ang lakas niya.

Palihim niyang dinampot ang kaputol na sanga, matulis ang dulo nito kaya agad niya iyong ibinaon sa kanang paa ng babae. Tumalsik pa ang dugo nito at tumama iyon sa kanyang pisngi.

Dahil sa kanyang ginawa ay nagtatalon ang babae, hawak ang kanang paa na tinusok niya. Hindi na siya nag-aksaya ng panahon, mabilis siyang gumulong palapit sa baril na halos isang dipa lang ang layo sa kanya. Dinampot niya iyon at saka inasinta ang babae. Tapos ka ngayon... tangna mo!

Matapos niyang kalabitin ang gatilyo ng baril ay parang nag-slow motion ang lahat nang mga sandaling iyon. Nakita niya ang paglingon ng babae sa kanya, taliwas sa kanyang inaasahan ang bigla nitong pagliyad upang iwasan ang balang dapat sana ay tatama sa dibdib nito.

Nanlaki ang kanyang mga mata. Paanong naiwasan nito ang balang iyon gayong dalawang dipa lamang ang layo nito sa kanya? Bigla siyang natauhan nang makitang unti-unti itong humahakbang palapit sa kanya kahit paikaika.

"'Wag kang lalapit!"

Ngumisi ang babae. "Isang malaking pagkakamali ang ginawa mo, istranghero! Hindi mo ba alam kung ano ang binabangga mo? Pwes! Ipapakita ko na sa 'yo." Lalong nanlisik ang mga mata nito, at naging kulay pula iyon. Nagsimula na ring lumitaw ang mga kulay itim na ugat sa leeg nito paakyat sa mukha.

Naalarma siya. Agad niya itong pinaulanan ng bala, ngunit katulad kanina'y para lang itong nagsasayaw sa kanyang harapan. Tangna mo, Mattias! Sibat na! Hindi mo kakayanin ang isang 'yan!

Nagmamadali siyang tumayo mula sa pagkakahiga at agad na kumalipas ng takbo. Wala siyang tiyak na direksiyon na pupuntahan, basta ang mahalaga ay matakasan niya ang halimaw na ito. Siguradong matutudas siya kapag nahuli siya.

Kahit bahagya pang kumikirot ang likod ay mas minabuti ni Mattias na bilisan ang pagtakbo. Panay rin ang lingon niya para tiyakin na hindi siya nasundan ng babae. Sa ilalim ng mayayabong na puno ay humahangos siya, tagaktak na rin ang pawis sa kanyang noo. Hanggang sa natisod siya sa ugat ng puno, nawalan siya ng panimbang kaya tuloy-tuloy siyang dumausdos sa pababang bahagi ng kakahuyan.

Nakaramdam siya ng pagkahilo nang makarating sa ibaba.

"Lintek! Kapag minamalas ka nga naman!" Muli siyang tumayo at paikaikang naglakad. Sa hindi kalayuan ay may natanaw siyang malaking puno na napupuluputan ng mayabong na halamang baging, sa paanan nito ay may makakapal na damo. Nagmadali siyang nagtungo roon para makapagtago.

Ilang hakbang bago niya marating ang nais pagkublihan, nang biglang...

Napasigaw siya nang malakas nang may pumulupot sa kanyang mga paa, pagkatapos ay natumba siya sa damuhan. Hindi pa siya nakakabawi nang agad umangat ang kanyang katawan patungo sa itaas ng puno.

Wala siyang ibang nagawa kundi ang piliting matanggal ang pagkakatali sa kanyang mga paa. Para tuloy siyang kakataying baboy na nakabitin nang patiwarik. At sa kamalas-malasan pa talaga ay nabitiwan niya ang bitbit na baril nang bigla siyang bumaliktad kanina. Ilang minuto siyang nagkakawag pero lalo lamang humihigpit ang pagkakatali ng baging na ginagamit bilang pansilo sa kanya.

"Mas mainam talaga ang panghuhuli sa gubat kaysa ang mamingwit sa ilog."

Agad na natigilan si Mattias nang marinig ang tinig ng isang lalaki. Nagpalinga-linga siya hanggang sa natunton niya ang may ari ng boses. Isang lalaki ang nakatingala sa kanyang kinaroroonan, hawak nito ang dulo ng baging na nakatali sa kanyang mga paa. Anak ng patibong!

Ang gago niya! Kumagat siya sa pain ng isang halimaw!

Parang binagsakan siya ng langit at lupa nang matitigan niya ang suot na jacket ng lalaki. Hindi siya maaaring magkamali. Kilala niya iyon dahil siya ang nagregalo noon sa kanyang ama.

Naisahan siya.

"Masarap ba riyan sa itaas?" Ngumisi ang lalaki.

"M-magpalit kaya tayo? Ikaw rito, at ako riyan... saka ko ibabalik sa 'yo ang walang kwenta mong tanong. Gago!" aniya. Bagamat kinakabahan ay mas pinili niyang hindi iyon ipahalata sa lalaki.

Nang marinig ang kanyang sinabi ay biglang naglaho ang pagkakangisi ng lalaki. Naging seryoso ang mukha nito. Matalim na tingin ang ipinukol nito sa kanya.

Kahit nahihirapan siya sa kanyang posisyon ay hindi siya nagpatinag dito. Kung nagkataong hindi siya nakatali, baka nagpambuno na silang dalawa. Kahit may taglay itong kakaibang lakas, hindi naman siya papayag na mamatay nang hindi lumalaban.

"Magpasalamat ka't nais kang makitang buhay ni Apong, kung ako ang masusunod... hindi ko na patatagalin kahit isang sigundo 'yang buhay mo!"

Hindi niya inaasahan ang sumunod na nagyari.

Bigla siyang bumulusok pababa mula sa mahigit sampung talampakang taas. Para bang tumalsik ang kanyang kaluluwa habang pigil ang paghinga. Ramdam na niya ang kanyang kamatayan.

Mayamaya ay huminto ang pagbulusok niya. Nang idilat niya ang kanyang mga mata at sinuri ang paligid, nakomperma niyang halos isang dipa na lang ang layo ng ulo niya sa lupa. Nakahinga siya nang maluwag. Ilang sandali pa'y tuluyan na siyang bumagsak sa lupa.

Hindi pa siya nakabawi nang biglang dinakma ng lalaki ang balikat niya. Hindi siya nakapalag. Marahas siyang itinayo nito, pagkatapos ay...

Naramdaman na lamang niya ang pagdapo ng kamao nito sa gilid ng kanyang kaliwang panga. Dahil sa lakas ng puwersa ay agad na umikot ang paningin niya, para bang nakasakay siya sa tsubibo. Ramdam din niya ang pagtama ng kanyang katawan sa malaking ugat ng puno. Napadaing siya at namilipit sa sakit, lalo pa't ang tagiliran niya ang lubos na napuruhan. Ilang sandali ang lumipas ay unti-unting nagdilim ang paningin niya. Ngunit bago niya isara ang kanyang mga mata, naaninag pa niya ang nakangising mukha ng dalawang halimaw.

MAINGAY AT MALANSANG amoy ang nagpabalik sa kamalayan ni Mattias. Iniinda pa niya ang makirot na katawan, malabo rin ang kanyang paningin nang imulat niya ang kanyang mga mata. Makailang beses siyang kumurap-kurap.

Hindi niya maigalaw ang kanyang katawan sapagkat nakatali siya nang patayo sa mahaba at matulis na bato.

Nasa loob na siya ng lungga ng mga halimaw.

Itinuon niya ang kanyang pansin sa nagkakatuwaang mga Bangkilan. Ilang metro ang layo ng mga ito sa kanya, nasa mataas na bahagi pa ang kinaroroonan niya. Kaya kitang-kita niya ang mga ito.

Nanindig ang mga balahibo niya at parang biglang hinalukay ang kanyang sikmura sa kanyang nasasaksihan.

Hindi siya maaaring magkamali. Ang bihag na tanod na pinilit niyang iligtas noong nagdaang gabi ay ang lalaking nakikita niya ngayon. Para itong hayok na hayok. Kahindik-hindik ang itsura nito habang pinapapak ang isang bangkay. At ang bangkay-sigurado siyang isa iyon sa mga kasamahan nito dahil sa suot nitong tiyaliko.

Hindi niya matagalan ang tanawing iyon. Agad siyang nagbawi ng tingin. Parang sasabog ang utak niya sa pagproseso ng mga bagay-bagay. Paanong naging isang halimaw ito? Tinulungan ba niya ang isang maling nilalang o maging ito'y biktima lamang ng mga totoong halimaw?

Makaalis pa kaya si Mattias sa loob ng kwebang iyon? O katulad ng iba, magiging pagkain din kaya siya ng mga Bangkilan?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top