Chapter 22


Malamig ang palagid ngunit ang puso ni Flaviano ay tila bulkan na nagpupuyos at nais sumabog. Nakaupo siya sa kanyang truno na yari sa inukit na bato, kung saan tanaw niya ang may kalakihang espasyo na siyang nagsisilbing bulwagan sa loob ng yungib na kanyang tirahan at ng buong nasasakupan. May malalaking sulo ang nakasindi sa gilid na siyang nagbibigay ng liwanag sa buong paligid. Nasa gitna ang mahabang bato na sadyang pinatag at pinakinis ang ibabaw upang magsilbing lamesa. Nakapatong doon ang bangkay ng tatlo sa kanyang mga kalahi, katabi ng isa pang bangkay na ilang araw ng naroon at hindi pa niya ipinalilibing.

"Inumin n'yo ito, Ama, upang gumaan ang iyong pakiramdam," wika ng bagong dating na may dalang isang antigong kupeta na naglalaman ng sariwang dugo mula sa kanilang bihag.

"Maraming salamat, Aurelia." Kinuha niya ang kupita at saka iyon dinala malapit sa kanyang ilong, tunay ngang napakabango ng dugong iyon. Sino ba ang mag-aakala na dahil doon ay mapapalaya sila mula sa tila isang sumpa na bumalot sa kanila sa loob ng mahabang panahon. Isang lagok ang ginawa niya, ramdam niya ang pagdaloy ng sariwang likido pababa sa kanyang lalamunan. Medyo mainit iyon, ngunit sadyang napakatamis. Napangiti siya nang maalala kung paano sila lumaya sa pagkakakulong sa tila hawla ng mahika.

"Tatang! Tatang!" tawag sa kanila ng kanyang mga apong sina Abarran at Faustina, kasama ang iba pa.

"Ano't tila humahangos kayo? Mayroon na naman bang nakapasok na tagalabas?" tanong ng kanyang kapatid na si Damian. Nakaupo ito sa sarili nitong truno habang nakamaang sa mga bagong dating.

"Mayroon, Tatang Damian," sagot ni Faustina. "Ilapit dito ang mga dayo!" utos nito sa mga tauhan nila.

Ipinatong ng kanyang mga alagad ang dalawang katawan sa ibabaw ng lamesang bato. Lumapit siya roon at pinagmasdan ang mga dayo. Ang isang lalaki ay wakwak na ang dibdib, naliligo sa sariling dugo habang nakadilat pa ang mga mata. Napangiti siya. Dumako naman ang tingin niya sa katabi nitong babae, buhay pa ito ngunit dahil sa mahinang tibok ng puso ay masasabi niyang hindi na ito aabutin ng isang oras bago mamatay. Humahalimuyak ang mabangong dugo nito, animo'y isang napakatamis na pulot na talagang nakakatakam.

Dinala niya ang kanyang hintuturo sa leeg nitong may malalim na sugat, lumalabas doon ang sariwang pulang likido. Pagkatapos ay ipinahid niya ang daliri sa likidong iyon at saka dinala sa kanyang bibig.

May kung ano'ng malakas na enerheya ang tila pumasok sa kanyang katawan nang matikman ang dugo ng dayo. Bigla siyang napahawak sa kanyang sentido dahil parang pinipiga iyon, mariin niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Hindi niya maintindihan ang nangyayari sa kanyang katawan. Mayamaya ay kasing bilis ng baha ang pagragasa ng nakaraan sa kanyang isipan. Tila ipinakikita sa kanya kung ano ang nangyari noon sa kanyang mga kalahi nang hindi na ito bumalik sa kanilang tribo. Malakas na sigaw ang pinakawalan niya nang masilayan kung ano ang sinapit ng kanilang ama.

"Flaviano, ano'ng nangyayari sa 'yo?" tanong ni Damian, bigla siyang dinaluhan nito at saka inalalayan upang makatayo nang maayos.

"S-si A-ama... nakita ko si Ama!" aniya.

"Ano'ng ibig mong sabihin, Flaviano? Hindi ko maintindihan! Saan mo nakita si Am-"

"Sa isip ko!" mabilis na sagot niya.

Tumawa nang malakas ang kakambal niya. "Marahil ay epekto lamang iyan ng gutom, bayaan mo't nasa harapan na natin ang napakasarap na pagkain," anito.

"Subukin mong tikman ang dugo ng babaeng iyan, Damian. Hindi ako nagbibiro-nakita ko si Ama pati na rin ang iba pa!"

Ngumiti si Damian, ginawa naman nito ang nais niya. Ilang sandali pa ay tila napatunayan na nitong totoo nga ang sinasabi niya. Ipinatikim din nila sa iba ang dugo ng babae, matapos iyon ay inutusan niyang bumaba ang ilan sa kapatagan upang masiguro kung tama ang kanyang sapantaha. Hindi naglaon ay napatunayan nila na ang dugo nga ng babaeng iyon ang nagpalaya sa kanila. Ang dugo na nagmula sa angkan ng mga Mondragon, mula sa supling ng taong pumatay sa kanilang kapatid at ama.

Muli silang nakalabas sa kabundukang iyon.

Ngunit, sumidhi ang pagkamuhi niya sa mga taga-Sighay, dahil ang mga ito rin ang naging puno't dulo sa lahat ng kamalasang sinapit nila. Lalo pa nang makita niyang namumuhay ang mga ito nang malaya at mapayapa sa loob ng mahabang panahon. Samantalang sila ay nagdusa't nakulong sa bundok na iyon, gayong sila itong naagrabiyado. Hindi niya matataggap iyon. Nararapat lamang na parusahan ang mga taong may malaking pagkakasala sa kanila!

Naikuyom nang mahigpit ni Flaviano ang kanyang kamay nang muling maalala ang naganap na iyon may isang buwan na ang nakakaraan. Hindi siya papayag na masira ang lahat ng kanyang mga plano. Sa pagkawala ng kanyang kakambal na si Damian, ay lalong sumidhi ang pagkamuhi niya sa mga tao. Lalo na nang malaman niyang mula na naman sa lahi ni Gustavo ang pumatay kay Damian, at ngayon ay nalagasan na naman sila ng tatlo. Hindi siya papayag na walang magbabayad sa lahat ng mga nangyayaring ito!

"Aurelia! Wala pa ba sina Abarran at Faustina?"

"W-wala pa, ama, hindi pa sila bumabalik," anito.

"Kung ganoon, nasaan ang iyong asawa? Papuntahin mo siya rito at may ipag-uutos ako... ipatawag mo na rin ang lahat."

"Opo, ama." Mabilis na umalis ang anak niyang si Aurelia. Isang ngiti ang gumuhit sa mga labi niya habang naghihintay sa kanyang truno.

Mayamaya ay dumating ang kanyang manugang, isa ito sa mga pinagkakatiwalaan niya at maaasahan niyang tunay.

Yumuko ito sa kanyang harapan pagkatapos ay deritsong tumitig sa kanyang mga mata. "Ipinatawag n'yo raw ako, ama? May nais ba kayong ipagawa sa akin?"

"Mayroon, Claudio, gusto kong dalhin mo rito ang apat na bihag!"

Tumango-tango si Claudio matapos marinig ang kanyang sinabi. "Masusunod po, ama," anito bago tumalikod at mabilis na umalis.

Nagsidatingan naman ang kanyang mga kalahi. Mataman niyang pinagmasdan ang mga ito na yumuyuko sa ibaba ng kanyang truno, pagkatapos ay nagkanya-kanya na itong hanap ng mapupuwistuhan. Kung tutuusin, kakaunti na lang ang bilang ng mga kasama niya. Nasa mahigit tatlumpu na lamang siguro ang mga ito, karamihan pa ay matatanda na rin katulad niya. Iilan lamang kasi ang katulad niyang nakapag-asawa pa dahil kaunti lang ang bilang ng mga babae sa kanilang lahi. Ang ilan ay namamatay agad matapos magsilang sa kadahilanang natatalo sila ng sanggol na kanilang iniluwal. Katulad na lamang ng kanyang ina at ng asawang maaga rin siyang iniwan.

Mabuti na lamang at likas na malakas ang kanyang nag-iisang anak na si Aurelia, nabiyayaan pa siya nito ng dalawang maasahang mga apo.

Nasaan nga ba ang dalawang iyon?

Inilibot niya ang kanyang paningin upang hanapin sina Abarran at Faustina, ngunit bigo siyang makita ang mga ito. Marahil ay hindi pa nakakabalik ang dalawa, mukhang hindi nga basta-basta ang bagong salta na naglakas loob na pumasok sa kanyang teritoryo.

Nagtagis ang mga bagang niya nang ituon ang paningin sa apat na bangkay na nasa ibabaw ng lamesang bato. Muli na naman silang nabawasan, at tao ang may gawa!

Mahigpit niyang ikinuyom ang kanyang mga kamao, dahilan upang bumaon ang mahahaba niyang mga kuko sa kanyang palad. Hindi niya alintana ang hapding nararamdaman, kung tutuusin, walang-wala iyon sa sakit na dinala niya nang mahabang panahon.

Matiim niyang tinitigan ang sariling palad, nagtamo iyon ng malalalim na sugat at napuno ng dugo. Mayamaya ay tila nagkaroon ng buhay ang nagkalat niyang dugo, muli itong pumasok sa mga sugat niya pagkatapos ay unti-unting naghilom ang hiwa sa kanyang balat.

Isang nakakakilabot na ngisi ang gumuhit sa mga labi niya.

Ilang sandali pa ay bumalik si Claudio, kasama ang dalawa sa kanyang mga tauhan. Guwardiyado ng mga ito ang apat na bihag.

"Bilisan ninyo ang kilos!" sabi ni Claudio, sunod-sunod nitong itinulak sa gitna ang apat na bihag.

"Lumuhod kayo at magbigay galang sa aming pinuno," wika ng isa sa kanyang mga tauhan. Pinilit nitong paluhurin ang apat. May tatlong agad na sumunod maliban sa isa na tila nagmamatigas pa. Bugbog sarado na nga ito noong nagdaang gabi ngunit may lakas pa rin ito ng loob na suwayin ang ipinag-uutos ng kanyang tauhan. Halata namang pilit na lamang nitong nilalaban ang panghihina ng katawan, ni hindi na nga ito makatayo ng tuwid.

Isang masamang tingin ang ipinukol niya sa bihag, hindi ito natinag at nakipagtagisan nang titigan sa kanya.

"Diyos ka ba para lumuhod ako?" matigas na wika nito.

Hindi niya nagustuhan ang sinabi ng bihag.

"Matigas ang isang iyan. Ang lakas ng loob na sumuway sa utos at pagsalitaan ako nang ganyan!"

"Tama ka, ama," sagot ni Claudio sa kanyang isipan. "Ano'ng gagawin natin sa isang 'yan?"

"Alam mo na kung ano ang nararapat sa lalaking iyan, Claudio! Nais kong igawad sa kanya ang kakaibang kaparusahan!" aniya. Nakita niyang tumango-tango si Claudio, pati na rin ang karamihan sa kanyang kalahi. Hindi lingid sa mga ito ang pinag-uusapan nila ng kanyang manugang."Ilapit siya sa 'kin!"

Lumapit ang dalawang tauhan niya sa bihag at hinaklit ng mga ito ang magkabilaang braso ng lalaki.

"B-bitiwan n'yo ako! Mga halimaw!"

"Mag-iingat ka sa mga tinatawag mong halimaw-magiging halimaw ka rin naman," kampanting wika ni Claudio, nasa likuran pa rin ito ng bihag.

Sinubukan ng lalaking magpumiglas, ngunit wala naman itong laban sa lakas ng kanyang mga tauhan? "Kahit ano'ng mangyari, hindi ako magiging katulad n'yo!" anito.

Tumayo siya sa kanyang truno at pagkatapos ay marahang naglakad palapit sa nagpupumiglas na bihag. Nang isang dipa na lang ang layo nito sa kanya ay pinasadahan niya ng tingin ang kabuuan ng lalaki.

Sa tantiya niya ay kaidaran lamang ito ng kanyang apo na si Abarran. May mahabang galos na ito sa pisngi, at halos nakapikit na ang kaliwang mata dahil namamaga iyon. Ganoon pa man, bakas sa pangahan nitong mukha ang pinipigil na galit para sa kanya. Matikas din ang hubog ng pangangatawan nito. May mga natuyong patak ng dugo sa suot nitong kangan na nakapatong sa kulay puting damit na nanlilimahid sa sobrang dumi.

"Ano ang ngalan mo, lalaki?" tanong niya. Muli niyang tinitigan ang mukha nito.

Lumipas na ang ilang sandali ngunit wala siyang nakuhang sagot mula sa lalaki. Talagang matigas ito.

Binatukan ito ni Claudio. "Sumagot ka kapag tinatanong ka-kilalanin mo ang taong nasa harap mo... wala kang galang!" Batid niyang nauubos na ang pasensya ng kanyang manugang.

Ngunit, lihim naman niyang ikinatutuwa ang pagmamatigas ng bihag.

"Hanga ako sa katapangang ipinamamalas mo, lalaki. Ngunit, hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan mong maging matapang... hindi mo alam kung saan ka dadalhin niyan. Bakit hindi mo subuking mag-"

"H-hindi ko kailangan ng payo mo, matandang hukluban." Masama siyang tinitigan nito. "Mga mamamatay tao."

Agad na umigkas ang palad niya at malakas iyong pinadapo sa mukha ng lalaki. Napadaing ito nang mahina at tumulo ang pulang likido mula sa bibig nito.

Nang idako niya ang paningin sa kanyang mga kalahi ay nakita niyang nanlilisik na ang mga mata ng karamihan. May ilan na nag-uumpisa ng lumitaw ang mga kulay itim na ugat sa leeg at mukha, mayroon ding naglalaway. Hindi niya masisisi ang kanyang mga kalahi, masyadong mabango ang amoy ng sariwang dugo kaya mahirap pigilin ang sarili na huwag matakam sa pagkaing nasa kanilang harapan.

Tahimik naman ang tatlong kasama nito. Animo'y mga basang sisiw na nangangatog ang mga tuhod. Wala siyang mapapala sa mahihinang nilalang na ito!

Muli niyang ibinaling ang atensyon sa lalaking kaharap. Mabilis ang pagbaba-taas ng mga balikat nito.

"Masyadong matalas ang dila mo, tagapatag! Ano kaya kung putulin ko iyan at ipakain ko sa 'yo?" Halos maningkit ang mga mata niya dahil sa pagtitig sa lalaking ito, ngunit ang hunghang ay nagawa pa siyang ngisihan. "Tingnan ko lang kung saan ka dadalhin niyang katapangan mo!"

Lumingon siya sa kanyang dalawang tauhan. "Hawakan ninyo nang mahigpit!"

"Masusunod po, pinuno!" halos magkasabay na wika ng dalawa.

Muli siyang bumaling sa lalaki at hinigit ang suot nitong kangan. "Uulitin ko ang tanong at sagutin mo... ano ang ngalan mo, lalaki?"

"Pwee! 'Yan ang sagot ko!" anito. Ngumisi ito nang nakakaloko.

Umugong ang angil ng kanyang mga kalahi dahil sa kalapastanganang ginawa sa kanya ng lalaking ito. Dinakma ni Claudio ang likuran bahagi ng leeg nito, maging itong naubos na rin ang pasensya sa kanilang bihag.

Marahas niyang pinunas ang laway nitong unti-unting dumudulas sa kanyang pisngi. Isang masamang tingin ang ipinukol niya sa bihag. Napatid na ang pisi niya at naubos na rin ang kanyang pagtitimpi.

Hinablot niya ang kamay ng bihag at ubod lakas na ibinaon sa laman nito ang mga pangil niyang biglang umusbong! Pumalag ito ngunit ano ba ang laban nito sa kanyang lakas? May paraan pa upang makilala niya kung sino ang lalaking ito?

Sinubukan niyang tikman ang dugo ng bihag, upang malaman niya kung saang angkan ito nagmula. Nakapagtataka kasi ang ipinapakita nitong katapangan na gumising sa kanyang kuryusidad. Mariin siyang pumikit nang magsimulang gumuhit sa kanyang isipan ang mahahalagang pangyayari sa buhay ng lalaking ito. Mayamaya ay agad siyang dumilat at bumitiw mula sa pagkagat sa kamay nito.

Biglang nanlamig ang kanyang mga kamay, nakaawang ang bibig, at nanlaki ang kanyang mga mata. Hindi siya makapaniwala sa kanyang natuklasan!

Ano nga kaya ang natuklasan ng pinuno ng mga Bangkilan na si Flaviano? Sino nga kaya ang bihag na iyon? Isa kaya siyang kakampi o isang kaaway?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top